Add parallel Print Page Options

Babala Laban sa Pakikiapid

Anak, pakinggan mong mabuti ang mga sasabihin ko na may karunungan, upang malaman mo ang pagpapasya ng tama at matuto ka ring magsalita nang may karunungan. Ang salita ng masamang babae ay kasintamis ng pulot at banayad tulad ng langis. Ngunit pagkatapos ay pait at sakit ang iyong makakamit. Kung susunod ka sa kanya, dadalhin ka niya sa kapahamakan, sapagkat ang nilalakaran niya ay patungo sa kamatayan. Hindi niya pinapansin ang daan patungo sa buhay. Ang dinadaanan niyaʼy liku-liko at hindi niya ito nalalaman.

Kaya mga anak, pakinggan ninyo ako at sundin. Lumayo kayo sa babaeng masama ni huwag lumapit sa kanyang bahay. Dahil baka masira ang inyong dangal at mapunta sa iba, at mamatay kayo sa kamay ng mga taong walang awa. 10 At ang lahat ng kayamanan ninyo at ang inyong mga pinagpaguran ay mapupunta sa iba, sa mga taong hindi ninyo kilala. 11 Saka kayo mananangis kapag malapit na kayong mamatay, kapag butoʼt balat na lamang at wala nang lakas. 12 Saka ninyo sasabihin, “Sayang hindi ko kasi pinansin ang mga pagtutuwid sa akin; nagmatigas ako at sinunod ang gusto ko. 13 Hindi ako nakinig sa aking mga guro. 14 Kaya ngayon, narito ako sa gitna ng kapahamakan at kahihiyan.”

Read full chapter