Add parallel Print Page Options

22 Mas mabuting piliin ang malinis na pangalan kaysa sa maraming kayamanan. Ang paggalang ng tao sa iyo ay mas mahalaga pa kaysa pilak at ginto.
Ang Panginoon ang lumikha sa tao, mayaman man o mahirap.
Ang taong may pang-unawa ay umiiwas kung may panganib, ngunit ang hangal ay sumusuong sa panganib, kaya napapahamak.
Ang paggalang sa Panginoon at pagpapakumbaba ay magdudulot sa iyo ng mahabang buhay, kayamanan at karangalan.
Lumalakad ang taong masama sa daang matinik at may mga patibong. Ang nag-iingat sa sarili ay umiiwas sa daang iyon.
Ituro sa bata ang tamang pag-uugali, at hindi niya ito malilimutan hanggang sa kanyang pagtanda.
Ang mahihirap ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng mayayaman, at ang nangungutang ay alipin ng nagpapautang.
Ang naghahasik ng kasamaan ay aani ng kapahamakan, at matitigil na ang kanyang pamiminsala sa iba.
Ang nagbibigay ng pagkain sa dukha ay tiyak na pagpapalain.
10 Kapag pinalayas mo ang mga taong nanunuya, mawawala na ang alitan, kaguluhan at pang-iinsulto.
11 Ang taong may malinis na puso at mahinahon magsalita ay magiging kaibigan ng hari.
12 Binabantayan ng Panginoon ang mga taong may karunungan, ngunit sinisira niya ang plano ng mga taksil.
13 Ang taong tamad ay laging may dahilan, sinasabi niyang baka siya ay lapain ng leon sa daan.
14 Salita ng masamang babae ay parang malalim na hukay, at doon nahuhulog ang kinamumuhian ng Panginoon.
15 Likas sa mga bata ang pagiging pilyo, ngunit magiging matuwid sila kung didisiplinahin.
16 Ang nagreregalo sa mayaman o nang-aapi sa mahihirap para yumaman ay hahantong din sa karalitaan.

Ang 30 Mahalagang Kawikaan

17 Pakinggan mo ang mga sinasabi ng marurunong. Pakinggan mong mabuti habang itinuturo ko ito sa iyo, 18 dahil magbibigay ito sa iyo ng kaligayahan kung malalaman mo ito at masasaulo. 19 Itinuturo ko ito sa iyo ngayon upang magtiwala ka sa Panginoon.

20 Ang 30 Kawikaang ito na isinulat ko ay magdudulot sa iyo ng mga karunungan at payo. 21 Sa pamamagitan nitoʼy malalaman mo ang mga katotohanan at masasagot mo ang mga magtatanong sa iyo.[a]

… 1 …

22 Huwag mong abusuhin ang mga mahihirap o apihin man sila sa mga hukuman, 23 sapagkat ipagtatanggol sila ng Panginoon. Anuman ang gawin ninyong masama sa kanila ay gagawin din niya sa inyo.

… 2 …

24 Huwag kang makipagkaibigan sa taong madaling magalit, 25 baka mahawa ka sa kanya, at mabulid sa ganoong pag-uugali.

… 3 …

26 Huwag kang mangangako na magbabayad sa utang ng iba, 27 dahil kapag hindi ka nakabayad, kukunin nila pati ang higaan mo.

… 4 …

28 Huwag mong aalisin ang mga muhon[b] na inilagay noon ng mga ninuno mo.

… 5 …

29 Ang taong mahusay magtrabaho ay maglilingkod sa mga hari at hindi sa pangkaraniwang tao.

Footnotes

  1. 22:21 magtatanong sa iyo: sa literal, nagsugo sa iyo.
  2. 22:28 muhon: Tanda ito ng hangganan ng lupa. Kung sa Ingles, landmark o boundary marker.