Lucas 7
Magandang Balita Biblia
Pinagaling ang Alipin ng Kapitang Romano(A)
7 Matapos sabihin ni Jesus ang mga ito sa mga tao, pumunta siya sa bayan ng Capernaum. 2 Doon ay may isang kapitang Romano na may aliping mahal sa kanya. May sakit ang aliping ito at nasa bingit ng kamatayan. 3 Nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Jesus, nagsugo siya ng ilang mga pinuno ng mga Judio upang pakiusapan si Jesus na dalawin at pagalingin ang alipin. 4 Paglapit ng mga sugo kay Jesus, taimtim silang nakiusap sa kanya at sinabi, “Siya po'y karapat-dapat na pagbigyan ninyo 5 sapagkat mahal niya ang ating bansa. Sa katunayan nga po, ipinagpatayo niya tayo ng isang sinagoga.”
6 Sumama sa kanila si Jesus, ngunit nang malapit na siya sa bahay ay nasalubong niya ang mga kaibigan ng kapitan. Sila ay sinugo ng kapitan upang ipasabi kay Jesus ang ganito: “Ginoo, huwag na po kayong mag-abala. Hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking tahanan, 7 ni hindi rin po ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Ngunit magsalita lamang po kayo at gagaling na ang aking alipin. 8 Ako po ay nasa ilalim ng mga nakakataas sa akin at may nasasakupan naman akong mga kawal. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon!’ pumupunta siya; at kapag sinabi ko naman po sa isa, ‘Halika!’ siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko po sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa niya iyon.”
9 Namangha si Jesus nang marinig ito, kaya't humarap siya sa napakaraming taong sumusunod sa kanya at sinabi, “Kahit na sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.”
10 Pagbalik nila sa bahay, naratnan ng mga isinugo na magaling na nga ang alipin.
Muling Binuhay ang Anak ng Isang Biyuda
11 Pagkatapos nito, nagpunta naman si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang mga alagad at ang napakaraming tao. 12 Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, may isang lalaking namatay na dala ng mga tao patungo sa libingan. Ito ay kaisa-isang anak na lalaki ng isang biyuda. Napakaraming tao mula sa bayan ang sumama upang makipaglibing. 13 Nahabag ang Panginoon nang kanyang makita ang ina ng namatay kaya't sinabi niya rito, “Huwag kang umiyak.” 14 Nilapitan niya at hinipo ang kabaong at tumigil ang mga may pasan nito. Sinabi niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!”
15 Bumangon ang patay at nagsalita; at siya'y ibinigay ni Jesus sa kanyang ina.
16 Natakot ang lahat at sila'y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Dumating sa atin ang isang dakilang propeta! Dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan!”
17 At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa ginawa ni Jesus.
Ang mga Sugo ni Juan na Tagapagbautismo(B)
18 Ibinalita kay Juan ng kanyang mga alagad ang lahat ng mga pangyayaring ito. Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanila 19 at pinapunta sa Panginoon[a] upang itanong kung siya na nga ang ipinangakong darating, o kung maghihintay pa sila ng iba. 20 Pagdating doo'y sinabi nila kay Jesus, “Pinapunta po kami dito ni Juan na Tagapagbautismo upang itanong kung kayo na nga ang darating, o maghihintay pa kami ng iba.” 21 Nang oras na iyon, pinagaling ni Jesus ang maraming taong may sakit, may karamdaman at sinasapian ng masasamang espiritu. Maraming mga bulag ang binigyan niya ng paningin. 22 Kaya't(C) sinabi niya sa mga sugo ni Juan, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong nakita at narinig; nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga dukha ang Magandang Balita. 23 Pinagpala ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”
24 Pagkaalis ng mga sugo, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo pumunta sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isang halamang tambo na inihahapay ng hangin? 25 Ano nga ba ang inyong dinayo roon? Isang taong may magarang damit? Ang mga nagdaramit ng mamahalin at namumuhay sa karangyaan ay nasa palasyo ng mga hari. 26 Ano nga ang inyong dinayo? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. 27 Sapagkat(D) si Juan ang tinutukoy ng kasulatan:
‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo,
upang ihanda ang iyong daraanan.’
28 Sinasabi ko sa inyo, wala pang isinilang na mas dakila kaysa kanya. Ngunit mas dakila kay Juan ang pinakamababa sa kaharian ng Diyos.”
29 Ang(E) lahat ng mga taong nakarinig sa kanya, pati na ang mga maniningil ng buwis ay nagpuri sa Diyos. Ang mga ito'y binautismuhan ni Juan. 30 Ngunit ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa Kautusan ay tumanggi sa layunin ng Diyos para sa kanila sapagkat ayaw nilang magpabautismo kay Juan.
31 Sinabi pa ni Jesus, “Kanino ko maihahambing ang mga tao ngayon? Ano ang nakakatulad nila? 32 Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa palengke at sumisigaw sa kanilang mga kalaro,
‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw!
Umawit kami ng panaghoy, ngunit hindi kayo umiyak!’
33 Sapagkat nang dumating si Juan na Tagapagbautismo, siya'y nag-aayuno at hindi umiinom ng alak; at ang sabi ninyo, ‘Sinasapian ng demonyo ang taong iyan!’ 34 Nang dumating naman ang Anak ng Tao, siya'y kumakain at umiinom, ngunit sinasabi naman ninyo, ‘Tingnan ninyo ang taong iyan! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’ 35 Ngunit ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng mga tumatanggap nito.”
Binuhusan ng Pabango ang mga Paa ni Jesus
36 Inanyayahan si Jesus ng isa sa mga Pariseo upang makasalo niya. Pumunta naman siya sa bahay nito at dumulog sa hapag. 37 Sa(F) bayang iyon ay may isang babaing makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Jesus sa bahay ng Pariseo, kaya't nagdala siya ng pabangong nasa sisidlang alabastro. 38 Lumapit siya sa likuran ni Jesus sa gawing paanan. Umiiyak na binasâ niya ng kanyang mga luha ang mga paa ni Jesus. Pinunasan niya ng kanyang sariling buhok, hinalikan, at binuhusan ng pabango ang mga paa nito. 39 Nang ito'y makita ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, nasabi nito sa sarili, “Kung totoong propeta ang taong ito, dapat ay alam niya na ang babaing humahawak sa kanyang paa ay isang makasalanan.”
40 Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.”
“Ano po iyon, Guro?” sagot niya.
41 Sinabi ni Jesus, “May dalawang taong may utang sa isang nagpapahiram ng pera; limang daang salaping pilak ang inutang ng isa, at limampung salaping pilak naman ang sa ikalawa. 42 Nang hindi sila makabayad, kapwa sila pinatawad. Ngayon, sino kaya sa kanila ang higit na magmamahal sa pinagkautangan?”
43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po'y ang pinatawad sa mas malaking utang.”
“Tama ang sagot mo,” tugon ni Jesus. 44 Nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit hinugasan niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ang mga ito ng sarili niyang buhok. 45 Hindi mo ako hinalikan; ngunit siya, mula nang pumasok ay hindi tumigil ng kahahalik sa aking mga paa. 46 Hindi mo nilagyan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa. 47 Kaya't sinasabi ko sa iyo, malaki ang kanyang pagmamahal sapagkat maraming kasalanan ang pinatawad sa kanya; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti rin ang pagmamahal.”
48 At sinabi niya sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”
49 At ang kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili, “Sino ba itong nangangahas na magpatawad ng kasalanan?”
50 Ngunit sinabi ni Jesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na.”
Footnotes
- Lucas 7:19 sa Panginoon: Sa ibang manuskrito'y kay Jesus .
Lucas 7
Ang Biblia (1978)
7 Nang matapos na niya ang lahat ng kaniyang mga pananalita sa mga pakinig ng bayan, ay (A)pumasok siya sa Capernaum.
2 At ang alipin ng isang senturion, na minamahal nito, ay may sakit at malapit nang mamatay.
3 At nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, ay pinaparoon niya sa kaniya ang matatanda sa mga Judio, na ipamanhik sa kaniya, na pumaroon at iligtas ang kaniyang alipin.
4 At nang magsidating sila kay Jesus, ay ipinamanhik nilang mapilit sa kaniya, na sinasabi, Karapatdapat siya na gawin mo sa kaniya ito;
5 Sapagka't iniibig niya ang ating bansa, at ipinagtayo niya tayo ng ating sinagoga.
6 At si Jesus ay sumama sa kanila. At nang siya'y di na lubhang malayo sa bahay, ay nagsugo sa kaniya ang senturion ng mga kaibigan, na nagsisipagsabi sa kaniya, Panginoon, huwag ka nang maligalig, sapagka't di ako karapatdapat na ikaw ay pumasok sa silong ng aking bubungan:
7 Dahil dito'y hindi ko inakalang ako'y karapatdapat man lamang pumariyan sa iyo: datapuwa't sabihin mo ang salita, at gagaling ang aking alipin.
8 Sapagka't ako rin naman ay taong nasa ilalim ng kapamahalaan, may nasasakupan akong mga kawal: at sinasabi ko rito, Yumaon ka, at siya'y yumayaon; at sa isa, Halika, at siya'y lumalapit; at sa aking alipin, Gawin mo ito, at kaniyang ginagawa.
9 At nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito, ay nagtaka siya sa kaniya, at lumingon at sinabi sa karamihang nagsisisunod sa kaniya, Sinasabi ko sa inyo, Hindi ako nakasumpong ng (B)ganitong kalaking pananampalataya, hindi, kahit sa Israel man.
10 At pagbalik sa bahay ng mga sinugo, ay kanilang naratnang magaling na ang alipin.
11 At nangyari pagkatapos ng kaunting panahon, na siya'y naparoon sa bayan na tinatawag na Nain; at kasama niya ang kaniyang mga alagad, at ang lubhang maraming tao.
12 At nang siya nga'y malapit na sa pintuan ng bayan, narito, inilalabas ang isang patay, bugtong na anak na lalake ng kaniyang ina, at siya'y bao: at kasama niya ang maraming tao na taga bayan.
13 At pagkakita sa kaniya ng Panginoon, siya'y kinahabagan niya, at sinabi sa kaniya, Huwag kang tumangis.
14 At siya'y lumapit at hinipo ang kabaong: at ang nangagdadala ay tumigil. At sinabi niya, Binata, sinasabi ko sa iyo, (C)Magbangon ka.
15 At naupo ang patay, at nagpasimulang magsalita. At siya'y ibinigay niya sa kaniyang ina.
16 At sinidlan ng (D)takot ang lahat: at niluluwalhati nila ang Dios, na sinasabi, Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang (E)propeta: at, dinalaw (F)ng Dios ang kaniyang bayan.
17 At kumalat ang balitang ito tungkol sa kaniya sa buong Judea, at sa buong palibotlibot ng lupain.
18 At (G)ibinalita kay Juan ng kaniyang mga alagad ang lahat ng mga bagay na ito.
19 At sa pagpapalapit ni Juan sa kaniya ng dalawa sa kaniyang mga alagad, ay sinugo sila sa Panginoon, na nagpapasabi, Ikaw baga yaong paririto, o hihintayin namin ang iba?
20 At pagdating sa kaniya ng mga tao, ay kanilang sinabi, Pinaparito kami sa iyo ni Juan Bautista, na ipinasasabi, Ikaw baga yaong paririto, o hihintayin namin ang iba?
21 Nang oras na yaon ay nagpagaling siya ng maraming may sakit at mga pagkasalot at masasamang espiritu; at kaniyang pinagkaloobang mangakakita ang maraming bulag.
22 At sumagot siya at sa kanila'y sinabi, Magsiparoon kayo, at sabihin ninyo kay Juan ang mga bagay na inyong nangakita at nangarinig; ang mga bulag ay nangakakakita, ang mga pilay ay nagsisilakad, ang mga ketongin ay nangalilinis, at ang mga bingi ay nangakaririnig, ang mga patay ay ibinabangon, sa mga dukha ay ipinangangaral ang mabubuting balita.
23 At mapalad ang sinomang hindi makasumpong ng anomang katitisuran sa akin.
24 At nang mangakaalis na ang mga sugo ni Juan, ay nagpasimula siyang magsalita tungkol kay Juan sa mga karamihan, Ano ang linabas ninyo upang mamasdan sa ilang? isang tambong inuuga ng hangin?
25 Datapuwa't ano ang linabas ninyo upang makita? isang taong nararamtan ng mga damit na maseselang? Narito, ang nagsisipanamit ng maririlag, at nangabubuhay sa pagmamaselang ay nasa mga palasio ng mga hari.
26 Datapuwa't ano ang linabas ninyo upang makita? isa bagang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa sa isang propeta.
27 Ito yaong tungkol sa kaniya'y nasusulat,
(H)Narito, sinusugo ko ang aking sugo sa unahan ng iyong mukha,
Na maghahanda ng iyong daan sa unahan mo.
28 Sinasabi ko sa inyo, Sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang dakila kay sa kay Juan: gayon ma'y ang lalong maliit sa kaharian ng Dios ay lalong dakila kay sa kaniya.
29 At pagkarinig ng buong bayan, at ng mga maniningil ng buwis ay (I)pinatotohanan ang Dios, (J)na nagsipagbautismo ng (K)bautismo ni Juan.
30 Datapuwa't pinawalang halaga ng mga Fariseo at (L)ng mga tagapagtanggol ng kautusan sa kanilang sarili (M)ang payo ng Dios, at hindi napabautismo sa kaniya.
31 Sa ano ko itutulad ang mga tao ng lahing ito, at ano ang kanilang katulad?
32 Tulad sila sa mga batang nangakaupo sa pamilihan, at nagsisigawan sa isa't isa; na sinasabi, Tinutugtugan namin kayo ng plauta, at hindi kayo nagsisayaw; nanambitan kami at hindi kayo nagsitangis.
33 Sapagka't naparito si Juan Bautista na hindi kumakain ng tinapay at hindi umiinom ng alak at inyong sinasabi, Siya'y may isang demonio.
34 Naparito ang Anak ng tao na kumakain at umiinom; at inyong sinasabi, Narito ang isang matakaw na tao, at isang magiinum ng alak, isang kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!
35 At ang karunungan ay pinatotohanan ng lahat ng kaniyang mga anak.
36 At ipinamanhik sa kaniya (N)ng isa sa mga Fariseo na kumaing kasalo niya. At siya'y pumasok sa bahay ng Fariseo at naupo sa dulang.
37 At narito, ang isang babaing makasalanan na nasa bayan; at nang maalaman niyang siya'y nasa dulang ng pagkain sa bahay ng Fariseo ay (O)nagdala siya ng isang sisidlang alabastro na puno ng unguento,
38 At nakatayo sa likuran sa kaniyang mga paanan na tumatangis, ay pinasimulan niyang dinilig ng mga luha ang kaniyang mga paa, at ang mga ito'y kinukuskos ng buhok ng kaniyang ulo, at hinahagkan ang kaniyang mga paa, at pinapahiran ng unguento.
39 Nang makita nga ito ng Fariseo na sa kaniya'y naganyaya, ay nagsalita sa kaniyang sarili, na sinasabi, Ang taong ito, kung siya'y (P)isang propeta ay nakikilala niya kung sino at kung ano ang babaing ito na sa kaniya'y humihipo, na siya'y makasalanan.
40 At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Simon, ako'y may isang bagay na sasabihin sa iyo. At sinabi niya, Guro, sabihin mo.
41 Isang may pautang ay may dalawang may utang sa kaniya: at ang isa'y may utang na limang daang (Q)denario, at ang isa'y limangpu.
42 Nang sila'y walang maibayad, ay kapuwa pinatawad niya. Alin nga sa kanila ang lalong iibig sa kaniya?
43 Sumagot si Simon at sinabi, Inaakala ko na yaong pinatawad niya ng lalong malaki. At sinabi niya sa kaniya, Matuwid ang pagkahatol mo.
44 At paglingon sa babae, ay sinabi niya kay Simon, Nakikita mo baga ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay, (R)hindi mo ako binigyan ng tubig na ukol sa aking mga paa: datapuwa't dinilig niya ang aking mga paa ng kaniyang mga luha, at kinuskos ng kaniyang buhok.
45 (S)Hindi mo ako binigyan ng halik: datapuwa't siya, buhat nang ako'y pumasok ay hindi humihinto ng paghalik sa aking mga paa.
46 (T)Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo: datapuwa't pinahiran niya ng unguento ang aking mga paa.
47 Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Ipinatatawad ang kaniyang maraming kasalanan; sapagka't siya ay umibig ng malaki: datapuwa't sa pinatatawad ng kaunti, ay kakaunti ang pagibig.
48 At sinabi niya sa babae, (U)Ipinatatawad ang iyong mga kasalanan.
49 At ang mga kasalo niyang nangakaupo sa dulang ng pagkain ay nagpasimulang nangagsabi sa kanilang sarili, Sino ito, na nagpapatawad (V)pati ng mga kasalanan?
50 At sinabi niya sa babae, Iniligtas ka (W)ng iyong pananampalataya; (X)yumaon kang payapa.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978