Add parallel Print Page Options

Nakita ko ulit ang mga pang-aapi rito sa mundo. Umiiyak ang mga inaapi, pero walang tumutulong sa kanila dahil makapangyarihan ang mga umaapi sa kanila. Kaya nasabi kong mas mabuti pa ang mga patay kaysa sa mga buhay. Pero higit na mabuti ang mga hindi pa ipinapanganak, na hindi pa nakakakita ng kasamaan dito sa mundo.

Nakita ko rin na nagsusumikap ang mga tao at ginagawa ang lahat ng makakaya dahil naiinggit sila sa kanilang kapwa. Wala itong kabuluhan; para silang humahabol sa hangin.

Hangal ang taong tamad, kaya halos mamatay sa gutom. Mas mabuti pang magkaroon ng isang dakot na pagkain pero may kapayapaan, kaysa sa maraming pagkain pero hirap na hirap naman sa pagtatrabaho at nauuwi lang sa wala ang lahat. Para ka lang humahabol sa hangin.

May nakita pa ako sa mundong ito na walang kabuluhan. May isang taong nag-iisa sa buhay. Wala siyang anak at wala ring kapatid. Pero wala siyang tigil sa pagtatrabaho at hindi nakokontento sa kanyang kayamanan. Sinabi niya sa kanyang sarili, “Hindi na ako nakakapagsaya dahil sa sobrang pagtatrabaho. Pero wala naman akong mapag-iiwanan ng aking mga pinaghirapan.” Wala itong kabuluhan! At napakalungkot ng ganitong klase ng buhay.

Mas mabuti ang may kasama kaysa mag-isa; mas marami silang magagawa. 10 Kapag nadapa ang isa sa kanila maitatayo siya ng kanyang kasama. Kaya nakakaawa ang taong nag-iisa at nadapa, dahil walang tutulong sa kanya. 11 Kapag malamig, pwede kayong matulog nang magkatabi at pareho kayong maiinitan. Pero kung nag-iisa ka, papaano ka maiinitan? 12 Madali kang matalo kung nag-iisa ka, pero kung may kasama ka, mahirap kayong talunin. Tulad din ng lubid na may tatlong pilipit na hibla, mahirap itong malagot.

13 Mas mabuti pa ang isang batang mahirap pero marunong, kaysa sa isang matandang hari pero hangal at ayaw tumanggap ng payo. 14 At maaaring maging hari ang batang iyon kahit siya ay nakulong at ang matandang hari namang iyon ay maaaring maghirap kahit na ipinanganak pa siyang dugong bughaw. 15 Pero naisip ko na kahit maraming tao dito sa mundo ang susunod sa batang iyon na pumalit sa hari, 16 at hindi mabilang ang mga taong paghaharian niya, maaaring hindi rin masisiyahan sa kanya ang susunod na henerasyon. Ito man ay wala ring kabuluhan. Para kang humahabol sa hangin.

Huwag Pabigla-bigla sa Pangako

Mag-ingat ka sa ikikilos mo kung pupunta ka sa templo ng Dios. Mas mabuting pumunta ka roon na handang sumunod[a] sa Dios, kaysa sa maghandog na gaya ng paghahandog ng isang mangmang na hindi alam kung ano ang mabuti at masama. Huwag kang pabigla-bigla sa pagsasalita. Mag-isip ka muna nang mabuti bago ka mangako sa Dios. Tandaan mo na ang Dios ay nasa langit at ikaw ay nandito sa lupa. Kaya mag-ingat ka sa pagsasalita. Kung papaanong madaling managinip kapag maraming alalahanin, madali ring makapagsalita ng kamangmangan kung padalos-dalos ka sa iyong pagsasalita. Kapag nangako ka sa Dios, tuparin mo agad ito. Tuparin mo ang ipinangako mo sa kanya dahil hindi siya natutuwa sa mga hangal na hindi tumutupad sa mga pangako. Mas mabuti pang huwag ka na lang mangako kaysa mangako ka at hindi mo naman tutuparin. Huwag kang magkasala sa iyong pagsasalita. At huwag mong sabihin sa pari[b] na nasa templo na hindi mo sinasadya ang iyong pangako sa Dios. Dahil magagalit ang Dios kung gagawin mo ito at sisirain niya ang lahat ng pinaghirapan mo. Ang sobrang pananaginip at pagsasalita ay walang kabuluhan. Sa halip, matakot ka sa Dios.

Walang Kabuluhan ang Kayamanan

Huwag kang magtaka kung makita mo sa inyong lugar na ang mga mahihirap ay inaapi at pinagkakaitan ng katarungan at karapatan. Dahil ang mga pinunong gumigipit sa kanila ay inaalagaan ng mas nakatataas na pinuno, at ang dalawang ito ay inaalagaan ng mas mataas pang pinuno. Pero mas lamang pa rin ang nakukuha ng hari sa kita ng lupain ng mahihirap, kaysa sa lahat ng mga pinuno.

10 Ang taong maibigin sa pera at iba pang kayamanan, kailanman ay hindi masisiyahan. Wala rin itong kabuluhan. 11 Kung dumarami ang kayamanan mo, dumarami rin ang nakikinabang nito, kaya wala kang mapapala sa kayamanan mo kundi pagmasdan lang ito. 12 Mahimbing ang tulog ng isang manggagawa, marami man o kaunti ang pagkain niya; pero ang mayaman, hindi makatulog nang mahimbing dahil sa kanyang kayamanan.

13 May nakita akong hindi maganda rito sa mundo: Ang kayamanang iniipon ng tao ay nakapagpapahamak sa kanya. 14 Nauubos ito dahil sa hindi mabuting negosyo at wala ng matitira para sa mga anak niya. 15 Kung paanong hubad tayong ipinanganak mula sa sinapupunan ng ating ina, hubad din tayong mamamatay. Hindi natin madadala ang ating mga pinaghirapan. 16 Napakalungkot isipin! Ipinanganak tayong walang dala, mamamatay tayong walang dala. Kaya ano pa ang saysay ng mga pagpapakahirap natin? Para lang tayong humahabol sa hangin na walang napapala. 17 Ang buhay natin ay puno ng kahirapan, kaguluhan, sakit at galit.

18 Kaya naisip ko na ang pinakamabuting gawin ng tao sa maiksing buhay na ibinigay sa kanya ng Dios ay kumain, uminom at magpakasaya sa kanyang pinaghirapan habang siyaʼy nabubuhay, dahil para naman talaga sa kanya ang mga iyon. 19 Binibigyan ng Dios ang bawat tao ng mga pag-aari at kayamanan. Hinahayaan niyang pakinabangan nila ang mga ito para matanggap nila ang para sa kanila at magpakasaya sa mga pinaghirapan nila. Ito ang regalo ng Dios sa kanila. 20 At dahil ginagawa ng Dios na abala ang tao sa mga bagay na nakapagpapasaya sa kanila, hindi sila nag-aalala na maiksi ang buhay nila.

May nakita pa akong isang hindi magandang pangyayari rito sa mundo na nagpapahirap sa mga tao. May mga taong binibigyan ng Dios ng kanilang mga hinahangad tulad ng karangalan, ari-arian at kayamanan. Pero hindi niya hinahayaang pakinabangan nila ito, sa halip, ibang tao ang nakikinabang nito. Hindi ito maganda at walang kabuluhan. Masasabi kong mas mabuti pa ang isang sanggol na ipinanganak na patay kaysa sa taong nabuhay nga nang matagal at nagkaanak pa ng marami, pero hindi naman nagkaroon ng kasiyahan sa buhay at hindi nailibing nang maayos. Kahit walang saysay ang pagkakapanganak sa sanggol, at kahit na siya ay nasa lugar ng mga patay at hindi na maaalala pa, at kahit hindi siya nakakita ng liwanag ng araw o nalaman ang buhay, mas may kapayapaan pa siya kaysa sa taong iyon na walang kasiyahan sa mga magagandang bagay na kanyang natanggap at kahit na mabuhay pa ang taong iyon ng ilang libong taon. Ang totoo ay iisa ang hahantungan ng lahat.

Nagtatrabaho ang tao para may makain, pero hindi pa rin siya nasisiyahan. Kaya ano ang lamang ng marunong sa mangmang? Ano ang mapapala ng mahirap kahit alam niya ang pasikot-sikot sa buhay? Wala itong kabuluhan! Para siyang humahabol sa hangin. Kaya mas mabuting masiyahan ka sa mga bagay na mayroon ka, kaysa sa maghangad ka nang maghangad ng mga bagay na wala sa iyo. 10 Lahat ng pangyayari sa mundo at mangyayari sa isang taoʼy nakatakda na noon pa. Kaya walang saysay na makipagtalo pa tayo sa Dios na higit na makapangyarihan kaysa sa atin. 11 At habang nakikipagtalo tayo, dadami lang ang sasabihin nating walang kabuluhan. Kaya ano ang pakinabang nito? 12 Walang sinumang nakakaalam kung ano ang mabuti para sa isang taong maikli at walang kabuluhan ang buhay – lumilipas lang ito na parang anino. Sino ang makapagsasabi sa kanya kung ano ang mangyayari sa mundo pagkamatay niya?

Footnotes

  1. 5:1 sumunod: o, makinig.
  2. 5:6 pari: sa literal, mensahero; o, anghel. Sa tekstong Septuagint at Syriac, Dios.