Add parallel Print Page Options

Ipinanganak si Jesus

Nangyari, nang mga araw na iyon, na lumabas ang isang batas mula kay Augusto Cesar na nag-uutos na dapat magpatala ang buong sanlibutan.

Ang pagpapatalang ito ay unang nangyari nang si Cirenio ay gobernador ng Siria. Ang lahat ay pumunta upang makapagpatala, bawat isa sa kaniyang sariling lungsod.

Si Jose ay umahon din mula sa Galilea, mula sa lungsod ng Nazaret patungo sa Judea. Sa dahilang siya ay kabilang sa sambahayan at angkan ni David, siya ay umahon sa lungsod ni David na tinatawag na Bethlehem. Siya ay umahon upang magpatalang kasama si Maria, na ipinagkasundong mapanga­sawa niya. At kabuwanan na noon ni Maria. Nangyari, samantalang sila ay naroroon, sumapit ang araw ng kaniyang panganganak. Isinilang niya ang kaniyang panganay na anak, isang lalaki at binalot niya siya ng mga mahabang tela. Siya ay inihiga niya sa isang sabsaban sapagkat wala ng lugar para sa kanila sa bahay-tuluyan.

Nagbalita ang mga Anghel sa mga Pastol

Sa lupain ding iyon ay may mga tagapag-alaga ng mga tupa na namamalagi sa parang. Binabantayan nila sa gabi ang kanilang kawan.

Narito, tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon. Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila at sila ay lubhang natakot. 10 Sinabi sa kanila ng anghel:Huwag kayong matakot. Narito, inihahayag ko sa inyo ang ebanghelyo ng malaking kagalakan para sa lahat ng mga tao. 11 Ito ay sapagkat sa araw na ito sa lungsod ni David ay ipinanganak sa inyo ang isang Tagapagligtas. Siya ang Cristo na Panginoon. 12 Ito ang palatandaan ninyo. Inyong masusum­pungan ang sanggol na nababalot ng mga mahabang tela at nakahiga sa isang sabsaban.

13 At biglang lumitaw ang isang karamihan ng hukbo ng langit na kasama ng anghel na iyon. Sila ay nagpupuri sa Diyos at nagsasabi:

14 Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan, sa lupa ay kapa­yapaan, sa mga tao ay kaluguran.

15 Nangyari, nang ang mga anghel ay umalis patungo sa langit, ang mga tagapag-alaga ng tupa ay nag-usap-usap. Sinabi nila sa isa’t isa: Pumunta tayo hanggang sa Bethlehem. Tingnan natin ang bagay na ito na nangyari, na ipinaalam sa atin ng Panginoon.

16 Sila ay nagmadaling pumunta roon. Nasumpungan nila roon si Maria at si Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 Pagkakita nila, kanilang ipinamalita ang salitang sinabi sa kanila patungkol sa sanggol na ito. 18 Ang lahat ng mga nakarinig ay namangha sa mga bagay na sinabi sa kanila ng mga tagapag-alaga ng tupa. 19 Sinarili ni Maria ang lahat ng mga salitang ito, at isina-alang-alang sa kaniyang puso. 20 At bumalik ang mga tagapag-alaga ng tupa na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil sa lahat ng mga bagay na kanilang narinig at nakita tulad ng pagkasabi sa kanila.

 

Dinala ni Jose at ni Maria si Jesus sa Templo

21 Dumating ang ikawalong araw para sa pagtutuli sa maliit na bata. Ang kaniyang pangalan ay tinawag na Jesus. Ito ang ipina­ngalan ng anghel bago siya ipinagdalang-tao sa bahay-bata.

22 Naganap na ang araw ng kanilang pagdadalisay ayon sa kautusan ni Moises. Pagkatapos nito, dinala nila si Jesus sa Jerusalem upang iharap saPanginoon. 23 Gaya ng nasusulatsa kautusan ng Panginoon: Ang bawat batang lalaki na nagbubukas ng bahay-bata ay tatawaging banal sa Panginoon. 24 Dinala nila siya upang maghandog ng hain ayon sa sinabi sakautusan ng Panginoon. Ang hain ay isang tambal na batu-bato o dalawang inakay na kalapati.

25 Narito, sa Jerusalem ay may isang lalaki na ang pangalan ay Simeon. Ang lalaking ito ay matuwid at maka-diyos na naghihintay sa kaaliwan ng Israel. At ang Banal na Espiritu ay sumasakaniya. 26 Ang Banal na Espiritu ay naghayag sa kaniya na hindi siya mamamatay hanggang hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. 27 Siya ay pumunta sa loob ng templo sa pamamagitan ng Espiritu. Dinala ng mga magulang ang maliit na batang si Jesus sa templo. Ito ay upang magawa nilasa kaniya ang naaayon sa naging kaugalian sa kautusan. 28 Nang dinala nila ang maliit na bata, kinarga siya ni Simeon at pinuri ang Diyos. 29 Sinabi niya: Panginoon, ngayon ay papanawin mo na ang iyong alipin na may kapayapaan ayon sa iyong salita. 30 Ito ay sapagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas. 31 Inihanda mo ito sa harap ng lahat ng mga tao. 32 Ang kaligtasang ito ay isang liwanag upang maging kapahayagan sa mga Gentil. Ito ay kaluwalhatian ng Israel na iyong mga tao.

33 Si Jose at ang ina ni Jesus ay namangha sa mga bagay na sinabi patungkol sa kaniya. 34 Binasbasan sila ni Simeon at sinabi niya kay Maria na ina ng bata: Narito, siya ay itinalaga upang ibagsak at itindig ang marami sa Israel. Siya ay magiging isang tanda na kanilang tututulan. 35 Ito ay mangyayari upang mahayag ang mga pagtatalo ng maraming puso. Sa iyo rin, isang tabak ang tatagos sa iyong kaluluwa.

36 Naroroon din si Ana, isang babaeng propeta na anak ni Fanuel, mula sa lipi ni Aser. Siya ay lubhang matanda na. Mula sa kaniyang kadalagahan, pitong taon siyang namuhay na may asawa. 37 Siya ay mga walumpu’t-apat na taon na at siya ay isang balo. At hindi na siya umalis sa templo. Araw at gabi siya ay naglilingkod na may mga pag-aayuno at mga pagdalangin. 38 Sa oras ding iyon, pumasok siya sa kinaroroonan nila at nagpuri sa Panginoon. Nagsalita siya patungkol kay Jesus sa kanilang lahat na nasa Jerusalem na naghihintay ng katubusan.

39 Naganap na nila ang lahat ng mga bagay ayon sa kautusan ng Panginoon. Sila ay bumalik sa Galilea, sa Nazaret na kanilang lungsod. 40 Ang bata ay lumaki at lumakas sa espiritu. Napuspos siya ng karunungan at ang biyaya ng Diyos ay sumakaniya.

Ang Batang si Jesus ay Naiwan sa Loob ng Templo

41 Taun-taon ay pumupunta ang kaniyang mga magulang sa Jerusalem para sa pista ng Paglagpas.

42 Nang si Jesus ay labindalawang taong gulang na, sila ay umahon sa Jerusalem ayon sa kaugalian ng kapistahan. 43 Sila ay bumalik nang mabuo na nila ang mga araw ng kapistahan. Sa kanilang pagbabalik, ang batang si Jesus ay nanatili sa Jerusalem na hindi nalalaman ni Jose at ng ina ng bata. 44 Sa pag-aakala nilang siya ay nasa kasamahan nila, sila ay yumaon at naglakbay ng isang araw. Pagkatapos nito, hinanap nila siya sa mga kamag-anak at mga kakilala. 45 Nang hindi nila siya natagpuan, bumalik sila sa Jerusalem at hinanap siya. 46 Pagkalipas ng tatlong araw, natagpuan nila siya sa templo. Siya ay nakaupo sa kalagitnaan ng mga guro, nakikinig at nagtatanong sa kanila. 47 Ang lahat ng mga nakarinig sa kaniya ay namangha sa kaniyang pang-unawa at mga sagot. 48 Nanggilalas ng labis ang kaniyang mga magulang nang makita siya. Sinabi sa kaniya ng kaniyang ina: Anak, bakit mo ginawa sa amin ang ganiyan? Ako at ang iyong ama ay naghanap sa iyo ng may hapis.

49 Sinabi niya sa kanila: Bakit ninyo ako hinanap? Hindi ba ninyo alam na kinakailangan kong gawin ang mga bagay na may kinalaman sa aking Ama? 50 Hindi nila naunawaan ang mga salitang sinabi niya sa kanila.

51 At siya ay lumusong na kasama nila at dumating sa Nazaret. Siya ay nagpasakop sa kanila. At iningatan ng kaniyang ina sa kaniyang puso ang lahat ng mga bagay na ito. 52 At si Jesus ay lumago sa karunungan, at pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Diyos, at sa mga tao.

Si Juan na Tagapagbawtismo ay Nangaral at Nagbawtismo

Sa ika-labinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar, ang gobernador sa Judea ay si Poncio Pilato. Ang tetrarka[a] sa Galilea ay si Herodes. Ang kaniyang nakakabatang kapatid na si Felipe ay punong tagapamahala sa Iturea at sa lalawigan ng Traconite. Si Lisonias ay punong tagapamahala sa Abilinia.

Ang mga pinakapunong-saserdote ay sina Anas at Caifas. Sa panahong iyon, ang salita ng Diyos ay dumating kay Juan na nasa ilang. Si Juan ay anak ni Zacarias. Siya ay pumunta sa lahat ng lupain sa palibot ng Jordan. Ipinapangaral niya ang bawtismo ng pagsisisi para sa ikakapagpatawad ng mga kasalanan. Sa aklat ng mga salita ni Isaias, ang propeta, ay ganito ang nasusulat:

May tinig na sumisigaw sa ilang. Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon. Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.

Tatambakan ang bawat bangin at papatagin ang bawat bundok at burol. Ang mga liku-liko ay tutuwirin at ang mga baku-bako ay papantayin. Makikita ng lahat ng mga tao ang pagliligtas ng Diyos.

Lumabas ang karamihan upang magpabawtismo sa kaniya. Sinabi niya sa kanila: Kayong lahi ng mga ulupong, sino ang nagbabala sa inyong tumakas sa paparating na galit? Kayo nga ay magbunga na karapat-dapat sa pagsisisi. Huwag ninyong sabihin sa inyong sarili: Si Abraham ang aming ama. Sinasabi ko sa inyo: Ang Diyos ay makakagawa ng mga anak ni Abraham mula sa mga batong ito. Ngayon din naman ay nakalapat na ang palakol sa ugat ng mga punong-kahoy. Ang bawat punong-kahoy nga na hindi nagbubunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.

10 Tinanong siya ng napakaraming tao: Ano ngayon ang dapat naming gawin?

11 Sumagot siya at sinabi sa kanila: Ang may dalawang balabal ay magbahagi sa kaniya na wala. Gayundin ang gawin ng may pagkain.

12 Dumating din ang mga maniningil ng buwis upang magpabawtismo. Sinabi nila sa kaniya: Guro, ano ang dapat naming gawin?

13 Sinabi niya sa kanila: Huwag kayong maningil ng buwis nang higit sa nakatakdang singilin ninyo.

14 Tinanong din siya ng mga kawal: Ano ang dapat naming gawin?

Sinabi niya sa kanila: Huwag kayong mangikil sa sinuman, ni magparatang ng mali. Masiyahan na kayo sa inyong mga sinasahod.

15 Ang mga tao ay umaasa sa pagdating ng Mesiyas. Ang lahat ay nagmumuni-muni sa kanilang mga puso patungkol kay Juan kung siya nga ang Mesiyas o hindi. 16 Si Juan ay sumagot sa kanilang lahat: Binabawtismuhan ko nga kayo ng tubig ngunit darating ang isang higit na dakila. Hindi ako karapat-dapat na magkalag ng panali ng kaniyang panyapak. Babawtismuhan niya kayo ng Banal na Espiritu at ng apoy. 17 Ang pangtahip ay nasa kaniyang kamay. Lilinisin niya nang lubusan ang kaniyang giikan. Kaniyang titipunin ang trigo sa kaniyang kamalig.Susunugin niya ang dayami sa pamamagitan ng apoy na hindi mapapatay. 18 Marami pang mga bagayang kaniyang ipinagtagubilin sa kaniyang pangangaral ng ebanghelyo sa mga tao.

19 Ngunit pinagwikaan ni Juan si Herodes na tetrarka patungkol kay Herodias na asawa ng kaniyang kapatid na si Felipe. Pinagwikaan din niya si Herodes patungkol sa lahat ng mga kasamaang ginawa niya. 20 Ang kasamaang ito ay nadagdagan pa nang si Juan ay kaniyang ipabilanggo.

Binawtismuhan ni Juan si Jesus

21 Nangyari, na ang lahat ng mga tao ay nabawtismuhan. Nang si Jesus ay nabawtismuhan at nananalangin, ang langit ay nabuksan.

22 Ang Banal na Espiritu ay bumaba sa kaniya na may anyong tulad ng kalapati. Isang tinig ang nagmula sa langit na nagsasabi: Ikaw ang aking pinakamamahal na anak. Lubos akong nalulugod sa iyo.

Ang Talaan ng Angkan ni Jesus

23 Si Jesus ay magtatatlumpung taong gulang na. Siya ay ipinalagay na anak ni Jose, na anak ni Eli.

24 Si Eli ay anak ni Matat, na anak ni Levi, na anak ni Melki. Si Melki ay anak ni Janna, na anak ni Jose. 25 Si Jose ay anak ni Matatias, na anak ni Amos, na anak ni Nahum. Si Nahum ay anak ni Esli, na anak ni Nage. 26 Si Nage ay anak ni Maat, na anak ni Matatias, na anak ni Semei. Si Semei ay anak ni Jose, na anak ni Juda. 27 Si Juda ay anak ni Joana, na anak ni Resa, na anak ni Zerubabel. Si Zerubabel ay anak ni Shealtiel, na anak ni Neri. 28 Si Neri ay anak ni Melki, na anak ni Adi, na anak ni Cosam. Si Cosam ay anak ni Elmadam, na anak ni Er. 29 Si Er ay anak ni Josue, na anak ni Eleazar, na anak ni Jorim. Si Jorim ay anak ni Matat, na anak ni Levi. 30 Si Levi ay anak ni Simeon, na anak ni Juda, na anak ni Jose. Si Jose ay anak ni Jonam, na anak ni Eliakim. 31 Si Eliakim ay anak ni Melea, na anak ni Mena, na anak ni Matata. Si Matata ay anak ni Natan, na anak ni David. 32 Si David ay anak ni Jesse, na anak ni Obed, na anak ni Boaz. Si Boaz ay anak ni Salmon, na anak ni Naason. 33 Si Naason ay anak ni Aminadab, na anak ni Aram, na anak ni Esrom. Si Esrom ay anak ni Fares, na anak ni Juda. 34 Si Juda ay anak ni Jacob, na anak ni Isaac, na anak ni Abraham. Si Abraham ay anak ni Tera, na anak ni Nacor. 35 Si Nacor ay anak ni Serug, na anak ni Reu, na anak ni Peleg. Si Peleg ay anak ni Heber, na anak ni Selah. 36 Si Selah ay anak ni Cainan, na anak ni Arfaxad, na anak ni Sem. Si Sem ay anak ni Noe, na anak ni Lamec. 37 Si Lamec ay anak ni Metusela, na anak ni Enoc, na anak ni Jared. Si Jared ay anak ni Mahalalel, naanak ni Cainan. 38 Si Cainan ay anak ni Enos, na anak ni Set, na anak niAdan. Si Adan ay anak ng Diyos.

Tinukso ng Diyablo si Jesus

Si Jesus na puspos ng Banal na Espiritu ay bumalik mula sa Jordan. Pinatnubayan siya ng Espiritu sa ilang.

Doon ay tinukso siya ng diyablo sa loob ng apatnapung araw. Sa mga araw na iyon ay wala siyang kinaing anuman. Pagkatapos ng mga ito, nagutom siya.

Sinabi ng diyablo sa kaniya: Yamang ikaw ang anak ng Diyos, sabihin mo sa batong ito na maging tinapay.

Sumagot si Jesus sa kaniya na sinasabi: Nasusulat:

Hindi lamang sa tinapay mabubuhay ang tao kundi sa bawat Salita ng Diyos.

Dinala siya ng diyablo sa isang mataas na bundok. Ipinakita sa kaniya ang lahat ng mga paghahari sa sanlibutan sa sandaling panahon. Sinabi ng diyablo sa kaniya: Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapamahalaang ito at ang kanilang kaluwalhatian sapagkat ibinigay na ito sa akin at ibibigay ko ito kung kanino ko naisin. Kung ikaw nga ay sasamba sa akin, ang lahat ng mga ito ay magiging iyo.

Sinagot siya ni Jesus at sinabi: Lumayo ka, Satanas! Ito ay sapagkat nasusulat:

Dapat mong sambahin ang Panginoon mong Diyos, at siya lamang ang dapat mong paglingkuran.

Dinala ng diyablo si Jesus sa Jerusalem at inilagay siya sa taluktok ng templo. Sinabi sa kaniya: Yamang ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka. 10 Ito ay sapagkat nasusulat:

Uutusan niya ang kaniyang mga anghel patungkol sa iyo upang ingatan kang mabuti.

11 Bubuhatin ka nila ng kanilang mga kamay upang hindi tumama ang iyong paa sa bato.

12 Pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya: Nasusulat:

Huwag mong tuksuhin ang Panginoon mong Diyos.

13 Nang matapos ang bawat pagtukso ng diyablo, siya ay umalis at iniwan si Jesus ng pansamantala.

Si Jesus ay Tinanggihan ng mga Taga-Nazaret

14 Si Jesus ay bumalik sa Galilea sa kapangyarihan ng Espiritu. Kumalat sa buong lupain ang balita patungkol sa kaniya.

15 Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga na niluluwalhati ng lahat.

16 Siya ay pumunta sa Nazaret, ang lugar na kinalakihan niya. Ayon sa kaniyang kinaugalian, siya ay pumasok sa sinagoga sa araw ng Sabat. Siya ay tumayo upang bumasa. 17 Ibinigay sa kaniya ang nakabalumbongaklat ni Isaias na propeta. Nang mailadlad ang aklat, natagpuan niya ang bahagi na ganito ang nasusulat:

18 Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin dahil pinahiran niya ako upang ipahayag ang ebanghelyo sa mga dukha. Sinugo niya ako upang pagalingin ang mga sugatang puso. Sinugo niya ako upang ipangaral ang kalayaan sa mga bihag at ang pananauli ng paningin sa mga bulag. Sinugo niya ako upang palayain ang mga inapi. 19 Sinugo niya ako upang ipangaral ang katanggap-tanggap na taon ng Panginoon.

20 Nang mabalumbon na ang aklat, ibinigay ito ni Jesus sa tagapaglingkod sa templo at umupo. Ang mga mata ng lahatng mga nasa loob ng sinagoga ay nakatuon sa kaniya. 21 Sini­mulan niyang sabihin sa kanila: Sa araw na ito, habang kayo ay nakikinig, ang kasulatang ito ay naganap.

22 Ang lahat ay nagpatotoo sa kaniya. Namangha sila sa mgamabiyayang salita na lumabas sa kaniyang bibig. Sinabi nila: Hindi ba ito ang anak ni Jose?

23 Sinabi ni Jesus sa kanila: Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang talinghagang ito: Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili. Ang anumang narinig naming ginawa mo sa Capernaum ay gawin mo rin dito sa sarili mong bayan.

24 Sinabi niya: Totoong sinasabi ko sa inyo, walang propetang tinatanggap sa kaniyang sariling bayan. 25 Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: Sa panahon ni Elias ay maraming mga babaeng balo sa Israel. Ang langit ay isinara sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. Nagkaroon ng malaking taggutom sa lahat ng lupain. 26 Sa panahong iyon ay hindiisinugo si Elias sa mga babaeng balo maliban sa isang babaeng balo sa Sarepat. Ang Sarepat ay isang bayan sa Sidon. 27 Sa panahon ng propetang si Eliseo ay maraming ketongin sa Israel. Walang nilinis sa kanila malibankay Naaman na taga-Siria.

28 Sa pagkarinig ng mga bagay na ito, ang lahat ng nasa sinagoga ay nag-alab sa galit. 29 Sila ay tumindig at itinaboy si Jesus sa labas ng lungsod. Siya ay dinala nila sa bingit ng burol na kinatatayuan ng kanilang lungsod upang ihulog siya. 30 Gayunman, siya ay umalis na dumaan sa kanilang kalagitnaan.

Pinalayas ni Jesus ang Karumal-dumal na Espiritu

31 Si Jesus ay bumaba sa Capernaum, lungsod ng Galilea. Nagturo siya sa kanila sa araw ng Sabat.

32 Sila ay nanggilalas sa kaniyang turo dahil ang kaniyang salita ay may kapamahalaan.

33 Sa sinagoga ay may isang lalaki na may espiritu ng karumal-dumal na demonyo. Siya ay sumigaw na may malakas na tinig. 34 Sinabi niya: Aba! Ano ang kaugnayan natin sa isa’t isa, Jesus na taga-Nazaret? Pumunta ka ba upang kami ay wasakin? Kilala kita kung sino ka. Ikaw ang Banal ng Diyos!

35 Sinaway siya ni Jesus. Sinabi sa kaniya: Tumahimik ka at lumabas ka sa kaniya. Nang maibagsak ng demonyo ang lalaki sa kalagitnaan nila, lumabas siya mula sa lalaki. Hindi niya ito sinaktan.

36 Lahat sila ay namangha at nag-usap-usap sa bawat isa. Kanilang sinasabi: Anong salita ito? May kapamahalaan at kapangyarihang inutusan niya ang mga karumal-dumal na espiritu at sila ay lumabas. 37 At kumalat ang balita patungkol sa kaniya sa bawat dako ng lupain sa palibot.

Pinagaling ni Jesus ang Maraming Tao

38 Siya ay tumindig at lumabas sa sinagoga, siya ay pumasok sa bahay ni Simon. Ang biyenang babae ni Simon ay pinahihirapan ng mataas na lagnat. Hiniling nila kay Jesus na pagalingin siya.

39 Tumayo si Jesus sa tabi niya at sinaway ang lagnat at ito ay nawala. Kapagdaka, siya ay bumangon at pinaglingkuran sila.

40 Nang papalubog na ang araw, dinala nila kay Jesus ang mga taong may iba’t ibang karamdaman. Ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. 41 Lumabas din ang mga demonyo sa marami sa kanila. Ang mga demonyo ay sumisigaw at nagsasabi: Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos! Sila ay sinaway niya at hindi pinagsalita dahil alam nila na siya ang Mesiyas.

42 Kinaumagahan, siya ay umalis at pumunta sa ilang na dako. Hinanap siya ng mga tao at lumapit sila sa kaniya. Nang sila ay makalapit sa kaniya, pinigilan nila siyang umalis. 43 Ngunit sinabi niya sa kanila: Kinakailangang ipangaral ko rin sa ibang mga lungsod ang ebanghelyo, patungkol sa paghahari ng Diyos. Ito angdahilan kung bakit ako isinugo. 44 Siya ay nangaral sa mga sinagoga sa Galilea.

Tinawag ni Jesus ang Unang mga Alagad

Nangyari nga, habang nagkakatipun-tipon ang mga tao sa kaniya upang makinig ng salita ng Diyos, siya ay nakatayo sa tabi ng lawa ng Genesaret.

Nakakita siya ng dalawang bangka na nasa tabi ng lawa. Ang mga mangingisda ay nakababa na sa bangka at naghuhugas ng mga lambat. Sumakay siya sa isa sa mga bangka na pag-aari ni Simon. Ipinakiusap niya kay Simon na ilayo ng kaunti sa baybayin ang bangka. Pagkaupo niya, siya ay nagturo sa mga tao mula sa bangka.

Pagkatapos niyang magsalita, nagsabi siya kay Simon: Pumalaot kayo. Ihulog ninyo ang mga lambat upang makahuli ng mga isda.

Sumagot si Simon na sinabi: Guro, magdamag kaming nagpagal at wala kaming nahuli. Gayunman kahit wala kaming nahuli, sa iyong salita ay ihuhulog ko ang lambat.

Pagkagawa nila ng gayon, nakahuli sila ng napakaraming isda at ang lambat ay napupunit. Kinawayan nila ang kanilang kapwa mangingisda na nasa ibang bangka upang lumapit at tulungan sila. Lumapit sila at pinuno ang dalawang bangka kaya sila ay papalubog.

Nang makita iyon ni Simon Pedro, nagpatirapa siya sa mga tuhod ni Jesus. Sinabi niya: Panginoon, lumayo ka sa akin sapagkat ako ay isang taong makasalanan. Sinabi niya ito sapagkat siya ay namangha, gayundin ang kaniyang mga kasamahan dahil sa napakaraming huli. 10 Namangha rin ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan, na mga katuwang ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon: Huwag kang matakot. Mula ngayon ay mamalakaya ka na ng tao. 11 Pagkadaong nila ng mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.

Nilinis ni Jesus ang Lalaking Ketongin

12 Nangyari, nang siya ay nasa isang lungsod, narito, may isang lalaking puno ng ketong. Pagkakita niya kay Jesus, nagpatirapa siya. Ipinamanhik niya sa kaniya na sinasabi: Panginoon, kung ibig mo, malilinis mo ako.

13 Sa pag-unat ni Jesus ng kaniyang kamay, siya ay kaniyang hinipo, na sinasabi: Ibig ko, luminis ka. Kapagdaka ay nawala ang kaniyang ketong.

14 Iniutos ni Jesus sa kaniya: Huwag mo itong sabihin sa kaninuman. Iniutos niya: Yumaon ka at ipakita mo ang iyong sarili sa saserdote at maghandog ka para sa pagkalinis mo. Maghain ka ayon sa iniutos ni Moises bilang pagpapatotoo sa kanila.

15 Lalo pang kumalat ang balita patungkol kay Jesus. Nagdatingan ang napakaraming mga tao upang makinig at upang mapagaling niya sa kanilang mga sakit. 16 Ngunit pumunta siya sa ilang at nanalangin.

Pinagaling ni Jesus ang Paralitiko

17 Nangyari, isang araw sa kaniyang pagtuturo mayroon doong nakaupong mga Fariseo at mga guro ng kautusan. Sila ay galing sa bawat nayon ng Galilea, Judea at Jerusalem. Naroroon ang kapangyarihan ng Panginoon upang pagalingin sila.

18 Narito, may mga lalaking nagdala ng isang paralitiko na nasa isang higaan. Naghahanap sila ng paraan kung papaano siya maipapasok sa loob ng bahay at mailagay sa harapan ni Jesus. 19 Dahil sa napakaraming tao, hindi sila makahanap ng paraan kung papaano siya maipapasok. Dahil dito, umakyat sila sa bubungan at doon nila siya ibinaba na nasa kaniyang maliit na higaan, sa gitna, sa harapan ni Jesus.

20 Nakita ni Jesus ang kanilang pananampalataya. Sinabi niya sa kaniya: Lalaki, pinatawad ka na sa iyong mga kasalanan.

21 Nagsimulang mangatwiran ang mga guro ng kautusan at mga Fariseo. Kanilang sinabi: Sino ito na nagsasalita ng pamumusong? Sino angmakakapagpatawad ng mga kasa­lanan? Hindi ba ang Diyos lamang?

22 Nalaman ni Jesus ang kanilang pangangatwiran. Sumagot siya sa kanila at sinabi: Bakit kayo nangangatwiran sa inyong mga puso? 23 Ano ang higit na madali, ang magsabing: Pinatawad ka sa iyong mga kasalanan, o ang magsabing:Bumangon ka at lumakad. 24 Ito ang gagawin ko upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan. Sinabi niya sa paralitiko: Sinasabi ko sa iyo, bumangon ka. Buhatin mo ang iyong higaan at umuwi ka sa iyong bahay. 25 Pagdaka, tumayo siya sa harapan nila. Pagkabuhat niya ng kaniyang higaan, umuwi siya sa kaniyang bahay na niluluwalhati ang Diyos. 26 Ang lahat ay namangha at nagbigay kaluwalhatian sa Diyos. Napuspos sila ng takot. Sinabi nila: Sa araw na ito ay nakakita kami ng kamangha-manghang bagay.

Tinawag ni Jesus si Levi

27 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jesus ay umalis. Nakita niya ang isang maniningil ng buwis na nagngangalang Levi. Siya ay nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kaniya: Sumunod ka sa akin.

28 Sa pagtindig ni Levi iniwanan niya ang lahat at sumunod sa kaniya.

29 Si Levi ay naghanda ng isang malaking piging sa kaniyang bahay para kay Jesus. Naroroon ang napakaraming mga maniningil ng buwis at mga iba pang kasalo nila. 30 Nagbulong-bulungan ang mga guro ng kautusan at ang mga Fariseo laban sa kaniyang mga alagad. Sinabi nila: Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?

31 Sumagot si Jesus sa kanila: Sila na malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot kundi ang mga maysakit. 32 Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid. Ako ay naparito upang tawagin ang mga makasalanan sa pagsisisi.

Nagtanong ang mga Fariseo Patungkol sa Pag-aayuno

33 Sinabi nila sa kaniya: Madalas mag-ayuno at manalangin ang mga alagad ni Juan. Ang mga alagad ng mga Fariseo ay gayundin ang ginagawa. Ngunit bakit ang iyong mga alagad ay kumakain at umiinom?

34 Sinabi niya sa kanila: Mapag-aayuno ba ninyo ang mga abay sa kasalan habang kasama nila ang lalaking ikakasal? 35 Darating ang mga araw na ang lalaking ikakasal ay aalisin sa kanila. Sa mga araw na iyon, sila ay mag-aayuno.

36 Siya ay nagsabi rin ng isang talinghaga sa kanila. Walang sinumang nagtatagpi ng kaputol ng bagong damit na hindi pa umuurong sa lumang damit. Kapag ginawa ng sinuman ang gayon, pupunitin ito ng bago at gayundin, hindi ito aayon sa lumang kaputol. 37 Walang sinumang nagsasalin ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ginawa ng sinuman ang gayon, papuputukin ng bagong alak ang sisidlang-balat at mabubuhos ang alak. Ang mga sisidlang balat ay mawawasak. 38 Subalit ang bagong alak ay dapat ilagay sa mga bagong sisidlang-balat at ang dalawa ay magkasamang mapapanatili. 39 Walang sinumang nakainom ng lumang alak ang agad-agad ay magnanais ng bago sapagkat kaniyang sinasabi: Ang luma ay higit na masarap.

Araw ng Sabat

Nangyari, sa ikalawang araw ng Sabat pagkaraan ng una, si Jesus ay dumaan sa triguhan. Ang mga alagad niya ay pumigtal ng mga uhay. Ito ay nililigis nila sa kanilang mga kamay at kinakain.

Sinabi ng ilang Fariseo sa kanila: Bakit ginagawa ninyo ang ipinagbabawal gawin sa araw ng Sabat?

Sumagot si Jesus. Sinabi niya: Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David ng magutom siya at ang mga kasama niya? Hindi ba pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinuha ang tinapay na handog? Kinain niya ito at binigyan din ang kaniyang mga kasama. Ito ay bawal kainin maliban ng mga saserdote. Sinabi niya sa kanila: Ang Anak ng Tao ay Panginoon din ng araw ng Sabat.

Nangyari din, sa iba pang araw ng Sabat, na pumasok siya sa isang sinagoga at nagturo. Mayroon doong isang lalaki na ang kanang kamay ay nanunuyot. Minamatyagan siya ng mga guro ng kautusan at mga Fariseokung siya ay magpapagaling sa araw ng Sabat. Ito ay upang makakita sila ng maipaparatang laban sa kaniya. Alam ni Jesus ang kanilang iniisip. Sinabi niya sa lalaking nanunuyot ang kamay: Tumindig ka at tumayo sa gitna. Tumindig nga siya at tumayo doon.

Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila: Magtatanong ako sa inyo. Naaayon ba sa batas ang gumawa ng kabutihan o gumawa ng kasamaan sa araw ng Sabat? Ang magligtas ng buhay o pumatay?

10 Tiningnan niya ang bawat isa sa palibot. Pagkatingin niya, sinabi niya sa lalaki: Iunat mo ang iyong kamay. Ginawa niya ang gayon at ang kaniyang kamay ay nanauli sa dati na malusog tulad ng isa. 11 Ngunit nagngitngit sila sa galit. Nagsanggunian sila sa isa’t isa kung ano ang gagawin nila kay Jesus.

Tinawag ni Jesus ang Labindalawang Alagad

12 Nangyari, noong mga araw na iyon, siya ay pumunta sa bundok upang manalangin. Nanalangin siya sa Diyos sa buong magdamag.

13 Nang mag-uumaga na, tinawag niya ang kaniyang mga alagad. Mula sa kanila ay pumili siya ng labindalawa na tinawag din niyang mga apostol. 14 Ang mga ito ay sina Simeon, na tinagurian din niyang Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid.Ang iba ay sina Santiago at Juan, Felipe at Bartolome. 15 Kasama rin si Mateo, si Tomas, si Santiago, na anak ni Alfeo, at si Simon na tinatawag na Makabayan. 16 Kasama rin si Judas na kapatid ni Santiago at si Judas na taga-Keriot, na siyang naging taksil.

17 Si Jesus ay bumabang kasama nila at tumayo sa isang patag na dako. Pumunta roon ang karamihan ng kaniyang mga alagad at mga tao na lubhang marami. Ang mga tao ay nanggaling sa buong Judea at Jerusalem at sa baybaying dagat ng Tiro at Sidon. Sila ay pumunta roon upang makinig sa kaniya at mapagaling ang kanilang mga sakit. 18 Ang mga ginugulo ng mga karumal-dumal na espiritu ay dumating din at sila rin ay pinagaling. 19 Hinangad ng lahat ng mga tao na mahipo siya sapagkat may kapangyarihang lumalabas sa kaniya na nagpapagaling sa kanilang lahat.

Ang Pahayag ng Pagpapala at Pagkaaba

20 Tumingin si Jesus sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya: Pinagpala kayong mga mapagpakumbaba sapagkat sa inyo ang paghahari ng Diyos.

21 Pinagpala kayong mga nagugutom ngayon sapagkat kayo ay bubusugin. Pinagpala kayong umiiyak ngayon sapagkat kayo ay tatawa na may galak. 22 Pinagpala kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at kapag itinatakwil nila kayo. Pinagpala kayo kung pinapahiya kayo ng mga tao at itinuturing nila ang inyong pangalan na tulad sa masama. Pinagpala kayo kapag ang mga ito ay ginawa sa inyo dahil sa akin na Anak ng Tao.

23 Magalak kayo sa araw na iyon at lumukso sa kagalakan. Narito, malaki ang gantimpala ninyo sa langit. Ganito rin ang ginawa ng mga ninuno nila sa mga propeta.

24 Sa aba ninyo na mayayaman sapagkat tinatanggap ninyo anginyong kaaliwan. 25 Sa aba ninyo na mga busog sapagkat kayo ay magugutom.Sa aba ninyo na tumatawa ngayon sapagkat kayo ay magluluksa at tatangis. 26 Sa aba ninyo kung ang lahat ng tao ay nagsasabi ng mabuti patungkol sa inyo. Ganito rin ang ginawa ng mga ninuno nila sa mga bulaang propeta.

Ibigin mo ang Iyong Kaaway

27 Sinasabi ko sa inyo na nakikinig: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway. Gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo.

28 Sabihin ninyo ang mabubuti sa mga nanunungayaw sa inyo. Ipanalangin ninyo sila na umaalipusta sa inyo. 29 Iharap mo ang kabila mong pisngi sa kaniya na sumampal sa iyo. Huwag mong ipagkait ang iyong balabal sa kaniya na kumuha ng iyong damit. 30 Magbigay ka sa bawat isang humihingi sa iyo. Huwag mo nang bawiin ang iyong mga pag-aari sa kumuha nito sa iyo. 31 Ayon sa nais ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gawin din ninyo ang gayon sa kanila.

32 Anong pakinabang ang maaasahan ninyo kung iniibig ninyo ang mga umiibig sa inyo? Ito ay sapagkat ang mga makasalanan ay umiibig din sa mga umiibig sa kanila. 33 Anong pakinabang ang maaasahan ninyo kung gumagawa kayo ng mabuti sa kanila na gumagawa ng mabuti sa inyo? Ito ay sapagkat gayundin ang ginagawa ng mga makasalanan. 34 Anong pakinabang ang maaasahan ninyo kung magpapahiram kayo sa kanila na inaasahan ninyong makakapagbigay sa inyo? Ito ay sapagkat ang mga makasalanan ay nagpapahiram din samga makasalanan upang sila ay tumanggap din ng gayon. 35 Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti. Magpahiram kayo na hindi umaasa ng kapalit at ang gantimpala ninyo ay magiging malaki. Kayo ay magiging mga anak ng kataas-taasan sapagkat siya ay mabuti sa mga hindi mapagpasalamat at sa mga masasama. 36 Maging mga maawain nga kayo, gaya rin naman ng inyong Ama na maawain.

37 Huwag kayong humatol upang hindi kayo hatulan. Huwag kayong magbigay hatol upang hindi kayo bigyang hatol. Magpatawad kayo upang kayo ay patawarin. 38 Magbigay kayo at ito ay ibibigay sa inyo, mabuting sukat, siniksik, niliglig at umaapaw sapagkat ang panukat na inyong ipinangsukat ay siya ring panukat na gagamitin sa inyo.

Ang Talinghaga Patungkol sa Pagkabulag

39 Isang talinghaga ang sinabi niya sa kanila. Makakaakay ba ng bulag ang isang bulag? Hindi ba kapwa silang mahuhulog sa hukay?

40 Ang isang alagad ay hindi higit sa kaniyang guro. Ang bawat isang alagad ay magiging katulad ng kaniyang guro kung sila ay lubos nang handa.

Ang Paghatol sa Iba

41 Bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo napupuna ang troso na nasa sarili mong mata?

42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid: Kapatid, hayaan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata kung hindi mo nakikita ang troso na nasa iyong mata? Ikaw na mapagpa­imbabaw! Alisin mo muna ang troso na nasa iyong mata. Pagka-alis mo nito, makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid.

Ang Puno at ang Bunga Nito

43 Sapagkat ang mabuting punong-kahoy ay hindi namu­munga ng masamang bunga. Gayundin naman, ang masamang punong-kahoy ay hindi namumunga ng mabuting bunga.

44 Ang bawat punong-kahoy ay nakikilala sa kaniyang sariling bunga. Sapagkat ang mga tao ay hindi nangangalap ng igos sa mga tinik. Hindi rin sila nangangalap ng ubas sa mga dawag. 45 Ang mabuting tao ay nagbubunga ng mabuti mula sa mabuting kayamanan na nasa kaniyang puso. Ang masamang tao ay nagbubunga ng masama mula sa masamang kayamanan na nasa kaniyang puso, sapagkat mula sa kasaganaanng puso ay sinasalita ng bibig.

Ang Matalino at Mangmang na Tagapagtayo

46 Bakit ninyo ako tinatawag na: Panginoon, Panginoon, at hindi ninyo ginagawa ang aking sinasabi?

47 Ang isang tao ay lumalapit sa akin at nakikinig ng aking mga salita at gumagawa nito. Ipapakita ko sa inyo kungkanino katulad ang taong ito. 48 Siya ay katulad ng isang lalaki na nagtayo ng isang bahay. Naghukay siya ng malalim at naglagay ng saligan sa bato. Nang magkaroon ng baha, ang agos ay sumalpok ng malakas sa bahay na iyon. Ang bahay ay hindi natinag sapagkat ito ay itinayo sa bato. 49 Ngunit siya na nakarinig at hindi gumawa ay tulad ng isang tao na nagtayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na walang saligan. Ang agos ay sumalpok ng malakas sa bahay at pagdaka, ito ay bumagsak. Ang pinsala ng bahay na iyon ay lubhang malaki.

Ang Kapitan ay Nanampalataya

Nang matapos na siya sa lahat ng kaniyang pagsasalita sa mga taong nakikinig, pumasok siya sa Capernaum.

Mayroong isang Kapitan na may alipin na kaniyang pinahahalagahan. Ang aliping ito ay may sakit at malapit nang mamatay. Nang marinig ng kapitan ang patungkol kay Jesus, isinugo niya ang mga matanda ng mga Judio. Ito ay upang hilingin kay Jesus na pumunta at pagalingin ang kaniyang alipin. Pagpunta nila kay Jesus, masikap silang namanhik sa kaniya. Sinabi nila: Siya na gagawan mo nito ay karapat-dapat. Ito ay sapagkat iniibig niya ang ating bansa at itinayo niya ang sinagoga para sa amin. Si Jesus ay sumama sa kanila.

Nang sila ay malapit na sa bahay, ang kapitan ay nagsugo ng mga kaibigan sa kaniya. Ipinasabi niya kay Jesus: Panginoon, huwag ka nang mag-abala sapagkat ako ay hindi karapat-dapat upang puntahan mo sa aking bahay.

Kaya nga, hindi ko rin itinuring na ako ay karapat-dapat pumunta sa iyo. Gayunman, magsalita ka lang at ang aking lingkod ay gagaling. Ito ay sapagkat ako rin ay isang lalaking itinalaga sa ilalim ng kapamahalaan. Mayroon akong nasasakupang mga kawal. Sinasabi ko sa isa: Humayo ka.At siya ay humahayo. Sa isa ay sinasabi ko: Pumarito ka. At siya ay pumaparito. Sa aking alipin ay sinasabi ko: Gawin mo ito. At ginagawa niya ito.

Nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito, siya ay namangha sa kaniya. Humarap siya sa maraming mga taong sumusunod sa kaniya. Sinabi niya: Sinasabi ko sa inyo, ni sa mga taga-Israel ay hindi ako nakakita ng ganitong kalaking pananam­palataya. 10 Nang bumalik sa bahay ang mga isinugo, nasum­pungan nilang nasa mabuti nang kalusugan ang aliping may sakit.

Binuhay ni Jesus ang Anak ng Balo

11 Kinabukasan, nangyari na siya ay pumunta sa isang lungsod na tinatawag na Nain. Sumama sa kaniya ang marami sa kaniyang mga alagad at ang napakaraming tao.

12 Nang papalapit na siya sa tarangkahan ng lungsod. Narito, may isang taong patay na at binubuhat papalabas. Ang lalaking patay ay nag-iisang anak ng kaniyang ina na isang balo. Maraming mga mamamayan ng lungsod ang kasama ng ina. 13 Nang makita siya ng Panginoon, siya ay nahabag sa kaniya. Sinabi niya sa kaniya:Huwag kang umiyak.

14 Lumapit si Jesus at hinipo ang kinalalagyan ng patay at ang mga bumubuhat nito ay tumigil. Sinabi niya: Binata, sina­sabi ko sa iyo,bumangon ka. 15 Siya na namatay ay umupo at nagsimulang magsalita. Ibinalik siya ni Jesus sa kaniyang ina.

16 Ang lahat ay pinagharian ng takot at niluwalhati nila ang Diyos. Kanilang sinabi: Isang dakilang propeta ang lumitaw sa kalagitnaan natin. Dinalaw ng Diyos ang kaniyang mga tao. 17 Ang ulat na ito patungkol sa kaniya ay kumalat sa buong Judea at sa lahat ng mga lupain sa palibot.

Si Jesus at si Juan na Tagapagbawtismo

18 Ang mga alagad ni Juan ay nagbigay-ulat sa kaniya patungkol sa lahat ng mga bagay na ito.

19 Tinawag ni Juan ang dalawa sa kaniyang mga alagadat sinugo kay Jesus. Ipinasabi niya:Ikaw ba ang aming hinihintay o maghahanap pa kami ng iba?

20 Ang dalawa ay pumunta kay Jesus. Sinabi nila: Sinugo kami sa iyo ni Juan na tagapagbawtismo. Ipinapatanong niya: Ikaw ba ang aming hinihintay o maghahanap pa kami ng iba?

21 Nang oras ding iyon, nagpagaling siya ng maraming mga karamdaman at pasakit, at mga masamang espiritu. Ginawa niya na ang mga bulag ay makakita. 22 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Pumaroon na kayo at iulat ninyo kay Juan ang mga narinig at nakita ninyo. Iulat ninyo sa kaniya na ang mga bulag ay nakakita, ang mga lumpo ay nakalakad, ang mga ketongin ay luminis, ang mga bingi ay nakarinig, ang mga patay ay binuhay at ang ebanghelyo ay ipinangaral sa mahihirap. 23 At pinagpala ang sinumanghindi matitisod sa akin.

24 Umalis ang mga sinugo ni Juan. Si Jesus ay nagsimulang magsalita sa maraming mga tao patungkol kay Juan. Ano ang gusto ninyong makita sa pagpunta ninyo sa ilang? Isa bang tambo na inuuga ng hangin? 25 Ano ang gusto ninyong makita sa inyong pagpunta? Isa bang lalaki na nakadamit ng malambot na kasuotan? Narito, sila na nakadamit ng marilag at namumuhay sa karangyaan ay nasa mga palasyo. 26 Ano ang gusto ninyong makita sa inyong pagpunta? Isa bang propeta? Sinasabi ko sa inyo: Oo, at higit na dakila kaysa sa isang propeta. 27 Siya ito na tinutukoy sanasusulat:

Narito, isinusugo ko ang aking sugo na mauuna sa iyo. Siya ang maghahanda ng iyong daraanan sa unahan mo.

28 Sinasabi ko ito sa inyo dahil, sa mga ipinanganak ng mga babae, wala nang propeta na hihigit pa kay Juan na tagapag­bawtismo. Gayunman, siya na pinakamababa sa paghahari ng langit ay lalong higit kaysa sa kaniya.

29 Narinig ito ng mga tao at ng mga maniningil ng buwis. Kinilala nilang matuwid ang Diyos sapagkat sila ay nabawtis­muhan ng bawtismo ni Juan. 30 Ngunit ang mga Fariseo at mga dalubhasa sa kautusan ay tumanggi sa payo ng Diyos sapagkat hindi sila nabawtismuhan ni Juan.

31 Sinabi ng Panginoon: Sa ano ko nga ihahalintulad ang lahing ito? Ano ang katulad nila? 32 Sila ay katulad ng mga maliliit na bata na nakaupo sa pamilihan at tinatawag ang isa’t isa. Kanilang sinasabi:

Tinugtugan namin kayo ng plawta at hindi kayo sumayaw. Kami ay nagluksa at hindi kayo tumangis.

33 Ito ay sapagkat nang si Juan na tagapagbawtismo ay pumarito, hindi siya kumakain ng pagkain o umiinom ng alak at sinasabi ninyo: Siya ay may demonyo. 34 Nang ang Anak ng Tao ay dumating, siya ay kumakain at umiinom. At sinasabi ninyo: Siya ay taong matakaw at manginginom ng alak, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan. 35 Subalit ang karunungan ay pinatunayang matuwid ng lahat ng kaniyang mga anak.

Binuhusan ng Pabango ng Makasalanang Babae si Jesus

36 Isa sa mga Fariseo ang humiling na siya ay kumaing kasama niya. Pagpasok niya sa bahay ng Fariseo, siya ay dumulog sa hapag.

37 Narito, isang babaeng namuhay sa kasalanan ang nasa lungsod na iyon. Nalaman niya na si Jesus ay dumulog sa hapag, sa bahay ng Fariseo. Dahil dito, nagdala siya ng isang mabangong langis na nasa garapong alabastro. 38 Tumayo siya sa likuran ni Jesus, sa kaniyang paanan. Siya ay umiiyak at sinimulan niyang basain ng kaniyang luha ang mga paa ni Jesus. Pinupunasan niya ng kaniyang buhok at taimtim na hinahagkan ang mga paa ni Jesus. Pinapahiran niya ito ng mabangong langis.

39 Nakita ito ng Fariseo na nag-anyaya kay Jesus. Siya ay nangusap sa kaniyang sarili. Kaniyang sinabi: Kung propeta ang taong ito, nalaman sana niya kung sino at anong uringbabae ang humihipo sa kaniya sapagkat ang babaeng ito ay makasalanan.

40 Sa pagsagot ni Jesus, sinabi sa kaniya: Simon may ilang bagay akong sasabihin sa iyo.

Sinabi niya: Guro, sabihin mo.

41 Sinabi ni Jesus: May dalawang lalaking nangutang sa isang nagpapautang. Ang isa ay umutang ng limandaang denaryo, ang isa ay limampu. 42 Nang wala silang maibayad, kapwa sila pinatawad ng nagpautang sa kanila. Sabihin mo kung sino sa kanila ang iibig sa kaniya ng lubos?

43 Sumagot si Simon: Sa palagay ko, ang pinatawad sa malaking pagkakautang.

Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tama ang iyong hatol.

44 Humarap siya sa babae. Sinabi niya kay Simon: Nakikita mo ba ang babaeng ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo ako binigyan ng tubig para mahugasan ko ang aking paa. Ngunit binasa ng babaeng ito ang aking mga paa ng kaniyang luha. Pinunasan niya ito ng kaniyang buhok. 45 Hindi mo ako binigyan ng halik. Ngunit ang babaeng ito ay hindi huminto sa mataimtim na paghalik sa aking mga paa mula pa nang ako ay pumasok. 46 Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo. Ngunit pinahiran niya ng mabangong langis ang aking mga paa. 47 Dahil dito, sinasabi ko sa iyo: Pinatawad na ang marami niyang kasalanan sapagkat siya ay umibig ng lubos. At ang pinatawad ng kaunti ay umiibig ng kaunti.

48 Sinabi niya sa babae: Ang iyong mga kasalanan ay pinatawad na.

49 At ang mga kasama niyang nakadulog sa hapag ay nagsimulang magsabi sa kanilang mga sarili. Sinabi nila: Sino ito na nagpapatawad ng mga kasalanan?

50 Sinabi niya sa babae: Iniligtas ka ng iyong pananam­palataya. Humayo kang payapa.

Pagkatapos na mangyari ito, si Jesus ay naglakbay sa bawat lungsod at sa bawat nayon. Siya ay nangangaral at naghahayag ng ebanghelyo patungkol sa paghahari ng Diyos. Ang labindalawang alagad ay kasama niya. Kasama rin niya ang ilang mga babae na pinagaling mula sa masamang espiritu at sakit. Kasama nila si Maria na tinaguriang Magdala na nilabasan ng pitong demonyo. Kasama rin si Joana na asawa ni Chuza, na isang tagapangasiwa ng sambahayan ni Herodes. Kasama rin si Susana at ang marami pang iba. Naglilingkod sila sa kaniya ng mula sa kanilang mga ari-arian.

Ang Talinghaga Patungkol sa Manghahasik

Nagtipun-tipon ang napakaraming mga tao at ang mga nanggaling sa bawat lungsod ay pumunta sa kaniya. Nagsalita siya sa pamamagitan ng talinghaga.

Ang manghahasik ay lumabas upang ihasik ang kaniyang binhi. Sa kaniyang paghahasik ang ilan ay nahulog sa tabi ng daan at ito ay naapakan. Ito ay kinain ng mga ibon sa langit. Ang iba ay nahulog sa bato. Nang ito ay umusbong, ito ay natuyo dahil sa kakulangan ng hamog. Ang iba ay nahulog sa dawagan. Kasabay nitong umusbongang mga dawag at ito ay nasiksik ng mga dawag. Ang iba ay nahulog sa matabang lupa. Umusbong ang mga ito at namunga ng isang daan.

Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, sumigaw siya: Ang may pandinig ay makinig.

Tinanong siya ng kaniyang mga alagad: Ano kaya ang kahulugan ng talinghagang ito? 10 Sinabi niya: Ipinagkaloob sa inyo ang makaalam ng mga hiwaga ng paghahari ng Diyos ngunit sa iba ay nagsalita ako sa pamamagitan ng mga talinghaga.

Ito ay upang sa pagtingin ay hindi sila makatalos at sa pagdinig ay hindi sila makaunawa.

11 Ngayon, ang talinghaga ay ito: Ang binhi ay ang Salita ng Diyos. 12 Ang mga nasa tabing-daan ay ang mga nakikinig. Dumating ang diyablo at kinuha ang salita mula sa kanilang mga puso. Ito ay upang hindi sila sumampalataya at maligtas. 13 Ang mga nasa bato ay sila, na nang makarinig ay may kagalakang tinanggap ang salita. Ang mga ito ay walang mga ugat na sa ilang panahon ay sumampalataya. Sa panahon ng pagsubok sila ay lumayo. 14 Ngunit ang mga nahulog sa dawag ay sila na mga nakarinig. At nang sila ay humayo, sila ay nasakal ng mga kabalisahan at mga kayamanan at mga kasiyahan ng buhay. Hindi sila lumago. 15 Ang mga nahulog sa matabang lupa ay ang mga nakarinig ng salita at tumanggap nito. Tinanganan nila ito na may marangal at mabuting puso. Sila ay nasumpungang may pagtitiis.

Ang Ilawan sa Lagayan ng Ilaw

16 Walang sinumang nagsisindi ng ilawan at pagkatapos ay tinatakpan ng banga. Wala ring nagsisindi ng ilawan at inilalagay ito sa ilalim ng higaan. Ito ay inilalagay sa lagayan ng ilawan upang ang liwanag nito ay makita ng mga puma­pasok.

17 Ito ay sapagkat walang anumang nakatago na hindi mahahayag. Wala ring anumang lihim na hindi malalaman at maliliwanagan. 18 Mag-ingat nga kayo sa inyong pakikinig sapagkat sa sinumang mayroon, siya ay bibigyan pa. Sa sinumang wala, maging ang inaakala niyang sa kaniya ay kukunin pa sa kaniya.

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus

19 Sa oras na iyon, pumunta kay Jesus ang kaniyang ina at mga kapatid na lalaki. Hindi sila makalapit sa kaniya dahil sa napakaraming tao.

20 May nagsabi sa kaniya: Ang iyong ina at mga kapatid na lalaki ay nasa labas. Nais ka nilang makita.

21 Sinabi niya sa kanila: Ang aking ina at mga kapatid ay sila na nakikinig at gumagawa ng Salita ng Diyos.

Pinatigil ni Jesus ang Bagyo

22 At isang araw, nangyari na si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay sumakay sa isang bangka. Sinabi niya sa kanila: Pumunta tayo sa kabilang ibayo ng lawa. At sila ay pumalaot.

23 Habang sila ay naglalayag, si Jesusay nakatulog. Dumating ang isang unos sa lawa. Sila ay nanganib sapagkat napupuno ng tubig ang bangka.

24 Pagpunta nila sa kaniya, siya ay ginising nila. Kanilang sinabi: Guro, Guro, mapapahamak kami!

Paggising niya, sinaway niya ang hangin at alon ng tubig. Tumigil ang mga ito at nagkaroon ng kapayapaan.

25 Sinabi niya sa kanila: Nasaan ang inyong pananampalataya?

Sila ay natakot at namangha. Sinabi nila sa isa’t isa: Sino ang taong ito na kahit ang hangin at tubig ay inuutusan niya at sinusunod siya ng mga ito?

Pinagaling ni Jesus ang Inaalihan ng Demonyo

26 Sila ay naglayag at dumating sa lalawigan ng mga taga-Gadara na katapat ng Galilea.

27 Nang lumunsad na siya sa lupa, sumalubong sa kaniya ang isang lalaking mula sa lungsod na matagal nang may mga demonyo. Siya ay walang damit at hindi naninirahan sa bahay kundi sa mga puntod. 28 Nang makita niya si Jesus, sumigaw siya at nagpatirapa sa harap niya. Nagsalita ng malakas. Sinabi niya: Ano ang kaugnayan natin sa isa’t isa, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Ipinamamanhik ko sa iyo, huwag mo akong pahirapan. 29 Sinabi ito ng lalaki sapagkat inutusan niya ang karumal-dumal na espiritu na lumabas mula sa lalaki. Kadalasan, hinuhuli siya ng demonyo. Siya ay binabantayan nila at iginagapos ng tanikala at pangaw. At pinapatid niya ang gapos. Pagkatapos niyang patirin ang gapos, itinaboy siya ng demonyo sa ilang.

30 Tinanong siya ni Jesus na sinasabi: Ano ang pangalan mo?

Sinabi niya: Hukbo. Ito ay sapagkat maraming demonyo ang nakapasok sa kaniya.

31 Ipinamanhik niya kay Jesus na huwag silang utusang pumunta sa walang hanggang kalaliman.

32 Doon ay may isang kawan ng baboy na nanginginain sa bundok. Ipinamanhik sa kaniya ng mga demonyo na payagan silang pumasok sa mga iyon at sila ay pinayagan niya. 33 Lumabas ang mga demonyo sa lalaki at pumasok sa mga baboy. At ang kawan ay mabilis na tumakbong palusong tuloy-tuloy sa lawa at ang lahat ay nalunod.

34 Nang makita ng mga nagpapakain ng mga baboy ang nangyari, tumakbo silang palayo. At sa kanilang pag-alis, iniulat nila ito sa mga nasa lungsod at sa mga nasa karatig na kabukiran. 35 Ang mga tao ay pumunta roon upang tingnan kung ano ang nangyari. Pumunta sila kay Jesus at nakita nila ang lalaking nilabasan ng mga demonyo. Nakaupo siya sa paanan ni Jesus, may damit at nasa wastong pag-iisip. At natakot ang mga tao. 36 Ang mga nakakita rin ng nangyari ay nag-ulat sa kanila. Sinabi nila kung papaano gumaling ang lalaking inalihan ng mga demonyo. 37 Ang buong karamihan ng taga-Gadara at sa palibot nito ay humiling kay Jesus na umalis siya sa kanilang lupain sapagkat sila ay pinagharian ng takot. Sumakay si Jesus sa bangka at bumalik sa kaniyang pinanggalingan.

38 Ang lalaking nilabasan ng mga demonyo ay nagsu­sumamo sakaniya na makasama sa kaniya. Ngunit pinaalis siya ni Jesus. 39 Sinabi sa kaniya: Bumalik ka sa iyong bahay. Isalaysay mo ang lahat ng ginawa sa iyo ng Diyos. At umalis siya na inihahayag sa buong lungsod ang lahat ng ginawa ni Jesus sa kaniya.

Ang Babaeng May Sakit at ang Patay na Batang Babae

40 Nangyari, na sa pagbalik ni Jesus, malugod siyang tinanggap ng mga tao sapagkat silang lahat ay naghihintay sa kaniya.

41 Narito, isang lalaking nagngangalang Jairus na pinuno ng sinagoga ang lumapit sa kaniya. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus. Ipinamanhik niya kay Jesus na pumunta sa kaniyang bahay. 42 Ito ay sa dahilang ang kaniyang tanging anak na babae ay malapit ng mamatay. Siya ay labindalawang taong gulang na.

Nang pumunta siya, nagsiksikan sa kaniya ang maraming tao.

43 Isang babae ang naroon na dinurugo sa loob ng labindalawang taon. Nagugol na niya sa mga manggagamot ang lahat ng kaniyang kabuhayan. Walang sinumang nakapag­pagaling sa kaniya. 44 Ang babae ay pumunta sa likuran ni Jesus at hinipo ang laylayan ng kaniyang damit. Ang pagdurugo niya ay dagliang naampat.

45 Sinabi ni Jesus: Sino ang humipo sa akin?

Nang ang lahat ay tumanggi, si Pedro at ang mga kasama niya ay nagsabi: Guro, napapaligiran ka at sinisiksik ng mga tao at pagkatapos ay sasabihin mo: Sino ang humipo sa akin?

46 Sinabi ni Jesus: May humipo sa akin dahil alam kong may kapangyarihang lumabas sa akin.

47 Nang makita ng babae na hindi siya makakapagtago, lumapit siya na nanginginig. Nagpatirapa siya sa harapan ni Jesus. Isinalaysay niya sa kaniya sa harap ng lahat ng mga tao ang dahilan ng paghipo niya sa kaniya at kung papaano siya dagliang gumaling. 48 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Anak, lakasan mo ang loob mo. Ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo. Humayo kang payapa.

49 Habang nagsasalita siya, may isang dumating mula sa tahanan ng pinuno ng sinagoga. Sinabi nito sa kaniya: Patay na ang anak mo. Huwag mo nang abalahin ang guro.

50 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kaniya: Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang at gagaling siya.

51 Pagpasok niya sa bahay, hindi niya pinahintulutan pumasok ang sinuman. Ang pinapasok lang niya ay sina Pedro, Santiago at Juan at ang ina at ama ng bata. 52 Silang lahat ay nananangis at nananaghoy sa kaniya. Sinabi ni Jesus: Huwag kayong tumangis. Hindi siya patay kundi natutulog.

53 Tinawanan nila si Jesus na may panglilibak dahil alam nilang ang bata ay patay na. 54 Ngunit nang mapalabas na niya silang lahat, hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at tinawag na sinasabi: Anak, bumangon ka. 55 Ang kaniyang espiritu ay bumalik at siya ay bumangon kaagad. Nag-utos si Jesus na bigyan ng makakain ang bata. 56 Ang kaniyang mga magulang ay namangha. Inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.

 

Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad

Sama-samang tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad. Binigyan niya sila ng kapangyarihan at kapama­halaan laban sa lahat ng mga demonyo at kapangyarihang pagalingin ang mga sakit.

Sinugo niya sila upang ipangaral ang paghahari ng Diyos at magpagaling ng mga maysakit. Sinabi niya sa kanila: Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglalakbay kahit tungkod, o bayong, o tinapay, o salapi, o kahit na dalawang balabal. Saan mang bahay kayo pumasok, manatili kayo roon at mula roon umalis kayo. Kung hindi nila kayo tanggapin sa lungsod na iyon, pagpagin ninyo ang alikabok sa inyong mga paa. Gawin ninyo ito bilang patotoo laban sa kanila. Sila ay umalis at dumaan sa mga nayon. Sila ay naghahayag ng ebanghelyo at nagpapagaling kahit saan.

Naguluhan si Herodes

Sa mga panahong iyon narinig ni Herodes na tetrarka ang lahat ng mga bagay na ginagawa ni Jesus. Naguluhan siya dahil sinabi ng ilan na si Juan ay bumangon mula sa mga patay.

Ang ilan ay nagsabi na nagpakita siElias. Ang iba ay nagsabi na muling nabuhay ang isa sa mga propeta nang unang panahon. Sinabi ni Herodes: Pinapugutan ko na ng ulo si Juan. Sino ito na patungkol sa kaniya, ang mga bagay na ito ay naririnig ko. At hinangad niyang makita si Jesus.

Pinakain ni Jesus ang Limang Libong Lalaki

10 Pagbalik ng mga apostol, isinaysay nila sa kaniya ang lahat ng ginawa nila. At sila ay isinama niya at pumunta nang bukod sa isang ilang na dako sa lungsod na tinatawag na Betsaida.

11 Nang malaman ito ng mga tao, sumunod sila sa kaniya. Tinanggap niya sila at nagsalita siya sa kanila patungkol sa paghahari ng Diyos. Ang mga nangangailangan ng kagalingan ay pinagaling niya.

12 Nang magtatakip-silim na, lumapit sa kaniya ang labindalawang apostol. Sinabi nila sa kaniya: Paalisin mo na ang mga tao upang sila ay pumunta sa mga nayon, sa palibot at sa bayan. Ito ay upang may matuluyan sila at makahanap ng makakain sapagkat tayo ay nasa ilang na pook.

13 Ngunit sinabi niya sa kanila: Bigyan ninyo sila ng makakain.

Sinabi nila: Mayroon lamang kaming limang tinapay at dalawang isda. Maliban na lang na kami ay umalis at bumili ng pagkain para sa lahat ng mga taong ito.

14 Ito ay sapagkat may mga limang libong lalaki ang naroroon.

Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: Paupuin ninyo sila sa pulutongna tiglilimampu.

15 Ginawa nila ang gayon at pinaupo nila ang lahat. 16 Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda. Sa pagtingin niya sa langit, pinagpala niya ito. Pinagputul-putol niya ito at ibinigay sa mga alagad upang ihain sa mga tao. 17 Kumain sila at lahat ay nabusog. Kinuha nila ang mga piraso na lumabis sa kanila, ito ay labindalawang bakol.

Ang Pahayag ni Pedro Patungkol sa Mesiyas

18 Nang si Jesus ay nananalanging mag-isa, nangyari na ang kaniyang mga alagad ay naroroon. Tinanong niya sila. Sinabi niya: Ayon sa sinasabi ng mga tao, sino raw ako?

19 Sumagot sila at sinabi: Si Juan na tagapagbawtismo. Ang sabi ng ilan: Si Elias. Ang sabi ng iba: Isa sa mga propeta ng unang panahon na nabuhay muli.

20 Sinabi niya sa kanila: Ano ang sabi ninyo, sino ako? Pagsagot ni Pedro, sinabi niya: Ang Mesiyas[b]ng Diyos.

21 Mahigpit niyang ipinagbilin sa kanila na huwag itongsabihin sa kaninuman. 22 Sinabi niya: Kinakailangang ang Anak ng tao ay dumanas ng maraming bagay. At siya ay tanggihan ng mga matanda at mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan. Siya ay papatayin at ibabangon sa ikatlong araw.

Tanggihan ang Sarili at Sumunod sa Akin

23 Sinabi niya sa lahat: Kung ang sinuman magnanais na sumunod sa akin, tanggihan niya ang kaniyang sarili. Pasanin niya araw-araw ang kaniyang krus at sumunod sa akin.

24 Ito ay sapagkat ang sinumang nagnanais na magligtas ng kaniyang buhay aymawawala niya ito. Ang sinumang mawalan ng buhay alang-alang sa akin ay maililigtas niya ito. 25 Ito ay sapagkat ano ang pakikinabangan ng tao kung matamo man niya ang buong sanlibutan at mapapahamak naman ang kaniyang sarili? 26 Ang sinumang magmakahiya sa akin at sa akingmga salita ay ikahihiya rin ng Anak ng Tao sa pagparito niya sa kaniyang kaluwalhatian, at ng Ama at ng mga banal na anghel. 27 Katoto­­hanang sinasabi ko sa inyo: Mayroong ilang mga nakatayo dito na kailanman ay hindi makakaranas ng kamatayan hanggang sa makita nila ang paghahari ng Diyos.

Ang Pagbabagong Anyo

28 Nangyari, mga walong araw pagkatapos niyang sabihin ang ng mga salitang ito, na isinama niya sina Pedro, at Juan at Santiago. Umahaon siya sa bundok upang manalangin.

29 Nang­yari nang siya ay nananalangin, ang anyo ng kaniyang mukha ay nagbago. Ang kaniyang kasuotan ay nagningning sa kaputian. 30 Narito, may dalawang lalaking nakipag-usap sa kaniya. Sila ay sina Moises at Elias. 31 Sila na nakita sa kaluwalhatian ay nagsalita patungkol sa kaniyang pag-alis na kaniya nang gaganapin sa Jerusalem. 32 Si Pedro at ang mga kasama niya ay tulog na. Nang sila ay magising, nakita nila ang kaniyang kaluwalhatian at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya. 33 Nangyari, habang papaalissina Moises at Elias, na si Pedro ay nagsabi kay Jesus: Guro, mabuti para sa amin na kami ay narito. Gagawa kami ng tatlong kubol. Isa para sa iyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias. Hindi alam ni Pedro kung ano ang sinasabi niya.

34 Samantalang sinasabi niya ito, lumitaw ang isang ulap at nililiman sila. Pagpasok nila sa ulap, sila ay natakot. 35 Isang tinig ang nagmula sa ulap, na sinabi: Ito ang pinakamamahal kong anak. Pakinggan ninyo siya. 36 Nang mawala na ang tinig, nasumpungan nilang nag-iisa si Jesus. At sila ay tumahimik. Hindi nila sinabi sa kaninuman sa mga araw na iyon ang anumang nakita nila.

Pinagaling ni Jesus ang Batang Inaalihan ng Karumal-dumal na Espiritu

37 Nangyari, kinabukasan pagbaba nila sa bundok, na sinalubong siya ng napakaraming tao.

38 Narito, isang lalaking mula sa karamihan ang sumigaw. Sinabi niya: Guro, isinasamo ko sa iyo, bigyan mo ng pansin ang aking anak dahil siya ay kaisa-isa kong anak. 39 Narito, sinusunggaban siya ng espiritu[c] at siya ay biglang sumigaw. Pinangisay siya nito at halos ayaw siyang iwanan. 40 Nagsumamo ako sa iyong mga alagad na palayasin nila siya ngunit hindi nila magawa.

41 Sumagot si Jesus at sinabi: O lahing walang pananam­palataya at lahing nagpakalihis. Hanggang kailan ako sasama sa inyo at magtitiis sa inyo? Dalhin mo rito ang iyong anak.

42 Nang siya ay papalapit pa lamang kay Jesus, siya ay ibinalibag ng demonyo at pinangisay. Sinaway ni Jesus ang karumal-dumal na espiritu at pinagaling ang bata. Ibinalik siya ni Jesus sa kaniyang ama.

43 Ang lahat ay namangha sa kadakilaan ng Diyos.

Samantalang sila ay nangilalas sa lahat ng mga ginawa ni Jesus, siya ay nangusap sa kaniyang mga alagad.

44 Sinabi niya: Pakinggan ninyong mabuti ang mga salitang ito sapagkat ang Anak ng Tao ay ibibigay na sa mga kamay ng mga tao. 45 Hindi nila naunawaan ang pananalitang ito. Ito ay nakubli mula sa kanila upang hindi nila maintindihan. Natatakot silang tanungin siya patungkol sa pananalitang ito.

Ang Tunay na Kadakilaan

46 Nagkaroon ng isang pagtatalo sa kanila kung sino ang magiging pinakadakila sa kanila.

47 Nalaman ni Jesus ang pagtatalo ng kanilang mga puso. Kinuha niya ang isang maliit na bata at inilagay sa tabi niya. 48 Sinabi niya sa kanila: Sinumang tatanggap sa maliit na batang ito sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin. Sinumang tumatanggap sa akin ay tuma­tanggap sa nagsugo sa akin sapagkat ang sinumang pinakamababa sa inyong lahat ay siyang magiging dakila.

49 Sumagot si Juan. Sinabi niya: Guro, may nakita kaming isang nagpapalayas ng demonyo sa pangalan mo. Pinagbawalan namin siya dahil hindi namin siya kasama.

50 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Huwag ninyo siyang pagba­walan. Ang sinumang hindi laban sa atin ay sang-ayon sa atin.

Tinanggihan ng Taga-Samaria si Jesus

51 Dumating ang panahon na si Jesus ay malapit nang umakyat sa langit. Nangyari nga na kaniyang itinuon ang kaniyang mukha upang makapunta sa Jerusalem.

52 Pinapunta niya ng mga sugo na mauna sa kaniya. Sa kanilang pagpunta, pumasok sila sa isang nayon ng mga taga-Samaria upang siya ay ipaghanda ng matu­tuluyan. 53 Hindi nila siya tinanggap dahil ang kaniyang mukha ay nakatuon na siya ay makapunta sa Jerusalem. 54 Nang makita ito ng kaniyang mga alagad na sina Santiago at Juan, sila ay nangusap kay Jesus. Sinabi nila: Panginoon, nais mo bang gawin din namin ang ginawa ni Elias na mag-utos kami na ang apoy ay bumaba mula sa langit at tupukin sila? 55 Ngunit lumingon siya at sila ay kaniyang sinaway. Sinabi niya: Hindi ninyo alam kung sa anong espiritu kayo. 56 Ito ay sapagkat ako na Anak ng Tao ay hindi naparito upang magwasak ng buhay ng mga tao kundi upang magligtas. At sila ay pumunta sa ibang nayon.

Ang Halaga ng Pagsunod kay Jesus

57 Nangyari, sa kanilang paglalakbay, na may isang nagsabi sa kaniya: Panginoon, susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon.

58 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ang mga soro ay may mga lungga. Ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad. Ngunit ang Anak ng Tao ay walang mahimlayan ng kaniyang ulo.

59 Sinabi niya sa isa pa: Sumunod ka sa akin.

Sinabi niya: Panginoon, pahintulutan mo muna akong umalis upang ilibing ang aking ama.

60 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Hayaan ninyong ang mga patay ay maglibing sa kanilang sariling mga patay. Humayo ka at ipangaral ang paghahari ng Diyos.

61 Sinabi rin ng isa: Panginoon, susunod ako sa iyo. Pahintulutan mo muna akong magpaalam sa aking mga kasambahay.

62 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Walang sinumang humawak sa araro at tumitingin sa mga bagay sa likuran ang karapat-dapat sa paghahari ng Diyos.

Isinugo ni Jesus ang Pitumpu

10 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay humirang din ng pitumpung iba pa. Sinugo niya sila ng dala-dalawa sa kaniyang unahan. Sinugo niya sila sa bawat lungsod at dako na kaniyang pupuntahan.

Sinabi nga niya sa kanila: Ang aanihin ay totoong marami ngunit ang manggagawa ay kakaunti. Ipamanhik nga ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang mga aanihin. Humayo kayo. Narito, sinusugo ko kayo tulad ng mga batang tupa sa kalagitnaan ng mga lobo. Huwag kayong magdala ng kalupi o bayong o panyapak. Huwag kayong bumati kaninuman sa daan.

Sa alinmang bahay na inyong papasukan, sabihin muna ninyo: Kapayapaan ang mapasabahay na ito. Kapag ang anak ng kapayapaan ay naroroon, ang inyong kapayapaan ay mananatili roon. Ngunit kung wala siya roon, ito ay babalik sa inyo. Sa bahay ding iyon kayo manatili. Kainin at inumin ninyo ang anumang ibigay nila sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang upa. Huwag kayong magpalipat-lipat sa mga bahay-bahay.

Sa anumang lungsod na inyong papasukin at tinatanggap kayo, kainin ninyo ang mga bagay na inihain sa inyo. Pagalingin ninyo ang mga may sakit na naroroon. Sabihin ninyo sa kanila: Ang paghahari ng Diyos ay dumating na sa inyo. 10 Sa alinmang lungsod na inyong papasukin at hindi kayo tinatanggap, lumabas kayo sa mga daan nito. 11 Sabihin ninyo: Maging ang mga alikabok na nakakapit sa amin mula sa inyong lungsod ayaming ipinapagpag laban sa inyo. Gayunman, alamin mo ito, ang paghahari ng Diyos ay dumating na sa iyo. 12 Sinasabi ko sa inyo: Higit na magaan ang parusa sa lupain ng Sodoma sa araw na iyon kaysa sa babatahin ng lungsod na iyon.

Kaabahan at Pagpapasalamat

13 Sa aba mo, Corazin! Sa aba mo, Betsaida! Ito ay sapagkat kung ang mga makapangyarihang gawa na ginawa sa inyo ay ginawa sa Tiro at Sidon, matagal na sana silang nagsisi na nakasuot ng magaspang na damit at nakaupo sa mga abo.

14 Sa pagdating ng paghuhukom, higit na magaan ang parusa ng Tiro at Sidon kaysa sa babatahin ninyo. 15 Ikaw, Capernaum, na itinaas sa langit ay ibabagsak sa Hades.

16 Siya na dumirinig sa inyo ay dumirinig sa akin. Siya na tumatanggi sa inyo ay tumatanggi sa akin. Siya na tumatanggi sa akin ay tumatanggi sa nagsugo sa akin.

17 Pagkatapos nito, ang pitumpu ay bumalik na may kagalakan. Kanilang sinasabi: Panginoon, maging ang mga demonyo ay sumusunod sa amin sa pamamagitan ng iyong pangalan.

18 Sinabi ni Jesus sa kanila: Nakita ko si Satanas na nahulog mula sa langit na parang kidlat. 19 Narito, ibinibigay ko sa inyo ang kapamahalaan upang tapakan ang mga ahas at mga alakdan at lahat ng kapangyarihan ng kaaway. Kailanman ay hindi kayo masasaktan ng sinuman. 20 Gayunman, huwag ninyong ikagalak ang mga ito, na ang mga espiritu ay nagpapasakop sa inyo. Ngunit ikagalak nga ninyo na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa langit.

21 Sa oras ding iyon ay nagalak si Jesus sa espiritu. Sinabi niya: Pinupuri kita, O Ama, Panginoon ng kalangitan at lupa. Itinago mo ang mga bagay na ito sa mga pantas at sa matalino. Sa mga sanggol ay inihayag mo ito. Ganito ang ginawa mo Ama, dahil ito ay lubos na nakakalugod sa harapan mo.

22 Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay na sa akin ng Ama. Walang nakakaalam kung sino ang Anakmaliban sa Ama. Walang nakakaalam kung sino ang Ama maliban sa Anak at sa sinumang ibig pagpahayagan ng Anak.

23 Pagharap niya sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila nang bukod: Pinagpala ang mga matang nakakakita ng mga bagay na nakikita ninyo. 24 Sapagkat sinasabi ko nga sa inyo: Maraming propeta at hari ang naghangad na makita ang inyong nakikita at hindi nila ito nakita. Hinangad nilang marinig ang inyong naririnig at hindi nila ito narinig.

Ang Dakilang Utos at ang Samaritano

25 Narito, isang dalubhasa sa kautusan ang tumayo na sinusubok siya at sinasabi: Guro, anong gagawin ko upang magmana ng walang hanggang buhay?

26 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ano ba ang nakasulat sa kautusan? Ano ang pagkabasa mo rito?

27 Sumagot siya at sinabi: Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso mo at ng buong kaluluwa mo at ng buong lakas mo at ng buong isip mo. Ibigin mo ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili.

28 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at ikaw ay mabubuhay.

29 Sa kaniyang pagnanais na maipakitang matuwid ang kaniyang sarili, sinabi niya kay Jesus: Sino ang aking kapwa?

30 Bilang tugon, sinabi ni Jesus: Isang lalaki ang bumaba mula sa Jerusalem patungong Jerico. Siya ay nahulog sa kamay ng mga tulisan. Pagkatapos nila siyang hubaran at sugatan, sila ay umalis. Iniwan nila siyang nag-aagaw-buhay. 31 Nagka­taong isang saserdote ang lumusong sa daang iyon. Pagkakita nitosa kaniya, ang saserdote ay dumaan sa kabilang tabi. 32 Gayundin naman, isang Levita, na nang mapadako roon ay pumunta at tiningnan siya. Pagkatapos nito, siya ay dumaan sa kabilang tabi. 33 May isang naglalakbay na taga-Samaria na lumapit sa kaniya. Pagkakita sa kaniya, ang taga-Samaria ay nahabag sa kaniya. 34 Paglapit niya sa kaniya, binuhusan niya ng langis at alak ang kaniyang mga sugat at tinalian niya ang mga ito. Ang lalaking sugatan ay isinakay niya sa kaniyang sariling hayop at dinala siya sa isang bahay-tuluyan at inalagaan siya. 35 Kinabukasan, sa pag-alis ng taga-Samaria, siya ay naglabas ng dalawang denaryo. Ibinigay niya ito sa tagapamahala ng bahay-tuluyan. Sinabi niya sa kaniya: Alagaan mo siya. Anumang iyong magugugol nang higit ay babayaran ko sa iyo sa aking pagbababalik.

36 Sino sa tatlong ito ang sa palagay mo ay naging kapwa ng lalaking nahulog sa mga kamay ng mga tulisan?

37 Sinabi niya: Siya na nagpakita ng habag sa kaniya.

Sinabi nga ni Jesus sa kaniya: Humayo ka at gawin mo ang gayon.

Higit na Dakila ang Pakikinig kay Jesus

38 Nangyari, nang sila ay nagpatuloy, na siya ay pumasok sa isang nayon. Isang babaeng nagngangalang Marta ang tumanggap sa kaniya sa kaniyang bahay.

39 Siya ay may kapatid na babaeng tinatawag na Maria, na umupo sa paanan ni Jesus. Sa pag-upo ni Maria, siya ay nakinig sa salita ni Jesus. 40 Si Marta ay abalang-abala sa maraming paglilingkod. Lumapit siya kay Jesus at sinabi: Panginoon, hindi ba mahalaga sa iyo na iwanan ako ng aking kapatid na naglilingkod na mag-isa? Sabihin mo nga sa kaniya na tulungan ako.

41 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Marta, Marta, ikaw ay nababalisa at nababagabag sa maraming mga bagay. 42 Mayroong isang kinakailangan at pinili ni Maria ang mabuting bahagi na hindi makukuha sa kaniya.

Footnotes

  1. Lucas 3:1 O pinuno sa isa sa apat na lalawigan.
  2. Lucas 9:20 Mesiyas sa Hebreo, Cristo sa Griyego, na ang kahulugan ay Pinahiran.
  3. Lucas 9:39 O demonyo.