Malakias 3
Ang Biblia (1978)
Ang pagdating ng sugo ng Panginoon.
3 Narito, (A)aking sinusugo ang (B)aking sugo, (C)at siya'y maghahanda, ng daan sa harap ko: at ang Panginoon na inyong hinahanap, (D)ay biglang paroroon sa kaniyang templo; at (E)ang sugo ng tipan na inyong kinaliligayahan, narito, siya'y dumarating, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
2 Nguni't sino ang makatatahan (F)sa araw ng kaniyang pagparito? at sino ang tatayo pagka siya'y pakikita? sapagka't siya'y parang apoy ng mangdadalisay, at parang sabon ng mga tagapagpaputi:
3 At siya'y mauupong gaya ng mangingintab at mangdadalisay ng pilak, at kaniyang dadalisayin ang mga anak ni Levi, at kaniyang pakikinising parang ginto at pilak; at sila'y mangaghahandog sa Panginoon ng mga handog sa katuwiran.
4 Kung magkagayo'y ang handog ng Juda at ng Jerusalem ay magiging kalugodlugod sa Panginoon, gaya ng mga araw nang una, at gaya ng mga taon nang una.
5 At aking lalapitan kayo sa kahatulan; at ako'y magiging maliksing saksi laban sa mga manghuhula, at laban sa mga mangangalunya, at laban sa mga sinungaling na manunumpa, at laban (G)doon sa nagsisipighati sa mangaaraw sa kaniyang mga kaupahan, sa (H)babaing bao, at sa ulila, at sa nagliligaw sa taga ibang lupa mula sa kaniyang matuwid, at hindi natatakot sa akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
6 Sapagka't ako, ang Panginoon, ay (I)hindi nababago, (J)kaya't kayo, Oh mga anak na lalake ni Jacob ay hindi nangauubos.
Ang pagsamo ng Panginoon at pagtutol.
7 (K)Mula nang mga kaarawan ng inyong mga magulang kayo'y nangagpakaligaw sa aking mga tuntunin, at hindi ninyo tinalima. (L)Manumbalik kayo sa akin, at ako'y manunumbalik sa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. (M)Nguni't inyong sinasabi, Sa ano kami manunumbalik?
8 Nanakawan baga ng tao ang Dios? gayon ma'y ninanakaw ninyo ako. Nguni't inyong sinasabi, (N)Sa ano ka namin ninakawan? Sa mga ikasangpung bahagi at sa mga handog.
9 Kayo'y nangagsumpa ng sumpa sapagka't inyo akong ninakawan, sa makatuwid baga'y nitong buong bansa.
10 Dalhin ninyo ang buong ikasangpung bahagi sa kamalig, upang magkaroon ng (O)pagkain sa aking bahay, at (P)subukin ninyo ako ngayon sa bagay na ito, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan.
11 At aking sasawayin ang mananakmal dahil sa inyo, at hindi niya sisirain ang mga bunga sa inyong lupa; (Q)ni malalagasan man ng bunga sa di panahon ang inyong puno ng ubas sa parang, sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
12 (R)At tatawagin kayo ng lahat na bansa na mapalad: sapagka't kayo'y magiging maligayang lupain, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
13 Ang inyong mga salita ay (S)naging lapastangan laban sa akin, sabi ng Panginoon. Gayon ma'y inyong sinasabi, Sa ano kami nangagsalita ng laban sa iyo?
14 (T)Inyong sinabi, Walang kabuluhan ang maglingkod sa Dios; at anong kapakinabangan nito na ating iningatan ang kanyang bilin, at tayo'y nagsilakad na may pananangis sa harap ng Panginoon ng mga hukbo?
15 At ngayo'y ating tinatawag ang palalo na mapalad, oo, silang nagsisigawa ng kasamaan ay nangagtayo; oo, kanilang tinutukso ang Dios, at tumatakas.
16 Nang magkagayo'y silang nangatatakot sa Panginoon ay nagsangusapan: at pinakinggan ng Panginoon, at dininig, at isang (U)aklat ng alaala ay nasulat sa harap niya, para sa kanila na nangatakot sa Panginoon, at gumunita ng kaniyang pangalan.
17 At sila'y magiging akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, sa araw na aking gawin, sa makatuwid baga'y isang tanging kayamanan; at akin silang (V)kaaawaan, na gaya ng isang tao na naaawa sa kaniyang anak na naglilingkod sa kaniya.
18 Kung magkagayo'y manunumbalik kayo (W)at makikilala ninyo ang matuwid at ang masama, yaong naglilingkod sa Dios at yaong hindi naglilingkod sa kaniya.
Malakias 3
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
3 Makinig kayo sa sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan: “Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo. At ang Panginoon na inyong hinihintay ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang inyong pinakahihintay na sugo na magsasagawa ng aking kasunduan.”
2-3 Pero sino ang makatatagal sa araw ng kanyang pagdating? Sino ang makakaharap sa kanya kapag nagpakita na siya? Sapagkat para siyang apoy na nagpapadalisay ng bakal o parang sabon na nakakalinis. Lilinisin niya ang mga paring Levita, tulad ng pagpapadalisay ng pilak at ginto, upang maging malinis ang kanilang buhay at maging karapat-dapat silang maghandog sa Panginoon.[a] 4 Sa ganoon, muling malulugod ang Panginoon sa mga handog ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem, gaya ng dati.
5 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa mga Israelita, “Darating ako upang hatulan kayo. Sasaksi agad ako laban sa mga mangkukulam, sa mga nangangalunya, sa mga sinungaling na saksi, sa mga nandaraya sa sahod ng kanilang mga manggagawa, sa mga nanggigipit sa mga biyuda at mga ulila, at sa mga hindi makatarungan sa mga dayuhan. Gagawin ko ito sa inyo na mga walang takot sa akin.”
Ang Pagbibigay ng Ikapu
6 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Ako, ang Panginoon, ay hindi nagbabago. Kaya nga kayong mga lahi ni Jacob ay hindi lubusang nalipol. 7 Tulad ng inyong mga ninuno, hindi kayo sumunod sa aking mga tuntunin. Manumbalik kayo sa akin, ang Panginoong Makapangyarihan, at babalik[b] ako sa inyo. Pero itinatanong ninyo, ‘Paano kami manunumbalik sa inyo?’ 8 Magtatanong din ako sa inyo, maaari bang nakawan ng tao ang Dios? Parang imposible. Pero ninanakawan ninyo ako. At itinatanong inyo, ‘Paano namin kayo ninanakawan?’ Ninanakawan ninyo ako dahil hindi ninyo ibinibigay ang inyong mga ikapu[c] at mga handog. 9 Iyan ang dahilan kung bakit ko isinumpa ang buong bansa. 10 Pero ngayon, hinahamon ko kayo na subukan ninyo ako, ang Panginoong Makapangyarihan. Dalhin ninyo nang buo ang inyong mga ikapu sa bodega ng templo upang may pagkain sa aking templo. Kapag ginawa ninyo ito, padadalhan ko kayo ng ulan[d] at ibubuhos ko ang sobra-sobrang pagpapala. 11 Hindi ko papayagang sirain ng peste ang inyong mga pananim o malagas ang bunga ng inyong mga ubas. 12 Tatawagin kayong mapalad[e] ng lahat ng bansa, dahil napakabuting tirhan ang inyong lupain. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”
13 Sinabi pa ng Panginoon, “Masasakit ang inyong sinabi tungkol sa akin. Pero itinatanong ninyo, ‘Ano ang sinabi naming masakit tungkol sa inyo?’ 14 Hindi baʼt sinabi ninyo, ‘Walang kabuluhan ang maglingkod sa Dios. Ano ba ang mapapala natin kung susundin natin ang kanyang mga utos? At ano ang mapapala natin kung ipapakita natin sa Dios na nalulungkot tayo at nagsisisi sa ating mga kasalanan? 15 Masasabi pa nga natin na mapalad ang mga taong mayabang. Sapagkat sila na gumagawa ng masama ay umuunlad. At kahit na sinusubukan nila ang Dios, hindi sila pinarurusahan.’ ”
16 Pagkatapos, nag-usap-usap ang mga taong may paggalang sa Panginoon. Narinig ng Panginoon ang kanilang pinag-uusapan. Ang kanilang pangalan ay isinulat sa aklat na nasa harapan ng Panginoon, para maalala niya silang mga may takot at kumikilala sa kanya.
17 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Magiging akin sila sa araw ng paghatol ko. Ituturing ko silang isang tanging kayamanan. Hindi ko sila parurusahan, tulad ng isang amang hindi nagpaparusa sa anak na masunurin. 18 At muling makikita ng mga tao ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama, at ang pagkakaiba ng naglilingkod sa akin at ng hindi.”
Footnotes
- 3:2-3 upang … Panginoon: o, upang maghandog sila ng tamang mga handog sa Panginoon.
- 3:7 babalik: o, tutulong.
- 3:8 ikapu: Tungkulin ng mga Israelita na magbigay sa Panginoon ng ikapu ng kanilang mga ani at mga hayop (Lev. 27:30–33; Deu. 14:22-29).
- 3:10 padadalhan … ulan: sa literal, bubuksan ko ang mga bintana ng langit. Tingnan ang kahulugan nito sa Gen. 7:11.
- 3:12 mapalad: o, pinagpala.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
