Levitico 6
Magandang Balita Biblia
6 Sinabi(A) pa ni Yahweh kay Moises, 2 “Nagkakasala ang sinumang magkaila tungkol sa isang bagay na inihabilin sa kanya, ang sumira sa kasunduan, ang magnakaw o magsamantala sa kapwa 3 at ang mag-angkin ng isang bagay na napulot at manumpang iyon ay wala sa kanya. 4 Babayaran niya ang kanyang ninakaw, o anumang napulot o inihabilin na inangkin niya. 5 Ibabalik niya ang alin man sa mga ito at daragdagan pa niya ito ng ikalimang bahagi ng halaga niyon sa araw na maghandog siya para sa kasalanan. 6 Ang iaalay naman niya bilang handog na pambayad sa kasalanan ay isang lalaking tupa na walang kapintasan. Itatakda mo ang halaga nito ayon sa sukatang itinakda ng santuwaryo. 7 Ihahandog iyon ng pari at siya'y patatawarin sa alinmang pagkakasala niya.”
Mga Handog na Sinusunog nang Buo
8 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 9 “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak, ‘Ito ang tuntunin tungkol sa handog na sinusunog. Kailangang ilagay sa altar ang handog na sinusunog at doo'y hayaang magdamag na may apoy na nagniningas. 10 Magsusuot ng damit na lino at salawal na lino ang pari, at aalisin niya ang abo ng sinunog na handog at ilalagay sa tabi ng altar. 11 Pagkatapos, magpapalit siya ng kasuotan at dadalhin niya ang abo sa isang malinis na lugar sa labas ng kampo. 12 Ang apoy sa altar ay dapat panatilihing nagniningas; ito'y dapat gatungan tuwing umaga. Ihahanay sa ibabaw ng gatong ang handog na susunugin at ang tabang kinuha sa handog pangkapayapaan. 13 Hayaang laging may apoy sa altar at hindi ito dapat pabayaang mamatay.’”
Handog na Pagkaing Butil
14 “Ito naman ang tuntunin tungkol sa mga handog na pagkaing butil. Mga pari lamang ang maghahandog nito sa altar. 15 Dadakot ang pari ng harinang binuhusan ng langis at binudburan ng insenso at ito'y susunugin sa altar bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. 16 Ang natira ay magiging pagkain ng mga pari. 17 Lulutuin ito nang walang pampaalsa at doon nila kakainin sa isang banal na lugar, sa patyo ng Toldang Tipanan. Inilaan ko iyon para sa kanila bilang kaparte ng pagkaing handog sa akin. Iyo'y ganap na sagrado tulad ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na pambayad sa kasalanan. 18 Lahat ng lalaki mula sa lahi ni Aaron ay maaaring kumain nito. Ito ay bahagi nila magpakailanman sa mga pagkaing handog sa akin. Anumang madampian nito ay ituturing na banal.”
19 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 20 “Ito ang handog na dadalhin sa akin nina Aaron at ng mga paring mula sa kanyang angkan sa araw ng pagtatalaga sa kanila: kalahating salop ng mainam na harinang panghandog. Ang kalahati nito'y ihahandog sa umaga at ang kalahati nama'y sa gabi. 21 Ito'y mamasahing mabuti sa langis at ipiprito sa kawali at pagpipira-pirasuhin. Pagkatapos, susunugin sa altar bilang mabangong samyong handog sa akin, gaya ng handog na pagkaing butil. 22 Ang paring mula sa angkan ni Aaron ang maghahandog nito sa akin; ito'y batas na dapat sundin magpakailanman. Ang handog na ito ay susunugin para sa akin. 23 Ang lahat ng pagkaing butil na handog ng pari ay lubusang susunugin, at hindi ito maaaring kainin.”
Mga Tuntunin tungkol sa Handog para sa Kapatawaran ng Kasalanan
24 Sinabi rin ni Yahweh kay Moises, 25 “Sabihin mo kay Aaron at sa mga paring mula sa kanyang angkan, ‘Ito naman ang tuntunin tungkol sa handog pangkasalanan. Ang handog pangkasalanan ay papatayin sa pinagpapatayan ng handog na susunugin. Ito'y ganap na sagrado. 26 Ang natirang hindi sinunog ay maaaring kainin ng paring naghandog nito. Ngunit kakainin niya ito sa isang banal na lugar, sa patyo ng Toldang Tipanan. 27 Ang anumang madampi sa laman niyon ay ituturing na banal. Ang damit na malagyan ng dugo nito ay lalabhan sa isang banal na lugar. 28 Ang palayok na pinaglutuan ng handog ay babasagin; ngunit kung ang pinaglutuan ay sisidlang tanso, ito'y kukuskusin at huhugasang mabuti. 29 Ang sinumang lalaking kabilang sa sambahayan ng pari ay maaaring kumain ng handog na ito; iyon ay ganap na sagrado. 30 Ngunit hindi maaaring kainin ang handog para sa kasalanan kung ang dugo nito ay dinala sa Toldang Tipanan upang doo'y gawing pantubos sa kasalanan. Ito ay dapat sunugin na lamang.’”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.