Add parallel Print Page Options

Ang Matagumpay na Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem(A)

28 Pagkatapos magkwento ni Jesus, nagpatuloy siya sa paglalakad at nanguna sa kanila papuntang Jerusalem. 29 Nang malapit na sila sa mga nayon ng Betfage at Betania, sa bundok na kung tawagin ay Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawa niyang tagasunod. 30 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok nʼyo roon makikita ninyo ang isang batang asno na nakatali. Hindi pa ito nasasakyan ng kahit sino. Kalagan ninyo at dalhin dito. 31 Kung may magtanong kung bakit ninyo kinakalagan ang asno, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon.” 32 Kaya lumakad ang dalawang inutusan, at nakakita nga sila ng asno ayon sa sinabi ni Jesus. 33 Nang kinakalagan na nila ang asno, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?” 34 Sumagot sila, “Kailangan ito ng Panginoon.” 35 Dinala nila ang asno kay Jesus, at isinapin nila ang kanilang mga balabal nila sa likod ng asno at pinasakay si Jesus. 36 Habang nakasakay siya sa asno papuntang Jerusalem, inilatag ng mga tao ang kanilang mga balabal sa dadaanan niya. 37 Nang pababa na siya sa Bundok ng mga Olibo at malapit na sa Jerusalem, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng tagasunod niya at nagpuri nang malakas sa Dios dahil sa mga himalang nasaksihan nila. 38 Sinabi nila, “Pinagpala ng Panginoon ang haring kanyang ipinadala.[a] Mayroon na tayong magandang relasyon[b] sa Dios. Purihin ang Dios sa langit!”

39 Sinabi sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, sawayin mo ang mga tagasunod mo.” 40 Pero sinagot sila ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo: kung tatahimik sila, ang mga bato na ang sisigaw ng papuri.”

Umiyak si Jesus para sa mga Taga-Jerusalem

41 Nang malapit na si Jesus sa Jerusalem at nakita niya ang lungsod, umiyak siya para sa mga taga-roon. 42 Sinabi niya, “Sana nalaman ninyo sa araw na ito kung ano ang makapagbibigay sa inyo ng kapayapaan. Ngunit natakpan ang inyong pang-unawa. 43 Darating ang araw na papaligiran kayo ng kuta ng inyong mga kaaway. Palilibutan nila kayo at kabi-kabilang lulusubin. 44 Lilipulin nila kayo at ang inyong mga anak, at wawasakin nila ang lungsod ninyo. Wala silang iiwang bato na magkapatong. Mangyayari ang lahat ng ito sa inyo, dahil binalewala ninyo ang araw ng pagliligtas sa inyo ng Dios.”

Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa Templo(B)

45 Pagdating nila sa Jerusalem, pumunta si Jesus sa templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda roon. 46 Sinabi niya sa kanila, “Sinasabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Ang aking bahay ay bahay-panalanginan.’[c] Ngunit ginawa ninyong pugad ng mga tulisan!”[d]

47 Nagtuturo si Jesus sa templo araw-araw, habang pinagsisikapan naman ng mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at ng mga pinuno ng bayan na patayin siya. 48 Pero wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil nakikinig nang mabuti ang mga tao sa mga itinuturo niya.

Read full chapter

Footnotes

  1. 19:38 Salmo 118:26.
  2. 19:38 magandang relasyon: o, kapayapaan.
  3. 19:46 Isa. 56:7.
  4. 19:46 Jer. 7:11.