Add parallel Print Page Options

Nilinis ni Jesus ang Templo

12 Pagkatapos nito ay bumaba siya patungong Capernaum. Kasama niya ang kaniyang ina, mga kapatid na lalaki at ang kaniyang mga alagad. Nanatili sila roon ng ilang araw.

13 Malapit na ang Araw ng Paglagpas ng mga Judio at umahon si Jesus patungong Jerusalem. 14 Nakita niya sa templo ang mga nagtitinda ng mgabaka, ng mga tupa at ng mga kalapati, at ang mga mamamalit-salapi na nakaupo. 15 Pagkagawa niya ng panghagupit na lubid ay tinaboy niya silang lahat papalabas sa templo pati na ang mga tupa at ang mga toro. Ibinubo niya ang salapi ng mga mamamalit-salapi at itinumba ang kanilang mga mesa. 16 Sa mga nagtitinda ng kalapati ay sinabi niya: Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito. Huwag ninyong gawing bahay-kalakal ang bahay ng aking Ama.

17 Naala-ala ng kaniyang mga alagad na nasusulat: Pinagharian ako ng kasigasigan sa iyong bahay.

18 Sumagot nga ang mga Judio at sinabi sa kaniya: Anong tanda ang maipapakita mo sa amin yamang ginawa mo ang mga bagay na ito?

19 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Gibain ninyo ang banal na dakong ito at aking itatayo sa loob ng tatlong araw.

20 Sinabi nga ng mga Judio: Apatnapu’t-anim na taon ang pagtatayo ng banal na dakong ito at itatayo mo sa loob ng tatlong araw? 21 Ngunit ang banal na dako na kaniyang tinutukoy ay ang kaniyang katawan. 22 Nang ibinangon nga siya mula sa mga patay ay naalala ng kaniyang mga alagad na sinabi niya ito sakanila. Sumampalataya sila sa kasulatan at sa salita na sinabi ni Jesus.

23 Si Jesus ay nasa Jerusalem nang Araw ng Paglagpas. Sa panahon ng kapistahan, marami ang sumampalataya sa kaniyang pangalan nang kanilang makita ang mga tanda na ginawa niya. 24 Gayunman hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang kaniyang sarili sa kanila dahil nakikilala niya ang lahat. 25 Hindi niya kailangang magpatotoo ang sinuman patungkol sa tao sapagkat nalalaman niya kung ano ang nasa kalooban ng tao.

Read full chapter