Lucas 19
Ang Salita ng Diyos
Si Zaqueo, ang Maniningil ng Buwis
19 Pumasok at dumaan si Jesus sa Jerico.
2 Naroroon ang isang lalaking nagngangalang Zaqueo. Siya ay punong-maniningil ng buwis at siya ay mayaman. 3 Hinahangad niyang makita kung sino si Jesus. Hindi niya ito magawa dahil sa napakaraming tao, sapagkat siya ay mababa. 4 At tumakbo siya sa unahan at umakyat sa isang puno ng sikamoro upang makita si Jesus sapagkat sa daang iyon daraan si Jesus.
5 Nang dumating si Jesus sa dakong iyon, tumingala siya at nakita niya si Zaqueo. Sinabi ni Jesus sa kaniya: Zaqueo, magmadali kang bumaba sapagkat sa araw na ito ay kinakailangang manatili ako sa iyong bahay. 6 Nagmamadali siyang bumaba at nagagalak niyang tinanggap si Jesus.
7 Nang makita ito ng lahat, nagbulung-bulungan sila. Kanilangsinabi: Manunuluyan siya sa isang makasalanan.
8 Si Zaqueo ay nakatayo at sinabi niya sa Panginoon: Narito, Panginoon, ang kalahati ng aking tinatangkilik ay ibibigay ko sa mga dukha. Anuman ang aking nakuha sa pamamagitan ng maling paraan sa sinuman ay ibabalik ko nang makaapat na ulit.
9 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Sa araw na ito, dumating sa bahay na ito ang kaligtasan sapagkat siya ay anak rin ni Abraham. 10 Ang Anak ng Tao ay pumarito upang hanapin at iligtas ang nawala.
Ang Talinghaga Patungkol sa Sampung Mina
11 Habang pinakikinggan nila ang mga bagay na ito, idinagdag ni Jesus at sinabi ang isang talinghaga sapagkat malapit na siya sa Jerusalem at inakala nila na ang paghahari ng Diyos ay mahahayag na.
12 Kaya nga, sinabi niya: May isang maharlikang lalaki. Pumunta siya sa malayong bayan upang tanggapin sa kaniyang sarili ang isang paghahari at siya ay babalik. 13 Tinawag niya ang sampu sa kaniyang mga alipin at bawat isa ay binigyan ng isang mina. Sinabi niya sa kanila: Mangalakal kayo hanggang sa pagdating ko.
14 Ngunit ang kaniyang mga mamamayan ay napopoot sa kaniya. At nagsugo sila sa kaniya ng isang kinatawan. Kanilang sinabi: Ayaw naming maghari sa amin ang lalaking ito.
15 At nangyari, na sa kaniyang pagbalik, pagkatanggap niya ng paghahari, iniutos niyang tawagin ang mga aliping ito. Ipinatawag niya ang mga aliping binigyan niya ng salapi upang malaman niya kung ano ang tinubo ng bawat isa sa pangangalakal.
16 Dumating ang una at sinabi: Panginoon, ang iyong mina ay tumubo ng sampung mina.
17 Sinabi niya sa kaniya: Magaling ang iyong ginawa, ikaw na mabuting alipin. Dahil naging matapat ka sa napakaliit, mamamahala ka sa sampung lungsod.
18 Dumating ang pangalawa at sinabi: Panginoon, ang iyong mina ay tumubo ng limang mina.
19 Sinabi rin niya sa isang ito: Mamamahala ka sa limang lungsod.
20 Dumating ang isa at sinabi: Panginoon, narito ang iyong mina na itinago ko sa isang panyo. 21 Itinago ko ito sapagkat natatakot ako sa iyo dahil ikaw ay isang malupit na tao. Kinukuha mo ang hindi mo inilagay at inaani mo ang hindi mo inihasik.
22 Ngunit sinabi niya sa kaniya: Hahatulan kita mula sa iyong bibig, masamang alipin. Alam mong ako ay isang mabagsik na tao. Kinukuha ko ang hindi ko inilagay at inaani ko ang hindi ko inihasik. 23 Bakit hindi mo inilagak sa bangko ang aking salapi upang sa pagdating ko ay makuha ko ito kasama ang tubo?
24 Sa mga nakatayo ay kaniyang sinabi: Kunin ninyo sa kaniya ang mina. Ibigay ninyo ito sa kaniya na may sampung mina.
25 Sinabi nila sa kaniya: Panginoon, may sampung mina siya.
26 Ito ay sapagkat sinasabi ko sa inyo: Sa bawat isa na mayroon ay bibigyan. Ngunit sa kaniya na wala, maging ang nasa kaniya ay kukunin mula sa kaniya. 27 Subalit, itong aking mga kaaway na ayaw akong maghari sa kanila ay dalhin ninyo rito. Patayin ninyo sila sa aking harapan.
Pumasok si Jesus sa Jerusalem Tulad ng Isang Hari
28 Pagkasabi ng mga bagay na ito, nauna siyang umahon saJerusalem.
29 At nangyari nang papalapit na siya sa Betfage at Betania, patungo sa tinatawag na bundok ng mga Olibo, sinugo niya ang dalawa sa kaniyang mga alagad. 30 Kaniyang sinabi: Pumunta kayo sa nayon na nasa unahan ninyo. Sa pagpasok ninyo sa nayon, masusumpungan ninyo ang isang batang asno na nakatali. Hindi pa iyon nasasakyan ng sinumang tao. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. 31 Kung may magtanong sa inyo: Bakit ninyo kinalagan iyan? Sabihin nga ninyo sa kaniya: Kailangan ito ng Panginoon.
32 Umalis ang mga sinugo at nasumpungan nila ang ayon sa pagkasabi sa kanila. 33 Sa pagkalag nila sa bisiro, ang mga may-ari nito ay nagsabi sa kanila: Bakit ninyo kinakalagan ang bisiro?
34 Sinabi nila: Kailangan ito ng Panginoon.
35 Inakay nila ang bisiro patungo kay Jesus. Pagkalagay nila ng kanilang mga damit sa bisiro, pinasakay nila si Jesus doon. 36 Sa kaniyang pagyaon, inilatag nila ang kanilang mga damit sa daan.
37 Malapit na siya sa paanan ng bundok ng mga Olibo. Habang papalapit na siya ang buong karamihan ng mga alagad ay nagsimulang magalak at magpuri sa Diyos. Nagpuri sila nang may malakas na tinig sa lahat ng mga himalang nakita nila. 38 Sinasabi nila:
Papuri sa Hari na pumaparito sa pangalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit at kaluwalhatian sa kataas-taasan!
39 Ang ilan sa mga Fariseong mula sa karamihan ay nagsabi sa kaniya: Guro, sawayin mo ang iyong mga alagad. 40 Sapagsagot ay sinabi niya sa kanila: Sinasabi ko sa inyo, kapag tumahimik ang mga ito, sisigaw ang mga bato.
41 Nang siya ay nakalapit at nakita ang lungsod, iniyakan niya ito. 42 Sinabi niya: Kung nalalaman mo, maging ikaw, kahit man lang sa araw mong ito, ang mga bagay na para sa iyong kapayapaan. Ngunit ngayon sila ay natago sa iyong mga paningin. 43 Ito ay sapagkat darating sa iyo ang mga araw na ang mga kaaway mo ay maglalagay ng bambang sa palibot mo. Papalibutan ka nila at kukubkubin ka nila sa bawat panig. 44 Ikaw ay papataging kapantay ng lupa kasama ng iyong mga anak. Walang batong maiiwan na nakapatong sa isang bato sapagkat hindi mo binigyang pansin ang panahon ng pagdating ng Diyos sa inyo.
Nilinis ni Jesus ang Templo
45 Sa kaniyang pagpasok sa templo, itinaboy niya ang mganagtitinda at namimili roon.
46 Sinabi niya sa kanila: Nasusulat:
Ang aking bahay ay isang bahay dalanginan. Ngunit ginawa ninyo itong yungib ng mga tulisan.
47 At nagturo si Jesus sa templo araw-araw. Ang mga pinunong-saserdote, ang mga guro ng kautusan at ang mga pinuno ng mga tao ay naghanap ng paraan upang mapatay siya. 48 Hindi nila masumpungan ang maaari nilang gawin dahil ang mga tao ay matamang nakikinig sa kaniya.
Copyright © 1998 by Bibles International