Add parallel Print Page Options

15 Sinabi niya sa kanila: Tingnan at ingatan ninyo ang inyong mga sarili mula sa kasakiman sapagkat ang buhay ng tao ay hindi nakapaloob sa kasaganaan ng mga bagay na kaniyang tinatangkilik.

16 Nagsabi siya ng isang talinghaga sa kanila na sinasabi: Ang bukirin ng isang mayamang lalaki ay nagbunga ng sagana. 17 Nag-isip siya sa kaniyang sarili. Sinabi niya: Ano ang aking gagawin? Wala akong pag-iimbakan ng aking ani.

18 Sinabi niya: Ganito ang aking gagawin. Gigibain ko ang aking kamalig at magtatayo ng higit na malaki. Doon ko iiimbak ang lahat ng aking ani at aking mga mabuting bagay. 19 Sasabihin ko sa aking kaluluwa: Kaluluwa, marami ka nang natipong pag-aari para sa mga darating na taon. Magpahinga ka, kumain ka, uminom ka, at magsaya ka.

20 Ngunit sinabi ng Diyos sa kaniya: Hangal! Sa gabing ito ay babawiin sa iyo ang iyong kaluluwa. At kanino kaya mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?

21 Ganito ang mangyayari sa kaniya na nag-iimpok ng kayamanan para sa kaniyang sarili. Hindi siya mayaman sa harap ng Diyos.

Read full chapter