Lucas 17
Ang Salita ng Diyos
Kasalanan, Pananampalataya, Tungkulin
17 Si Jesus ay nagsabi sa kaniyang mga alagad: Hindi maaaring ang katitisuran ay hindi dumating. Ngunit, sa aba niya na panggagalingan nito.
2 Mabuti pa na talian ng malaking gilingang bato ang kaniyang leeg at itapon sa dagat. Ito ay nararapat sa kaniya kaysa sa matisod sa kaniya ang isa sa maliliit na ito. 3 Ingatan ninyo ang inyong mga sarili.
Kung nagkasala laban sa iyo ang kapatid mong lalaki, sawayin mo siya. Kapag siya ay nagsisi, patawarin mo siya.
4 Patawarin mo siya kapag nagkasala siya laban sa iyo nang pitong ulit sa isang araw. Ito ay kung babalik siya sa iyo ng pitong ulit sa isang araw at magsasabi: Ako ay nagsisisi.
5 Sinabi ng mga apostol sa Panginoon: Dagdagan mo ang pananampalataya namin.
6 Sinabi ng Panginoon: Maaari mong sabihin sa punong sikamorong ito: Mabunot ka at matanim ka sa dagat. Susundin ka nito kung mayroon kang pananampalatayang tulad ng butil ng mustasa.
7 Isipin ninyong kayo ay mayroong aliping nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa. Sino sa inyo ang sa kaniyang pagdating mula sa bukid ay agad na magsasabi: Maupo ka at kumain? 8 Hindi ba ang sasabihin mo pa nga sa kaniya: Ipaghanda mo ako ng makakain? Magbigkis ka, paglingkuran mo ako habang ako ay kumakain at umiinom. Pagkatapos ng mga bagay na ito, ikaw ay kakain at iinom. 9 Pasasalamatan ba niya ang aliping iyon dahil ginawa niya ang mga bagay na iniutos sa kaniya? Sa palagay ko ay hindi. 10 Gayundin naman kayo, kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo: Kami ay mga aliping walang pakinabang sapagkat ang aming ginawa ay ang tungkuling dapat lamang naming gawin.
Pinagaling ni Jesus ang Sampung Ketongin
11 Umahon si Jesus patungong Jerusalem. Nangyari na siya ay dumaan sa gitna ng Samaria at Galilea.
12 Sa kaniyang pagpasok sa isang nayon,sinalubong siya ng sampung lalaking may ketong. Ang mga ito ay nakatayo sa malayo. 13 Nilakasan nila ang kanilang tinig at kanilang sinabi: Guro, kahabagan mo kami.
14 Nakita sila ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: Humayo kayo at magpakita kayo sa mga saserdote. At nangyari, sa paghayo nila, sila ay nalinis.
15 Nang makita ng isa sa kanila na siya ay gumaling, bumalik siya. Sa malakas na tinig, niluwalhati niya ang Diyos. 16 Nagpatirapa siya na nagpapasalamat kay Jesus. Ang lalaking ito ay isang taga-Samaria.
17 Sinabi ni Jesus: Hindi ba sampu ang nilinis? Nasaan ang siyam? 18 Ang dayuhan lang bang ito ang bumalik upang magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos? 19 Sinabi niya sa kaniya: Bumangon ka at humayo. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.
Ang Pagdating ng Paghahari ng Diyos
20 Ang mga Fariseo ay nagtanong sa kaniya kung kailan darating ang paghahari ng Diyos. Sinagot niya sila at sinabi: Ang paghahari ng Diyos ay darating na hindi mamamasdan.
21 Ito ay darating na hindi nila masasabi: Tingnan ninyo rito! Tingnan ninyo roon! Ito ay sapagkat ang paghahari ng Diyos ay nasa kalagitnaan ninyo.
22 Sinabi ni Jesus sa mga alagad: Darating ang mga araw na kayo ay maghahangad na makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao at hindi ninyo ito makikita. 23 Kung sasabihin nila sa inyo: Tingnan ninyo rito! Tingnan ninyo roon! Huwag kayong pumunta o sumunod. 24 Ito ay sapagkat kung papaano nagliliwanag ang kidlat, magiging gayon ang Anak ng Tao. Sa pagkislap ng kidlat, ito ay nagliliwanag mula sa isang dulo sa ilalim ng langit hanggang sa isang dulo sa ilalim ng langit. 25 Ngunit bago ito, kailangan muna niyang magbata ng maraming bagay at tanggihan ng lahing ito.
26 Kung papaano noong mga araw ni Noe, magiging gayundin sa mga araw ng Anak ng Tao. 27 Sila ay kumakain at umiinom. Sila ay nag-aasawa at ipinakakasal. Ginawa nila ang mga ito hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong at dumating ang baha at nalipol silang lahat.
28 Gayundin naman ang nangyari noong mga araw ni Lot. Sila aykumakain at umiinom. Sila ay bumibili at nagtitinda. Sila ay nagtatanim at nagtatayo. 29 Ngunit nang araw na si Lot ay lumabas mula sa Sodom, ang apoy at asupre ay bumabang tulad ng ulan. Ito ay nagmula sa langit at silang lahat ay nalipol.
30 Ganito ang mangyayari sa araw na ang Anak ng Tao ay maihayag. 31 Sa araw na iyon, siya na nasa bubong ng bahay ay huwag nang bumaba. Huwag mo na siyang pababain upang kunin ang kaniyang mga gamit na nasa loob ng bahay. Siya na nasa bukid ay huwag nang umuwi. 32 Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. 33 Ang sinumang nagnanais na magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito. Ang sinumang mawalan ng buhay ay makakapagpanatili nito. 34 Sinasabi ko sa inyo: Sa gabing iyon, mayroong dalawang tao sa isang kama. Ang isa ay kukunin at ang isa ay maiiwan. 35 Dalawang babae ang magkasamang naggigiling. Ang isa ay kukunin at ang isa ay maiiwan. 36 Dalawang lalaki ang nasa bukid. Ang isa ay kukunin at ang isa ay maiiwan.
37 Sila ay sumagot at sinabi sa kaniya: Panginoon, saan?
Sinabi niya sa kanila:Kung saan naroroon ang bangkay, doon nagtitipon ang mga buwitre.
Copyright © 1998 by Bibles International