Lucas 6-8
Ang Salita ng Diyos
Araw ng Sabat
6 Nangyari, sa ikalawang araw ng Sabat pagkaraan ng una, si Jesus ay dumaan sa triguhan. Ang mga alagad niya ay pumigtal ng mga uhay. Ito ay nililigis nila sa kanilang mga kamay at kinakain.
2 Sinabi ng ilang Fariseo sa kanila: Bakit ginagawa ninyo ang ipinagbabawal gawin sa araw ng Sabat?
3 Sumagot si Jesus. Sinabi niya: Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David ng magutom siya at ang mga kasama niya? 4 Hindi ba pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinuha ang tinapay na handog? Kinain niya ito at binigyan din ang kaniyang mga kasama. Ito ay bawal kainin maliban ng mga saserdote. 5 Sinabi niya sa kanila: Ang Anak ng Tao ay Panginoon din ng araw ng Sabat.
6 Nangyari din, sa iba pang araw ng Sabat, na pumasok siya sa isang sinagoga at nagturo. Mayroon doong isang lalaki na ang kanang kamay ay nanunuyot. 7 Minamatyagan siya ng mga guro ng kautusan at mga Fariseokung siya ay magpapagaling sa araw ng Sabat. Ito ay upang makakita sila ng maipaparatang laban sa kaniya. 8 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip. Sinabi niya sa lalaking nanunuyot ang kamay: Tumindig ka at tumayo sa gitna. Tumindig nga siya at tumayo doon.
9 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila: Magtatanong ako sa inyo. Naaayon ba sa batas ang gumawa ng kabutihan o gumawa ng kasamaan sa araw ng Sabat? Ang magligtas ng buhay o pumatay?
10 Tiningnan niya ang bawat isa sa palibot. Pagkatingin niya, sinabi niya sa lalaki: Iunat mo ang iyong kamay. Ginawa niya ang gayon at ang kaniyang kamay ay nanauli sa dati na malusog tulad ng isa. 11 Ngunit nagngitngit sila sa galit. Nagsanggunian sila sa isa’t isa kung ano ang gagawin nila kay Jesus.
Tinawag ni Jesus ang Labindalawang Alagad
12 Nangyari, noong mga araw na iyon, siya ay pumunta sa bundok upang manalangin. Nanalangin siya sa Diyos sa buong magdamag.
13 Nang mag-uumaga na, tinawag niya ang kaniyang mga alagad. Mula sa kanila ay pumili siya ng labindalawa na tinawag din niyang mga apostol. 14 Ang mga ito ay sina Simeon, na tinagurian din niyang Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid.Ang iba ay sina Santiago at Juan, Felipe at Bartolome. 15 Kasama rin si Mateo, si Tomas, si Santiago, na anak ni Alfeo, at si Simon na tinatawag na Makabayan. 16 Kasama rin si Judas na kapatid ni Santiago at si Judas na taga-Keriot, na siyang naging taksil.
17 Si Jesus ay bumabang kasama nila at tumayo sa isang patag na dako. Pumunta roon ang karamihan ng kaniyang mga alagad at mga tao na lubhang marami. Ang mga tao ay nanggaling sa buong Judea at Jerusalem at sa baybaying dagat ng Tiro at Sidon. Sila ay pumunta roon upang makinig sa kaniya at mapagaling ang kanilang mga sakit. 18 Ang mga ginugulo ng mga karumal-dumal na espiritu ay dumating din at sila rin ay pinagaling. 19 Hinangad ng lahat ng mga tao na mahipo siya sapagkat may kapangyarihang lumalabas sa kaniya na nagpapagaling sa kanilang lahat.
Ang Pahayag ng Pagpapala at Pagkaaba
20 Tumingin si Jesus sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya: Pinagpala kayong mga mapagpakumbaba sapagkat sa inyo ang paghahari ng Diyos.
21 Pinagpala kayong mga nagugutom ngayon sapagkat kayo ay bubusugin. Pinagpala kayong umiiyak ngayon sapagkat kayo ay tatawa na may galak. 22 Pinagpala kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at kapag itinatakwil nila kayo. Pinagpala kayo kung pinapahiya kayo ng mga tao at itinuturing nila ang inyong pangalan na tulad sa masama. Pinagpala kayo kapag ang mga ito ay ginawa sa inyo dahil sa akin na Anak ng Tao.
23 Magalak kayo sa araw na iyon at lumukso sa kagalakan. Narito, malaki ang gantimpala ninyo sa langit. Ganito rin ang ginawa ng mga ninuno nila sa mga propeta.
24 Sa aba ninyo na mayayaman sapagkat tinatanggap ninyo anginyong kaaliwan. 25 Sa aba ninyo na mga busog sapagkat kayo ay magugutom.Sa aba ninyo na tumatawa ngayon sapagkat kayo ay magluluksa at tatangis. 26 Sa aba ninyo kung ang lahat ng tao ay nagsasabi ng mabuti patungkol sa inyo. Ganito rin ang ginawa ng mga ninuno nila sa mga bulaang propeta.
Ibigin mo ang Iyong Kaaway
27 Sinasabi ko sa inyo na nakikinig: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway. Gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo.
28 Sabihin ninyo ang mabubuti sa mga nanunungayaw sa inyo. Ipanalangin ninyo sila na umaalipusta sa inyo. 29 Iharap mo ang kabila mong pisngi sa kaniya na sumampal sa iyo. Huwag mong ipagkait ang iyong balabal sa kaniya na kumuha ng iyong damit. 30 Magbigay ka sa bawat isang humihingi sa iyo. Huwag mo nang bawiin ang iyong mga pag-aari sa kumuha nito sa iyo. 31 Ayon sa nais ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gawin din ninyo ang gayon sa kanila.
32 Anong pakinabang ang maaasahan ninyo kung iniibig ninyo ang mga umiibig sa inyo? Ito ay sapagkat ang mga makasalanan ay umiibig din sa mga umiibig sa kanila. 33 Anong pakinabang ang maaasahan ninyo kung gumagawa kayo ng mabuti sa kanila na gumagawa ng mabuti sa inyo? Ito ay sapagkat gayundin ang ginagawa ng mga makasalanan. 34 Anong pakinabang ang maaasahan ninyo kung magpapahiram kayo sa kanila na inaasahan ninyong makakapagbigay sa inyo? Ito ay sapagkat ang mga makasalanan ay nagpapahiram din samga makasalanan upang sila ay tumanggap din ng gayon. 35 Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti. Magpahiram kayo na hindi umaasa ng kapalit at ang gantimpala ninyo ay magiging malaki. Kayo ay magiging mga anak ng kataas-taasan sapagkat siya ay mabuti sa mga hindi mapagpasalamat at sa mga masasama. 36 Maging mga maawain nga kayo, gaya rin naman ng inyong Ama na maawain.
37 Huwag kayong humatol upang hindi kayo hatulan. Huwag kayong magbigay hatol upang hindi kayo bigyang hatol. Magpatawad kayo upang kayo ay patawarin. 38 Magbigay kayo at ito ay ibibigay sa inyo, mabuting sukat, siniksik, niliglig at umaapaw sapagkat ang panukat na inyong ipinangsukat ay siya ring panukat na gagamitin sa inyo.
Ang Talinghaga Patungkol sa Pagkabulag
39 Isang talinghaga ang sinabi niya sa kanila. Makakaakay ba ng bulag ang isang bulag? Hindi ba kapwa silang mahuhulog sa hukay?
40 Ang isang alagad ay hindi higit sa kaniyang guro. Ang bawat isang alagad ay magiging katulad ng kaniyang guro kung sila ay lubos nang handa.
Ang Paghatol sa Iba
41 Bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo napupuna ang troso na nasa sarili mong mata?
42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid: Kapatid, hayaan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata kung hindi mo nakikita ang troso na nasa iyong mata? Ikaw na mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang troso na nasa iyong mata. Pagka-alis mo nito, makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid.
Ang Puno at ang Bunga Nito
43 Sapagkat ang mabuting punong-kahoy ay hindi namumunga ng masamang bunga. Gayundin naman, ang masamang punong-kahoy ay hindi namumunga ng mabuting bunga.
44 Ang bawat punong-kahoy ay nakikilala sa kaniyang sariling bunga. Sapagkat ang mga tao ay hindi nangangalap ng igos sa mga tinik. Hindi rin sila nangangalap ng ubas sa mga dawag. 45 Ang mabuting tao ay nagbubunga ng mabuti mula sa mabuting kayamanan na nasa kaniyang puso. Ang masamang tao ay nagbubunga ng masama mula sa masamang kayamanan na nasa kaniyang puso, sapagkat mula sa kasaganaanng puso ay sinasalita ng bibig.
Ang Matalino at Mangmang na Tagapagtayo
46 Bakit ninyo ako tinatawag na: Panginoon, Panginoon, at hindi ninyo ginagawa ang aking sinasabi?
47 Ang isang tao ay lumalapit sa akin at nakikinig ng aking mga salita at gumagawa nito. Ipapakita ko sa inyo kungkanino katulad ang taong ito. 48 Siya ay katulad ng isang lalaki na nagtayo ng isang bahay. Naghukay siya ng malalim at naglagay ng saligan sa bato. Nang magkaroon ng baha, ang agos ay sumalpok ng malakas sa bahay na iyon. Ang bahay ay hindi natinag sapagkat ito ay itinayo sa bato. 49 Ngunit siya na nakarinig at hindi gumawa ay tulad ng isang tao na nagtayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na walang saligan. Ang agos ay sumalpok ng malakas sa bahay at pagdaka, ito ay bumagsak. Ang pinsala ng bahay na iyon ay lubhang malaki.
Ang Kapitan ay Nanampalataya
7 Nang matapos na siya sa lahat ng kaniyang pagsasalita sa mga taong nakikinig, pumasok siya sa Capernaum.
2 Mayroong isang Kapitan na may alipin na kaniyang pinahahalagahan. Ang aliping ito ay may sakit at malapit nang mamatay. 3 Nang marinig ng kapitan ang patungkol kay Jesus, isinugo niya ang mga matanda ng mga Judio. Ito ay upang hilingin kay Jesus na pumunta at pagalingin ang kaniyang alipin. 4 Pagpunta nila kay Jesus, masikap silang namanhik sa kaniya. Sinabi nila: Siya na gagawan mo nito ay karapat-dapat. 5 Ito ay sapagkat iniibig niya ang ating bansa at itinayo niya ang sinagoga para sa amin. 6 Si Jesus ay sumama sa kanila.
Nang sila ay malapit na sa bahay, ang kapitan ay nagsugo ng mga kaibigan sa kaniya. Ipinasabi niya kay Jesus: Panginoon, huwag ka nang mag-abala sapagkat ako ay hindi karapat-dapat upang puntahan mo sa aking bahay.
7 Kaya nga, hindi ko rin itinuring na ako ay karapat-dapat pumunta sa iyo. Gayunman, magsalita ka lang at ang aking lingkod ay gagaling. 8 Ito ay sapagkat ako rin ay isang lalaking itinalaga sa ilalim ng kapamahalaan. Mayroon akong nasasakupang mga kawal. Sinasabi ko sa isa: Humayo ka.At siya ay humahayo. Sa isa ay sinasabi ko: Pumarito ka. At siya ay pumaparito. Sa aking alipin ay sinasabi ko: Gawin mo ito. At ginagawa niya ito.
9 Nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito, siya ay namangha sa kaniya. Humarap siya sa maraming mga taong sumusunod sa kaniya. Sinabi niya: Sinasabi ko sa inyo, ni sa mga taga-Israel ay hindi ako nakakita ng ganitong kalaking pananampalataya. 10 Nang bumalik sa bahay ang mga isinugo, nasumpungan nilang nasa mabuti nang kalusugan ang aliping may sakit.
Binuhay ni Jesus ang Anak ng Balo
11 Kinabukasan, nangyari na siya ay pumunta sa isang lungsod na tinatawag na Nain. Sumama sa kaniya ang marami sa kaniyang mga alagad at ang napakaraming tao.
12 Nang papalapit na siya sa tarangkahan ng lungsod. Narito, may isang taong patay na at binubuhat papalabas. Ang lalaking patay ay nag-iisang anak ng kaniyang ina na isang balo. Maraming mga mamamayan ng lungsod ang kasama ng ina. 13 Nang makita siya ng Panginoon, siya ay nahabag sa kaniya. Sinabi niya sa kaniya:Huwag kang umiyak.
14 Lumapit si Jesus at hinipo ang kinalalagyan ng patay at ang mga bumubuhat nito ay tumigil. Sinabi niya: Binata, sinasabi ko sa iyo,bumangon ka. 15 Siya na namatay ay umupo at nagsimulang magsalita. Ibinalik siya ni Jesus sa kaniyang ina.
16 Ang lahat ay pinagharian ng takot at niluwalhati nila ang Diyos. Kanilang sinabi: Isang dakilang propeta ang lumitaw sa kalagitnaan natin. Dinalaw ng Diyos ang kaniyang mga tao. 17 Ang ulat na ito patungkol sa kaniya ay kumalat sa buong Judea at sa lahat ng mga lupain sa palibot.
Si Jesus at si Juan na Tagapagbawtismo
18 Ang mga alagad ni Juan ay nagbigay-ulat sa kaniya patungkol sa lahat ng mga bagay na ito.
19 Tinawag ni Juan ang dalawa sa kaniyang mga alagadat sinugo kay Jesus. Ipinasabi niya:Ikaw ba ang aming hinihintay o maghahanap pa kami ng iba?
20 Ang dalawa ay pumunta kay Jesus. Sinabi nila: Sinugo kami sa iyo ni Juan na tagapagbawtismo. Ipinapatanong niya: Ikaw ba ang aming hinihintay o maghahanap pa kami ng iba?
21 Nang oras ding iyon, nagpagaling siya ng maraming mga karamdaman at pasakit, at mga masamang espiritu. Ginawa niya na ang mga bulag ay makakita. 22 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Pumaroon na kayo at iulat ninyo kay Juan ang mga narinig at nakita ninyo. Iulat ninyo sa kaniya na ang mga bulag ay nakakita, ang mga lumpo ay nakalakad, ang mga ketongin ay luminis, ang mga bingi ay nakarinig, ang mga patay ay binuhay at ang ebanghelyo ay ipinangaral sa mahihirap. 23 At pinagpala ang sinumanghindi matitisod sa akin.
24 Umalis ang mga sinugo ni Juan. Si Jesus ay nagsimulang magsalita sa maraming mga tao patungkol kay Juan. Ano ang gusto ninyong makita sa pagpunta ninyo sa ilang? Isa bang tambo na inuuga ng hangin? 25 Ano ang gusto ninyong makita sa inyong pagpunta? Isa bang lalaki na nakadamit ng malambot na kasuotan? Narito, sila na nakadamit ng marilag at namumuhay sa karangyaan ay nasa mga palasyo. 26 Ano ang gusto ninyong makita sa inyong pagpunta? Isa bang propeta? Sinasabi ko sa inyo: Oo, at higit na dakila kaysa sa isang propeta. 27 Siya ito na tinutukoy sanasusulat:
Narito, isinusugo ko ang aking sugo na mauuna sa iyo. Siya ang maghahanda ng iyong daraanan sa unahan mo.
28 Sinasabi ko ito sa inyo dahil, sa mga ipinanganak ng mga babae, wala nang propeta na hihigit pa kay Juan na tagapagbawtismo. Gayunman, siya na pinakamababa sa paghahari ng langit ay lalong higit kaysa sa kaniya.
29 Narinig ito ng mga tao at ng mga maniningil ng buwis. Kinilala nilang matuwid ang Diyos sapagkat sila ay nabawtismuhan ng bawtismo ni Juan. 30 Ngunit ang mga Fariseo at mga dalubhasa sa kautusan ay tumanggi sa payo ng Diyos sapagkat hindi sila nabawtismuhan ni Juan.
31 Sinabi ng Panginoon: Sa ano ko nga ihahalintulad ang lahing ito? Ano ang katulad nila? 32 Sila ay katulad ng mga maliliit na bata na nakaupo sa pamilihan at tinatawag ang isa’t isa. Kanilang sinasabi:
Tinugtugan namin kayo ng plawta at hindi kayo sumayaw. Kami ay nagluksa at hindi kayo tumangis.
33 Ito ay sapagkat nang si Juan na tagapagbawtismo ay pumarito, hindi siya kumakain ng pagkain o umiinom ng alak at sinasabi ninyo: Siya ay may demonyo. 34 Nang ang Anak ng Tao ay dumating, siya ay kumakain at umiinom. At sinasabi ninyo: Siya ay taong matakaw at manginginom ng alak, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan. 35 Subalit ang karunungan ay pinatunayang matuwid ng lahat ng kaniyang mga anak.
Binuhusan ng Pabango ng Makasalanang Babae si Jesus
36 Isa sa mga Fariseo ang humiling na siya ay kumaing kasama niya. Pagpasok niya sa bahay ng Fariseo, siya ay dumulog sa hapag.
37 Narito, isang babaeng namuhay sa kasalanan ang nasa lungsod na iyon. Nalaman niya na si Jesus ay dumulog sa hapag, sa bahay ng Fariseo. Dahil dito, nagdala siya ng isang mabangong langis na nasa garapong alabastro. 38 Tumayo siya sa likuran ni Jesus, sa kaniyang paanan. Siya ay umiiyak at sinimulan niyang basain ng kaniyang luha ang mga paa ni Jesus. Pinupunasan niya ng kaniyang buhok at taimtim na hinahagkan ang mga paa ni Jesus. Pinapahiran niya ito ng mabangong langis.
39 Nakita ito ng Fariseo na nag-anyaya kay Jesus. Siya ay nangusap sa kaniyang sarili. Kaniyang sinabi: Kung propeta ang taong ito, nalaman sana niya kung sino at anong uringbabae ang humihipo sa kaniya sapagkat ang babaeng ito ay makasalanan.
40 Sa pagsagot ni Jesus, sinabi sa kaniya: Simon may ilang bagay akong sasabihin sa iyo.
Sinabi niya: Guro, sabihin mo.
41 Sinabi ni Jesus: May dalawang lalaking nangutang sa isang nagpapautang. Ang isa ay umutang ng limandaang denaryo, ang isa ay limampu. 42 Nang wala silang maibayad, kapwa sila pinatawad ng nagpautang sa kanila. Sabihin mo kung sino sa kanila ang iibig sa kaniya ng lubos?
43 Sumagot si Simon: Sa palagay ko, ang pinatawad sa malaking pagkakautang.
Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tama ang iyong hatol.
44 Humarap siya sa babae. Sinabi niya kay Simon: Nakikita mo ba ang babaeng ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo ako binigyan ng tubig para mahugasan ko ang aking paa. Ngunit binasa ng babaeng ito ang aking mga paa ng kaniyang luha. Pinunasan niya ito ng kaniyang buhok. 45 Hindi mo ako binigyan ng halik. Ngunit ang babaeng ito ay hindi huminto sa mataimtim na paghalik sa aking mga paa mula pa nang ako ay pumasok. 46 Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo. Ngunit pinahiran niya ng mabangong langis ang aking mga paa. 47 Dahil dito, sinasabi ko sa iyo: Pinatawad na ang marami niyang kasalanan sapagkat siya ay umibig ng lubos. At ang pinatawad ng kaunti ay umiibig ng kaunti.
48 Sinabi niya sa babae: Ang iyong mga kasalanan ay pinatawad na.
49 At ang mga kasama niyang nakadulog sa hapag ay nagsimulang magsabi sa kanilang mga sarili. Sinabi nila: Sino ito na nagpapatawad ng mga kasalanan?
50 Sinabi niya sa babae: Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Humayo kang payapa.
8 Pagkatapos na mangyari ito, si Jesus ay naglakbay sa bawat lungsod at sa bawat nayon. Siya ay nangangaral at naghahayag ng ebanghelyo patungkol sa paghahari ng Diyos. Ang labindalawang alagad ay kasama niya. 2 Kasama rin niya ang ilang mga babae na pinagaling mula sa masamang espiritu at sakit. Kasama nila si Maria na tinaguriang Magdala na nilabasan ng pitong demonyo. 3 Kasama rin si Joana na asawa ni Chuza, na isang tagapangasiwa ng sambahayan ni Herodes. Kasama rin si Susana at ang marami pang iba. Naglilingkod sila sa kaniya ng mula sa kanilang mga ari-arian.
Ang Talinghaga Patungkol sa Manghahasik
4 Nagtipun-tipon ang napakaraming mga tao at ang mga nanggaling sa bawat lungsod ay pumunta sa kaniya. Nagsalita siya sa pamamagitan ng talinghaga.
5 Ang manghahasik ay lumabas upang ihasik ang kaniyang binhi. Sa kaniyang paghahasik ang ilan ay nahulog sa tabi ng daan at ito ay naapakan. Ito ay kinain ng mga ibon sa langit. 6 Ang iba ay nahulog sa bato. Nang ito ay umusbong, ito ay natuyo dahil sa kakulangan ng hamog. 7 Ang iba ay nahulog sa dawagan. Kasabay nitong umusbongang mga dawag at ito ay nasiksik ng mga dawag. 8 Ang iba ay nahulog sa matabang lupa. Umusbong ang mga ito at namunga ng isang daan.
Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, sumigaw siya: Ang may pandinig ay makinig.
9 Tinanong siya ng kaniyang mga alagad: Ano kaya ang kahulugan ng talinghagang ito? 10 Sinabi niya: Ipinagkaloob sa inyo ang makaalam ng mga hiwaga ng paghahari ng Diyos ngunit sa iba ay nagsalita ako sa pamamagitan ng mga talinghaga.
Ito ay upang sa pagtingin ay hindi sila makatalos at sa pagdinig ay hindi sila makaunawa.
11 Ngayon, ang talinghaga ay ito: Ang binhi ay ang Salita ng Diyos. 12 Ang mga nasa tabing-daan ay ang mga nakikinig. Dumating ang diyablo at kinuha ang salita mula sa kanilang mga puso. Ito ay upang hindi sila sumampalataya at maligtas. 13 Ang mga nasa bato ay sila, na nang makarinig ay may kagalakang tinanggap ang salita. Ang mga ito ay walang mga ugat na sa ilang panahon ay sumampalataya. Sa panahon ng pagsubok sila ay lumayo. 14 Ngunit ang mga nahulog sa dawag ay sila na mga nakarinig. At nang sila ay humayo, sila ay nasakal ng mga kabalisahan at mga kayamanan at mga kasiyahan ng buhay. Hindi sila lumago. 15 Ang mga nahulog sa matabang lupa ay ang mga nakarinig ng salita at tumanggap nito. Tinanganan nila ito na may marangal at mabuting puso. Sila ay nasumpungang may pagtitiis.
Ang Ilawan sa Lagayan ng Ilaw
16 Walang sinumang nagsisindi ng ilawan at pagkatapos ay tinatakpan ng banga. Wala ring nagsisindi ng ilawan at inilalagay ito sa ilalim ng higaan. Ito ay inilalagay sa lagayan ng ilawan upang ang liwanag nito ay makita ng mga pumapasok.
17 Ito ay sapagkat walang anumang nakatago na hindi mahahayag. Wala ring anumang lihim na hindi malalaman at maliliwanagan. 18 Mag-ingat nga kayo sa inyong pakikinig sapagkat sa sinumang mayroon, siya ay bibigyan pa. Sa sinumang wala, maging ang inaakala niyang sa kaniya ay kukunin pa sa kaniya.
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus
19 Sa oras na iyon, pumunta kay Jesus ang kaniyang ina at mga kapatid na lalaki. Hindi sila makalapit sa kaniya dahil sa napakaraming tao.
20 May nagsabi sa kaniya: Ang iyong ina at mga kapatid na lalaki ay nasa labas. Nais ka nilang makita.
21 Sinabi niya sa kanila: Ang aking ina at mga kapatid ay sila na nakikinig at gumagawa ng Salita ng Diyos.
Pinatigil ni Jesus ang Bagyo
22 At isang araw, nangyari na si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay sumakay sa isang bangka. Sinabi niya sa kanila: Pumunta tayo sa kabilang ibayo ng lawa. At sila ay pumalaot.
23 Habang sila ay naglalayag, si Jesusay nakatulog. Dumating ang isang unos sa lawa. Sila ay nanganib sapagkat napupuno ng tubig ang bangka.
24 Pagpunta nila sa kaniya, siya ay ginising nila. Kanilang sinabi: Guro, Guro, mapapahamak kami!
Paggising niya, sinaway niya ang hangin at alon ng tubig. Tumigil ang mga ito at nagkaroon ng kapayapaan.
25 Sinabi niya sa kanila: Nasaan ang inyong pananampalataya?
Sila ay natakot at namangha. Sinabi nila sa isa’t isa: Sino ang taong ito na kahit ang hangin at tubig ay inuutusan niya at sinusunod siya ng mga ito?
Pinagaling ni Jesus ang Inaalihan ng Demonyo
26 Sila ay naglayag at dumating sa lalawigan ng mga taga-Gadara na katapat ng Galilea.
27 Nang lumunsad na siya sa lupa, sumalubong sa kaniya ang isang lalaking mula sa lungsod na matagal nang may mga demonyo. Siya ay walang damit at hindi naninirahan sa bahay kundi sa mga puntod. 28 Nang makita niya si Jesus, sumigaw siya at nagpatirapa sa harap niya. Nagsalita ng malakas. Sinabi niya: Ano ang kaugnayan natin sa isa’t isa, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Ipinamamanhik ko sa iyo, huwag mo akong pahirapan. 29 Sinabi ito ng lalaki sapagkat inutusan niya ang karumal-dumal na espiritu na lumabas mula sa lalaki. Kadalasan, hinuhuli siya ng demonyo. Siya ay binabantayan nila at iginagapos ng tanikala at pangaw. At pinapatid niya ang gapos. Pagkatapos niyang patirin ang gapos, itinaboy siya ng demonyo sa ilang.
30 Tinanong siya ni Jesus na sinasabi: Ano ang pangalan mo?
Sinabi niya: Hukbo. Ito ay sapagkat maraming demonyo ang nakapasok sa kaniya.
31 Ipinamanhik niya kay Jesus na huwag silang utusang pumunta sa walang hanggang kalaliman.
32 Doon ay may isang kawan ng baboy na nanginginain sa bundok. Ipinamanhik sa kaniya ng mga demonyo na payagan silang pumasok sa mga iyon at sila ay pinayagan niya. 33 Lumabas ang mga demonyo sa lalaki at pumasok sa mga baboy. At ang kawan ay mabilis na tumakbong palusong tuloy-tuloy sa lawa at ang lahat ay nalunod.
34 Nang makita ng mga nagpapakain ng mga baboy ang nangyari, tumakbo silang palayo. At sa kanilang pag-alis, iniulat nila ito sa mga nasa lungsod at sa mga nasa karatig na kabukiran. 35 Ang mga tao ay pumunta roon upang tingnan kung ano ang nangyari. Pumunta sila kay Jesus at nakita nila ang lalaking nilabasan ng mga demonyo. Nakaupo siya sa paanan ni Jesus, may damit at nasa wastong pag-iisip. At natakot ang mga tao. 36 Ang mga nakakita rin ng nangyari ay nag-ulat sa kanila. Sinabi nila kung papaano gumaling ang lalaking inalihan ng mga demonyo. 37 Ang buong karamihan ng taga-Gadara at sa palibot nito ay humiling kay Jesus na umalis siya sa kanilang lupain sapagkat sila ay pinagharian ng takot. Sumakay si Jesus sa bangka at bumalik sa kaniyang pinanggalingan.
38 Ang lalaking nilabasan ng mga demonyo ay nagsusumamo sakaniya na makasama sa kaniya. Ngunit pinaalis siya ni Jesus. 39 Sinabi sa kaniya: Bumalik ka sa iyong bahay. Isalaysay mo ang lahat ng ginawa sa iyo ng Diyos. At umalis siya na inihahayag sa buong lungsod ang lahat ng ginawa ni Jesus sa kaniya.
Ang Babaeng May Sakit at ang Patay na Batang Babae
40 Nangyari, na sa pagbalik ni Jesus, malugod siyang tinanggap ng mga tao sapagkat silang lahat ay naghihintay sa kaniya.
41 Narito, isang lalaking nagngangalang Jairus na pinuno ng sinagoga ang lumapit sa kaniya. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus. Ipinamanhik niya kay Jesus na pumunta sa kaniyang bahay. 42 Ito ay sa dahilang ang kaniyang tanging anak na babae ay malapit ng mamatay. Siya ay labindalawang taong gulang na.
Nang pumunta siya, nagsiksikan sa kaniya ang maraming tao.
43 Isang babae ang naroon na dinurugo sa loob ng labindalawang taon. Nagugol na niya sa mga manggagamot ang lahat ng kaniyang kabuhayan. Walang sinumang nakapagpagaling sa kaniya. 44 Ang babae ay pumunta sa likuran ni Jesus at hinipo ang laylayan ng kaniyang damit. Ang pagdurugo niya ay dagliang naampat.
45 Sinabi ni Jesus: Sino ang humipo sa akin?
Nang ang lahat ay tumanggi, si Pedro at ang mga kasama niya ay nagsabi: Guro, napapaligiran ka at sinisiksik ng mga tao at pagkatapos ay sasabihin mo: Sino ang humipo sa akin?
46 Sinabi ni Jesus: May humipo sa akin dahil alam kong may kapangyarihang lumabas sa akin.
47 Nang makita ng babae na hindi siya makakapagtago, lumapit siya na nanginginig. Nagpatirapa siya sa harapan ni Jesus. Isinalaysay niya sa kaniya sa harap ng lahat ng mga tao ang dahilan ng paghipo niya sa kaniya at kung papaano siya dagliang gumaling. 48 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Anak, lakasan mo ang loob mo. Ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo. Humayo kang payapa.
49 Habang nagsasalita siya, may isang dumating mula sa tahanan ng pinuno ng sinagoga. Sinabi nito sa kaniya: Patay na ang anak mo. Huwag mo nang abalahin ang guro.
50 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kaniya: Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang at gagaling siya.
51 Pagpasok niya sa bahay, hindi niya pinahintulutan pumasok ang sinuman. Ang pinapasok lang niya ay sina Pedro, Santiago at Juan at ang ina at ama ng bata. 52 Silang lahat ay nananangis at nananaghoy sa kaniya. Sinabi ni Jesus: Huwag kayong tumangis. Hindi siya patay kundi natutulog.
53 Tinawanan nila si Jesus na may panglilibak dahil alam nilang ang bata ay patay na. 54 Ngunit nang mapalabas na niya silang lahat, hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at tinawag na sinasabi: Anak, bumangon ka. 55 Ang kaniyang espiritu ay bumalik at siya ay bumangon kaagad. Nag-utos si Jesus na bigyan ng makakain ang bata. 56 Ang kaniyang mga magulang ay namangha. Inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.
Copyright © 1998 by Bibles International