Add parallel Print Page Options

17 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 18 “Sabihin mo kay Aaron, sa kanyang mga anak, at sa lahat ng Israelita: Kung may Israelita o dayuhang magdadala ng handog na susunugin bilang pagtupad sa panata o kusang-loob na handog, 19 ang dadalhin niya ay toro, lalaking tupa o kambing na walang kapintasan upang ito'y maging kalugud-lugod. 20 Huwag(A) kayong maghahandog ng anumang bagay na may kapintasan, sapagkat hindi iyon kalugud-lugod. 21 Kailangan ding walang kapintasan ang baka, tupa o kambing na dadalhin bilang handog pangkapayapaan, ito man ay pagtupad sa panata o kusang-loob. 22 Huwag kayong magdadala sa altar ng baka, tupa o kambing na bulag, pilay, may galis at kati o may anumang kapansanan bilang handog na susunugin. 23 Ang alinmang toro o tupang tabingi ang katawan o bansot ay madadala bilang kusang-loob na handog ngunit hindi maihahandog bilang pagtupad sa panata. 24 Huwag kayong maghahandog ng hayop na kinapon o may kapansanan ang itlog. Hindi ito dapat pahintulutan sa inyong lupain.

25 “Huwag din kayong tatanggap mula sa mga dayuhan ng hayop upang ihandog kay Yahweh. Huwag ninyong tatanggapin ang mga iyon sapagkat ang mga ito'y may kapintasan.”

26 Sinabi rin ni Yahweh kay Moises, 27 “Ang bisirong baka, tupa o kambing ay dapat manatili nang pitong araw sa piling ng inahin. Mula sa ikawalong araw, maaari na itong ialay kay Yahweh bilang handog na susunugin. 28 Huwag ninyong papatayin ang inahin sa araw na patayin ninyo ang bisiro. 29 Ang paghahain ng handog ng pasasalamat ay gawin ninyo ayon sa tuntunin upang kayo'y maging kalugud-lugod. 30 Kakainin ninyo ito sa araw ring iyon. Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan. Ako si Yahweh.

31 “Sundin ninyong mabuti ang mga tuntuning ibinigay ko sa inyo. Ako si Yahweh. 32 Huwag ninyong lalapastanganin ang aking pangalan. Sa halip, ako'y inyong dakilain sapagkat ako si Yahweh. Inilaan ko kayo para sa akin. 33 Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging inyong Diyos. Ako si Yahweh.”

Mga Itinakdang Kapistahan

23 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ipahayag mo sa mga Israelita ang mga pistang itinakda ko; ipangingilin nila ang mga banal na pagtitipong ito, at magkakaroon sila ng banal na pagpupulong. Anim(B) na araw kayong magtatrabaho, ngunit sa ikapitong araw kayo'y magpapahinga. Iyon ay araw ng banal na pagtitipon. Huwag magtatrabaho ang sinuman sa inyo, saanman kayo naroroon; iyon ay Araw ng Pamamahinga para kay Yahweh.

Pista ng Paskwa(C)

“Ito ang mga pistang itinakda ko: ang(D) Pista ng Paskwa na gaganapin sa gabi ng ikalabing apat na araw ng unang buwan. Kinabukasan(E) ay Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa; pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw, magkakaroon kayo ng banal na pagtitipon; huwag kayong magtatrabaho. Pitong araw kayong mag-aalay kay Yahweh ng handog na susunugin. Sa ikapitong araw, muli kayong magkakaroon ng banal na pagtitipon; huwag kayong magtatrabaho.”

Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 10 “Sabihin mo rin sa mga Israelita na kapag naroon na sila sa lupaing ibibigay ko sa kanila, tuwing anihan ay magdadala sila sa pari ng isang bigkis ng una nilang ani. 11 Ito'y iwawagayway niya sa harapan ni Yahweh upang kayo'y maging kalugud-lugod sa kanya. Gagawin ito kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga. 12 Sa araw na iyon, magdadala kayo ng isang lalaking korderong walang kapintasan at isang taon pa lang bilang handog na susunugin. 13 Sasamahan ninyo ito ng isang salop ng harinang minasa sa langis ng olibo bilang handog na pagkaing butil, at isang litrong alak bilang handog na inumin. Ang halimuyak ng handog na ito ay magiging mabangong samyo kay Yahweh. 14 Huwag kayong kakain ng tinapay o trigo, maging sinangag o sariwa, hanggang hindi ninyo nagagawa ang paghahandog na ito. Ito ay tuntuning susundin ninyo habang panahon.

Pista ng Pag-aani(F)

15 “Mula(G) sa kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga, araw ng pagdadala ninyo ng bigkis na ani, magpapalipas kayo ng pitong linggo; 16 ang ikalimampung araw ay tatama sa kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga. Sa araw na iyon, magdadala kayo ng handog na pagkaing butil: 17 dalawang tinapay na may pampaalsa, isang salop ng harina ng bagong aning trigo ang gagamitin dito. Ito ang handog ninyo mula sa unang ani. 18 Magdadala rin kayo ng pitong tupa na tig-iisang taóng gulang na walang kapintasan, isang toro at dalawang kambing. Ito'y susunuging kasama ng handog na pagkaing butil at handog na inumin upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin. 19 Magdadala pa kayo ng isang kambing na lalaki bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan at dalawang kordero na tig-iisang taóng gulang bilang handog pangkapayapaan. 20 Ang mga ito'y ihahandog ng pari, kasama ng dalawang kordero at dalawang tinapay na yari sa trigong bagong ani. 21 Sa araw ring iyon, tatawag kayo ng isang banal na pagtitipon; isa ma'y walang magtatrabaho. Ang tuntuning ito ay susundin ninyo habang panahon.

22 “Huwag(H) ninyong aanihin ang nasa gilid ng triguhan at huwag din ninyong pupulutin ang inyong naiwang uhay. Ipaubaya na ninyo iyon sa mga mahihirap at sa mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”

Pista ng mga Trumpeta(I)

23 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 24 “Sabihin mo sa mga Israelita na ang unang araw ng ikapitong buwan ay Araw ng Pamamahinga, araw ng inyong banal na pagtitipon. Ipapaalam ito sa pamamagitan ng tunog ng mga trumpeta. 25 Sa araw na iyon, huwag kayong magtatrabaho; kayo'y magdadala kay Yahweh ng pagkaing handog.”

Ang Araw ng Pagtubos sa Kasalanan(J)

26 Sinabi(K) pa rin ni Yahweh kay Moises, 27 “Ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ay Araw ng Pagtubos sa Kasalanan. Sa araw na iyon ng inyong banal na pagtitipon, mag-ayuno kayo at mag-alay ng pagkaing handog. 28 Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon sapagkat iyon ay Araw ng Pagtubos sa Kasalanan. Ito'y isasagawa bilang pagtubos sa inyong pagkakasala sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos. 29 Ang hindi mag-aayuno sa araw na iyon ay ititiwalag sa sambayanan ng Diyos. 30 Pupuksain ko sa harapan ng madla ang sinumang magtrabaho, 31 kaya huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon. Ito ay batas na dapat ninyong sundin sa habang panahon saanman kayo naroroon. 32 Sa araw na iyon, kayo ay dapat magpahinga at huwag nga kayong magtatrabaho mula sa gabi ng ikasiyam na araw hanggang sa kinabukasan ng hapon. At mag-aayuno kayo sa mga araw na iyon.”

Pista ng mga Tolda(L)

33 Sinabi(M) pa ni Yahweh kay Moises, 34 “Sabihin mo rin ito sa mga Israelita: Mula sa ikalabing limang araw ng ikapitong buwan, magsisimula ang Pista ng mga Tolda. Pitong araw ninyo itong ipagdiriwang. 35 Sa unang araw, magkaroon kayo ng banal na pagtitipon, at huwag kayong magtatrabaho. 36 Pitong araw kayong maghahandog kay Yahweh ng handog na pagkain. Sa ikawalong araw, muli kayong magtitipon upang sumamba at mag-aalay ng pagkaing handog. Iyon ay banal na pagtitipon, kaya huwag kayong magtatrabaho.

37 “Iyan ang mga pistang itinakda ni Yahweh, mga araw ng inyong banal na pagtitipon. Sa mga araw na iyon, magdadala kayo ng handog na susunugin, handog na pagkaing butil, at handog na inumin ayon sa itinakda ng bawat araw. 38 Bukod ito sa mga karaniwang Araw ng Pamamahinga, at ang mga handog na ito ay iba pa sa mga pang-araw-araw na handog kay Yahweh, at sa mga kusang handog ninyo, o mga handog na ginagawa ninyo bilang pagtupad ng panata.

39 “Sa ikalabing limang araw ng ikapitong buwan, pagkatapos ng pag-aani, pitong araw pa kayong magpipista para kay Yahweh. Huwag kayong magtatrabaho sa una at ikawalong araw. 40 Sa unang araw, pipitas kayo ng mabubuting bungangkahoy, mga sanga ng palmera at mayayabong na sanga ng kahoy sa tabing-ilog. Pitong araw kayong magdiriwang bilang parangal kay Yahweh na inyong Diyos. 41 Ang pistang ito ay ipagdiriwang ninyo sa loob ng pitong araw tuwing ikapitong buwan taun-taon. Ito ay tuntuning susundin ninyo habang panahon. 42 Sa buong panahon ng pistang ito, lahat ng Israelita ay sa tolda maninirahan 43 upang malaman ng inyong mga anak na sa mga tolda tumira ang mga Israelita nang ilabas ko sila sa Egipto. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”

44 Gayon nga inihayag ni Moises sa mga Israelita ang mga kapistahan upang parangalan si Yahweh.

Ang mga Ilawan(N)

24 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iutos mo sa mga Israelita na magdala ng dalisay na langis ng olibo upang patuloy na magningas ang ilawan sa labas ng tabing, sa loob ng Toldang Tipanan. Ang mga ilaw na iyon ay sisindihan ni Aaron tuwing hapon at pananatilihing may sindi hanggang umaga. Ito ay tuntuning susundin ninyo habang panahon. Pangangalagaan niya ang mga ilaw na ito na nasa patungang ginto upang manatiling maningas sa harapan ni Yahweh.

Ang Sagradong mga Tinapay

“Magluluto(O) kayo ng labindalawang tinapay; isang salop ng mainam na harina ang gagamitin sa bawat isa. Ang mga ito ay ihahanay nang tig-aanim sa ibabaw ng mesang ginto. Bawat hanay ay lalagyan ng dalisay na insenso at pagkatapos ay susunugin bilang handog kay Yahweh. Tuwing Araw ng Pamamahinga, ang tinapay na ito ay ihahandog kay Yahweh. Ito'y gagawin ng bayang Israel sa habang panahon. Pagkatapos(P) ihandog, ang mga tinapay na iyon ay ibibigay kay Aaron at sa kanyang mga anak. Kakainin nila iyon sa isang banal na lugar sapagkat iyon ay inilaan kay Yahweh. Ito ay tuntuning dapat sundin habang panahon.”