Lucas 23
Ang Salita ng Diyos
Si Jesus sa Harap ni Pilato
23 Ang buong karamihang ito ay tumayo at dinala nila si Jesus kay Pilato.
2 Sinimulan nila siyang paratangan. Sinabi nila: Nasumpungan namin na inililigaw ng taong ito ang bayan at ipinagbabawal ang pagbayad ng buwis kay Cesar. Sinasabi niya na siya ang Mesiyas na isang hari.
3 Tinanong ni Pilato si Jesus: Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?
Sumagot siya: Tama ang iyong sinabi.
4 Nagsabi si Pilato sa mga pinunong-saserdote at mga tao: Wala akong nakikitang dahilan upang paratangan ang taong ito.
5 Ngunit sila ay nagpumilit at nagsabi: Inudyukan niyang magkagulo ang mga tao. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pagtuturo sa buong Judea mula sa Galilea hanggang dito.
6 Nang marinig ni Pilato ang Galilea, itinanong niya kung ang lalaki ay taga-Galilea. 7 Nang malaman niyang siya ay mula sa nasasakupan ni Herodes, ipinadala niya siya kay Herodes. Si Herodes ay nasa Jerusalem din nang mga araw na iyon.
8 Nang makita ni Herodes si Jesus, lubos siyang nagalak sapagkat matagal na niyang hinahangad na makita siya. Ito ay sapagkat nakarinig na siya ng maraming bagay patungkol kay Jesus. Umaasa siyang makakita ng ilang tanda na ginawa niya. 9 Maraming itinanong si Herodes sa kaniya. Ngunit wala siyang isinagot. 10 Tumayo ang mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan at marahas nila siyang pinaratangan. 11 Kinutya siya ni Herodes at ng mga kawal nito. Nilibak nila siya at sinuotan ng marangyang kasuotan. Pagkatapos nito, ipinadala siyang muli ni Herodes kay Pilato. 12 Nang araw ding iyon, si Pilato at Herodes ay nagingmagkaibigan sa isa’t isa. Sila ay dating magkaaway.
13 Tinawag ni Pilato ang mga pinunong-saserdote at mga pinuno at ang mga tao. 14 Sinabi niya sa kanila: Dinala ninyo sa akin ang taong ito bilang isa na nagliligaw sa mga tao. Narito, tinanong ko siya sa harapan ninyo. Wala akong nakitang anumang kasalanan sa taong ito na ayon sa ipinaparatang ninyo sa kaniya. 15 Pinaahon ko kayo kay Herodes. Maging si Herodes ay walang nakitang ginawaniya na nararapat hatulan ng kamatayan. 16 Pagkaparusa ko nga sa kaniya, palalayain ko siya. 17 Tuwing araw ng paggunita ay kinakailangang may isang palalayain si Pilato.
18 Ngunit sila ay sabay-sabay na sumigaw at sinabi nila: Ipapatay mo ang taong ito at palayain sa amin si Barabas. 19 Si Barabas ay nabilanggo dahil sa isang paghihimagsik na ginawa niya sa lungsod at dahil din sa pagpatay ng tao.
20 Hangad ni Pilato na palayain si Jesus. Nagsalita nga siyang muli sa kanila. 21 Ngunit sila ay sumisigaw na sinasabi: Ipako sa krus, ipako siya sa krus.
22 Sa ikatlong pagkakataon, sinabi niya sa kanila: Anong kasamaan ang nagawa ng taong ito? Wala akong makita sa kaniya na dahilan upang hatulan siya ng kamatayan. Pagkatapos ko nga siyang ipahagupit, palalayain ko siya.
23 Ngunit nagpupumilit sila na sa malakas na tinig ay hinihingi nilang siya ay ipako sa krus. Ang tinig nila at ng mga pinunong-saserdote ay nanaig. 24 Inihatol ni Pilato na ang kahilingan nila ang mangyari. 25 Pinalaya niya siya na nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay na siyang hiningi nila. Ngunit si Jesus ay ibinigay niya sa kanilang kagustuhan.
Ipinako nila sa Krus si Jesus
26 Sa pagdala nila kay Jesus, kinuha nila ang isang nagngangalang Simon na taga-Cerene na galing sa bukid. Ipinatong nila sa kaniya ang krus upang pasanin niya na nakasunod kay Jesus.
27 Sumusunod kay Jesus ang napakaraming tao. At mga babae ay tumatangis din at nanaghoy sa kaniya. 28 Lumingon si Jesus sa kanila. Sinabi niya: Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag kayong umiyak dahil sa akin. Iyakan ninyo ang inyong mga sarili at inyong mga anak. 29 Ito ay sapagkat, narito, ang mga araw ay darating na kung saan sasabihin nila, pinagpala ang mga baog. Pinagpala ang mga bahay-bata na hindi nagbunga at mga suso na hindi nasusuhan! 30 Sa panahong iyon,
magsisimulang magsabi ang mga tao sa mga bundok: Bumagsak kayo sa amin! Sa mga burol ay sasabihin nila:Tabunan ninyo kami!
31 Ito ay sapagkat kung ginawa nila ito sa mga sariwang punong-kahoy, ano kaya ang mangyayari sa mga tuyo?
32 Dinala rin ang dalawang salarin na papataying kasama ni Jesus. 33 Nang dumating sila sa dakong tinatawag na Bungo, doon ay ipinako nila siya sa krus. At ang mga salarin ay ipinako nila sa krus, ang isa ay sa kanan at ang isa ay sa kaliwa. 34 At sinabi ni Jesus: Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa. Nagpalabunutan sila sa paghati nila ng kaniyang kasuotan.
35 At ang mga tao ay nakatayo na nakamasid. At tinuya siya ng mga pinuno na kasama rin nila. Sinabi nila: Ang iba ay iniligtas niya. Hayaang iligtas niya ang kaniyang sarili, kung siya nga ang Mesiyas na pinili ng Diyos.
36 Nilibak din siya ng mga kawal. Lumapit ang mga ito at inalok siya ng maasim na alak. 37 Sinabi nila: Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.
38 Sa itaas niya ay mayroon ding sulat na nakaukit. Ito ay nakasulat sa titik na Griyego, at sa Latin at sa Hebreo: ITO ANG HARI NG MGA JUDIO.
39 Nilait siya ng isa sa mga salarin na nakapako sa krus at sinabi: Kung ikaw ang Mesiyas, iligtas mo ang iyong sarili at kami.
40 Sumagot ang isa at sinaway siya na sinabi: Hindi ka ba natatakot sa Diyos na ikaw ay nasa gayunding kaparusahan? 41 Tunay na ang kaparusahan sa atin ay matuwid sapagkat tinanggap natin ang nararapat na kabayaran ng ating ginawa. Ngunit ang lalaking ito ay walang nagawang anumang pagkakamali.
42 Sinabi niya kay Jesus: Panginoon, alalahanin mo ako kapag ikaw ay nasa paghahari mo na.
43 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Katotohanang sinasabi ko sa iyo, sa araw na ito, ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.
Si Jesus ay Namatay
44 Ang oras noon ay halos ika-anim na at dumilim sa buong lupa hanggang sa ika-siyam na oras.
45 Ang araw ay nagdilim at ang tabing ng banal na dako ay napunit at nahati sa gitna. 46 Si Jesus ay sumigaw ng malakas na tinig. Sinabi niya: Ama, sa iyong mga kamay ay ipinagkakatiwala ko angaking espiritu. Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, nalagutan siya ng hininga.
47 Nang makita ng kapitan ang nangyari, niluwalhati niya ang Diyos at kaniyang sinabi: Tunay na ang lalaking ito ay matuwid. 48 Nakita ng lahat ng mga tao na nagtipon sa dakong iyon ang mga bagay na nangyari. Nang makita nila ito, sila ay umuwing binabayo ang kanilang mga dibdib. 49 Ang lahat ng mga nakakakilala sa kaniya ay tumayo sa malayo. Nakikita ng mga babaeng sumunod sa kaniya mula sa Galilea ang mga bagay na ito.
Inilibing Nila si Jesus
50 Naroroon ang isang lalaking nagngangalang Jose, na isang kasapi ng Sanhedrin. Siya ay isang mabuting lalaki at matuwid.
51 Hindi siya sumang-ayon sa payo at sa ginawa nila. Siya ay mula sa Arimatea na isang lungsod ng mga Judio. Siya rin ay naghihintay sa paghahari ng Diyos. 52 Pumunta siya kay Pilato at hiningi niya ang katawan ni Jesus. 53 Ibinaba niya ang katawan ni Jesus. Binalot niya ito ng telang lino at inilagay sa isang libingang iniuka sa bato na hindi pa napaglilibingan. 54 Noon ay araw ng paghahanda at ang araw ng Sabat ay nalalapit na.
55 Sumunod kay Jose ang mga babaeng sumama kay Jesus mula sa Galilea. Nakita nila ang libingan at kung papaano inilagay ang katawan ni Jesus. 56 Umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mga pamahid. Nagpahinga sila sa araw ng Sabat ayon sa kautusan.
Copyright © 1998 by Bibles International