Add parallel Print Page Options

Si Jesus at si Juan

22 Pagkatapos nito, pumunta si Jesus at ang mga tagasunod niya sa ibang lugar ng Judea. Nanatili sila roon at nagbautismo ng mga tao. 23 Nagbabautismo rin si Juan sa Enon, malapit sa Salim, dahil maraming tubig doon. Pumupunta sa kanya ang mga tao upang magpabautismo. 24 (Hindi pa nakakulong noon si Juan.)

25 Ngayon, nagkaroon ng pagtatalo ang ilang tagasunod ni Juan at ang isang Judio tungkol sa bautismo.[a] 26 Kaya pumunta sila kay Juan at sinabi, “Guro, ang kasama nʼyo sa kabila ng Ilog ng Jordan, na ipinakilala nʼyo sa mga tao ay nagbabautismo na rin, at nagpupuntahan sa kanya ang halos lahat ng tao.” 27 Sumagot si Juan, “Walang magagawa ang tao kung hindi ipahintulot ng Dios. 28 Kayo na rin ang makakapagpatunay na sinabi kong hindi ako ang Cristo. Isa lang akong sugo na nauna sa kanya upang ipahayag ang pagdating niya. 29 Kagaya sa isang kasal: ang babaeng ikakasal ay para sa lalaking ikakasal, at ang abay na naghihintay ay natutuwa sa pagdating ng lalaking ikakasal. Ganoon din sa akin, tuwang-tuwa ako ngayon na lumalapit na ang mga tao kay Jesus. 30 Kailangang lalo pa siyang makilala, at ako namaʼy makalimutan na.”

Ang Nagmula sa Langit

31 Sinabi pa ni Juan, “Si Cristoʼy nagmula sa langit, kaya dakila siya sa lahat. Tayo naman ay taga-lupa at nagsasalita tungkol lang sa mga bagay dito sa lupa. Ngunit si Cristo na nagmula sa langit ay dakila sa lahat. 32 Ipinapahayag niya ang nakita at narinig niya sa langit, ngunit ilan lang ang naniniwala sa kanyang pahayag. 33 Ngunit ang naniniwala sa pahayag niya ay nagpapatunay na totoo ang mga sinasabi ng Dios. 34 Sapagkat si Cristo na sinugo ng Dios ay nagpapahayag sa atin ng mga sinasabi ng Dios, dahil lubos na ipinagkaloob sa kanya ang Banal na Espiritu. 35 Mahal ng Ama ang kanyang Anak, at ipinailalim sa kapangyarihan niya ang lahat.

Read full chapter

Footnotes

  1. 3:25 bautismo: o, ritwal ng paglilinis.