Add parallel Print Page Options

Hinanap ng mga Tao si Jesus

22-23 Kinabukasan, naroon pa ang mga tao sa kabila ng lawa, kung saan sila kumain ng tinapay matapos magpasalamat ng Panginoon. Alam nilang iisa lang ang bangka roon nang gabing iyon, at iyon ang sinakyan ng mga tagasunod ni Jesus. Alam din nilang hindi kasamang umalis si Jesus ng mga tagasunod niya. Samantala, may dumating na mga bangka galing sa Tiberias at dumaong malapit sa kinaroroonan ng mga tao. 24 Nang mapansin ng mga tao na wala na roon si Jesus at ang mga tagasunod niya, sumakay sila sa mga bangkang iyon at pumunta sa Capernaum para hanapin si Jesus.

Ang Pagkaing Nagbibigay-buhay

25 Pagdating ng mga tao sa Capernaum, nakita nila si Jesus at tinanong, “Guro, kailan pa po kayo dumating dito?” 26 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ang totoo, hinahanap nʼyo ako, hindi dahil sa mga nakita ninyong himala, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog. 27 Huwag kayong magtrabaho para lang sa pagkaing nasisira, kundi para sa pagkaing hindi nasisira at nakakapagbigay ng buhay na walang hanggan. Ako na Anak ng Tao ang siyang magbibigay sa inyo ng pagkaing ito, dahil ako ang binigyan ng Ama ng kapangyarihang magbigay nito.” 28 Kaya tinanong ng mga tao si Jesus, “Ano po ang dapat naming gawin upang masunod namin ang ipinapagawa ng Dios?” 29 Sumagot si Jesus, “Ito ang ipinapagawa ng Dios sa inyo: manampalataya kayo sa akin na isinugo niya.” 30 Nagtanong ang mga tao, “Anong himala po ang maipapakita nʼyo para manampalataya kami sa inyo? 31 Ang ating mga ninuno ay kumain ng ‘manna’ noong nasa ilang sila. Sapagkat ayon sa Kasulatan, binigyan sila ni Moises ng tinapay na mula sa langit.”[a] 32 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi si Moises ang nagbigay sa mga ninuno ninyo ng tinapay na mula sa langit, kundi ang aking Ama. Siya ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa langit. 33 Sapagkat ang tinapay na ibinibigay ng Dios ay walang iba kundi siya na bumaba mula sa langit at nagbibigay-buhay sa mga tao sa mundo.” 34 Sinabi ng mga tao, “Palagi nʼyo po kaming bigyan ng sinasabi nʼyong tinapay.” 35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. Ang sinumang lumalapit at sumasampalataya sa akin ay hindi na magugutom o mauuhaw kailanman.

36 “Ngunit gaya ng sinabi ko sa inyo, ayaw ninyong manampalataya sa akin kahit nakita na ninyo ang mga himalang ginawa ko. 37 Ang lahat ng taong ibinibigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin, at hinding-hindi ko itataboy ang mga lumalapit sa akin. 38 Sapagkat naparito ako mula sa langit, hindi upang gawin ang sarili kong kalooban kundi ang kalooban ng aking Amang nagsugo sa akin. 39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin: na huwag kong pabayaang mawala ang kahit isa sa mga ibinigay niya sa akin; sa halip ay bubuhayin ko silang muli sa huling araw. 40 Sapagkat kalooban ng aking Ama na ang lahat ng kumikilala at sumasampalataya sa Anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko silang muli sa huling araw.”

41 Samantala, nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sinabi ni Jesus na siya ang tinapay na mula sa langit. 42 Kaya sinabi nila, “Hindi baʼt si Jesus lang naman iyan na anak ni Jose? Bakit sinasabi niyang bumaba siya mula sa langit, samantalang kilala natin ang mga magulang niya?” 43 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong magbulung-bulungan. 44 Walang makakalapit sa akin maliban kung papalapitin siya ng Amang nagsugo sa akin. At ang mga lalapit sa akin ay bubuhayin kong muli sa huling araw.

Read full chapter

Footnotes

  1. 6:31 Exo. 16:4; Neh. 9:15; Salmo 78:24.