Add parallel Print Page Options

Kayamanan sa Langit(A)

32 “Kayong mga tagasunod ko ay kaunti lang.[a] Ngunit huwag kayong matakot, dahil ipinagkaloob ng inyong Ama na maghari kayong kasama niya. 33 Ipagbili ninyo ang mga ari-arian ninyo at ipamigay ang pera sa mga mahihirap, upang makaipon kayo ng kayamanan sa langit. Doon, ang maiipon ninyong kayamanan ay hindi maluluma o mauubos, sapagkat doon ay walang makakalapit na magnanakaw o makakapanirang insekto. 34 Sapagkat kung nasaan ang kayamanan ninyo, naroon din ang puso ninyo.”

Ang Mapagkakatiwalaang mga Utusan

35-36 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Maging handa kayo palagi sa pagbabalik ng inyong Panginoon, katulad ng mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang amo mula sa kasalan. Nakahanda sila at nakasindi ang mga ilawan nila, upang sa pagdating at pagkatok ng amo nila ay mabubuksan nila agad ang pinto. 37 Mapalad ang mga aliping madadatnan ng amo nila na gising at nagbabantay sa kanyang pag-uwi. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, maghahanda ang amo nila para pagsilbihan sila. Sila ay pauupuin niya sa kanyang mesa at pagsisilbihan habang kumakain sila. 38 Mapalad ang mga aliping iyon kung madadatnan sila ng amo nila na handa kahit anong oras – hatinggabi man o madaling-araw. 39 Tandaan ninyo ito: kung alam ng isang tao kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya hahayaang pasukin nito ang bahay niya. 40 Kayo man ay dapat maging handa, dahil ako, na Anak ng Tao, ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.”

Ang Tapat at Hindi Tapat na Alipin(B)

41 Nagtanong si Pedro, “Panginoon, para kanino po ba ang talinghaga na iyon, para sa amin o para sa lahat?” 42 Sumagot ang Panginoon, “Hindi baʼt ang tapat at matalinong utusan ang pamamahalain ng amo niya sa mga kapwa niya alipin? Siya ang magbibigay sa kanila ng pagkain nila sa tamang oras. 43 Mapalad ang aliping iyon kapag nadatnan siya ng amo niya na ginagawa ang kanyang tungkulin. 44 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, pamamahalain siya ng kanyang amo sa lahat ng mga ari-arian nito. 45 Ngunit kawawa ang alipin kung inaakala niyang matatagalan pa bago bumalik ang amo niya, at habang wala ito ay pagmamalupitan niya ang ibang mga alipin, lalaki man o babae, at magpapakabusog siya at maglalasing. 46 Darating ang amo niya sa araw o oras na hindi niya inaasahan, at parurusahan siya nang matindi[b] at isasama sa mga hindi mapagkakatiwalaan.

47 “Ang aliping nakakaalam ng kagustuhan ng amo niya ngunit hindi naghahanda at hindi gumagawa ng kanyang tungkulin ay tatanggap ng mabigat na parusa.[c] 48 At ang aliping hindi nakakaalam ng kagustuhan ng amo niya, at nakagawa ng kamalian ay parurusahan din, pero magaan lang. Ang binigyan ng marami ay hahanapan ng marami. Mas marami nga ang pananagutan ng pinagkatiwalaan ng mas marami.”

Ang Pagkakahati-hati ng Sambahayan Dahil kay Cristo(C)

49 “Naparito ako sa lupa upang magdala ng apoy[d] at gusto ko sanang magliyab na ito. 50 Ngunit bago ito mangyari, may mga paghihirap na kailangan kong pagdaanan. At hindi ako mapapalagay hanggaʼt hindi ito natutupad.

51 “Akala ba ninyo ay naparito ako sa lupa upang magkaroon ng maayos na relasyon ang mga tao? Ang totoo, naparito ako upang magkaroon sila ng hidwaan. 52 Mula ngayon, mahahati ang limang tao sa loob ng isang pamilya. Tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. 53 Kokontrahin ng ama ang anak niyang lalaki, at kokontrahin din ng anak na lalaki ang kanyang ama. Ganoon din ang mangyayari sa ina at sa anak niyang babae, at sa biyenang babae at sa manugang niyang babae.”

Magmatyag sa mga Nangyayari Ngayon(D)

54 Sinabi ni Jesus sa mga tao, “Kapag nakita ninyo ang makapal na ulap sa kanluran, sinasabi ninyong uulan, at umuulan nga. 55 At kapag umihip naman ang hanging habagat ay sinasabi ninyong iinit, at umiinit nga. 56 Mga pakitang-tao! Alam ninyo ang kahulugan ng mga palatandaang nakikita ninyo sa lupa at sa langit, pero bakit hindi ninyo alam ang kahulugan ng mga nangyayari ngayon?

Makipagkasundo sa Kaaway(E)

57 “Bakit hindi ninyo mapagpasyahan kung ano ang matuwid? 58 Kapag may magdedemanda sa iyo, pagsikapan mong makipag-ayos sa kanya habang papunta pa lang kayo sa hukuman; dahil baka pilitin ka pa niyang humarap sa hukom, at pagkatapos ay ibigay ka ng hukom sa alagad ng batas upang ipabilanggo. 59 Tinitiyak ko sa iyo, hindi ka makakalabas ng bilangguan hanggaʼt hindi mo nababayaran ang lahat ng multa[e] mo.”

Read full chapter

Footnotes

  1. 12:32 Kayong mga tagasunod ko ay kaunti lang: sa literal, munting kawan.
  2. 12:46 parurusahan siya nang matindi: sa literal, kakatayin siya.
  3. 12:47 mabigat na parusa: sa literal, maraming hampas.
  4. 12:49 apoy: Ang ibig sabihin, kaparusahan.
  5. 12:59 multa: o, piyansa.