Lucas 1-2
Ang Biblia (1978)
1 Yamang marami ang nagpilit mag-ayos ng isang kasaysayan noong mga bagay na naganap sa gitna natin,
2 Alinsunod sa ipinatalos sa atin nilang buhat sa (A)pasimula ay (B)mga saksing nangakakakita at mga (C)ministro ng salita,
3 Ay minagaling ko naman, pagkasiyasat na lubos ng pangyayari ng lahat ng mga bagay mula nang una, na isulat sa iyong sunodsunod, (D)kagalanggalang na (E)Teofilo;
4 Upang mapagkilala mo ang katunayan (F)tungkol sa mga bagay na itinuro sa iyo.
5 Nagkaroon (G)nang mga araw ni Herodes, hari sa Judea, ng isang saserdoteng ang ngala'y Zacarias, (H)sa pulutong ni Abias: at ang naging asawa niya ay isa sa mga anak na babae ni Aaron, at ang kaniyang ngala'y Elisabet.
6 At sila'y kapuwa (I)matuwid sa harap ng Dios, na nagsisilakad na walang kapintasan sa lahat ng mga utos at mga palatuntunan ng Panginoon.
7 At wala silang anak, sapagka't baog si Elisabet, at sila'y kapuwa may pataw ng maraming taon.
8 Nangyari nga, na samantalang ginaganap niya ang pagkasaserdote sa harapan ng Dios (J)ayon sa kapanahunan ng kaniyang pulutong,
9 Alinsunod sa kaugalian ng tungkuling pagkasaserdote, ay naging palad niya ang pumasok sa templo ng Panginoon at (K)magsunog ng kamangyan.
10 At ang buong karamihan (L)ng mga tao ay nagsisipanalangin (M)sa labas sa oras ng kamangyan.
11 At napakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon, na nakatayo sa dakong kanan (N)ng dambana ng kamangyan.
12 At nagulumihanan si Zacarias, pagkakita niya sa kaniya, (O)at dinatnan siya ng takot.
13 Datapuwa't sinabi sa kaniya ng anghel, Huwag kang matakot, Zacarias: sapagka't dininig ang daing mo, at ang asawa mong si Elisabet ay manganganak sa iyo ng isang anak na lalake, at (P)tatawagin mong Juan ang kaniyang pangalan.
14 At magkakaroon ka ng ligaya at galak; at (Q)marami ang maliligaya sa pagkapanganak sa kaniya.
15 Sapagka't siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon, at siya'y (R)hindi iinom ng alak ni matapang na inumin; at siya'y mapupuspos ng Espiritu Santo, mula pa sa tiyan ng kaniyang ina.
16 At marami sa mga anak ni Israel, ay papagbabaliking-loob niya sa Panginoon na kanilang Dios.
17 (S)At siya'y lalakad sa unahan ng kaniyang mukha na may espiritu at kapangyarihan ni Elias, (T)upang papagbaliking-loob ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga suwail ay magsilakad sa karunungan ng mga matuwid, (U)upang ipaglaan ang Panginoon ng isang bayang nahahanda.
18 At sinabi ni Zacarias sa anghel, (V)Sa ano malalaman ko ito? sapagka't ako'y matanda na, at ang aking asawa ay may pataw ng maraming taon.
19 At pagsagot ng anghel ay sinabi sa kaniya, (W)Ako'y si Gabriel, na nananayo sa harapan ng Dios; at ako'y sinugo upang makipagusap sa iyo, at magdala sa iyo nitong mabubuting balita.
20 At narito, mapipipi ka at hindi ka makapangungusap, hanggang sa araw na mangyari ang mga bagay na ito, sapagka't hindi ka sumampalataya sa aking mga salita, na magaganap sa kanilang kapanahunan.
21 At hinihintay ng bayan si Zacarias, at nanganggigilalas sila sa kaniyang pagluluwat sa loob ng templo.
22 At nang lumabas siya, ay hindi siya makapagsalita sa kanila: at hininagap nila na siya'y nakakita ng isang pangitain sa templo: at siya'y nagpatuloy ng (X)pakikipagusap sa kanila, sa pamamagitan ng mga hudyat, at nanatiling pipi.
23 At nangyari, na nang maganap na ang mga araw ng kaniyang paglilingkod, siya'y umuwi sa kaniyang bahay.
24 At pagkatapos ng mga araw na ito ay naglihi ang kaniyang asawang si Elisabet; at siya'y lumigpit ng limang buwan, na nagsasabi,
25 Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin sa mga araw nang ako'y tingnan niya, (Y)upang alisin ang aking pagkaduwahagi sa gitna ng mga tao.
26 Nang ikaanim na buwan nga'y sinugo ng Dios ang anghel (Z)Gabriel sa isang bayan ng Galilea, ngala'y Nazaret,
27 Sa isang dalagang (AA)magaasawa sa isang lalake, na ang kaniyang ngala'y Jose, (AB)sa angkan ni David; at Maria ang pangalan ng dalaga.
28 At pumasok siya sa kinaroroonan niya, at sinabi, Magalak ka, ikaw na totoong pinakamamahal, (AC)ang Panginoon ay sumasa iyo.
29 Datapuwa't siya'y totoong (AD)nagulumihanan sa sabing ito, at iniisip sa kaniyang sarili kung anong bati kaya ito.
30 At sinabi sa kaniya ng anghel, Huwag kang matakot, Maria: sapagka't nakasumpong ka ng biyaya sa Dios.
31 At narito, maglilihi ka (AE)sa iyong tiyan, at manganganak ka ng isang lalake, at tatawagin mo ang kaniyang pangalang JESUS.
32 Siya'y magiging dakila, at tatawaging Anak ng (AF)Kataastaasan: at (AG)sa kaniya'y ibibigay ng Panginoong Dios ang luklukan ni David na kaniyang ama:
33 At siya'y maghahari sa angkan (AH)ni Jacob magpakailan man; at hindi magkakawakas ang kaniyang kaharian.
34 At sinabi ni Maria sa anghel, Paanong mangyayari ito, sa ako'y hindi nakakakilala ng lalake?
35 At sumagot ang anghel, at sinabi sa kaniya, Bababa sa iyo (AI)ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng (AJ)Kataastaasan: kaya naman ang banal na bagay na ipanganganak ay tatawaging (AK)Anak ng Dios.
36 At narito, si Elisabet na iyong (AL)kamaganak, ay naglihi rin naman ng isang anak na lalake sa kaniyang katandaan; at ito ang ikaanim na buwan niya, na dati'y tinatawag na baog.
37 Sapagka't walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan.
38 At sinabi ni Maria, Narito, ang alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita. At iniwan siya ng anghel.
39 At nang mga araw na ito'y nagtindig si Maria, at nagmadaling napasa (AM)lupaing maburol, sa isang bayan ng Juda;
40 At pumasok sa bahay ni Zacarias at bumati kay Elisabet.
41 At nangyari, pagkarinig ni Elisabet ng bati ni Maria, ay lumukso ang sanggol sa kaniyang tiyan; at (AN)napuspos si Elisabet ng Espiritu Santo;
42 At sumigaw siya ng malakas na tinig, at sinabi, (AO)Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala ang bunga ng iyong tiyan.
43 At ano't nangyari sa akin, na ang ina ng (AP)aking Panginoon ay pumarito sa akin?
44 Sapagka't ganito, pagdating sa aking mga pakinig ng tinig ng iyong bati, lumukso sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan.
45 At (AQ)mapalad ang babaing sumampalataya; sapagka't matutupad ang mga bagay na sa kaniya'y sinabi ng Panginoon.
46 At sinabi ni Maria,
(AR)Dinadakila ng aking kaluluwa (AS)ang Panginoon,
47 At nagalak ang aking espiritu sa (AT)Dios na aking Tagapagligtas.
48 Sapagka't (AU)nilingap niya ang kababaan ng kaniyang alipin.
Sapagka't, narito, mula ngayon ay tatawagin akong (AV)mapalad ng lahat ng maghahalihaliling lahi.
49 Sapagka't (AW)ginawan ako ng Makapangyarihan ng mga dakilang bagay;
At (AX)banal ang kaniyang pangalan.
50 At ang (AY)kaniyang awa ay sa mga lahi't lahi.
Sa nangatatakot sa kaniya.
51 Siya'y nagpakita ng lakas (AZ)ng kaniyang bisig;
(BA)Isinambulat niya ang mga palalo sa paggunamgunam ng kanilang puso.
52 Ibinaba niya ang mga prinsipe (BB)sa mga luklukan nila,
At itinaas ang mga may mababang kalagayan.
53 (BC)Binusog niya ang nangagugutom ng mabubuting bagay;
At pinaalis niya ang mayayaman, na walang anoman.
54 Tumulong siya sa Israel na kaniyang alipin,
(BD)Upang maalaala niya ang awa
55 (Gaya ng sinabi niya (BE)sa ating mga magulang)
Kay Abraham at sa kaniyang binhi magpakailan man.
56 At si Maria ay natirang kasama niya na may tatlong buwan, at umuwi sa kaniyang bahay.
57 Naganap nga kay Elisabet ang panahon ng panganganak; at siya'y nanganak ng isang lalake.
58 At nabalitaan ng kaniyang mga kapitbahay at (BF)mga kamaganak, na dinakila ng Panginoon ang kaniyang awa sa kaniya; at (BG)sila'y nangakigalak sa kaniya.
59 At nangyari, na (BH)nang ikawalong araw ay nagsiparoon sila upang tuliin ang sanggol; at siya'y tatawagin sana nila na Zacarias, ayon sa pangalan ng kaniyang ama.
60 At sumagot ang kaniyang ina at nagsabi, (BI)Hindi gayon; kundi ang itatawag sa kaniya'y Juan.
61 At sinabi nila sa kaniya, Wala sa iyong kamaganak na tinatawag sa pangalang ito.
62 At hinudyatan nila ang kaniyang ama, kung ano ang ibig niyang itawag.
63 At humingi siya ng isang sulatan at sumulat, na sinasabi, Ang kaniyang pangalan ay Juan. At nagsipanggilalas silang lahat.
64 At pagdaka'y (BJ)nabuka ang kaniyang bibig, at ang kaniyang dila'y nakalag, at siya'y nagsalita, na pinupuri ang Dios.
65 At sinidlan ng (BK)takot ang lahat ng nagsisipanahan sa palibot nila; at nabansag ang lahat ng mga bagay na ito sa lahat (BL)ng lupaing maburol ng Judea.
66 At lahat ng mga nangakarinig nito ay pawang iningatan sa kanilang puso, na sinasabi, Magiging ano nga kaya ang batang ito? Sapagka't (BM)ang kamay ng Panginoon ay sumasa kaniya.
67 At si Zacarias na kaniyang ama ay (BN)napuspos ng Espiritu Santo, at nanghula, na nagsasabi,
68 Purihin ang (BO)Panginoon, ang Dios ng Israel;
Sapagka't (BP)kaniyang dinalaw at tinubos ang kaniyang bayan,
69 At nagtaas sa atin (BQ)ng isang sungay ng kaligtasan
Sa bahay ni David na kaniyang alipin
70 (Gaya ng sinabi niya (BR)sa pamamagitan ng kaniyang mga banal na propeta na nagsilitaw (BS)buhat nang unang panahon),
71 Kaligtasang mula sa ating mga kaaway, at sa kamay ng lahat ng nangapopoot sa atin;
72 (BT)Upang magkaawang-gawa sa ating mga magulang,
At (BU)alalahanin ang kaniyang banal na tipan;
73 Ang sumpa (BV)na isinumpa niya kay Abraham na ating ama,
74 Na ipagkaloob sa atin na yamang nangaligtas sa kamay ng ating mga kaaway,
Ay paglingkuran natin siya ng walang takot,
75 Sa kabanalan (BW)at katuwiran sa harapan niya, lahat ng ating mga araw.
76 Oo at ikaw, sanggol, tatawagin kang (BX)propeta ng (BY)kataastaasan;
Sapagka't (BZ)magpapauna ka sa unahan ng mukha ng Panginoon, upang ihanda ang kaniyang mga daan;
77 Upang (CA)maipakilala ang kaligtasan sa kaniyang bayan,
Sa pagkapatawad ng kanilang mga kasalanan,
78 Dahil sa magiliw na habag ng aming Dios,
Ang pagbubukang liwayway buhat sa kaitaasan ay dadalaw sa atin,
79 (CB)Upang liwanagan (CC)ang nangakalugmok sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan;
Upang itumpak ang ating mga paa sa daan ng (CD)kapayapaan.
80 At lumaki (CE)ang sanggol, at lumakas sa espiritu, at (CF)nasa mga ilang hanggang sa araw ng kaniyang pagpapakita sa Israel.
2 Nangyari nga nang mga araw na yaon na lumabas ang isang (CG)utos mula kay Augusto Cesar, na magpatala ang buong sanglibutan.
2 Ito ang (CH)unang talaang-mamamayan na ginawa nang si Quirinio ay (CI)gobernador sa Siria.
3 At nagsisiparoon ang lahat upang sila'y mangatala, bawa't isa sa kaniyang sariling bayan.
4 At si Jose naman ay umahon mula sa (CJ)Galilea, mula sa bayan ng Nazaret, hanggang sa Judea, (CK)sa bayan ni David, na kung tawagi'y Bet-lehem, (CL)sapagka't siya'y sa angkan at sa lahi ni David;
5 Upang patala siya pati ni Maria, (CM)na magaasawa sa kaniya, na kasalukuyang kagampan.
6 At nangyari, samantalang sila'y (CN)nangaroroon, at naganap ang mga kaarawang dapat siyang manganak.
7 At kaniyang ipinanganak ang panganay niyang anak na lalake; at ito'y binalot niya ng mga lampin, at inihiga sa isang pasabsaban, sapagka't wala nang lugar para kanila sa tuluyan.
8 At may mga pastor ng tupa sa lupain ding yaon na nangasa parang, na pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan.
9 At tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila: (CO)at sila'y totoong nangatakot.
10 At sinabi sa kanila ng anghel, Huwag kayong mangatakot; sapagka't narito, dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan:
11 Sapagka't ipinanganak (CP)sa inyo ngayon (CQ)sa bayan ni David (CR)ang isang Tagapagligtas, (CS)na siya ang Cristo (CT)ang Panginoon.
12 At ito ang sa inyo'y magiging pinakatanda: Masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang pasabsaban.
13 At biglang nakisama sa anghel (CU)ang isang karamihang hukbo ng langit, (CV)na nangagpupuri sa Dios, at nangagsasabi:
14 Luwalhati sa Dios sa kataastaasan,
(CW)At sa lupa'y (CX)kapayapaan sa mga taong (CY)kinalulugdan niya.
15 At nangyari nang lisanin sila ng mga anghel at nangapasa langit, ang mga pastor ay nangagsangusapan. Magsiparoon nga tayo ngayon hanggang sa (CZ)Bet-lehem, at tingnan natin itong nangyari, na ipinagbigay-alam sa atin ng Panginoon.
16 At sila'y dalidaling nagsiparoon at nasumpungan kapuwa si Maria at si Jose, at ang sanggol na nakahiga sa pasabsaban.
17 At nang makita nila yaon, ay inihayag nila ang mga sinabi sa kanila tungkol sa sanggol na ito.
18 At lahat ng nangakarinig nito ay nangagtaka sa mga bagay na sinabi sa kanila ng mga pastor.
19 Datapuwa't iningatan ni (DA)Maria ang lahat ng mga pananalitang ito, na pinagbulaybulay sa kaniyang puso.
20 At nangagbalik ang mga pastor, na niluluwalhati at pinupuri ang Dios dahil sa lahat ng mga bagay na kanilang nangarinig at nangakita, ayon sa sinabi sa kanila.
21 At nang makaraan ang (DB)walong araw upang tuliin siya, ay tinawag na (DC)JESUS ang kaniyang pangalan, na siyang itinawag ng anghel bago siya ipinaglihi sa tiyan.
22 At nang maganap na (DD)ang mga araw na kanilang paglilinis alinsunod sa kautusan ni Moises, ay kanilang dinala (DE)siya sa Jerusalem, upang iharap siya sa Panginoon
23 (ayon sa nasusulat sa kautusan ng Panginoon, (DF)Ang bawa't lalaking nagbubukas ng bahay-bata ay tatawaging banal sa Panginoon),
24 At upang maghandog ng hain alinsunod sa sinasabi sa kautusan ng Panginoon, (DG)Dalawang batobato, o dalawang inakay ng kalapati.
25 At narito, may isang lalake sa Jerusalem, na nagngangalang Simeon; at ang lalaking ito'y matuwid at masipag sa kabanalan, (DH)na nag-aantay ng kaaliwan ng Israel: at sumasa kaniya ang Espiritu Santo.
26 At ipinahayag sa kaniya ng Espiritu Santo, (DI)na di niya makikita ang kamatayan, hanggang sa makita muna niya ang Cristo ng Panginoon.
27 At siya'y napasa templo (DJ)sa Espiritu: at nang ipasok sa templo ang sanggol na si Jesus ng kaniyang mga magulang, (DK)upang sa kaniya'y magawa nila ang nauukol alinsunod sa kaugalian ng kautusan,
28 Ay tinanggap nga niya siya sa kaniyang mga bisig, at pinuri ang Dios, at nagsabi,
29 (DL)Ngayo'y papanawin mo,
Panginoon, ang iyong alipin,
(DM)Ayon sa iyong salita, sa kapayapaan,
30 Sapagka't (DN)nakita ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,
31 (DO)Na iyong inihanda sa unahan ng mukha ng lahat ng mga tao;
32 Isang ilaw upang ipahayag sa (DP)mga Gentil,
At ang kaluwalhatian ng iyong bayang Israel.
33 At ang kaniyang ama at ang kaniyang ina ay nagsisipanggilalas sa mga bagay na sinasabi tungkol sa kaniya;
34 At sila'y pinagpala ni Simeon, at sinabi sa kaniyang inang si Maria, Narito, ito (DQ)ay itinalaga sa (DR)ikararapa at sa ikatitindig ng marami sa Israel; at pinakatandang tudlaan (DS)ng pagsalangsang:
35 Oo at paglalampasanan ng (DT)isang tabak ang iyong sariling kaluluwa; upang mangahayag ang mga pagiisip ng maraming puso.
36 At naroroon din naman si Ana, na isang propetisa, anak na babae ni Fanuel, sa angkan ni (DU)Aser, (siya'y lubhang matanda na, at may pitong taong nakisama sa kaniyang asawa mula sa kaniyang kadalagahan,
37 At siya'y bao nang walongpu't apat na taon), na hindi humihiwalay sa templo, (DV)at sumasamba sa gabi at araw sa pamamagitan ng mga (DW)pagaayuno at mga pagdaing.
38 At pagdating niya sa oras ding yaon, siya'y nagpasalamat sa Dios, at nagsalita ng tungkol sa sanggol sa lahat ng (DX)nagsisipaghintay ng (DY)katubusan sa Jerusalem.
39 At nang maganap na nila ang lahat ng mga bagay na alinsunod sa kautusan ng Panginoon, ay nangagbalik sila sa (DZ)Galilea, sa (EA)kanilang sariling bayang Nazaret.
40 At lumalaki ang bata, at lumalakas, at napupuspos ng karunungan: at sumasa kaniya ang biyaya ng Dios.
41 At nagsisiparoon (EB)taon-taon ang kaniyang mga magulang sa Jerusalem (EC)sa kapistahan ng paskua.
42 At nang siya'y may labindalawang taon na, ay nagsiahon sila ayon sa kaugalian ng kapistahan;
43 At nang kanilang maganap na (ED)ang mga araw, sa pagbalik nila, ay naiwan ang batang si Jesus sa Jerusalem; at di nalalaman ng kaniyang mga magulang;
44 Ngunit sa pagaakala nilang siya'y nasa kasamahan, ay nagsiyaon sila nang isang araw na paglalakbay; at hinahanap nila siya sa mga kamaganak at mga kakilala;
45 At nang di nila siya matagpuan, ay nagsipagbalik sila sa Jerusalem, na hinahanap siya.
46 At nangyari, na nang makaraan ang tatlong araw, ay nangatagpuan nila siya sa templo, na nakaupo sa gitna ng mga (EE)guro, na sila'y pinakikinggan, at sila'y tinatanong:
47 At ang lahat ng sa kaniya'y nangakakarinig ay nagsisipanggilalas sa kaniyang katalinuhan at sa kaniyang mga sagot.
48 At nang siya'y mangakita nila, ay nangagtaka sila; at sinabi sa kaniya ng kaniyang ina, Anak, bakit ginawa mo sa amin ang ganyan? narito, ang iyong ama at ako na hinahanap kang may hapis.
49 At sinabi niya sa kanila, Bakit ninyo ako hinahanap? di baga talastas ninyo na dapat akong maglumagak sa bahay ng (EF)aking Ama.
50 At di nila naunawa ang pananalitang sa kanila'y sinabi.
51 At lumusong siyang kasama nila, at napasa (EG)Nazaret; at napasakop sa kanila: at (EH)iniingatan ng kaniyang ina sa kaniyang puso ang lahat ng mga pananalitang ito.
52 At lumalaki si Jesus sa karunungan at sa pangangatawan, at (EI)sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao.
Mateo 1-2
Ang Biblia (1978)
1 Ang aklat ng (A)lahi ni Jesucristo, na (B)anak ni David, na (C)anak ni Abraham.
2 Naging anak ni (D)Abraham si Isaac; at naging anak ni Isaac si Jacob; at naging anak ni Jacob si Juda at ang kaniyang mga kapatid;
3 At naging anak ni Juda kay Tamar si Fares at si Zara; at naging anak ni Fares si Esrom; at naging anak ni Esrom si Aram;
4 At naging anak ni Aram si Aminadab; at naging anak ni Aminadab si Naason; at naging anak ni Naason si Salmon;
5 At naging anak ni Salmon kay Rahab si Booz; at naging anak ni Booz kay Rut si Obed; at naging anak ni Obed si Jesse.
6 At naging anak ni (E)Jesse ang (F)haring si David; at naging anak ni David si Salomon, doon sa naging asawa ni Urias;
7 At naging anak ni (G)Salomon si Reboam; at naging anak ni Reboam si Abias; at naging anak ni Abias si Asa;
8 At naging anak ni Asa si Josafat; at naging anak ni Josafat si Joram; at naging anak ni Joram si Ozias;
9 At naging anak ni Ozias si Joatam; at naging anak ni Joatam si Acaz; at naging anak ni Acaz si Ezequias;
10 At naging anak ni Ezequias si Manases; at naging anak ni Manases si Amon; at naging anak ni Amon si Josias;
11 At naging anak ni Josias si Jeconias at ang kaniyang mga kapatid, nang panahon ng (H)pagkadalang-bihag sa Babilonia.
12 At pagkatapos nang pagkadalangbihag sa Babilonia, ay naging anak ni (I)Jeconias si Salatiel; at naging anak ni Salatiel si Zorobabel;
13 At naging anak ni Zorobabel si Abiud; at naging anak ni Abiud si Eliaquim; at naging anak ni Eliaquim si Azor;
14 At naging anak ni Azor si Sadoc; at naging anak ni Sadoc si Aquim; at naging anak ni Aquim si Eliud;
15 At naging anak ni Eliud si Eleazar; at naging anak ni Eleazar si Matan; at naging anak ni Matan si Jacob;
16 At naging anak ni Jacob si Jose asawa ni Maria, na siyang nanganak kay Jesus, na siyang tinatawag na Cristo.
17 Sa makatuwid ang lahat ng mga salit-saling lahi buhat kay Abraham hanggang kay David ay labingapat na salit-saling lahi; at buhat kay David hanggang sa pagdalang-bihag sa Babilonia ay labingapat na sali't-saling lahi; at buhat sa pagkadalang-bihag sa Babilonia hanggang kay Cristo ay labingapat na sali't-saling lahi.
18 (J)Ang pagkapanganak nga kay Jesucristo ay ganito: Nang si Maria na kaniyang ina ay magaasawa kay Jose, bago sila magsama ay nasumpungang siya'y nagdadalang-tao sa pamamagitan (K)ng Espiritu Santo.
19 At si Jose na kaniyang asawa, palibhasa'y lalaking matuwid, at (L)ayaw na ihayag sa madla ang kaniyang kapurihan, ay nagpasiyang hiwalayan siya ng lihim.
20 Datapuwa't samantalang pinagiisip niya ito, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya (M)sa panaginip, na nagsasabi: Jose, anak ni David, huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka't ang kaniyang dinadalang-tao ay sa Espiritu Santo.
21 At siya'y manganganak ng isang lalake; (N)at ang pangalang itatawag mo sa kaniya'y JESUS; (O)sapagka't ililigtas niya ang kaniyang bayan (P)sa kanilang mga kasalanan.
22 At nangyari nga ang lahat ng ito, upang maganap ang sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,
23 Narito, ang dalaga'y magdadalang-tao (Q)at manganganak ng isang lalake,
At ang pangalang itatawag nila sa kaniya ay Emmanuel;
na kung liliwanagin, ay sumasa atin ang Dios.
24 At nagbangon si Jose sa kaniyang pagkakatulog, at ginawa niya ang ayon sa ipinagutos sa kaniya ng anghel ng Panginoon, at tinanggap ang kaniyang asawa;
25 At hindi nakilala siya hanggang sa maipanganak ang isang lalake: at tinawag niya ang kaniyang pangalang JESUS.
2 Nang ipanganak nga si Jesus sa Bet-lehem ng Judea (R)sa mga kaarawan ng haring si Herodes, narito, ang mga Pantas na lalake ay nagsidating sa Jerusalem (S)mula sa silanganan, na nagsisipagsabi,
2 Saan naroon ang ipinanganak na hari ng mga Judio? sapagka't (T)aming nakita ang kaniyang bituin sa silanganan, at naparito kami upang siya'y sambahin.
3 Nang marinig ito ng haring si Herodes, ay nagulumihanan siya, at pati ng buong Jerusalem.
4 At pagkatipon sa lahat ng mga pangulong saserdote at mga (U)eskriba ng bayan, ay siniyasat niya sa kanila kung saan kaya ipanganganak ang Cristo.
5 At sinabi nila sa kaniya, sa Bet-lehem ng Judea: sapagka't ganito ang pagkasulat (V)ng propeta,
6 At ikaw Bet-lehem, na lupa ng Juda,
Sa anomang paraan ay hindi ikaw ang pinakamaliit sa mga pangulong bayan ng Juda:
Sapagka't mula sa iyo'y lalabas ang isang gobernador,
Na siyang magiging pastor ng aking bayang Israel.
7 Nang magkagayo'y tinawag ni Herodes ng lihim ang mga Pantas na lalake, at kaniyang siniyasat ng buong ingat sa kanila ang panahong isinilang ng bituin.
8 At pinayaon niya sila sa Bet-lehem, at sinabi, Kayo'y magsiparoon at ipagtanong ng buong ingat ang tungkol sa sanggol; at pagkasumpong ninyo sa kaniya, ay ipagbigay-alam ninyo sa akin, upang ako nama'y makaparoon at siya'y aking sambahin.
9 At sila, pagkarinig sa hari ay nagsiyaon ng kanilang lakad; at narito, ang bituing kanilang nakita sa silanganan, ay nanguna sa kanila hanggang sa sumapit at tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng sanggol.
10 At nang makita nila ang bituin, ay nangagalak sila ng di kawasang galak.
11 At nagsipasok sila sa bahay, at nangakita nila ang sanggol na kasama ng kaniyang inang si Maria; at nangagpatirapa sila at nangagsisamba sa kaniya; at pagkabukas nila ng kanilang mga kayamanan ay inihandog nila sa kaniya ang mga alay, na (W)ginto at kamangyan at (X)mira.
12 At palibhasa'y pinagsabihan sila ng Dios (Y)sa panaginip na huwag silang mangagbalik kay Herodes, ay nangagsiuwi sila sa kanilang sariling lupain sa ibang daan.
13 Nang mangakaalis nga sila, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita kay Jose sa panaginip, na nagsasabi, Magbangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kaniyang ina, at tumakas ka hanggang sa Egipto, at dumoon ka hanggang sa sabihin ko sa iyo: sapagka't hahanapin ni Herodes ang sanggol upang siya'y puksain.
14 At siya'y nagbangon at dinala ang sanggol at ang ina nito sa kinagabihan, at napasa Egipto;
15 At dumoon hanggang sa pagkamatay ni Herodes: upang maganap ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, (Z)Mula sa Egipto ay tinawag ko ang aking anak.
16 Nang magkagayon, nang mapansin ni Herodes na siya'y pinaglaruan ng mga Pantas na lalake, ay nagalit na mainam, at nagutos, at ipinapatay ang lahat ng mga sanggol na lalake na nangasa Bet-lehem, at sa buong palibotlibot noon, mula sa gulang na dalawang taon hanggang sa pababa, alinsunod sa panahon ng kaniyang maingat na pagkasiyasat sa mga Pantas na lalake.
17 Nang magkagayo'y naganap ang sinalita sa pamamagitan ng propeta Jeremias, (AA)na nagsasabi,
18 Isang tinig ay narinig (AB)sa Rama,
Pananangis at kalagimlagim na iyak,
Tinatangisan ni Raquel ang kaniyang mga anak;
At ayaw na siyang maaliw, sapagka't sila'y wala na.
19 Nguni't pagkamatay ni Herodes, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita (AC)sa panaginip kay Jose sa Egipto, na nagsasabi,
20 Magbangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kaniyang ina, at pumatungo ka sa lupain ng Israel: sapagkat nangamatay na ang nangagmimithi sa buhay ng sanggol.
21 At nagbangon siya at dinala ang sanggol at ang kaniyang ina, at pumatungo sa lupa ng Israel.
22 Datapuwa't nang mabalitaan niya na si Arquelao ang naghahari sa Judea na kahalili ng kaniyang amang si Herodes, ay natakot siyang pumatungo roon; at palibhasa'y pinagsabihan ng Dios sa panaginip, ay napatungo siya sa mga sakop ng (AD)Galilea,
23 At siya'y dumating at tumahan sa isang bayang tinatawag na (AE)Nazaret; upang maganap ang mga sinalita ng mga propeta, na siya'y tatawaging Nazareno.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978