Add parallel Print Page Options

Panimulang Salita

Marami ang nagsagawa ng pagsusulat ng isang salaysay patungkol sa mga bagay na lubos na pinaniwalaan sa atin.

Ito ang mga ibinigay sa atin ng mga saksing nakakita at mga lingkod ng Salita buhat pa sa pasimula. Kagalang-galang na Teofilo, ako ay may wastong kaalaman sa lahat ng mga bagay dahil ito ay maingat kong binantayan mula pa nang una. Dahil dito, minabuti kong sumulat sa iyo nang maayos. Isinulat ko ito upang malaman mo ang katiyakan ng mga bagay na itinuro sa iyo.

Ipinahayag ng Anghel ang Kapanganakan ni Juan na Tagapagbawtismo

Sa mga araw ni Herodes, ang hari ng Judea, may isang saserdote na ang pangalan ay Zacarias. Kasama siya sa pangkat ni Abias. Ang kaniyang asawa ay isa sa mga anak na babaeng mula sa angkan ni Aaron na nagngangalang Elisabet.

Sila ay kapwa matuwid sa harapan ng Diyos. Namumuhay silang walang kapintasan sa lahat ng mga utos at mga tuntunin ng Panginoon. Wala silang anak sapagkat si Elisabet ay baog at sila ay kapwa matanda na.

Dumating ang panahon upang ganapin ni Zacarias ang paglilingkod bilang saserdote sa harapan ng Diyos ayon sa kaugalian ng kaniyang pangkat. Ayon sa kaugalian ng paglilingkod bilang saserdote, nakamit niya sa palabunutan ang magsunog ng kamangyan nang siya ay pumasok sa banal na dako ng Diyos. 10 Ang buong karamihan ng mga tao ay nananalangin sa labas sa oras ng pagsusunog ng kamangyan.

11 At isang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kaniya na nakatayo sa dakong kanan ng dambana ng kamangyan. 12 Pagkakita ni Zacarias sa anghel, siya ay naguluhan at natakot. 13 Sinabi ng anghel sa kaniya: Huwag kang matakot, Zacarias, sapagkat ang iyong daing ay dininig na. Ang iyong asawang si Elisabet ay manganganak ng isang lalaki. Ang ipapangalan mo sa kaniya ay Juan. 14 Siya ay magiging kaligayahan at kagalakan sa iyo at marami ang magagalak sa kaniyang kapanganakan. 15 Ito ay sapagkat siya ay magiging dakila sa harapan ng Panginoon. Kailanman ay hindi siya iinom ngalak at ng matapang na inumin. Siya ay mapupuspos ng Banal na Espiritu mula pa sa bahay-bata ng kaniyang ina. 16 Marami sa mga anak ni Israel ang papa­panumbalikin niya sa Panginoon na kanilang Diyos. 17 Siya ay yayaon sa harapan ng Panginoon sa espiritu at kapangyarihan ni Elias upang ibalik ang mga puso ng mga ama sa mga anak. Gayundin, upang ang suwail ay ibalik sa karunungan ng matuwid at upang maghanda siya ng mga taong inilaan para sa Panginoon.

18 Sinabi ni Zacarias sa anghel: Papaano ko ito malalaman? Ito ay sapagkat ako ay lalaking matanda na at ang aking asawa ay matanda na rin.

19 Sumagot ang anghel at sinabi sa kaniya: Ako ay si Gabriel na nakatayo sa harapan ng Diyos. Sinugo ako upang makipag-usap sa iyo at ipahayag sa iyo ang mabuting balitang ito. 20 Narito, mapipipi ka at hindi ka makakapagsalita hanggang sa araw na maganap ang mga bagay na ito. Ito ay sapagkat hindi ka sumampalataya sa aking mga salita, na ang mga ito ay matutupad sa kanilang tamang panahon.

21 At ang mga tao ay naghihintay kay Zacarias. Namamangha sila sa kaniyang pagtatagal sa loob ng banal na dako. 22 Nang lumabas siya, hindi siya makapagsalita sa kanila. Napag-isip-isip nila na siya ay nakakita ng pangitain sa banal na dako sapagkat siya ay nakipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng mga senyas at siya ay nanatiling pipi.

23 Pagkatapos na maganap ang mga araw ng kaniyang paglilingkod, umuwi siya sa kaniyang bahay. 24 Pagkalipas ng mga araw na iyon, ang kaniyang asawang si Elisabet ay naglihi. Siya ay nagtago ng limang buwan. 25 Kaniyang sinabi: Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin sa mga araw na ako ay kaniyang isinaalang-alang upang alisin ang aking kahihiyan sa mga tao.

Read full chapter