Add parallel Print Page Options

Isinugo ni Jesus ang Pitumpu

10 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay humirang din ng pitumpung iba pa. Sinugo niya sila ng dala-dalawa sa kaniyang unahan. Sinugo niya sila sa bawat lungsod at dako na kaniyang pupuntahan.

Sinabi nga niya sa kanila: Ang aanihin ay totoong marami ngunit ang manggagawa ay kakaunti. Ipamanhik nga ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang mga aanihin. Humayo kayo. Narito, sinusugo ko kayo tulad ng mga batang tupa sa kalagitnaan ng mga lobo. Huwag kayong magdala ng kalupi o bayong o panyapak. Huwag kayong bumati kaninuman sa daan.

Sa alinmang bahay na inyong papasukan, sabihin muna ninyo: Kapayapaan ang mapasabahay na ito. Kapag ang anak ng kapayapaan ay naroroon, ang inyong kapayapaan ay mananatili roon. Ngunit kung wala siya roon, ito ay babalik sa inyo. Sa bahay ding iyon kayo manatili. Kainin at inumin ninyo ang anumang ibigay nila sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang upa. Huwag kayong magpalipat-lipat sa mga bahay-bahay.

Sa anumang lungsod na inyong papasukin at tinatanggap kayo, kainin ninyo ang mga bagay na inihain sa inyo. Pagalingin ninyo ang mga may sakit na naroroon. Sabihin ninyo sa kanila: Ang paghahari ng Diyos ay dumating na sa inyo. 10 Sa alinmang lungsod na inyong papasukin at hindi kayo tinatanggap, lumabas kayo sa mga daan nito. 11 Sabihin ninyo: Maging ang mga alikabok na nakakapit sa amin mula sa inyong lungsod ayaming ipinapagpag laban sa inyo. Gayunman, alamin mo ito, ang paghahari ng Diyos ay dumating na sa iyo. 12 Sinasabi ko sa inyo: Higit na magaan ang parusa sa lupain ng Sodoma sa araw na iyon kaysa sa babatahin ng lungsod na iyon.

Kaabahan at Pagpapasalamat

13 Sa aba mo, Corazin! Sa aba mo, Betsaida! Ito ay sapagkat kung ang mga makapangyarihang gawa na ginawa sa inyo ay ginawa sa Tiro at Sidon, matagal na sana silang nagsisi na nakasuot ng magaspang na damit at nakaupo sa mga abo.

14 Sa pagdating ng paghuhukom, higit na magaan ang parusa ng Tiro at Sidon kaysa sa babatahin ninyo. 15 Ikaw, Capernaum, na itinaas sa langit ay ibabagsak sa Hades.

16 Siya na dumirinig sa inyo ay dumirinig sa akin. Siya na tumatanggi sa inyo ay tumatanggi sa akin. Siya na tumatanggi sa akin ay tumatanggi sa nagsugo sa akin.

17 Pagkatapos nito, ang pitumpu ay bumalik na may kagalakan. Kanilang sinasabi: Panginoon, maging ang mga demonyo ay sumusunod sa amin sa pamamagitan ng iyong pangalan.

18 Sinabi ni Jesus sa kanila: Nakita ko si Satanas na nahulog mula sa langit na parang kidlat. 19 Narito, ibinibigay ko sa inyo ang kapamahalaan upang tapakan ang mga ahas at mga alakdan at lahat ng kapangyarihan ng kaaway. Kailanman ay hindi kayo masasaktan ng sinuman. 20 Gayunman, huwag ninyong ikagalak ang mga ito, na ang mga espiritu ay nagpapasakop sa inyo. Ngunit ikagalak nga ninyo na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa langit.

Read full chapter