Add parallel Print Page Options

Ang batas tungkol sa handog ng pagkakamali.

At kung ang sinoman ay magkasala, (A)sa pagkarinig niya ng tinig ng pautos, sa paraang siya'y saksi maging kaniyang nakita o nalaman, kung hindi niya ihayag, ay (B)siya nga ang magtataglay ng kasamaan niya.

(C)O kung ang sinoman ay nakahipo ng alinmang bagay na karumaldumal, maging bangkay ng ganid na karumaldumal, o ng bangkay na hayop na karumaldumal, o ng bangkay ng umuusad na karumaldumal, at nalihim sa kaniya, at siya'y maging karumaldumal, ay magiging makasalanan nga siya:

O (D)kung siya'y nakahipo ng karumaldumal ng tao, maging anomang karumaldumal niyaon na ikinapaging karumaldumal niya, at nalihim sa kaniya; pagka nalaman niya ay magiging makasalanan nga siya:

O kung ang sinoma'y sumumpa ng kaniyang mga labi ng walang dilidili na (E)gumawa ng masama o (F)gumawa ng mabuti, maging anoman na sinasalita ng tao na walang dilidili na kaakbay ang sumpa, at sa kaniya'y nalihim; pagka nalaman niya yaon, ay magiging makasalanan nga siya sa isa sa mga bagay na ito:

At mangyayari, na pagka siya'y magiging makasalanan sa isa sa mga bagay na ito, (G)ay kaniyang isasaysay yaong kaniyang ipinagkasala:

At dadalhin niya sa Panginoon ang handog niya dahil sa pagkakasala, dahil sa kasalanang pinagkasalahan niya, ay isang babae na kinuha sa kawan, isang kordero o isang kambing na pinakahandog dahil sa kasalanan; at itutubos sa kaniya ng saserdote tungkol sa kaniyang kasalanan.

(H)At kung ang kaniyang kaya ay hindi sapat upang magdala ng isang kordero, ay magdadala nga siya sa Panginoon, na pinaka handog niya sa pagkakasala, dahil sa ipinagkasala niya, (I)ng dalawang batobato o ng dalawang inakay ng kalapati: ang isa'y pinaka handog dahil sa kasalanan at ang isa'y pinaka handog na susunugin.

At sila'y dadalhin niya sa saserdote, na ang ihahandog nito na pinaka handog dahil sa kasalanan, ay ang una (J)at pupugutin ang ulo sa leeg, nguni't hindi papaghihiwalaying bigla:

At magwiwisik siya ng dugo ng handog dahil sa kasalanan sa ibabaw ng gilid ng dambana; (K)at ang labis sa dugo ay pipigain (L)sa paanan ng dambana: handog nga dahil sa kasalanan.

10 At ihahandog niya ang ikalawa na pinaka handog na susunugin (M)ayon sa alituntunin: (N)at itutubos sa kaniya ng saserdote tungkol sa kaniyang kasalanan na kaniyang pinagkasalahan, at siya'y patatawarin.

11 Datapuwa't kung ang kaniyang kaya ay hindi sapat upang magdala ng dalawang batobato, o ng dalawang inakay ng kalapati, ay magdadala nga siya ng ikasangpung bahagi ng isang epa[a] ng mainam na harina, na pinakahandog dahil sa kasalanan niya; (O)hindi niya lalagyan ng langis ni bubuhusan man niya ng kamangyan; sapagka't handog dahil sa kasalanan.

12 At dadalhin niya sa saserdote, at ang saserdote ay kukuha ng kaniyang dakot sa pinaka alaala niyaon, (P)na susunugin sa dambana; (Q)na gaya ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy: handog nga dahil sa kasalanan.

13 At itutubos sa kaniya ng saserdote, tungkol sa kasalanan na kaniyang pinagkasalahan sa alinman sa mga bagay na ito, at siya'y patatawarin: (R)at ang labis ay mapapasa saserdote, gaya ng handog na harina.

14 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

15 (S)Kung ang sinoman ay makasuway at magkasala ng di sinasadya sa mga banal na bagay ng Panginoon; (T)ay magdadala nga siya sa Panginoon ng handog dahil sa pagkakasala na isang tupang lalaking walang kapintasan na kinuha sa kawan, ayon sa iyong pagkahalaga sa siklong[b] pilak, ayon (U)sa siklo ng santuario na pinakahandog dahil sa pagkakasala:

16 At isasauli niya (V)yaong kaniyang nadaya sa banal na bagay, at magdaragdag pa ng ikalimang bahagi, at ibibigay niya sa saserdote: (W)at itutubos sa kaniya ng saserdote sa pamamagitan ng lalaking tupang handog dahil sa pagkakasala; at siya'y patatawarin.

17 At kung ang sinoman ay magkasala, at gumawa ng alin man sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin; (X)bagama't hindi niya nalalaman, (Y)makasalanan din siya at magtataglay siya ng kaniyang kasamaan.

18 At siya'y magdadala sa saserdote ng isang tupang lalake na walang kapintasan na kinuha sa kawan ayon sa iyong pagkahalaga na pinakahandog dahil sa pagkakasala; (Z)at itutubos sa kaniya ng saserdote, tungkol sa bagay na pinagkamalian niya ng di sinasadya, at hindi niya nalalaman, at siya'y patatawarin.

19 Yaon nga'y handog dahil sa pagkakasala: tunay ngang siya'y makasalanan sa harap ng Panginoon.

Footnotes

  1. Levitico 5:11 Ang isang epa ay katimbang ng 30 litro.
  2. Levitico 5:15 Isang siklong pilak ay katimbang ng P1.10 sa ating kuwalta.

Mga Pangyayaring Nangangailangan ng Handog Pangkasalanan

“Kapag may hayagang panawagan upang sumaksi, at magagawa ng isang tao na sumaksi bilang isa na nakakita o nakarinig, ngunit ayaw namang magsalita, ang taong iyon ay nagkakasala at dapat parusahan.

O kung ang sinuman ay nakahipo ng alinmang bagay na marumi, o maging ito ay bangkay ng mabangis na hayop na marumi, o bangkay ng umuusad na marumi, at di niya iyon nalaman, siya'y magiging marumi at nagkakasala.

O kung siya'y nakahipo ng karumihan ng tao, maging anumang karumihan niya, at hindi niya iyon nalalaman, siya ay nagkakasala kapag nalaman niya iyon.

O kapag ang isang tao ay sumumpa nang padalus-dalos sa pamamagitan ng kanyang mga labi, upang gumawa ng masama o ng mabuti, anumang padalus-dalos na panunumpa na isinumpa ng tao, at iyon ay hindi niya nalaman, siya ay nagkakasala kapag nalaman niya iyon.

Kapag nagkasala ka sa isa sa mga ito, ipahayag mo ang iyong kasalanang nagawa.

Dadalhin niya sa Panginoon ang kanyang handog para sa budhing maysala dahil sa kasalanang nagawa niya, isang babaing hayop mula sa kawan, isang kordero o isang kambing bilang handog pangkasalanan, at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya.

“Subalit kung hindi niya kaya ang halaga ng isang kordero, siya na nagkasala ay magdadala sa Panginoon bilang handog para sa kasalanang kanyang ginawa, ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati—ang isa'y bilang handog pangkasalanan at ang isa'y bilang handog na sinusunog.

Kanyang dadalhin ang mga ito sa pari na siyang maghahandog nito, ang una ay para sa handog pangkasalanan. Pipilipitin niya ang ulo mula sa leeg, ngunit hindi ito paghihiwalayin.

Magwiwisik siya ng kaunting dugo ng handog pangkasalanan sa gilid ng dambana; at ang nalabi sa dugo ay patutuluin sa paanan ng dambana; ito ay handog pangkasalanan.

10 Ihahandog niya ang ikalawa bilang handog na sinusunog ayon sa tuntunin; at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya alang-alang sa kasalanan na kanyang nagawa, at siya ay patatawarin.

11 “Subalit kung hindi niya kayang magdala ng dalawang batu-bato, o ng dalawang batang kalapati, ang nagkasala ay magdadala ng ikasampung bahagi ng isang efa[a] ng piling harina bilang handog pangkasalanan niya. Hindi niya ito lalagyan ng langis ni lalagyan man ng kamanyang, sapagkat ito'y handog pangkasalanan.

12 Dadalhin niya ito sa pari at ang pari ay kukuha ng isang dakot mula roon bilang handog na pinakaalaala at ito'y susunugin sa dambana, sa ibabaw ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; ito ay handog pangkasalanan.

13 Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa nagkasala laban sa alinman sa mga bagay na ito, at siya ay patatawarin. Ang nalabi ay para sa pari gaya ng butil na handog.”

14 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

15 “Kung ang sinuman ay nakagawa ng pagsira sa pagtitiwala at nagkasala nang hindi sinasadya sa mga banal na bagay ng Panginoon, magdadala siya sa Panginoon ng handog para sa budhing maysala ng isang tupang lalaki na walang kapintasan mula sa kawan, na ayon sa halagang itinakda ng santuwaryo para sa siklong[b] pilak. Ito ay handog para sa budhing maysala.

16 At isasauli niya ang kanyang ipinagkasala laban sa banal na bagay, at magdaragdag pa siya ng ikalimang bahagi, at ibibigay niya sa pari. Ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa nagkasala sa pamamagitan ng lalaking tupang handog para sa budhing maysala at siya ay patatawarin.

17 “At kung ang isang tao ay magkasala at gumawa ng alinman sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin, kahit hindi niya nalalaman, siya ay nagkasala at mananagot sa kanyang kasamaan.

18 Kaya't siya'y magdadala sa pari ng isang tupang lalaki na walang kapintasan mula sa kawan ayon sa halagang itinakda mo bilang handog para sa budhing maysala. At ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya dahil sa kasalanang hindi sinasadya na kanyang nagawa, at siya ay patatawarin.

19 Ito ay handog para sa budhing maysala, siya'y nagkasala sa Panginoon.”

Footnotes

  1. Levitico 5:11 Ang isang efa ay katimbang ng halos 30 litro.
  2. Levitico 5:15 Ang isang siklo ay halos katumbas ng 15 gramo ng pilak nang panahong iyon.

Kung ang isang taoʼy ipinatawag sa hukuman para sumaksi sa pangyayaring kanyang nakita o nalalaman, at siyaʼy tumanggi, may pananagutan siya. Kung may nakahipo ng anumang bagay na itinuturing na marumi, katulad ng mga patay na hayop na marumi,[a] siyaʼy nagkasala at naging marumi[b] kahit hindi niya alam na nakahipo siya. Kung siyaʼy nakahipo ng mga maruming bagay ng tao,[c] kahit hindi niya alam na siyaʼy naging marumi, ituturing pa ring nagkasala siya kapag nalaman niya. Kung ang isang tao ay nanumpa nang pabigla-bigla, mabuti man o masama ang isinumpa niya, siyaʼy nagkasala kapag nalaman niya ang kanyang ginawa. Kapag nalaman ng isang tao na nagkasala siya ng alinman sa mga nabanggit, kinakailangang ipahayag niya ang kanyang kasalanan. At bilang kabayaran sa kasalanang nagawa niya, maghahandog siya sa Panginoon ng babaeng tupa o kambing bilang handog sa paglilinis. Ihahandog ito ng pari para matubos siya sa kanyang kasalanan.

Pero kung hindi niya kayang maghandog ng tupa, maghahandog siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato bilang kabayaran sa kanyang kasalanan. Ang isaʼy bilang handog sa paglilinis at ang isaʼy bilang handog na sinusunog. Dadalhin niya ito sa pari at ang unang ihahandog ng pari ay ang handog sa paglilinis. Pipilipitin ng pari ang leeg ng ibon pero hindi ito puputulin. At ang dugo nitoʼy iwiwisik niya sa paligid ng altar, at ang natitirang dugo ay ibubuhos sa ilalim ng altar. Ito ang handog sa paglilinis. 10 Ihahandog din ng pari ang isa pang handog na sinusunog ayon sa paraan ng paghahandog nito. Ganito ang paraan na gagawin ng pari para matubos ang tao sa kanyang kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.

11 Pero kung hindi niya kayang maghandog ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato, maghahandog na lang siya ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina. Huwag niyang lalagyan ng langis at insenso dahil itoʼy handog sa paglilinis at hindi handog ng pagpaparangal. 12 Dadalhin niya ito sa pari at babawasan ng pari ng isang dakot bilang pag-alaala sa Panginoon. Ang isang dakot na iyon ay susunugin niya sa altar pati ang iba pang mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Ito ang handog sa paglilinis. 13 Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matubos ang tao sa anumang kasalanang nagawa niya at patatawarin siya ng Panginoon. Ang natirang handog na harina ay sa pari na, gaya ng ginagawa sa handog ng pagpaparangal.

Ang Handog na Pambayad ng Kasalanan

14 Ibinigay din ng Panginoon ang utos na ito kay Moises:

15 Kapag ang taoʼy lumabag sa utos ng Panginoon dahil sa hindi niya ibinigay ang anumang nauukol para sa Panginoon, kahit hindi niya sinasadya, kailangang maghandog siya ng lalaking tupa na walang kapintasan bilang kabayaran sa kanyang kasalanan. Maaari rin niyang bayaran ng pilak na katumbas ng halaga ng lalaking tupa ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. Itoʼy handog na pambayad ng kasalanan.[d] 16 Kinakailangan niyang bayaran ang hindi niya naibigay na nauukol sa Panginoon, at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halagang hindi niya naibigay. Ibibigay niyang lahat ito sa paring maghahandog ng tupa bilang handog na pambayad ng kanyang kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.

17 Kung may tao namang lumabag sa utos ng Panginoon nang hindi niya alam, siyaʼy nagkasala pa rin at may pananagutan sa Panginoon. 18-19 Kung alam na niyang nagkasala siya, kinakailangang magdala siya sa pari ng lalaking tupa na walang kapintasan na ihahandog niya bilang pambayad sa kanyang kasalanan. Maaari rin niyang bayaran ng pilak na katumbas ng halaga ng lalaking tupa ayon sa bigat ng pilak sa timbangan na ginagamit ng mga pari. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang kasalanang hindi sinasadya at patatawarin siya ng Panginoon.

Footnotes

  1. 5:2 hayop na marumi: Ang ibig sabihin, hayop na ipinagbabawal kainin o ihandog sa Panginoon. Tingnan ang kabanata 11.
  2. 5:2 naging marumi: Ang ibig sabihin, hindi siya maaaring makilahok sa kanilang seremonyang pangrelihiyon.
  3. 5:3 maruming … tao: Tingnan ang kabanata 12-15.
  4. 5:15 handog na … kasalanan: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.