Add parallel Print Page Options

Pagtatalaga kay Aaron at sa mga Anak Niyang Lalaki(A)

Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2-3 “Papuntahin mo si Aaron at ang mga anak niyang lalaki roon sa pintuan ng Toldang Tipanan, at tipunin mo ang lahat ng taga-Israel doon. Sabihin mo sa mga pari na dalhin nila ang kanilang mga damit pampari, ang langis na pamahid, ang toro na handog sa paglilinis, ang dalawang lalaking tupa, at ang basket na may tinapay na walang pampaalsa.”

Sinunod ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon, at nagtipon ang mga taga-Israel sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Sinabi sa kanila ni Moises na ang gagawin niya ay iniutos sa kanya ng Panginoon. Dinala niya sa gitna si Aaron at ang mga anak niyang lalaki at silaʼy pinaliguan. Ipinasuot niya kay Aaron ang damit bilang punong pari: ang damit-panloob, ang sinturon, ang damit-panlabas, at ang espesyal na damit[a] at binigkisang mabuti ng hinabing sinturon na maganda ang pagkakagawa. Ipinalagay din ni Moises ang isang lalagyan sa dibdib at doon inilagay ang “Urim” at “Thummim”.[b] At ipinasuot din niya ang turban sa ulo ni Aaron at sa harap ng turban ay ikinabit ang gintong sagisag ng pagtatalaga kay Aaron para sa Panginoon. Ginawang lahat ito ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.

10 Pagkatapos, kinuha ni Moises ang langis at winisikan ang Tolda at ang lahat ng nasa loob bilang pagtatalaga ng lahat ng ito para sa Panginoon. 11 Winisikan din niya ng langis ang altar ng pitong beses at ang lahat ng kagamitan na naroon, pati ang planggana at ang patungan nito. Ginawa ito para ihandog sa Panginoon. 12 Pagkatapos, binuhusan niya ng langis ang ulo ni Aaron bilang pagtatalaga sa kanya sa Panginoon. 13 At pinalapit niya sa gitna ang mga anak na lalaki ni Aaron at ipinasuot sa kanila ang kasuotan nila na pampari at nilagyan ng sinturon. Ipinasuot din sa kanila ang kanilang mga turban. Ginawa ito ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon. 14 Pagkatapos nitoʼy ipinakuha ni Moises ang baka na handog sa paglilinis. At ipinatong ni Aaron at ng mga anak niya ang mga kamay nila sa ulo ng baka. 15 Pagkatapos, pinatay ni Moises ang baka at kumuha siya ng dugo. Inilubog niya ang kanyang daliri sa dugo at pinahiran niya ang parang sungay sa mga sulok ng altar para luminis ito. At ang natirang dugo ay ibinuhos niya sa ilalim ng altar. Sa ganitong paraan niya itinalaga ang altar para sa Panginoon upang maging karapat-dapat na lugar na pinaghahandugan ng mga pantubos sa kasalanan. 16 Kinuha rin ni Moises ang lahat ng taba ng lamang-loob ng baka, ang maliit na bahagi ng atay, ang mga bato pati ang taba nito, at sinunog niya ang lahat ng ito roon sa altar. 17 Ang mga natirang bahagi ng baka, katulad ng laman, balat at lamang-loob ay sinunog niya sa labas ng kampo. Ginawa ito ni Moises ayon sa iniutos ng Panginoon. 18 Pagkatapos, ipinakuha ni Moises ang lalaking tupa bilang handog na sinusunog. Ipinatong ni Aaron at ng mga anak niyang lalaki ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa. 19 At pinatay ni Moises ang tupa at iwinisik ang dugo sa paligid ng altar. 20-21 Kinatay niya ang tupa at hinugasan ang mga lamang-loob at paa, at saka sinunog lahat doon sa altar pati na ang ulo at taba bilang handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. Ginawa ito ni Moises ayon sa utos sa kanya ng Panginoon. 22 Ipinakuha rin ni Moises ang pangalawang lalaking tupa. Ito ang handog para sa pagtatalaga. Ipinatong ni Aaron at ng mga anak niyang lalaki ang mga kamay nila sa ulo ng tupa. 23 At pinatay ni Moises ang tupa, kumuha siya ng dugo nito at ipinahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ni Aaron at sa kanang hinlalaki ng kamay at paa niya. 24 Pinapunta rin ni Moises sa gitna ang mga lalaking anak ni Aaron at pinahiran din niya ng dugo sa ibabang bahagi ng kanang tainga nila, at ang kanang hinlalaki ng kanilang kamay at paa. Pagkatapos, iwinisik niya ang natirang dugo sa palibot ng altar. 25 Kinuha rin niya ang mga taba, ang matabang buntot, ang lahat ng taba sa lamang-loob, ang maliit na bahagi ng atay, ang mga bato pati ang taba nito, at ang kanang hita. 26-27 Pagkatapos, kumuha rin si Moises ng tinapay mula sa basket na inihandog sa Panginoon – isang makapal na tinapay na walang pampaalsa, isang tinapay na may halong langis at isang tinapay na manipis. Pinahawakan niya ang lahat ng ito kay Aaron at sa mga anak nito pati na ang lahat ng taba at ang kanang hita ng tupa. At itinaas nila ito sa Panginoon bilang handog na itinataas. 28 Pagkatapos, kinuha iyon ni Moises sa kanila at sinunog sa altar kasama ng handog na sinusunog. Iyon ang handog bilang pagtatalaga sa kanila. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. 29 Kinuha rin ni Moises ang pitso ng tupa at itinaas sa Panginoon bilang handog na itinataas. Ito ang bahagi niya sa tupang handog ng pagtatalaga. Ang lahat ng itoʼy ginawa ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.

30 Pagkatapos, kumuha si Moises ng banal na langis[c] at ng dugo roon sa altar at winisikan niya si Aaron at ang mga anak niya pati na ang kanilang mga damit. Sa ganitong paraan niya sila inihandog pati ang kanilang mga damit sa Panginoon. 31 At sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, “Lutuin ninyo ang karne malapit sa pintuan ng Toldang Tipanan, at ayon sa iniutos ko sa inyo kainin ninyo ito kasama ang mga tinapay na nasa basket na handog para sa pagtatalaga. 32 Ang matitirang karne at tinapay ay susunugin ninyo. 33 Huwag kayong aalis dito sa loob ng pitong araw hanggaʼt hindi natatapos ang pagtatalaga sa inyo. 34 Ang Panginoon ang nag-utos sa atin na gawin natin ang ating ginagawa ngayon, para matubos kayo sa inyong mga kasalanan. 35 Kinakailangang manatili kayo rito araw at gabi sa loob ng pitong araw, at gawin ninyo ang ipinapagawa sa inyo ng Panginoon para hindi kayo mamatay, dahil ito ang iniutos sa akin ng Panginoon na dapat ninyong gawin.” 36 Kaya sinunod ni Aaron at ng mga anak niya ang lahat ng iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

Sinimulan ng mga Pari ang Kanilang Gawain

Nang ikawalong araw, pagkatapos ng pagtatalaga, ipinatawag ni Moises si Aaron at ang mga anak niyang lalaki at ang mga tagapamahala ng Israel. Sinabi ni Moises kay Aaron, “Kumuha ka ng isang batang toro, at isang lalaking tupa na parehong walang kapintasan, at ihandog sa Panginoon. Ang baka ay handog sa paglilinis, at ang tupa ay handog na sinusunog. Sabihin mo sa mga taga-Israel na magdala sila ng lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. At kumuha rin sila ng baka at tupa na kapwa isang taon at walang kapintasan, at ihandog bilang handog na sinusunog. Kumuha rin sila ng isang baka at lalaking tupa bilang handog para sa mabuting relasyon.[d] Ihahandog nila ito kasama ng handog na butil na may halong langis, dahil magpapakita ang Panginoon sa inyo sa araw na ito.”

Kaya dinala nila roon sa harap ng Toldang Tipanan ang lahat ng dadalhin ayon sa sinabi ni Moises sa kanila. At silang lahat ay nagtipon doon sa presensya ng Panginoon. Sinabi ni Moises sa kanila, “Inuutusan kayo ng Panginoon na gawin ninyo ang paghahandog na ito para ipakita niya sa inyo ang kanyang kapangyarihan.” Pagkatapos, sinabi niya kay Aaron, “Lumapit ka sa altar at ialay mo ang iyong handog sa paglilinis at handog na sinusunog para matubos ka at ang sambahayan mo[e] sa inyong mga kasalanan. At ialay mo rin ang handog ng mga tao para sila rin ay matubos sa kanilang mga kasalanan ayon sa iniutos ng Panginoon.”

Kaya lumapit si Aaron sa altar at pinatay niya ang handog na batang toro bilang handog sa paglilinis. Ang dugo nitoʼy dinala sa kanya ng kanyang mga anak, at inilubog niya ang kanyang daliri sa dugo at iwinisik sa parang sungay sa mga sulok ng altar, at ang natirang dugo ay ibinuhos niya sa ilalim ng altar. 10 Sinunog niya sa altar ang mga taba at ang mga bato, pati na ang maliit na bahagi ng atay ayon sa utos ng Panginoon kay Moises. 11 Ang karne at ang balat ay sinunog niya sa labas ng kampo. 12 Pagkatapos, pinatay din ni Aaron ang mga hayop na para sa handog na sinusunog. Ang dugo ay dinala ng kanyang mga anak sa kanya at iwinisik niya sa palibot ng altar. 13 Dinala rin sa kanya ng mga anak niya ang hiniwa-hiwang mga karne ng handog na hayop, pati ang ulo, at sinunog niya ang mga ito sa altar. 14 Hinugasan niya ang lamang-loob, at mga paa, at sinunog niya ang mga ito sa altar pati na ang iba pang parte ng handog na hayop.

15 Pagkatapos, dinala niya sa gitna ang mga handog na para sa mga tao. Pinatay niya ang kambing na handog sa paglilinis ng mga tao katulad ng kanyang ginawa sa una niyang handog na inialay para maging malinis siya sa kanyang mga kasalanan. 16 Pagkatapos, dinala rin niya sa gitna ang hayop para sa handog na sinusunog, at inihandog niya ayon sa paraan ng paghahandog nito. 17 Dinala rin niya sa gitna ang handog na mga butil. Dumakot siya ng isang dakot na butil at sinunog sa altar kasama ng handog na sinusunog tuwing umaga.

18 Pinatay din ni Aaron ang baka at ang lalaking tupa para sa mga tao na kanilang handog para sa mabuting relasyon. Ang dugo ay dinala sa kanya ng kanyang mga anak at iwinisik niya sa palibot ng altar. 19 Ang taba ng mga ito – ang matabang buntot, ang mga taba sa lamang-loob, ang mga bato, pati na ang maliit na bahagi ng atay 20 ay ipinatong ng mga anak ni Aaron sa pitso ng mga handog na hayop. At sinunog ni Aaron ang mga taba sa altar. 21 Ayon din sa utos ni Moises, itinaas ni Aaron ang pitso at ang kanang hita ng hayop bilang handog na itinataas.

22 Pagkatapos maihandog ni Aaron ang lahat ng ito, itinaas niya ang kanyang mga kamay sa mga tao at binasbasan niya, at pagkatapos, bumaba siya mula sa altar. 23-24 At pumasok sina Moises at Aaron sa loob ng Toldang Tipanan. Paglabas nila, muli nilang binasbasan ang mga tao. At ipinakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan sa mga tao sa pamamagitan ng apoy na sumunog sa mga handog na nasa altar. Nang itoʼy makita ng mga tao, nagsigawan sila sa tuwa at nagpatirapa para sambahin ang Panginoon.

Namatay si Nadab at Abihu

10 Ang dalawang anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu ay kapwa kumuha ng lalagyan ng insenso. Nilagyan nila ito ng mga baga at insenso at inihandog sa Panginoon. Pero ang ginawa nilang itoʼy hindi ayon sa utos ng Panginoon, dahil iba ang apoy na kanilang ginamit para rito.[f] Kaya nagpadala ng apoy ang Panginoon at sinunog sila hanggang sa silaʼy mamatay sa presensya ng Panginoon doon sa Toldang Tipanan. Sinabi ni Moises kay Aaron, “Iyan ang ibig sabihin ng Panginoon nang sabihin niya,

‘Dapat malaman ng mga pari[g] na akoʼy banal,
at dapat akong parangalan ng lahat ng tao.’ ”

Hindi umimik si Aaron. Ipinatawag ni Moises si Mishael at si Elzafan na mga anak ni Uziel na tiyuhin ni Aaron at sinabi niya sa kanila, “Kunin ninyo ang mga bangkay ng inyong mga pinsan sa Tolda at dalhin ninyo sa labas ng kampo.” Kaya kinuha nila ang mga bangkay, sa pamamagitan ng paghawak sa mga damit nito at dinala sa labas ng kampo ayon sa utos ni Moises. Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak niyang sina Eleazar at Itamar, “Huwag ninyong guguluhin ang inyong buhok o pupunitin man ang inyong damit para ipakita ang inyong pagluluksa sa namatay. Kapag ginawa ninyo iyon, pati kayo ay mamamatay at magagalit ang Panginoon sa lahat ng taga-Israel. Pero maaaring magluksa ang mga Israelitang kamag-anak ninyo para sa kanilang dalawa na sinunog ng Panginoon. Huwag muna kayong umalis sa pintuan ng Tolda.[h] Mamamatay kayo kapag umalis kayo, dahil pinili kayo ng Panginoon para maging mga pari sa pamamagitan ng pagpahid sa inyo ng langis.” At sinunod nila ang iniutos ni Moises.

Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ikaw at ang iyong mga anak ay hindi dapat uminom ng alak o ng anumang inuming nakakalasing kapag papasok sa Tolda. Kapag ginawa ninyo iyon, mamamatay kayo. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito, kayo at ng susunod pang mga henerasyon. 10 Dapat ninyong malaman kung alin ang para sa Panginoon at kung alin ang para sa lahat, kung alin ang malinis at marumi. 11 Kinakailangang turuan ninyo ang kapwa ninyo Israelita tungkol sa lahat ng tuntuning ibinigay ko sa inyo sa pamamagitan ni Moises.”

12 Sinabi ni Moises kay Aaron at sa dalawang anak niyang natitira na sina Eleazar at Itamar, “Kunin ninyo ang natirang handog na pagpaparangal mula sa mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Lutuin ninyo iyon nang walang pampaalsa at kainin ninyo malapit sa altar dahil napakabanal niyon. 13 Iyon ang inyong bahagi mula sa handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Ito ang iniutos sa akin ng Panginoon. 14 Pero ang pitso at hita ng hayop na itinaas at inihandog sa Panginoon ay para sa iyo at sa iyong buong sambahayan. Kainin ninyo iyon sa lugar na itinuturing nating malinis. Itoʼy ibinibigay sa inyo bilang bahagi ninyo mula sa handog ng mga taga-Israel na handog para sa mabuting relasyon. 15 Kapag naghandog ang mga taga-Israel, ihandog nila ang pitso, at hita ng hayop pati na ang mga taba bilang handog sa pamamagitan ng apoy. Ang pitso at hita ay itataas nila sa Panginoon bilang handog na itinataas. Pagkatapos, ibibigay nila ito sa inyo dahil ito ang inyong bahagi sa handog. Itoʼy para sa inyo, at sa inyong mga angkan magpakailanman ayon sa iniutos ng Panginoon.”

16 Nang siyasatin ni Moises ang tungkol sa kambing na handog sa paglilinis,[i] napag-alaman niyang nasunog na itong lahat.[j] Kaya nagalit siya kina Eleazar at Itamar at sinabihan, 17 “Bakit hindi ninyo kinain ang handog sa paglilinis sa banal na lugar? Ang handog na iyon ay napakabanal, at iyon ay ibinigay ng Panginoon sa inyo para matubos ang mga tao sa kanilang mga kasalanan sa presensya ng Panginoon. 18 Sapagkat ang dugo nito ay hindi dinala sa loob ng Banal na Lugar, kinain sana ninyo iyon doon sa Tolda, ayon sa sinabi ko sa inyo.”

19 Pero sumagot si Aaron kay Moises, “Kanina, naghandog ang aking mga anak ng kanilang handog sa paglilinis at handog na sinusunog,[k] pero namatay ang dalawa sa kanila. Sa nangyaring ito sa aking mga anak, matutuwa kaya ang Panginoon kung kinain ko ang handog sa paglilinis ngayong araw?” 20 Sumang-ayon si Moises sa sagot ni Aaron.

Footnotes

  1. 8:7 espesyal na damit: sa Hebreo, efod.
  2. 8:8 “Urim” at “Thummim”: Dalawang bagay na ginagamit para malaman ang kalooban ng Dios.
  3. 8:30 banal na langis: o, langis na pamahid.
  4. 9:4 handog para sa mabuting relasyon: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
  5. 9:7 sambahayan mo: o, ang mga mamamayan.
  6. 10:1 iba … rito: o, iba ang pinagkunan nila ng apoy para rito.
  7. 10:3 mga pari: sa literal, ang mga lumalapit sa akin.
  8. 10:7 Maaaring ang ibig sabihin nito ay hindi sila maaaring magluksa o umalis sa Tolda para maipagpatuloy nila ang responsibilidad nila sa paghahandog sa Panginoon bilang mga pari.
  9. 10:16 Tingnan ang 9:15.
  10. 10:16 Ayon sa paraan ng paghahandog na makikita sa 6:25-30, ang karne ng hayop ng handog na ito ay dapat kinakain ng mga pari.
  11. 10:19 Inihandog ni Aaron at ng mga anak niya ang mga handog na ito noong hindi pa namamatay ang dalawang anak niya. (Tingnan ang 9:8-16.)