Lucas 23:32-43
Magandang Balita Biblia
32 May dalawa pang kriminal na inilabas ang mga kawal upang pataying kasama ni Jesus. 33 Nang dumating sila sa isang bundok na tinatawag na Bungo, ipinako nila si Jesus sa krus. Ipinako rin ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kaliwa. [34 Sinabi(A) ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”][a]
Nagpalabunutan ang mga kawal upang paghati-hatian ang kasuotan niya. 35 Ang(B) mga tao nama'y nakatayo roon at nanonood, habang si Jesus ay kinukutya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!”
36 Nilait(C) din siya ng mga kawal. Nilapitan siya ng isa at inalok ng maasim na alak, 37 kasabay ng ganitong panunuya, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.”
38 Mayroon ding nakasulat sa kanyang ulunan [sa wikang Griego, Latin at Hebreo],[b] “Ito ang Hari ng mga Judio.”
39 Tinuya rin siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami.”
40 Ngunit pinagsabihan naman ito ng kanyang kasama, “Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad niya! 41 Tama lamang na tayo'y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito'y walang ginawang masama.” 42 At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.”
43 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.”
Read full chapterFootnotes
- Lucas 23:34 Sinabi ni Jesus…ang kanilang ginagawa: Sa ibang matatandang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
- Lucas 23:38 sa wikang...at Hebreo: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.