Add parallel Print Page Options

Ang Kambing na Pakakawalan

20 “Pagkatapos magawâ ni Aaron ang paghahandog para sa Dakong Kabanal-banalan, sa Toldang Tipanan at sa altar na sunugan ng mga handog, kukunin niya ang pangalawang kambing. 21 Ipapatong(A) niya ang kanyang mga kamay sa ulo nito at ipahahayag ang lahat ng kasamaan, kasalanan at pagsuway ng sambayanang Israel, sa gayon, masasalin sa hayop ang lahat ng ito. Ibibigay niya ang kambing sa isang taong naghihintay doon upang dalhin iyon sa ilang. 22 Tataglayin ng kambing ang kasalanan ng buong bayan at pagdating sa ilang ito'y pakakawalan.

23 “Pupunta(B) naman si Aaron sa Toldang Tipanan at doo'y huhubarin ang damit na suot niya nang pumasok sa Dakong Kabanal-banalan at iiwan ito roon. 24 Maliligo siya sa isang banal na lugar at matapos magbihis ng sariling damit, ihahandog niya sa altar ang handog na susunugin para sa kanyang sarili at para sa buong bayan. 25 Susunugin din niya sa ibabaw ng altar ang taba ng mga handog para sa kasalanan. 26 Bago bumalik sa kampo ang taong nagdala ng kambing para kay Azazel, maliligo muna siya at maglalaba ng kanyang kasuotan. 27 Ilalabas(C) naman sa kampo ang toro at ang kambing na inihandog para sa kasalanan. Ang balat, ang laman at ang mga dumi nito ay susunugin sa labas ng kampo. 28 Maglalaba ng kasuotan at maliligo ang nagsunog nito bago siya makabalik sa kampo.

Read full chapter