Lucas 21
Magandang Balita Biblia
Ang Handog ng Isang Biyuda(A)
21 Nang tumingin si Jesus sa paligid, nakita niya ang mayayaman na naglalagay ng mga handog sa Templo. 2 Nakita rin niya ang isang dukhang biyuda na naghulog ng dalawang salaping tanso. 3 Sinabi niya, “Ang inihandog ng dukhang biyudang iyon ay higit pa sa inihandog nilang lahat. 4 Ang inilagay nila ay bahagi lamang ng kanilang kasaganaan, ngunit ang kanyang ibinigay ay ang buo niyang kabuhayan.”
Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(B)
5 May ilang tao namang nag-uusap tungkol sa Templo. Pinag-uusapan nila ang naglalakihan at magagandang batong ginamit dito at ang mga palamuting inihandog ng mga tao. Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, 6 “Darating ang panahon na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, at walang matitirang magkakapatong na mga bato.”
Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(C)
7 Tinanong nila si Jesus, “Guro, kailan po mangyayari iyon? At ano ang magiging palatandaang iyon ay magaganap na?”
8 Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! Marami ang darating sa aking pangalan at magsasabi, ‘Ako ang Cristo,’ at, ‘Dumating na ang panahon!’ Huwag kayong susunod sa kanila. 9 Huwag kayong matatakot kung makabalita man kayo ng mga digmaan at mga himagsikan. Dapat munang mangyari ang mga iyon subalit hindi kaagad darating ang wakas.” 10 At sinabi pa niya, “Maglalaban-laban ang mga bansa at ang mga kaharian. 11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa iba't ibang dako. May lilitaw na mga kakaibang bagay at mga kakila-kilabot na kababalaghan buhat sa langit.
12 “Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, kayo'y dadakpin at uusigin. Kayo'y lilitisin sa mga sinagoga at ipabibilanggo. At dahil sa pagsunod ninyo sa akin, isasakdal kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador. 13 Iyon ang pagkakataon ninyo upang makapagpatotoo tungkol sa akin. 14 Ipagpasya(D) ninyo na huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili, 15 sapagkat bibigyan ko kayo ng pananalita at karunungang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. 16 Ipagkakanulo kayo kahit ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. 17 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin, 18 ngunit hindi kayo malalagasan kahit isang hibla ng buhok. 19 Sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay.”
Ang Darating na Pagkawasak ng Jerusalem(E)
20 “Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga hukbo ang Jerusalem, tandaan ninyo, malapit na ang pagkawasak nito. 21 Ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, ang mga nasa bayan ay dapat nang lumabas, at ang mga nasa bukid ay huwag nang pumasok sa bayan. 22 Sapagkat(F) iyon ang mga araw ng pagpaparusa bilang katuparan ng mga sinasabi sa Kasulatan. 23 Kawawa ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil magkakaroon ng malaking kapighatian sa lupaing ito at darating ang pagpaparusa ng Diyos sa bansang ito. 24 Mamamatay sila sa tabak, at ang iba'y dadalhing-bihag sa lahat ng bansa. Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga Hentil hanggang sa matapos ang panahong itinakda sa kanila.”
Ang Pagdating ng Anak ng Tao(G)
25 “Magkakaroon(H) ng mga palatandaan sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. 26 Ang mga tao'y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga kapahamakang darating sa sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan sa langit. 27 Sa(I) panahong iyon, makikita nila ang Anak ng Taong dumarating na nasa alapaap, at may kapangyarihan at dakilang karangalan. 28 Kapag nagsimula nang mangyari ang mga ito, tumayo kayo at tumingala sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.”
Ang Aral mula sa Puno ng Igos(J)
29 At sinabi sa kanila ni Jesus ang isang talinghaga, “Tingnan ninyo ang puno ng igos at iba pang punongkahoy. 30 Kapag nagkakadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 31 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinabi ko, malalaman ninyong malapit na ang kaharian ng Diyos. 32 Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago lumipas ang salinlahing ito. 33 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas kailanman.”
Mag-ingat Kayo
34 “Mag-ingat kayo na huwag kayong malulong sa labis na pagsasaya, paglalasing at matuon ang inyong pag-iisip sa mga alalahanin sa buhay na ito; kung hindi ay bigla kayong aabutan ng Araw na iyon 35 na tulad ng isang bitag. Sapagkat darating ang Araw na iyon sa lahat ng tao sa ibabaw ng lupa. 36 Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng kalakasan upang malampasan ninyo ang lahat ng mangyayaring ito, at makatayo kayo sa harap ng Anak ng Tao.”
37 Araw-araw,(K) si Jesus ay nagtuturo sa Templo. Kung gabi nama'y umaalis siya at nagpapalipas ng magdamag sa Bundok ng mga Olibo. 38 Maaga pa'y pumupunta na sa Templo ang mga tao upang makinig sa kanya.
Lucas 21
Ang Biblia, 2001
Ang Handog ng Babaing Balo(A)
21 Siya'y tumingala, at nakita niya ang mayayaman na naglalagay ng kanilang mga handog sa kabang-yaman.
2 Nakita rin niya ang isang mahirap na babaing balo na naglalagay ng dalawang kusing.
3 At sinabi niya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang mahirap na babaing balong ito ay naglagay ng higit kaysa kanilang lahat.
4 Sapagkat silang lahat ay naglagay mula sa kanilang kasaganaan, samantalang siya mula sa kanyang kahirapan ay inilagay ang lahat ng kanyang kabuhayan.”
Nagsalita si Jesus tungkol sa Pagkawasak ng Templo(B)
5 At habang nagsasalita ang ilan tungkol sa templo, kung paanong ito'y napalamutian ng magagandang bato at ng mga handog ay kanyang sinabi,
6 “Tungkol sa mga bagay na ito na inyong nakikita ay darating ang mga araw na walang maiiwan dito ni isang bato sa ibabaw ng kapwa bato, na hindi ibabagsak.”
7 Kanilang tinanong siya, “Guro, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? At ano ang magiging tanda kapag malapit nang mangyari ang mga bagay na ito?”
8 At sinabi niya, “Mag-ingat kayo na hindi kayo mailigaw, sapagkat marami ang darating sa aking pangalan, na magsasabi, ‘Ako siya!’ at, ‘Malapit na ang panahon!’ Huwag kayong sumunod sa kanila.
9 At kapag kayo'y nakarinig ng mga digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong matakot. Sapagkat kailangang mangyari muna ang mga bagay na ito, subalit hindi pa ito ang wakas.”
10 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Babangon ang isang bansa laban sa bansa at ang isang kaharian laban sa kaharian.
11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, at sa iba't ibang dako ay magkakaroon ng taggutom at mga salot, at magkakaroon ng mga bagay na kakilakilabot, at ng mga dakilang tanda mula sa langit.
12 Subalit bago mangyari ang lahat ng mga bagay na ito ay pagbubuhatan nila kayo ng kanilang mga kamay at uusigin. Dadalhin kayo sa mga sinagoga, sa mga bilangguan at ihaharap kayo sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan.
13 Ito ay magiging pagkakataon upang kayo ay magpatotoo.
14 Ipasiya(C) ninyo sa inyong mga puso na huwag humanda na ipagtanggol ang sarili,
15 sapagkat bibigyan ko kayo ng salita at karunungan na hindi malalabanan o matututulan man ng lahat ng sumasalungat sa inyo.
16 Kayo'y ipagkakanulo maging ng mga magulang at mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at ipapapatay nila ang iba sa inyo.
17 Kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan.
18 Subalit hindi mawawala sa anumang paraan kahit isang buhok ng inyong ulo.
19 Sa inyong pagtitiis ay makakamit ninyo ang inyong mga kaluluwa.
Nagsalita si Jesus tungkol sa Pagbagsak ng Jerusalem(D)
20 “Subalit kapag nakita ninyong pinaliligiran ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin nga ninyo na ang kanyang pagkawasak ay malapit na.
21 Kaya't ang mga nasa Judea ay dapat tumakas patungo sa mga bundok; at ang mga nasa loob ng lunsod ay lumabas, at ang mga nasa labas ng lupain ay huwag pumasok doon;
22 sapagkat(E) ito ang mga araw ng paghihiganti, upang matupad ang lahat ng mga bagay na nasusulat.
23 Kahabag-habag ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon! Sapagkat magkakaroon ng malaking pagdurusa sa ibabaw ng lupa at poot laban sa sambayanang ito.
24 Sila'y mabubuwal sa pamamagitan ng talim ng tabak at dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa. Yuyurakan ang Jerusalem ng mga Hentil, hanggang sa matupad ang mga panahon ng mga Hentil.
Ang Pagdating ng Anak ng Tao(F)
25 “At(G) magkakaroon ng mga tanda sa araw, at buwan, at mga bituin, at sa lupa'y magkakaroon ng kahirapan sa mga bansa, na nalilito dahil sa ugong ng dagat at mga daluyong.
26 Ang mga tao ay manlulupaypay dahil sa takot, at mangangamba sa mga bagay na darating sa daigdig, sapagkat ang mga kapangyarihan sa mga langit ay mayayanig.
27 Pagkatapos(H) ay makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa isang ulap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.
28 Kapag nagsimulang mangyari ang mga bagay na ito, tumingala kayo at itaas ninyo ang inyong mga ulo, sapagkat malapit na ang katubusan ninyo.”
Ang Aral tungkol sa Puno ng Igos(I)
29 At isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga: “Masdan ninyo ang puno ng igos at ang lahat ng mga punungkahoy;
30 kapag mayroon na silang mga dahon ay nakikita mismo ninyo at nalalaman na malapit na ang tag-araw.
31 Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga bagay na ito, nalalaman ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos.
32 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang salinlahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.
33 Ang langit at ang lupa ay lilipas, subalit ang aking salita ay hindi lilipas.
Kailangang Magbantay
34 “Subalit mag-ingat kayo sa inyong sarili, baka magumon ang inyong mga puso sa katakawan, at kalasingan, at sa mga alalahanin ukol sa buhay na ito, at biglang dumating ang araw na iyon na parang bitag.
35 Sapagkat ito ay darating sa lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa.
36 Subalit maging handa kayo sa bawat panahon, na nananalanging magkaroon kayo ng lakas upang makatakas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari, at upang makatayo kayo sa harapan ng Anak ng Tao.”
37 Araw-araw(J) ay nagtuturo siya sa templo; subalit sa gabi ay lumalabas siya at ginugugol ang magdamag sa bundok na tinatawag na Olibo.
38 At lahat ng mga tao ay maagang pumaparoon sa kanya sa templo upang pakinggan siya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
