Lucas 11
Ang Salita ng Diyos
Nagturo si Jesus Patungkol sa Panalangin
11 Nangyari na si Jesus ay nananalangin sa isang dako, nang siya ay makatapos, isa sa kaniyang mga alagad ang nagsabi: Panginoon, turuan mo kaming manalangin tulad ng pagturo ni Juan sa kaniyang mga alagad.
2 Sinabi ni Jesus sa kanila: Kung mananalangin kayo, sabihin ninyo:
Aming Ama na nasa langit, pakabanalin ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong paghahari. Mangyari ang iyong kalooban, kung papaano sa langit, maging gayundin sa lupa.
3 Ibigay mo sa amin ang kailangan naming tinapay sa bawat araw. 4 Patawarin mo kami sa mga pagkakasala namin. Ito ay sapagkat kamirin ay nagpapatawad sa bawat isang may utang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, subalit iligtas mo kami mula sa masama.
5 Sinabi niya sa kanila: Sino sa inyo ang may kaibigan at pupuntahan siya sa hatinggabi. At sasabihin sa kaniya: Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay. 6 Ito ay sapagkat siya ay kaibigan ko, na sa kaniyang paglalakbay, ay dumating sa akin. Wala akong maihain sa kaniya.
7 Siya na nasa loob ay sasagot at sasabihin: Huwag mo akong gambalain. Nakapinid na ang pinto at kami ng aking mga anak ay natutulog na. Hindi na ako makakabangon upang magbigay sa iyo. 8 Sinasabi ko sa inyo: Bagamat siya ay babangon at magbibigay sa kaniya dahil siya ay kaibigan niya, siya ay babangon at ibibigay sa kaniya ang anumang kailangan niya. Ito ay dahil sa kaniyang pamimilit.
9 Sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo at iyon ay ibibigay sa inyo. Maghanap kayo at makakasumpong kayo. Kumatok kayo at kayo ay pagbubuksan. 10 Sapagkat ang bawat isang humihingi ay tumatanggap, ang naghahanap ay nakakasumpong, at ang kumakatok ay pagbubuksan.
11 Sinong ama sa inyo ang magbibigay ng bato sa anak na humihingi ng tinapay? Kung humingi ng isda, ang ibibigay ba niya sa kaniya ay ahas sa halip na isda? 12 Kapag siya ay humingi ng itlog, bibigyan ba niya siya ng isang alakdan? 13 Kayo na masasama ay marunong magbigay ng mga mabuting kaloob sa inyong mga anak. Kung ginagawa ninyo ito, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na kaniyang ibibigay ang Banal na Espiritu sa kanila na humihingi sa kaniya?
Paanong Mapalabas ni Satanas si Satanas?
14 Si Jesus ay nagpapalayas ng demonyo, iyon ay pipi. Nangyari, nang lumabas ang demonyo, ang pipi ay nagsalita at ang mga tao ay namangha.
15 Ang ilan sa kanila ay nagsabi: Siya ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub na pinuno ng mga demonyo. 16 Sinusubok siya ng ibang mga tao kaya hinahanapan nila siya ng tanda mula sa langit.
17 Alam niya ang kanilang iniisip. Dahil dito, sinabi niya sa kanila: Ang bawat paghaharing nahati laban sa kaniyang sarili ay napupunta sa kapanglawan. Ang sambahayang nahati laban sa sambahayan ay bumabagsak. 18 Kung si Satanas ay nahahati laban sa kaniyang sarili, papaano makakatayo ang kaniyang paghahari. Sinabi ko ito dahil sinabi ninyong ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub. 19 Kung nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, sa pamamagitan nino nagpapalayas ng mga demonyo ang inyong mga anak? Sa pamamagitan nito sila ang magiging tagapaghatol ninyo. 20 Ngunit kung nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ng daliri ng Diyos, ang paghahari ng Diyos ay dumating sa inyo.
21 Kung ang isang lalaking malakas ay nasasandatahan upangmagbantay ng kaniyang tinitirahan, ang kaniyang ari-arian ay ligtas. 22 Ngunit sa pagdating ng higit na malakas kaysa sa kaniya, siya ay malulupig. Kukunin nito ang buong baluting pinagtitiwalaan niya at hahatiin ang mga naagaw sa kaniya.
23 Siya na hindi sumasama sa akin ay laban sa akin at siya na hindi nagtitipong kasama ko ay nagkakalat.
24 Kapag ang karumal-dumal na espiritu ay lumabas sa isang tao, gumagala siya sa mga tuyong dako. Naghahanap siya ng mapagpapahingahan ngunit wala siyang matagpuan. Kaya sasabihin niya: Babalik ako sa bahay na pinanggalingan ko. 25 Sa pagbalik niya, matatagpuan niya itong nawalisan at nagayakan na. 26 Kung magkagayon, paroroon siya at magsasama ng pito pang espiritu na higit pang masama kaysa sa kaniya. Papasok sila roon at doon maninirahan. Kaya ang kalagayan ng lalaking iyon ay masahol pa kaysa sa una.
27 Nangyari, nang sabihin ni Jesus ang mga bagay na ito, isang babaeng mula sa karamihan ang sumigaw. Sinabi nito sa kaniya: Pinagpala ang sinapupunang nagdala sa iyo at ang mga susong sinusuhan mo. 28 Sinabi ni Jesus: Oo, ang totoo ay pinagpala ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at sumusunod dito.
Si Jonas Bilang Isang Tanda
29 Nang nagkatipon ang napakaraming tao, siya aynagsimulang magsalita. Sinabi niya: Ang lahing ito ay masama. Mahigpit na naghahangad sila ng tanda. Walang tanda na ibibigay sa kanila maliban ang tanda ni Jonas na propeta.
30 Kung papaanong naging tanda si Jonas sa mga taga-Nineve, ganoon din ang Anak ng Tao sa lahing ito. 31 Ang reyna ng timog ay titindig sa paghuhukom kasama ang mga lalaki ng lahing ito at siya ang hahatol sa lahing ito. Ito ay sapagkat galing siya sa kadulu-duluhan ng lupa, upang pakinggan ang karunungan ni Solomon. Narito, ang isang higit na dakila kaysa kay Solomon ay naririto.
32 Ang mga lalaki sa Nineve ay tatayo sa paghuhukom kasama ng lahing ito at hahatulan nila ang lahing ito, sapagkatang mga lalaki ng Nineve ay nagsisi dahil sa pangangaral ni Jonas. Narito, isang lalong higit kaysa kay Jonas ay naririto na.
Ang Ilaw ng Katawan
33 Walang sinumang nagsindi ng ilawan na pagkasindi nito ay ilalagay sa lihim na dako, o sa ilalim ng takalan. Sa halip, ito ay inilalagay sa lagayan ng ilawan upang ang liwanag ay makita ng mga pumapasok.
34 Ang ilawan ng katawan ay ang mata. Kaya nga, kung malinaw ang mata mo, ang buong katawan mo ay naliliwanagan. Kung ito rin naman ay masama, ang katawan mo ay madidimlan din. 35 Tingnan mo ngang mabuti na ang liwanag na nasa iyo ay hindi maging kadiliman. 36 Ang katawan mo ay mapupuno ng liwanag. Ito ay kung ang buong katawan mo nga ay puno ng liwanag na walang anumang bahaging madilim. Ito ay matutulad sa pagliliwanag sa iyo ng maliwanag na ilawan.
Anim na Kaabahan
37 Samantalang nagsasalita siya, hiniling ng isang Fariseo na siya ay kumaing kasalo niya. Sa pagpasok niya, dumulog siya sa hapag.
38 Ngunit namangha ang Fariseo nang makita siyang hindi muna naghuhugas[a] bago kumain.
39 Sinabi ng Panginoon sa kaniya: Ngayon, kayong mga Fariseo ay naglilinis ng labas ng saro at pinggan. Ngunit ang nasa loob naman ninyo ay puno ng kasakiman at kasamaan. 40 Mga hangal! Hindi ba ang gumawa ng labas ay siya ring gumawa ng loob? 41 Ibahagi ninyo sa mga kahabag-habag ang bagay na nasa inyo at narito, ang lahat ng mga bagay ay magiging malinis para sa inyo.
42 Sa aba ninyo, mga Fariseo! Ito ay sapagkat nagbabayad kayo ng ikasampung bahagi ng yerbabuwena, ruda at lahat ng uri ng halaman. Subalit nilalampasan naman ninyo ang hatol at pag-ibig ng Diyos. Ang mga ito angdapat ninyong ginawa at huwag pabayaan ang iba.
43 Sa aba ninyo, mga Fariseo! Ito ay sapagkat iniibig ninyo ang mga pangunahaing upuan sa mga sinagoga. At iniibig ninyo ang mga pagbati sa mga pamilihang-dako.
44 Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mgamapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat kayo ay tulad ng mga puntod na hindi pinapansin. Hindi nalalaman ng mga tao na sila ay lumalakad sa ibabaw nito.
45 Isa sa mga dalubhasa sa kautusan ang sumagot sa kaniya. Guro, sa pagsasabi mo ng mga bagay na ito, inaalipusta mo rin kami.
46 Sinabi niya: Sa aba rin ninyo na mga dalubhasa sa kautusan! Sapagkat pinagpapasan ninyo ang mga tao ng mga pasanin na napakabigat pasanin. Ang mga pasaning ito ay hindi ninyo hinihipo ng isa man lamang ng inyong daliri.
47 Sa aba ninyo! Sapagkat nagtatayo kayo ng mga puntod ngmga propeta at sila ay pinatay ng inyong mga ninuno. 48 Sa ganito, kayo ay nagpapatotoo at sumasang-ayon sa mga gawa ng inyong mga ninuno sapagkat totoo ngang sila ay kanilang pinatay at kayo ang nagtayo ng kanilang mga puntod. 49 Dahil din dito, ayon sa kaniyang karunungan ay sinabi ng Diyos: Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol. Ang ilan sa mga ito ay kanilang papatayin at ang ilan ay kanilang palalayasin. 50 Sisingilin sa lahing ito ang dugo ng lahat ng mga propeta na nabuhos mula pa ng itatag ang sanlibutang ito. 51 Ang sisingilin ay simula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias. Si Zacarias ay pinatay sa pagitan ng dambana at dakong banal. Oo, sinasabi ko sa inyo, ito ay sisingilin sa lahing ito.
52 Sa aba ninyo, mga dalubhasa sa kautusan. Ito ay sapagkat kinuha ninyo ang susi ng kaalaman, hindi kayo pumasok at hinadlangan pa ninyo ang mga pumapasok.
53 Habang sinasabi niya ang mga bagay na ito sa kanila, sinimulan siyang tuligsain ng mga guro ng kautusan at mga Fariseo. Pinilit nila siyang magsalita ng patungkol sa maraming bagay. 54 Binabantayan nila siya at naghahanap ng pagkakataon na makahuli ng ilang mga bagay mula sa kaniyang bibig. Ginagawa nila ito upang may maiparatang sila sa kaniya.
Footnotes
- Lucas 11:38 Ito ay ang paglubog upang hugasan ang kaniyang sarili sa natatanging paraan.
Copyright © 1998 by Bibles International