Add parallel Print Page Options

Ang mga Lumalabas sa Katawan ng Tao na Itinuturing na Marumi

15 Inutusan ng Panginoon sina Moises at Aaron na sabihin ito sa mga taga-Israel:

Kung may lumalabas sa ari ng lalaki dahil sa kanyang sakit, ang lumalabas na iyon ay itinuturing na marumi. At kahit na magpatuloy ang pagtulo o hindi, ituturing pa rin siyang marumi. At ituturing na marumi ang anumang mahigaan o maupuan niya. 5-7 At ang sinumang makahipo sa kanya o sa kanyang hinigaan o inupuan ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo,[a] pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

Ang sinumang maduraan ng taong ito ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. 9-10 Ang anumang maupuan ng taong ito, katulad ng upuang ginagamit kapag sumasakay sa kabayo ay magiging marumi. Ang sinumang makahipo ng mga bagay na iyon ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

11 Ang sinumang makahipo sa taong iyon habang hindi pa siya nakakapaghugas ng kanyang kamay ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. 12 Ang palayok na mahihipo ng taong iyon ay dapat basagin, at ang mga bagay na gawa sa kahoy ay dapat hugasan.

13-14 Kung gumaling na ang may sakit na ito, maghihintay siya ng pitong araw. Pagkatapos, lalabhan niya ang kanyang damit at maliligo ng tubig na galing sa bukal. Sa ikawalong araw, kinakailangang magdala siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato sa presensya ng Panginoon malapit sa pintuan ng Toldang Tipanan. At ibibigay niya sa paring maghahandog noon. 15 Ang isaʼy bilang handog sa paglilinis at ang isaʼy bilang handog na sinusunog. Ganito ang paraan na gagawin ng pari para maalis ang karumihan ng taong iyon dahil sa tumutulo sa ari niya; magiging malinis siya.

16 Kung ang isang lalaki ay nilabasan ng kanyang binhi, kinakailangang maligo siya pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. 17 Ang alin mang damit o gamit na yari sa balat na natuluan ng binhi ay kinakailangang labhan, pero iyon ay ituturing pa ring marumi hanggang sa paglubog ng araw. 18 Kapag nagsiping ang lalaki at babae, at nilabasan ang lalaki ng binhi, kinakailangang maligo silang dalawa, pero ituturing pa rin silang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

19 Kung ang isang babae ay may buwanang dalaw, ituturing siyang marumi sa loob ng pitong araw, at ang sinumang makahipo sa kanya ay ituturing ding marumi hanggang sa paglubog ng araw. 20 Ang anumang mahigaan o maupuan niya habang siyaʼy may buwanang dalaw ay magiging marumi. 21-23 Ang sinumang makahipo sa kanyang hinigaan o inupuan ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, at ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

24 Kung ang lalaki ay sumiping sa babaeng may buwanang dalaw, ituturing siyang marumi sa loob ng pitong araw. At ang anumang kanyang mahigaan ay ituturing na marumi.

25 Kung ang babae ay dinudugo nang hindi pa panahon ng buwanan niyang dalaw o pagtatapos ng buwanan niyang dalaw, ituturing siyang marumi katulad ng kung siyaʼy may buwanang dalaw. At ituturing siyang marumi habang dinudugo siya. 26 Ang anumang mahigaan niya at maupuan habang siyaʼy dinudugo ay magiging marumi katulad ng kung siyaʼy may buwanang dalaw. 27 At ang sinumang makahipo ng mga iyon ay magiging marumi, kinakailangang maglaba siya ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

28-29 Kung huminto na ang buwanang dalaw ng babae, maghihintay siya ng pitong araw at ituturing na siyang malinis. Sa ikawalong araw, kinakailangang magdala siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 30 Ihahandog ng pari ang isa bilang handog sa paglilinis at ang isaʼy bilang handog na sinusunog. Ganito ang paraan na gagawin ng pari sa presensya ng Panginoon para maalis ang karumihan ng babae dahil sa buwanan niyang dalaw at magiging malinis na siya.

31 Sinabihan ng Panginoon sina Moises at Aaron na bigyang babala ang mga taga-Israel tungkol sa mga bagay na nakapagpaparumi sa kanila, para hindi sila mamatay kapag lumapit sila sa Tolda ng Panginoon sa gitna ng kampo.

32-33 Ito ang mga tuntunin tungkol sa lalaking nilalabasan ng kanyang binhi o may lumalabas sa ari niya dahil sa kanyang sakit, at tungkol sa babaeng dinudugo sa panahon ng buwanang dalaw o dinudugo bago ang kanyang buwanang dalaw, at tungkol sa lalaking sumisiping sa babaeng itinuturing na marumi.[b]

Ang Seremonya sa Araw ng Pagtubos

16 1-2 Pagkamatay ng dalawang anak na lalaki ni Aaron nang silaʼy naghandog sa Panginoon, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa kapatid mong si Aaron na huwag siyang papasok sa Pinakabanal na Lugar sa kabila ng tabing, sa anumang oras na naisin niya. Kapag ginawa niya iyon, mamamatay siya. Sapagkat doon ako nagpapakita sa anyong ulap sa itaas ng takip ng Kahon ng Kasunduan.”[c]

Ito ang utos ng Panginoon na gagawin ni Aaron sa araw na papasok siya sa Pinakabanal na Lugar: Magdadala siya ng batang toro bilang handog sa paglilinis at lalaking tupa bilang handog na sinusunog. Kinakailangang maligo muna siya at pagkatapos, isuot niya ang kanyang damit pampari na purong linen: pang-ilalim na damit na tatakip sa kanyang kahubaran, ang kanyang sinturon, ang turban na linen, at ang kanyang panlabas na damit.[d] Ang mamamayan ng Israel ay magbibigay sa kanya ng dalawang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, at isang lalaking tupa bilang handog na sinusunog.

Ihahandog ni Aaron ang batang toro bilang handog sa paglilinis para maging malinis siya at ang sambahayan niya. Pagkatapos, kukunin niya ang dalawang kambing at dadalhin din niya sa presensya ng Panginoon, malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan. At sa pamamagitan ng palabunutan, pipiliin niya kung alin sa dalawang kambing ang para sa Panginoon at ang para kay Azazel.[e] Ang kambing na nabunot sa pamamagitan ng palabunutan na para sa Panginoon ay ang ihahandog niya bilang handog sa paglilinis. 10 Pero ang kambing na nabunot para kay Azazel ang ihahandog niyang buhay sa Panginoon at saka niya ito pakakawalan sa ilang para matubos ang mga tao sa kanilang mga kasalanan.

Ang mga Detalye ng Seremonyang Iyon

11 Papatayin ni Aaron ang batang toro bilang handog sa paglilinis para sa kanyang sarili at sa sambahayan niya. 12 Pagkatapos, kukuha siya ng lalagyan ng insenso at pupunuin niya ng baga galing sa altar na nasa loob ng Tolda. At kukuha rin siya ng dalawang dakot ng mabangong insenso na pinong-pino, at dadalhin niya sa loob ng Pinakabanal na Lugar. 13 Doon sa presensya ng Panginoon, ilalagay niya ang insenso sa apoy, at ang usok nito ay papailanlang sa palibot ng takip ng Kahon ng Kasunduan, kaya hindi siya mamamatay. 14 Kukuha rin siya ng dugo ng batang toro at tatayo sa harap ng Kahon ng Kasunduan na nakaharap sa silangan. At sa pamamagitan ng mga daliri niya, iwiwisik niya ang dugo sa takip ng pitong beses.

15 Papatayin din niya ang kambing bilang handog sa paglilinis para sa mga tao. Dadalhin din niya ang dugo nito sa Pinakabanal na Lugar at iwiwisik sa takip ng Kahon ng Kasunduan katulad ng kanyang ginawa sa dugo ng batang toro. 16 Ganito ang paraan na gagawin ni Aaron para luminis ang Pinakabanal na Lugar dahil sa karumihan ng mga taga-Israel at sa kanilang mga kasalanan at pagsuway. Itoʼy gagawin din ni Aaron sa lahat ng bahagi ng Tolda[f] na nasa gitna ng maruming mga taga-Israel. 17 Walang sinumang mananatili sa loob ng Tolda sa oras na pumasok si Aaron sa loob ng Pinakabanal na Lugar hanggang sa siyaʼy lumabas. Pagkatapos niyang magawa ang seremonya para matubos siya, ang sambahayan niya at ang lahat ng taga-Israel, 18 saka siya lalabas mula sa Pinakabanal na Lugar at pupunta siya sa altar, malapit sa may pintuan ng Tolda. Kukuha siya ng dugo ng baka at ng kambing na inihandog at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar para iyon ay linisin. 19 Sa pamamagitan ng kanyang mga daliri, iwiwisik niya ng pitong beses ang natirang dugo sa altar para itoʼy ihandog sa Panginoon at upang itoʼy linisin sa karumihan dahil sa kasalanan ng mga taga-Israel.

20 Pagkatapos magawa ni Aaron ang paglilinis sa Pinakabanal na Lugar at sa iba pang bahagi ng Tolda pati na ang altar, dadalhin niya sa gitna ang buhay na kambing. 21 Ipapatong niya ang dalawang kamay niya sa ulo ng kambing at ipapahayag ang lahat ng kasalanan at pagsuway ng mga taga-Israel. Sa ganitong paraan, malilipat ang kanilang kasalanan sa ulo ng kambing. Pagkatapos, ibibigay ni Aaron ang kambing sa taong namamahalang magpakawala nito roon sa ilang. 22 Kaya dadalhin ng kambing ang lahat ng kasalanan ng mga taga-Israel doon sa ilang.

23 Pagkatapos, papasok si Aaron sa Tolda at huhubarin niya ang kanyang damit bilang punong pari na kanyang isinuot bago siya pumasok sa Pinakabanal na Lugar at iiwan niya iyon doon. 24 Maliligo siya sa banal na lugar doon sa Tolda at saka niya isusuot ang pangkaraniwan niyang damit. Pagkatapos, lalabas siya at ihahandog ang dalawang handog na sinusunog para mapatawad ang kanyang mga kasalanan at ang kasalanan ng mga taga-Israel. 25 Susunugin din niya sa altar ang mga taba ng hayop na iniaalay bilang handog sa paglilinis.

26 Ang taong nagpakawala ng kambing sa ilang para kay Azazel ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo bago siya bumalik sa kampo. 27 Ang mga natirang bahagi ng baka at kambing na ang dugo ay dinala sa Pinakabanal na Lugar para sa paglilinis ay kailangang dalhin sa labas ng kampo at sunugin. 28 At ang taong magsusunog nito ay kinakailangang maglaba rin ng kanyang damit at maligo bago siya bumalik sa kampo.

29-31 Ito naman ang mga tuntuning dapat gawin ng mga katutubong Israelita at mga dayuhang naninirahang kasama nila, at itoʼy dapat sundin magpakailanman. Sa ikasampung araw ng ikapitong buwan, dapat silang mag-ayuno at huwag magtrabaho, katulad ng Araw ng Pamamahinga. Sapagkat sa araw na iyon gagawin ang seremonya ng pagtubos sa kanilang mga kasalanan para silaʼy maging malinis sa presensya ng Panginoon. 32 Sa mga susunod na salinlahi, ang paring napili at inordinahan upang pumalit sa kanyang ama bilang punong pari ang siyang gagawa ng seremonyang ito. Isusuot niya ang kanyang damit bilang punong pari, 33 at gagawin niya ang seremonya ng paglilinis sa Pinakabanal na Lugar, ng iba pang bahagi ng Tolda pati na ang altar, ng mga pari, at ng mga mamamayan ng Israel.

34 Kinakailangang sundin nila ang mga tuntuning ito magpakailanman. At itoʼy gagawin nila minsan sa isang taon.

At ginawa ito ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Footnotes

  1. 15:5-7 Tingnan ang “footnotes” sa 11:24-28.
  2. 15:32-33 babaeng … marumi: Ang ibig sabihin, hindi maaari para sa isang babae ang makisama sa kanilang seremonyang pangrelihiyon.
  3. 16:1-2 Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
  4. 16:4 panlabas na damit: katulad ng kapa ng pari.
  5. 16:8 Azazel: Marahil ay isa sa mga demonyo sa disyerto.
  6. 16:16 Itoʼy … Tolda: o, Ito ang kanyang gagawin sa Tolda.

Dinala si Jesus kay Pilato(A)

27 Kinaumagahan, nagplano ang lahat ng namamahalang pari at ang pinuno ng mga Judio kung ano ang gagawin nila para maipapatay si Jesus. Ginapos nila si Jesus at dinala kay Gobernador Pilato.

Ang Pagkamatay ni Judas(B)

Nang malaman ng traydor na si Judas na hinatulan ng kamatayan si Jesus, nagsisi siya sa kanyang ginawa at isinauli ang 30 pirasong pilak sa mga namamahalang pari at mga pinuno ng mga Judio. Sinabi niya sa kanila, “Nagkasala ako dahil ibinigay ko sa inyo ang isang taong walang kasalanan.” Pero sumagot sila, “Ano ang pakialam namin diyan? Problema mo na iyan.” Itinapon ni Judas sa templo ang salapi. Pagkatapos ay umalis siya at nagbigti.

Pinulot ng mga namamahalang pari ang salapi at sinabi, “Hindi natin maaaring ilagay ang salaping ito sa kabang-yaman ng templo, dahil ibinayad ito upang maipapatay ang isang tao. Labag ito sa ating Kautusan.” Kaya napagkasunduan nilang gamitin ang salapi para bilhin ang bukid ng magpapalayok at gawing libingan ng mga dayuhan. Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay tinatawag pa rin ang lugar na iyon na “Bukid ng Dugo.”

Sa pangyayaring iyon, natupad ang ipinahayag ni Propeta Jeremias nang sabihin niya, “Kinuha nila ang 30 pirasong pilak, ang halagang napagkasunduan ng mga taga-Israel na ipambili sa kanya, 10 at ginamit nila ang pera bilang pambili ng bukid ng magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.”[a]

Inimbestigahan ni Pilato si Jesus(C)

11 Nang madala na si Jesus kay Pilato, tinanong siya nito, “Ikaw nga ba ang hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsabi.” 12 Pero hindi sumagot si Jesus sa mga paratang ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio. 13 Kaya tinanong siyang muli ni Pilato, “Bakit ayaw mong sagutin ang mga paratang nila sa iyo?” 14 Pero hindi pa rin sumagot si Jesus, kaya nagtaka ang gobernador.

Hinatulan si Jesus ng Kamatayan(D)

15 Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, nakaugalian na ng Gobernador na magpalaya ng isang bilanggo na gustong palayain ng mga tao. 16 Nang panahong iyon, may isang kilalang bilanggo na ang pangalan ay Barabas. 17 Nang magtipon ang mga tao, tinanong sila ni Pilato, “Sino ang gusto ninyong palayain ko? Si Barabas o si Jesus na tinatawag na Cristo?” 18 Alam ni Pilato na pagkainggit ang nagtulak sa pamunuan ng mga Judio na dalhin sa kanya si Jesus.

19 Habang nakaupo si Pilato sa hukuman, nagpadala ang kanyang asawa ng ganitong mensahe: “Huwag mong pakialaman ang taong iyan na walang kasalanan, sapagkat nabagabag ako nang husto dahil sa panaginip ko tungkol sa kanya.”

20 Pero sinulsulan ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio ang mga tao na hilingin kay Pilato na si Barabas ang palayain, at si Jesus ang ipapatay. 21 Kaya nagtanong ulit si Pilato sa mga tao, “Sino sa dalawa ang gusto ninyong palayain ko?” Sumigaw sila, “Si Barabas!” 22 Nagtanong pa ulit si Pilato, “Ano ngayon ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Cristo?” Sumagot ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” 23 Tinanong sila ni Pilato, “Bakit, ano ba ang ginawa niyang kasalanan?” Pero lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” 24 Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa dahil nagsisimula nang magkagulo ang mga tao, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao at sinabi, “Wala akong pananagutan sa kamatayan ng taong ito. Kayo ang dapat managot. Malinis ang kamay ko sa bagay na ito.” 25 Sumagot ang mga tao, “Kami at ang mga anak namin ang mananagot sa kanyang kamatayan!” 26 Pagkatapos, pinalaya ni Pilato si Barabas. Pero si Jesus ay ipinahagupit niya at saka ibinigay sa mga sundalo upang ipako sa krus.

Read full chapter

Footnotes

  1. 27:10 Zac. 11:12-13.