Lucas 7
Ang Salita ng Diyos
Ang Kapitan ay Nanampalataya
7 Nang matapos na siya sa lahat ng kaniyang pagsasalita sa mga taong nakikinig, pumasok siya sa Capernaum.
2 Mayroong isang Kapitan na may alipin na kaniyang pinahahalagahan. Ang aliping ito ay may sakit at malapit nang mamatay. 3 Nang marinig ng kapitan ang patungkol kay Jesus, isinugo niya ang mga matanda ng mga Judio. Ito ay upang hilingin kay Jesus na pumunta at pagalingin ang kaniyang alipin. 4 Pagpunta nila kay Jesus, masikap silang namanhik sa kaniya. Sinabi nila: Siya na gagawan mo nito ay karapat-dapat. 5 Ito ay sapagkat iniibig niya ang ating bansa at itinayo niya ang sinagoga para sa amin. 6 Si Jesus ay sumama sa kanila.
Nang sila ay malapit na sa bahay, ang kapitan ay nagsugo ng mga kaibigan sa kaniya. Ipinasabi niya kay Jesus: Panginoon, huwag ka nang mag-abala sapagkat ako ay hindi karapat-dapat upang puntahan mo sa aking bahay.
7 Kaya nga, hindi ko rin itinuring na ako ay karapat-dapat pumunta sa iyo. Gayunman, magsalita ka lang at ang aking lingkod ay gagaling. 8 Ito ay sapagkat ako rin ay isang lalaking itinalaga sa ilalim ng kapamahalaan. Mayroon akong nasasakupang mga kawal. Sinasabi ko sa isa: Humayo ka.At siya ay humahayo. Sa isa ay sinasabi ko: Pumarito ka. At siya ay pumaparito. Sa aking alipin ay sinasabi ko: Gawin mo ito. At ginagawa niya ito.
9 Nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito, siya ay namangha sa kaniya. Humarap siya sa maraming mga taong sumusunod sa kaniya. Sinabi niya: Sinasabi ko sa inyo, ni sa mga taga-Israel ay hindi ako nakakita ng ganitong kalaking pananampalataya. 10 Nang bumalik sa bahay ang mga isinugo, nasumpungan nilang nasa mabuti nang kalusugan ang aliping may sakit.
Binuhay ni Jesus ang Anak ng Balo
11 Kinabukasan, nangyari na siya ay pumunta sa isang lungsod na tinatawag na Nain. Sumama sa kaniya ang marami sa kaniyang mga alagad at ang napakaraming tao.
12 Nang papalapit na siya sa tarangkahan ng lungsod. Narito, may isang taong patay na at binubuhat papalabas. Ang lalaking patay ay nag-iisang anak ng kaniyang ina na isang balo. Maraming mga mamamayan ng lungsod ang kasama ng ina. 13 Nang makita siya ng Panginoon, siya ay nahabag sa kaniya. Sinabi niya sa kaniya:Huwag kang umiyak.
14 Lumapit si Jesus at hinipo ang kinalalagyan ng patay at ang mga bumubuhat nito ay tumigil. Sinabi niya: Binata, sinasabi ko sa iyo,bumangon ka. 15 Siya na namatay ay umupo at nagsimulang magsalita. Ibinalik siya ni Jesus sa kaniyang ina.
16 Ang lahat ay pinagharian ng takot at niluwalhati nila ang Diyos. Kanilang sinabi: Isang dakilang propeta ang lumitaw sa kalagitnaan natin. Dinalaw ng Diyos ang kaniyang mga tao. 17 Ang ulat na ito patungkol sa kaniya ay kumalat sa buong Judea at sa lahat ng mga lupain sa palibot.
Si Jesus at si Juan na Tagapagbawtismo
18 Ang mga alagad ni Juan ay nagbigay-ulat sa kaniya patungkol sa lahat ng mga bagay na ito.
19 Tinawag ni Juan ang dalawa sa kaniyang mga alagadat sinugo kay Jesus. Ipinasabi niya:Ikaw ba ang aming hinihintay o maghahanap pa kami ng iba?
20 Ang dalawa ay pumunta kay Jesus. Sinabi nila: Sinugo kami sa iyo ni Juan na tagapagbawtismo. Ipinapatanong niya: Ikaw ba ang aming hinihintay o maghahanap pa kami ng iba?
21 Nang oras ding iyon, nagpagaling siya ng maraming mga karamdaman at pasakit, at mga masamang espiritu. Ginawa niya na ang mga bulag ay makakita. 22 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Pumaroon na kayo at iulat ninyo kay Juan ang mga narinig at nakita ninyo. Iulat ninyo sa kaniya na ang mga bulag ay nakakita, ang mga lumpo ay nakalakad, ang mga ketongin ay luminis, ang mga bingi ay nakarinig, ang mga patay ay binuhay at ang ebanghelyo ay ipinangaral sa mahihirap. 23 At pinagpala ang sinumanghindi matitisod sa akin.
24 Umalis ang mga sinugo ni Juan. Si Jesus ay nagsimulang magsalita sa maraming mga tao patungkol kay Juan. Ano ang gusto ninyong makita sa pagpunta ninyo sa ilang? Isa bang tambo na inuuga ng hangin? 25 Ano ang gusto ninyong makita sa inyong pagpunta? Isa bang lalaki na nakadamit ng malambot na kasuotan? Narito, sila na nakadamit ng marilag at namumuhay sa karangyaan ay nasa mga palasyo. 26 Ano ang gusto ninyong makita sa inyong pagpunta? Isa bang propeta? Sinasabi ko sa inyo: Oo, at higit na dakila kaysa sa isang propeta. 27 Siya ito na tinutukoy sanasusulat:
Narito, isinusugo ko ang aking sugo na mauuna sa iyo. Siya ang maghahanda ng iyong daraanan sa unahan mo.
28 Sinasabi ko ito sa inyo dahil, sa mga ipinanganak ng mga babae, wala nang propeta na hihigit pa kay Juan na tagapagbawtismo. Gayunman, siya na pinakamababa sa paghahari ng langit ay lalong higit kaysa sa kaniya.
29 Narinig ito ng mga tao at ng mga maniningil ng buwis. Kinilala nilang matuwid ang Diyos sapagkat sila ay nabawtismuhan ng bawtismo ni Juan. 30 Ngunit ang mga Fariseo at mga dalubhasa sa kautusan ay tumanggi sa payo ng Diyos sapagkat hindi sila nabawtismuhan ni Juan.
31 Sinabi ng Panginoon: Sa ano ko nga ihahalintulad ang lahing ito? Ano ang katulad nila? 32 Sila ay katulad ng mga maliliit na bata na nakaupo sa pamilihan at tinatawag ang isa’t isa. Kanilang sinasabi:
Tinugtugan namin kayo ng plawta at hindi kayo sumayaw. Kami ay nagluksa at hindi kayo tumangis.
33 Ito ay sapagkat nang si Juan na tagapagbawtismo ay pumarito, hindi siya kumakain ng pagkain o umiinom ng alak at sinasabi ninyo: Siya ay may demonyo. 34 Nang ang Anak ng Tao ay dumating, siya ay kumakain at umiinom. At sinasabi ninyo: Siya ay taong matakaw at manginginom ng alak, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan. 35 Subalit ang karunungan ay pinatunayang matuwid ng lahat ng kaniyang mga anak.
Binuhusan ng Pabango ng Makasalanang Babae si Jesus
36 Isa sa mga Fariseo ang humiling na siya ay kumaing kasama niya. Pagpasok niya sa bahay ng Fariseo, siya ay dumulog sa hapag.
37 Narito, isang babaeng namuhay sa kasalanan ang nasa lungsod na iyon. Nalaman niya na si Jesus ay dumulog sa hapag, sa bahay ng Fariseo. Dahil dito, nagdala siya ng isang mabangong langis na nasa garapong alabastro. 38 Tumayo siya sa likuran ni Jesus, sa kaniyang paanan. Siya ay umiiyak at sinimulan niyang basain ng kaniyang luha ang mga paa ni Jesus. Pinupunasan niya ng kaniyang buhok at taimtim na hinahagkan ang mga paa ni Jesus. Pinapahiran niya ito ng mabangong langis.
39 Nakita ito ng Fariseo na nag-anyaya kay Jesus. Siya ay nangusap sa kaniyang sarili. Kaniyang sinabi: Kung propeta ang taong ito, nalaman sana niya kung sino at anong uringbabae ang humihipo sa kaniya sapagkat ang babaeng ito ay makasalanan.
40 Sa pagsagot ni Jesus, sinabi sa kaniya: Simon may ilang bagay akong sasabihin sa iyo.
Sinabi niya: Guro, sabihin mo.
41 Sinabi ni Jesus: May dalawang lalaking nangutang sa isang nagpapautang. Ang isa ay umutang ng limandaang denaryo, ang isa ay limampu. 42 Nang wala silang maibayad, kapwa sila pinatawad ng nagpautang sa kanila. Sabihin mo kung sino sa kanila ang iibig sa kaniya ng lubos?
43 Sumagot si Simon: Sa palagay ko, ang pinatawad sa malaking pagkakautang.
Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tama ang iyong hatol.
44 Humarap siya sa babae. Sinabi niya kay Simon: Nakikita mo ba ang babaeng ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo ako binigyan ng tubig para mahugasan ko ang aking paa. Ngunit binasa ng babaeng ito ang aking mga paa ng kaniyang luha. Pinunasan niya ito ng kaniyang buhok. 45 Hindi mo ako binigyan ng halik. Ngunit ang babaeng ito ay hindi huminto sa mataimtim na paghalik sa aking mga paa mula pa nang ako ay pumasok. 46 Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo. Ngunit pinahiran niya ng mabangong langis ang aking mga paa. 47 Dahil dito, sinasabi ko sa iyo: Pinatawad na ang marami niyang kasalanan sapagkat siya ay umibig ng lubos. At ang pinatawad ng kaunti ay umiibig ng kaunti.
48 Sinabi niya sa babae: Ang iyong mga kasalanan ay pinatawad na.
49 At ang mga kasama niyang nakadulog sa hapag ay nagsimulang magsabi sa kanilang mga sarili. Sinabi nila: Sino ito na nagpapatawad ng mga kasalanan?
50 Sinabi niya sa babae: Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Humayo kang payapa.
Copyright © 1998 by Bibles International