Add parallel Print Page Options

38 Lumapit siya sa likuran ni Jesus sa gawing paanan. Umiiyak na binasâ niya ng kanyang mga luha ang mga paa ni Jesus. Pinunasan niya ng kanyang sariling buhok, hinalikan, at binuhusan ng pabango ang mga paa nito. 39 Nang ito'y makita ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, nasabi nito sa sarili, “Kung totoong propeta ang taong ito, dapat ay alam niya na ang babaing humahawak sa kanyang paa ay isang makasalanan.”

40 Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.”

“Ano po iyon, Guro?” sagot niya.

41 Sinabi ni Jesus, “May dalawang taong may utang sa isang nagpapahiram ng pera; limang daang salaping pilak ang inutang ng isa, at limampung salaping pilak naman ang sa ikalawa. 42 Nang hindi sila makabayad, kapwa sila pinatawad. Ngayon, sino kaya sa kanila ang higit na magmamahal sa pinagkautangan?”

43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po'y ang pinatawad sa mas malaking utang.”

“Tama ang sagot mo,” tugon ni Jesus. 44 Nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit hinugasan niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ang mga ito ng sarili niyang buhok. 45 Hindi mo ako hinalikan; ngunit siya, mula nang pumasok ay hindi tumigil ng kahahalik sa aking mga paa. 46 Hindi mo nilagyan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa.

Read full chapter