Lucas 9
Ang Salita ng Diyos
Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad
9 Sama-samang tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad. Binigyan niya sila ng kapangyarihan at kapamahalaan laban sa lahat ng mga demonyo at kapangyarihang pagalingin ang mga sakit.
2 Sinugo niya sila upang ipangaral ang paghahari ng Diyos at magpagaling ng mga maysakit. 3 Sinabi niya sa kanila: Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglalakbay kahit tungkod, o bayong, o tinapay, o salapi, o kahit na dalawang balabal. 4 Saan mang bahay kayo pumasok, manatili kayo roon at mula roon umalis kayo. 5 Kung hindi nila kayo tanggapin sa lungsod na iyon, pagpagin ninyo ang alikabok sa inyong mga paa. Gawin ninyo ito bilang patotoo laban sa kanila. 6 Sila ay umalis at dumaan sa mga nayon. Sila ay naghahayag ng ebanghelyo at nagpapagaling kahit saan.
Naguluhan si Herodes
7 Sa mga panahong iyon narinig ni Herodes na tetrarka ang lahat ng mga bagay na ginagawa ni Jesus. Naguluhan siya dahil sinabi ng ilan na si Juan ay bumangon mula sa mga patay.
8 Ang ilan ay nagsabi na nagpakita siElias. Ang iba ay nagsabi na muling nabuhay ang isa sa mga propeta nang unang panahon. 9 Sinabi ni Herodes: Pinapugutan ko na ng ulo si Juan. Sino ito na patungkol sa kaniya, ang mga bagay na ito ay naririnig ko. At hinangad niyang makita si Jesus.
Pinakain ni Jesus ang Limang Libong Lalaki
10 Pagbalik ng mga apostol, isinaysay nila sa kaniya ang lahat ng ginawa nila. At sila ay isinama niya at pumunta nang bukod sa isang ilang na dako sa lungsod na tinatawag na Betsaida.
11 Nang malaman ito ng mga tao, sumunod sila sa kaniya. Tinanggap niya sila at nagsalita siya sa kanila patungkol sa paghahari ng Diyos. Ang mga nangangailangan ng kagalingan ay pinagaling niya.
12 Nang magtatakip-silim na, lumapit sa kaniya ang labindalawang apostol. Sinabi nila sa kaniya: Paalisin mo na ang mga tao upang sila ay pumunta sa mga nayon, sa palibot at sa bayan. Ito ay upang may matuluyan sila at makahanap ng makakain sapagkat tayo ay nasa ilang na pook.
13 Ngunit sinabi niya sa kanila: Bigyan ninyo sila ng makakain.
Sinabi nila: Mayroon lamang kaming limang tinapay at dalawang isda. Maliban na lang na kami ay umalis at bumili ng pagkain para sa lahat ng mga taong ito.
14 Ito ay sapagkat may mga limang libong lalaki ang naroroon.
Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: Paupuin ninyo sila sa pulutongna tiglilimampu.
15 Ginawa nila ang gayon at pinaupo nila ang lahat. 16 Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda. Sa pagtingin niya sa langit, pinagpala niya ito. Pinagputul-putol niya ito at ibinigay sa mga alagad upang ihain sa mga tao. 17 Kumain sila at lahat ay nabusog. Kinuha nila ang mga piraso na lumabis sa kanila, ito ay labindalawang bakol.
Ang Pahayag ni Pedro Patungkol sa Mesiyas
18 Nang si Jesus ay nananalanging mag-isa, nangyari na ang kaniyang mga alagad ay naroroon. Tinanong niya sila. Sinabi niya: Ayon sa sinasabi ng mga tao, sino raw ako?
19 Sumagot sila at sinabi: Si Juan na tagapagbawtismo. Ang sabi ng ilan: Si Elias. Ang sabi ng iba: Isa sa mga propeta ng unang panahon na nabuhay muli.
20 Sinabi niya sa kanila: Ano ang sabi ninyo, sino ako? Pagsagot ni Pedro, sinabi niya: Ang Mesiyas[a]ng Diyos.
21 Mahigpit niyang ipinagbilin sa kanila na huwag itongsabihin sa kaninuman. 22 Sinabi niya: Kinakailangang ang Anak ng tao ay dumanas ng maraming bagay. At siya ay tanggihan ng mga matanda at mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan. Siya ay papatayin at ibabangon sa ikatlong araw.
Tanggihan ang Sarili at Sumunod sa Akin
23 Sinabi niya sa lahat: Kung ang sinuman magnanais na sumunod sa akin, tanggihan niya ang kaniyang sarili. Pasanin niya araw-araw ang kaniyang krus at sumunod sa akin.
24 Ito ay sapagkat ang sinumang nagnanais na magligtas ng kaniyang buhay aymawawala niya ito. Ang sinumang mawalan ng buhay alang-alang sa akin ay maililigtas niya ito. 25 Ito ay sapagkat ano ang pakikinabangan ng tao kung matamo man niya ang buong sanlibutan at mapapahamak naman ang kaniyang sarili? 26 Ang sinumang magmakahiya sa akin at sa akingmga salita ay ikahihiya rin ng Anak ng Tao sa pagparito niya sa kaniyang kaluwalhatian, at ng Ama at ng mga banal na anghel. 27 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Mayroong ilang mga nakatayo dito na kailanman ay hindi makakaranas ng kamatayan hanggang sa makita nila ang paghahari ng Diyos.
Ang Pagbabagong Anyo
28 Nangyari, mga walong araw pagkatapos niyang sabihin ang ng mga salitang ito, na isinama niya sina Pedro, at Juan at Santiago. Umahaon siya sa bundok upang manalangin.
29 Nangyari nang siya ay nananalangin, ang anyo ng kaniyang mukha ay nagbago. Ang kaniyang kasuotan ay nagningning sa kaputian. 30 Narito, may dalawang lalaking nakipag-usap sa kaniya. Sila ay sina Moises at Elias. 31 Sila na nakita sa kaluwalhatian ay nagsalita patungkol sa kaniyang pag-alis na kaniya nang gaganapin sa Jerusalem. 32 Si Pedro at ang mga kasama niya ay tulog na. Nang sila ay magising, nakita nila ang kaniyang kaluwalhatian at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya. 33 Nangyari, habang papaalissina Moises at Elias, na si Pedro ay nagsabi kay Jesus: Guro, mabuti para sa amin na kami ay narito. Gagawa kami ng tatlong kubol. Isa para sa iyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias. Hindi alam ni Pedro kung ano ang sinasabi niya.
34 Samantalang sinasabi niya ito, lumitaw ang isang ulap at nililiman sila. Pagpasok nila sa ulap, sila ay natakot. 35 Isang tinig ang nagmula sa ulap, na sinabi: Ito ang pinakamamahal kong anak. Pakinggan ninyo siya. 36 Nang mawala na ang tinig, nasumpungan nilang nag-iisa si Jesus. At sila ay tumahimik. Hindi nila sinabi sa kaninuman sa mga araw na iyon ang anumang nakita nila.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Inaalihan ng Karumal-dumal na Espiritu
37 Nangyari, kinabukasan pagbaba nila sa bundok, na sinalubong siya ng napakaraming tao.
38 Narito, isang lalaking mula sa karamihan ang sumigaw. Sinabi niya: Guro, isinasamo ko sa iyo, bigyan mo ng pansin ang aking anak dahil siya ay kaisa-isa kong anak. 39 Narito, sinusunggaban siya ng espiritu[b] at siya ay biglang sumigaw. Pinangisay siya nito at halos ayaw siyang iwanan. 40 Nagsumamo ako sa iyong mga alagad na palayasin nila siya ngunit hindi nila magawa.
41 Sumagot si Jesus at sinabi: O lahing walang pananampalataya at lahing nagpakalihis. Hanggang kailan ako sasama sa inyo at magtitiis sa inyo? Dalhin mo rito ang iyong anak.
42 Nang siya ay papalapit pa lamang kay Jesus, siya ay ibinalibag ng demonyo at pinangisay. Sinaway ni Jesus ang karumal-dumal na espiritu at pinagaling ang bata. Ibinalik siya ni Jesus sa kaniyang ama.
43 Ang lahat ay namangha sa kadakilaan ng Diyos.
Samantalang sila ay nangilalas sa lahat ng mga ginawa ni Jesus, siya ay nangusap sa kaniyang mga alagad.
44 Sinabi niya: Pakinggan ninyong mabuti ang mga salitang ito sapagkat ang Anak ng Tao ay ibibigay na sa mga kamay ng mga tao. 45 Hindi nila naunawaan ang pananalitang ito. Ito ay nakubli mula sa kanila upang hindi nila maintindihan. Natatakot silang tanungin siya patungkol sa pananalitang ito.
Ang Tunay na Kadakilaan
46 Nagkaroon ng isang pagtatalo sa kanila kung sino ang magiging pinakadakila sa kanila.
47 Nalaman ni Jesus ang pagtatalo ng kanilang mga puso. Kinuha niya ang isang maliit na bata at inilagay sa tabi niya. 48 Sinabi niya sa kanila: Sinumang tatanggap sa maliit na batang ito sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin. Sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin sapagkat ang sinumang pinakamababa sa inyong lahat ay siyang magiging dakila.
49 Sumagot si Juan. Sinabi niya: Guro, may nakita kaming isang nagpapalayas ng demonyo sa pangalan mo. Pinagbawalan namin siya dahil hindi namin siya kasama.
50 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Huwag ninyo siyang pagbawalan. Ang sinumang hindi laban sa atin ay sang-ayon sa atin.
Tinanggihan ng Taga-Samaria si Jesus
51 Dumating ang panahon na si Jesus ay malapit nang umakyat sa langit. Nangyari nga na kaniyang itinuon ang kaniyang mukha upang makapunta sa Jerusalem.
52 Pinapunta niya ng mga sugo na mauna sa kaniya. Sa kanilang pagpunta, pumasok sila sa isang nayon ng mga taga-Samaria upang siya ay ipaghanda ng matutuluyan. 53 Hindi nila siya tinanggap dahil ang kaniyang mukha ay nakatuon na siya ay makapunta sa Jerusalem. 54 Nang makita ito ng kaniyang mga alagad na sina Santiago at Juan, sila ay nangusap kay Jesus. Sinabi nila: Panginoon, nais mo bang gawin din namin ang ginawa ni Elias na mag-utos kami na ang apoy ay bumaba mula sa langit at tupukin sila? 55 Ngunit lumingon siya at sila ay kaniyang sinaway. Sinabi niya: Hindi ninyo alam kung sa anong espiritu kayo. 56 Ito ay sapagkat ako na Anak ng Tao ay hindi naparito upang magwasak ng buhay ng mga tao kundi upang magligtas. At sila ay pumunta sa ibang nayon.
Ang Halaga ng Pagsunod kay Jesus
57 Nangyari, sa kanilang paglalakbay, na may isang nagsabi sa kaniya: Panginoon, susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon.
58 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ang mga soro ay may mga lungga. Ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad. Ngunit ang Anak ng Tao ay walang mahimlayan ng kaniyang ulo.
59 Sinabi niya sa isa pa: Sumunod ka sa akin.
Sinabi niya: Panginoon, pahintulutan mo muna akong umalis upang ilibing ang aking ama.
60 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Hayaan ninyong ang mga patay ay maglibing sa kanilang sariling mga patay. Humayo ka at ipangaral ang paghahari ng Diyos.
61 Sinabi rin ng isa: Panginoon, susunod ako sa iyo. Pahintulutan mo muna akong magpaalam sa aking mga kasambahay.
62 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Walang sinumang humawak sa araro at tumitingin sa mga bagay sa likuran ang karapat-dapat sa paghahari ng Diyos.
Footnotes
- Lucas 9:20 Mesiyas sa Hebreo, Cristo sa Griyego, na ang kahulugan ay Pinahiran.
- Lucas 9:39 O demonyo.
Copyright © 1998 by Bibles International