Add parallel Print Page Options

Si Jesus ang Kordero ng Diyos

29 Kinabukasan nang makita ni Juan si Jesus na papalapit sa kaniya, sinabi niya: Narito, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sangkatauhan.

30 Siya ang aking tinutukoy nang sabihin kong may paparitong kasunod ko, na isang lalaking higit kaysa sa akin sapagkat siya ay una sa akin. 31 Hindi ko siya kilala ngunit upang maihayag siya sa Israel, ako nga ay naparitong nagbabawtismo sa tubig.

32 Nagpatotoo si Juan na nagsasabi: Nakita ko ang Espiritu na bumabang buhat sa langit tulad ng isang kalapati. Ito ay nanahan sa kaniya. 33 Hindi ko siya kilala ngunit ang nagsugo sa akin upang magbawtismo sa pamamagitan ng tubig ay siya ring nagsabi sa akin: Kung kanino mo makikitang bababa at mananahan ang Espiritu, siya ang magbabawtismo ng Banal na Espiritu. 34 Aking nakita at pinatotohanan na siya ang Anak ng Diyos.

Ang mga Unang Alagad ni Jesus

35 Kinabukasan, si Juan ay muling nakatayo roon kasama ang dalawa sa kaniyang mga alagad.

36 Pagtingin niya kay Jesus na naglalakad, sinabi niya: Narito, ang Kordero ng Diyos.

37 Narinig ng dalawang alagad nang siya ay magsalita. Sumunod sila kay Jesus. 38 Paglingon ni Jesus at nakita silang sumusunod. Sinabi niya sa kanila: Ano ang inyong hinahanap?

Sinabi nila sa kaniya:Rabbi, na kung liliwanagin ay Guro, saan ka nakatira?

39 Sinabi niya sa kanila: Halikayo at inyong tingnan.

Sila ay pumaroon at nakita nila ang kaniyang tinitirahan. Nanatili silang kasama niya nang araw na iyon, noon ay mag-iikasampu na ang oras.

40 Ang isa sa dalawang nakarinig kay Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres. Siya ay kapatid ni Simon Pedro. 41 Una niyang hinanap ang kaniyang sariling kapatid na si Simon at sinabi sa kaniya: Natagpuan namin ang Mesiyas. Ang kahu­lugan ng Mesiyas ay Cristo.[a] 42 Isinama ni Andres si Simon kay Jesus.

Tiningnan siya ni Jesus at sinabi: Ikaw ay si Simon na anak ni Jonas, tatawagin kang Cefas. Kung isasalin ang Cefas ay bato.[b]

Tinawag ni Jesus sina Felipe at Natanael

43 Kinabukasan ay ninais ni Jesus na pumunta sa Galilea. Nasumpungan niya si Felipe at sinabi sa kaniya: Sumunod ka sa akin.

44 Si Felipe ay taga-Betsaida na lungsod nina Andres at Pedro. 45 Nasumpungan ni Felipe si Natanael at sinabi sa kaniya: Nasumpungan namin siya, na patungkol sa kaniya ang isinulat ni Moises sa kautusan at isinulat din ng mga propeta. Siya ay si Jesus, ang anak ni Jose na taga-Nazaret.

46 At sinabi ni Natanael sa kaniya: May mabuti bang bagay na magmumula sa Nazaret?

Sinabi sa kaniya ni Felipe: Halika at tingnan mo.

47 Nakita ni Jesus si Natanael na papalapit sa kaniya, sinabi niya ang patungkol kay Natanael: Narito, ang isang totoong taga-Israel, sa kaniya ay walang pandaraya.

48 Sinabi sa kaniya ni Natanael: Papaano mo ako nakilala?

Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Bago ka pa tawagin ni Felipe ay nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.

49 Sumagot si Natanael at sinabi sa kaniya: Guro, ikaw ang Anak ng Diyos. Ikaw ang Hari ng Israel.

50 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Sumasampalataya ka ba dahil sinabi kong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makikita mo ang mga bagay na mas dakila kaysa sa mga ito. 51 At sinabi ni Jesus sa kaniya: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo: Mula ngayon ay makikita ninyong bukas ang langit. Makikita ninyo ang mga anghel ng Diyos ay pumapa­itaas at bumababa sa Anak ng Tao.

Read full chapter

Footnotes

  1. Juan 1:41 Ang Mesiyas ay salitang Hebreo, ang Cristo ay salitang Griyego na ang ibig sabihin ay pinahiran ng langis.
  2. Juan 1:42 Ang bato sa Aramaic ay Cefas, sa Griyego ay Pedro.