Add parallel Print Page Options

Ang Magkapatid ay Binigyang Kaaliwan ni Jesus

17 Pagdating nga ni Jesus ay nalaman niyang si Lazaro ay apat na araw nang nasa libingan.

18 Ang Betania ay malapit sa Jerusalem na may humigit-kumulang na tatlong kilometro ang layo. 19 Marami sa mga Judio ang pumunta sa mga kababaihan na nakapalibot kina Marta at Maria upang aliwin sila tunkol sa kanilang kapatid. 20 Pagkarinig ni Marta na si Jesus ay dumarating sinalubong niya siya. Si Maria ay nakaupo sa loob ng bahay.

21 Sinabi nga ni Marta kay Jesus: Panginoon, kung naririto ka sana ay hindi namatay ang aking kapatid. 22 Alam ko na kahit ngayon anuman ang hingin mo sa Diyos, ito ay ibibigay sa iyo ng Diyos.

23 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ang iyong kapatid ay muling babangon.

24 Sinabi ni Marta sa kaniya: Alam ko na siya ay muling babangon sa pagkabuhay na mag-uli sa huling araw.

25 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ako ang pagkabuhay na mag-uli at ang buhay. Siya na sumasampalataya sa akin bagamat siya ay mamamatay, siya ay mabubuhay. 26 Ang bawat isang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpa­kailanman. Sinasampalatayanan mo ba ito?

27 Sinabi niya sa kaniya: Opo, Panginoon. Sumasam­pa­lataya ako na ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na darating sa sanlibutan.

28 Nang masabi niya ang mga bagay na ito, siya ay lumakad at tinawag ng palihim ang kaniyang kapatid na si Maria. Sinabi niya sa kaniya: Ang guro ay dumating at ipinatatawag ka. 29 Pagkarinig niya nito ay agad siyang tumindig at pumunta sa kaniya. 30 Si Jesus ay hindi pa nakarating sa nayon ng mga sandaling iyon. Siya ay nasa dako pa lang na kung saan ay sinalubong siya ni Marta. 31 Ang mga Judio na umaaliw kay Maria sa bahay ay sumunod sa kaniya. Ito ay nang makita nga nila si Maria na dali-daling tumindig at lumabas. Kanilang sinabi: Siya ay pupunta sa libingan upang doon tumangis.

32 Dumating nga si Maria sa kinaroroonan ni Jesus. Nang makita niya si Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito. Sinabi niya sa kaniya: Panginoon, kung naririto ka sana ay hindi namatay ang aking kapatid.

33 Nakita ni Jesus na siya at ang mga Judiong sumama sa kaniya ay tumatangis. Siya ay namighati sa espiritu at naguluhan. 34 Sinabi niya: Saan ninyo siya inilagay?

Sinabi nila sa kaniya: Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.

35 Si Jesus ay tumangis.

36 Sinabi nga ng mga Judio: Tingnan ninyo kung gaano niya siya kamahal.

37 Sinabi ng ilan sa kanila: Ang taong ito ang nagmulat ng mga mata ng bulag. Wala ba siyang magagawa upang hindi mamatay ang taong ito?

Read full chapter