Add parallel Print Page Options

Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(A)

37 Kinabukasan, pagbaba nila galing sa bundok ay sinalubong si Jesus ng napakaraming tao. 38 May isang lalaki roon sa karamihan na sumisigaw, “Guro, pakitingnan po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki! 39 Sinasaniban po siya ng masamang espiritu at bigla na lang siyang sumisigaw, nangingisay at bumubula ang bibig. Sinasaktan siya lagi ng masamang espiritu at halos ayaw siyang iwan. 40 Nakiusap ako sa mga tagasunod ninyo na palayasin nila ang masamang espiritu, pero hindi po nila kaya.” 41 Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya at baluktot ang pag-iisip! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin mo rito ang anak mo!” 42 Nang papalapit na ang bata, itinumba siya at pinangisay ng masamang espiritu. Pero pinalayas ni Jesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata, at ibinalik sa ama nito. 43 Namangha ang lahat sa kapangyarihan ng Dios.

Ang Ikalawang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(B)

Habang mangha pa ang lahat sa mga ginawa ni Jesus, sinabi niya sa mga tagasunod niya, 44 “Pakinggan ninyo at tandaan ang sasabihin kong ito: Ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa kamay ng mga tao na kumokontra sa akin.” 45 Pero hindi nila naunawaan ang sinasabi niya, dahil inilihim sa kanila ang kahulugan nito. Nag-aalangan naman silang magtanong sa kanya tungkol sa bagay na ito.

Sino ang Pinakadakila?(C)

46 Minsan, nagtalo-talo ang mga tagasunod ni Jesus kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya kumuha siya ng isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. 48 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa akin ay tumatanggap sa akin. At ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa aking Amang nagsugo sa akin. Sapagkat ang pinakamababa sa inyong lahat ang siyang pinakadakila.”

Kakampi Natin ang Hindi Laban sa Atin(D)

49 Sinabi ni Juan kay Jesus, “Guro, nakakita po kami ng taong nagpapalayas ng masasamang espiritu sa inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.” 50 Pero sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag nʼyo siyang pagbawalan, dahil ang hindi laban sa atin ay kakampi natin.”

Hindi Tinanggap si Jesus sa Isang Nayon sa Samaria

51 Nang malapit na ang araw para bumalik si Jesus sa langit, nagpasya siyang pumunta sa Jerusalem. 52 Kaya pinauna niya ang ilang tao sa isang nayon ng mga Samaritano para humanap ng matutuluyan. 53 Pero ayaw siyang tanggapin ng mga taga-roon dahil alam nilang papunta siya sa Jerusalem. 54 Nang malaman iyon ng mga tagasunod ni Jesus na sina Santiago at Juan, sinabi nila kay Jesus, “Panginoon, gusto nʼyo po bang humingi kami ng apoy mula sa langit para sunugin sila?” 55 Pero lumingon si Jesus at pinagsabihan sila.[a] 56 At tumuloy na lang sila sa ibang nayon.

Ang mga Nagnais Sumunod kay Jesus(E)

57 Habang naglalakad sila, may isang lalaking nagsabi kay Jesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan.” 58 Pero sinagot siya ni Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat, at may mga pugad ang mga ibon, ngunit ako na Anak ng Tao ay walang sariling tahanan na mapagpahingahan.” 59 Sinabi ni Jesus sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Pero sumagot siya, “Panginoon, pauwiin po muna ninyo ako para maipalibing ko ang aking ama.”[b] 60 Pero sinabi sa kanya ni Jesus, “Ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang patay. Pero ikaw, lumakad ka at ipangaral ang tungkol sa paghahari ng Dios.” 61 May isa ring nagsabi kay Jesus, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, pero hayaan nʼyo muna po akong magpaalam sa pamilya ko.” 62 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang sinumang nag-aararo na palaging lumilingon ay hindi kapaki-pakinabang ang paglilingkod sa ilalim ng paghahari ng Dios.”

Read full chapter

Footnotes

  1. 9:55 May ilang tekstong Griego na may dagdag pang salita sa talatang 55 at 56: Hindi ninyo alam kung anong uri ng espiritu ang nasa inyo. Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang iligtas ang mga tao at hindi upang ipahamak sila.
  2. 9:59 pauwiin po … aking ama: Maaaring ang ibig sabihin ay uuwi muna siya habang hindi pa patay ang kanyang ama, at kapag namatay na at nailibing, susunod na siya kay Jesus.