Add parallel Print Page Options

Ito ang mensahe ng Panginoon para sa mga taga-Israel sa pamamagitan ni Malakias.

Mahal ng Dios ang mga Israelita

Sinabi ng Panginoon, “Mahal ko kayo. Pero nagtatanong pa kayo, ‘Paano mo kami minahal?’ Alalahanin ninyo na kahit magkapatid sina Esau at Jacob, minahal[a] ko si Jacob pero si Esau, hindi. Winasak ko ang kanyang mga kabundukan, kaya naging tirahan na lamang ng mga asong-gubat.

“Maaaring sabihin ng mga Edomita na mga lahi ni Esau, ‘Kahit na winasak ang aming bayan, itoʼy muli naming itatayo.’ Ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay nagsasabi: Kahit na itayo nilang muli ang kanilang bayan, gigibain ko pa rin ito. Tatawagin silang ‘masamang bansa’ at ‘mga mamamayang laging kinapopootan ng Panginoon.’ Makikita ninyo ang kanilang pagkawasak at sasabihin ninyo, ‘Makapangyarihan ang Panginoon kahit sa labas ng Israel.’ ”

Sinaway ng Panginoon ang mga Pari

Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa mga pari, “Iginagalang ng anak ang kanyang ama at iginagalang ng alipin ang kanyang amo. Pero bakit ako na inyong ama at amo ay hindi ninyo iginagalang? Nilalapastangan ninyo ako. Pero nagtatanong pa kayo, ‘Paano ka namin nilalapastangan?’ Nilalapastangan ninyo ako sa pamamagitan ng paghahandog ng maruruming[b] handog sa aking altar. Pero nagtatanong pa kayo, ‘Paano naging marumi ang aming handog?’[c] Naging marumi ang inyong handog dahil sinasabi ninyo na walang kabuluhan ang aking altar. Kaya hinahandugan ninyo ako ng mga hayop na bulag, pilay o may sakit. Hindi tama iyan. Ganyan kaya ang ihandog ninyo sa inyong gobernador at tingnan nʼyo kung matutuwa at malulugod siya sa inyo.”

Sinabi ni Malakias, “Kayong mga pari, hilingin ninyo sa Dios na kaawaan niya tayo. Pero sa ganyang klaseng mga inihahandog ninyo sa kanya, tiyak na hindi niya kayo kalulugdan. Iyan ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon.”

10 Sinabi ng Makapangyarihang Panginoon, “May isa sana sa mga pari nʼyo na magsara ng mga pintuan ng aking templo, upang hindi na kayo magsisindi ng walang kabuluhang apoy sa aking altar. Hindi ko tatanggapin ang inyong mga handog dahil hindi ako nalulugod sa inyo. 11 Ang totoo, pinupuri ang aking pangalan ng mga bansa, mula silangan hanggang kanluran.[d] Kahit saan nagsusunog ang mga tao ng insenso at naghahandog[e] ng malinis[f] na handog sa akin na Panginoong Makapangyarihan. 12 Pero kayo, nilalapastangan ninyo ako, dahil sinasabi ninyong marumi ang aking altar at walang kabuluhan ang mga inihahandog doon. 13 Sinasabi pa ninyo na nagsasawa na kayo sa paghahandog at binabalewala ninyo ang aking altar.[g] Kaya hinahandugan ninyo ako ng mga hayop na may sugat,[h] pilay o may sakit. Akala ba ninyoʼy tatanggapin ko iyan? 14 Susumpain ko ang mga mandaraya sa inyo, na nangakong maghahandog ng pinakamabuting hayop pero ang inihahandog ay ang may kapintasan. Susumpain ko siya dahil ako ang makapangyarihang hari na kinatatakutan ng mga bansa. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

Ang Parusa sa mga Paring Suwail

1-2 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan sa mga pari, “Ito ang aking babala sa inyo: Kung hindi ninyo pakikinggan ang sinasabi ko at hindi ninyo pahahalagahan ang pagpaparangal sa akin, susumpain ko kayo, pati na ang mga pagpapalang tinatanggap ninyo bilang mga pari.[i] Sa katunayan, ginawa ko na iyan dahil hindi ninyo pinahahalagahan ang pagpaparangal sa akin.

“Makinig kayo! Dahil sa inyo, parurusahan ko ang inyong mga lahi. Isasaboy ko sa inyong mukha ang dumi ng mga hayop na inyong inihahandog at itatapon din kayo sa tapunan ng mga dumi. Dapat ninyong malaman na binabalaan ko kayo upang magpatuloy ang aking kasunduan sa inyong ninunong si Levi. Sa aking kasunduan kay Levi, ipinangako ko sa kanya ang buhay[j] at kapayapaan, basta igalang lamang niya ako. At iyan nga ang kanyang ginawa. Itinuro niya ang katotohanan at hindi ang kasinungalingan. Maayos ang kanyang relasyon sa akin at namuhay siya nang matuwid. At tinulungan niya ang maraming tao upang huwag nang gumawa ng kasalanan.

“Sa katunayan, tungkulin ninyong mga pari na turuan ang mga tao, na malaman nila ang tungkol sa akin. At dapat naman silang magpaturo sa inyo, dahil mga sugo ko kayo. Pero hindi ninyo sinunod ang aking mga pamamaraan. Ang mga turo ninyo ang nagtulak sa marami para magkasala. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabing, sinira nʼyo ang kasunduan ko sa ninuno ninyong si Levi. Kaya ipinahamak at ipinahiya ko kayo sa lahat ng tao dahil hindi ninyo sinunod ang aking mga pamamaraan, at may kinikilingan kayo sa inyong pagtuturo.”

Hindi Naging Tapat ang mga Israelita

10 Sinabi ni Malakias sa mga Israelita: Hindi baʼt iisa ang ating ama?[k] At iisang Dios ang lumalang sa atin? Bakit hindi tayo nagiging tapat sa isaʼt isa? Sa ginagawa nating ito, binabalewala natin ang kasunduan ng Dios sa ating mga ninuno.

11 Naging taksil ang mga taga-Juda. Gumawa sila ng kasuklam-suklam sa Jerusalem at sa buong bansa ng Israel. Sapagkat dinungisan nila ang templo[l] na mahal ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapakasal sa mga babaeng sumasamba sa ibang mga dios. 12 Huwag na sanang ituring na kabilang sa mga mamamayan ng Israel ang mga taong gumagawa nito, pati na ang mga anak nila at mga apo,[m] kahit na maghandog pa sila sa Panginoong Makapangyarihan.

13 Ito pa ang inyong ginagawa: Iyak kayo nang iyak sa altar ng Panginoon dahil hindi na niya pinapansin ang inyong mga handog at hindi na siya nalulugod sa mga iyon. 14 Itinatanong ninyo kung bakit? Sapagkat saksi ang Panginoon na nagtaksil kayo sa asawa na inyong pinakasalan noong inyong kabataan. Sinira ninyo ang inyong kasunduan na magiging tapat kayo sa isaʼt isa. 15 Hindi baʼt pinag-isa kayo ng Dios sa katawan at sa espiritu para maging kanya?[n] At bakit niya kayo pinag-isa? Sapagkat gusto niyang magkaroon kayo ng mga anak na makadios. Kaya siguraduhin ninyong hindi kayo magtataksil sa babaeng pinakasalan ninyo noong inyong kabataan. 16 Sapagkat sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, “Ayaw kong maghiwalay ang mag-asawa. Kung hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa, itoʼy pagmamalupit sa asawang babae.”

Kaya siguraduhin ninyong hindi kayo magtataksil sa inyong asawa.

Ang Araw ng Paghatol ng Panginoon

17 Sawang-sawa na ang Panginoon sa inyong mga sinasabi. Pero itinatanong pa ninyo, “Ano ang ikinasasawa niya sa amin?” Sinasabi ninyo na mabuti sa paningin ng Dios ang lahat ng gumagawa ng masama at natutuwa siya sa kanila. Pakutya ninyong sinasabi, “Nasaan na ang Dios ng katarungan?”

Makinig kayo sa sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan: “Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo. At ang Panginoon na inyong hinihintay ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang inyong pinakahihintay na sugo na magsasagawa ng aking kasunduan.”

2-3 Pero sino ang makatatagal sa araw ng kanyang pagdating? Sino ang makakaharap sa kanya kapag nagpakita na siya? Sapagkat para siyang apoy na nagpapadalisay ng bakal o parang sabon na nakakalinis. Lilinisin niya ang mga paring Levita, tulad ng pagpapadalisay ng pilak at ginto, upang maging malinis ang kanilang buhay at maging karapat-dapat silang maghandog sa Panginoon.[o] Sa ganoon, muling malulugod ang Panginoon sa mga handog ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem, gaya ng dati.

Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa mga Israelita, “Darating ako upang hatulan kayo. Sasaksi agad ako laban sa mga mangkukulam, sa mga nangangalunya, sa mga sinungaling na saksi, sa mga nandaraya sa sahod ng kanilang mga manggagawa, sa mga nanggigipit sa mga biyuda at mga ulila, at sa mga hindi makatarungan sa mga dayuhan. Gagawin ko ito sa inyo na mga walang takot sa akin.”

Ang Pagbibigay ng Ikapu

Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Ako, ang Panginoon, ay hindi nagbabago. Kaya nga kayong mga lahi ni Jacob ay hindi lubusang nalipol. Tulad ng inyong mga ninuno, hindi kayo sumunod sa aking mga tuntunin. Manumbalik kayo sa akin, ang Panginoong Makapangyarihan, at babalik[p] ako sa inyo. Pero itinatanong ninyo, ‘Paano kami manunumbalik sa inyo?’ Magtatanong din ako sa inyo, maaari bang nakawan ng tao ang Dios? Parang imposible. Pero ninanakawan ninyo ako. At itinatanong inyo, ‘Paano namin kayo ninanakawan?’ Ninanakawan ninyo ako dahil hindi ninyo ibinibigay ang inyong mga ikapu[q] at mga handog. Iyan ang dahilan kung bakit ko isinumpa ang buong bansa. 10 Pero ngayon, hinahamon ko kayo na subukan ninyo ako, ang Panginoong Makapangyarihan. Dalhin ninyo nang buo ang inyong mga ikapu sa bodega ng templo upang may pagkain sa aking templo. Kapag ginawa ninyo ito, padadalhan ko kayo ng ulan[r] at ibubuhos ko ang sobra-sobrang pagpapala. 11 Hindi ko papayagang sirain ng peste ang inyong mga pananim o malagas ang bunga ng inyong mga ubas. 12 Tatawagin kayong mapalad[s] ng lahat ng bansa, dahil napakabuting tirhan ang inyong lupain. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

13 Sinabi pa ng Panginoon, “Masasakit ang inyong sinabi tungkol sa akin. Pero itinatanong ninyo, ‘Ano ang sinabi naming masakit tungkol sa inyo?’ 14 Hindi baʼt sinabi ninyo, ‘Walang kabuluhan ang maglingkod sa Dios. Ano ba ang mapapala natin kung susundin natin ang kanyang mga utos? At ano ang mapapala natin kung ipapakita natin sa Dios na nalulungkot tayo at nagsisisi sa ating mga kasalanan? 15 Masasabi pa nga natin na mapalad ang mga taong mayabang. Sapagkat sila na gumagawa ng masama ay umuunlad. At kahit na sinusubukan nila ang Dios, hindi sila pinarurusahan.’ ”

16 Pagkatapos, nag-usap-usap ang mga taong may paggalang sa Panginoon. Narinig ng Panginoon ang kanilang pinag-uusapan. Ang kanilang pangalan ay isinulat sa aklat na nasa harapan ng Panginoon, para maalala niya silang mga may takot at kumikilala sa kanya.

17 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Magiging akin sila sa araw ng paghatol ko. Ituturing ko silang isang tanging kayamanan. Hindi ko sila parurusahan, tulad ng isang amang hindi nagpaparusa sa anak na masunurin. 18 At muling makikita ng mga tao ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama, at ang pagkakaiba ng naglilingkod sa akin at ng hindi.”

Ang Araw ng Pagpaparusa ng Panginoon

Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Tiyak na darating ang araw ng aking pagpaparusa. Magiging tulad ito ng nagliliyab na pugon. Parurusahan kong gaya ng pagsunog sa dayami ang lahat ng mayayabang at ang gumagawa ng masama. Magiging tulad sila ng sinunog na kahoy na walang natirang sanga o ugat. Pero kayong may paggalang sa akin ay ililigtas ko gaya ng pagsikat ng araw[t] na ang sinag nito ay nagbibigay ng kabutihan. At lulundag kayo sa tuwa, na parang mga guyang pinakawalan sa kulungan. Pagdating ng araw na isakatuparan ko na ang mga bagay na ito, lilipulin ninyo ang masasama na parang alikabok na tinatapakan.

“Sundin ninyo[u] ang Kautusang ibinigay ng aking lingkod na si Moises. Ang mga utos at mga tuntuning iyan ay ibinigay ko sa kanya doon sa Bundok ng Sinai[v] upang sundin ng lahat ng mamamayan ng Israel.

“Makinig kayo! Bago dumating ang nakakapangilabot na araw ng aking pagpaparusa, isusugo ko sa inyo si Propeta Elias. Ibabalik niya ang magandang relasyon ng mga magulang at mga anak, upang pagdating ko ay hindi ko na isusumpa ang inyong bayan.”

Footnotes

  1. 1:2 minahal: o, pinili.
  2. 1:7 marurumi: Ang ibig sabihin hindi dapat ihandog sa Dios.
  3. 1:7 Paano … handog?: Ito ang nasa Septuagint. Sa Hebreo, Paano ka namin nadungisan?
  4. 1:11 mula silangan hanggang kanluran: sa literal, mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito.
  5. 1:11 pinupuri … nagsusunog … naghahandog: o, pupurihin … magsusunog … maghahandog.
  6. 1:11 malinis: Ang ibig sabihin, maaaring ihandog sa Dios.
  7. 1:13 ang aking altar: o, ako.
  8. 1:13 may sugat: o, ninakaw.
  9. 2:1-2 susumpain … pari: o, susumpain ko kayo at gagawin kong sumpa ang mga pagpapalang inyong iginagawad sa mga tao.
  10. 2:5 buhay: Maaaring ang ibig sabihin ay mabuti o/at mahabang buhay.
  11. 2:10 ama: Maaaring ang tinutukoy ay si Abraham o ang Dios.
  12. 2:11 templo: o, piniling mga mamamayan.
  13. 2:12 mga anak nila at mga apo: Ito ang nasa Syriac at sa Targum, pero sa Hebreo ay hindi malinaw.
  14. 2:15 Hindi … kanya: o, Walang taong gagawa ng ganyan kung pinangungunahan siya ng Espiritu kahit papaano.
  15. 3:2-3 upang … Panginoon: o, upang maghandog sila ng tamang mga handog sa Panginoon.
  16. 3:7 babalik: o, tutulong.
  17. 3:8 ikapu: Tungkulin ng mga Israelita na magbigay sa Panginoon ng ikapu ng kanilang mga ani at mga hayop (Lev. 27:30–33; Deu. 14:22-29).
  18. 3:10 padadalhan … ulan: sa literal, bubuksan ko ang mga bintana ng langit. Tingnan ang kahulugan nito sa Gen. 7:11.
  19. 3:12 mapalad: o, pinagpala.
  20. 4:2 ililigtas … araw: sa literal, sisikatan ng araw ng katuwiran.
  21. 4:4 Sundin ninyo: sa literal, Alalahanin ninyo.
  22. 4:4 Bundok ng Sinai: sa Hebreo, Horeb.