Juan 1
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Salitang Nakapagbibigay ng Buhay na Walang Hanggan
1 Nang pasimula, naroon na ang tinatawag na Salita. Ang Salita ay kasama ng Dios at ang Salita ay Dios. 2 Sa simula paʼy kasama na siya ng Dios. 3 Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. 4 Ang Salita ang pinagmumulan ng buhay, at ang buhay na itoʼy ilaw, dahil ito ang nagbibigay-liwanag sa mga tao. 5 Ang ilaw na itoʼy nagliliwanag sa kadiliman,[a] at hindi ito nadaig ng kadiliman.[b]
6 Isinugo ng Dios ang isang tao na ang pangalan ay Juan. 7 Isinugo siya upang magpatotoo kung sino ang ilaw, upang sa pamamagitan ng kanyang patotoo ay sumampalataya ang lahat ng tao. 8 Hindi si Juan ang mismong ilaw, kundi naparito siya upang magpatotoo kung sino ang ilaw. 9 Ang tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa lahat ng tao ay dumating na sa mundo. 10 Naparito siya sa mundo. At kahit na nilikha ang mundo sa pamamagitan niya, hindi siya kinilala ng mundo. 11 Pumunta siya sa sarili niyang mga kababayan, pero tinanggihan siya ng karamihan. 12 Ngunit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging anak ng Dios. 13 Naging anak sila ng Dios hindi sa pamamagitan ng pisikal na pagkasilang o dahil sa kagustuhan ng tao kundi dahil sa kalooban ng Dios.
14 Nagkatawang-tao ang Salita at namuhay na kasama natin. Nakita namin ang kadakilaan niya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Puspos siya ng biyaya at pawang katotohanan ang mga sinasabi niya.
15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya at ito ang kanyang sinabi: “Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong, ‘May isang darating na kasunod ko, mas dakila siya kaysa sa akin, dahil nariyan na siya bago pa ako ipanganak.’ ”
16 Sa kasaganaan ng kanyang biyaya[c] ay tumanggap tayong lahat ng sunud-sunod na pagpapala. 17 Ibinigay sa atin ng Dios ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises, ngunit ang biyaya at katotohanan ay napasaatin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 18 Wala pang nakakita sa Dios Ama kahit kailan, ngunit ipinakilala siya sa atin ng kanyang Bugtong na Anak,[d] na Dios din nga at kapiling ng Ama.[e]
Ang Patotoo ni Juan tungkol kay Jesus(A)
19-20 Pinapunta ng mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ang ilang mga pari at Levita upang tanungin si Juan kung sino talaga siya. Tinapat sila ni Juan. Sinabi niya, “Hindi ako ang Cristo.” 21 Nagtanong sila, “Kung ganoon, sino ka? Ikaw ba si Propeta Elias?” Sumagot siya, “Hindi.” Tinanong pa nila si Juan, “Ikaw ba ang Propeta na ipinangakong darating?” “Hindi rin,” sagot ni Juan. 22 “Kung ganoon, sino ka talaga? Sabihin mo sa amin para may maisagot kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa sarili mo?” 23 Sumagot si Juan, “Ako ang taong binanggit ni Propeta Isaias nang sabihin niya,
‘Maririnig ang sigaw ng isang tao sa ilang na nagsasabi,
Tuwirin ninyo ang dadaanan ng Panginoon.’ ”[f]
24 Ang mga nagsugo sa mga taong pumunta kay Juan ay mga Pariseo.[g] 25 Tinanong nila ulit si Juan, “Bakit ka nagbabautismo kung hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?” 26 Sumagot si Juan, “Nagbabautismo ako sa tubig, ngunit may nakatayong kasama ninyo na hindi ninyo nakikilala. 27 Siya ang sinasabi kong darating na kasunod ko, at ni hindi man lang ako karapat-dapat na maging alipin niya.”[h]
28 Nangyari ito sa Betania, sa kabila ng Ilog ng Jordan, kung saan nagbabautismo si Juan.
Si Jesus ang Tupa ng Dios
29 Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na papalapit sa kanya. Sinabi niya sa mga tao, “Narito na ang Tupa ng Dios na ihahandog upang mag-alis ng kasalanan ng mga tao sa mundo! 30 Siya ang tinutukoy ko nang sabihin ko, ‘May isang darating na kasunod ko, mas dakila siya kaysa sa akin, dahil nariyan na siya bago pa ako ipanganak.’ 31 Noong unaʼy hindi ko rin kilala kung sino siya. Ngunit naparito akong nagbabautismo sa tubig upang ipakilala siya sa Israel.”
32 Pagkatapos, nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Banal na Espiritu na bumaba mula sa langit tulad ng isang kalapati at nanatili sa kanya. 33 Noong unaʼy hindi ko rin kilala kung sino siya, ngunit ang Dios na nag-utos sa akin na magbautismo sa tubig ang nagsabi sa akin, ‘Kapag nakita mong bumaba ang Banal na Espiritu at nanatili sa isang tao, ang taong iyon ang magbabautismo sa Banal na Espiritu.’ 34 Nakita ko ito at nagpapatotoo ako na siya ang Anak ng Dios.”
Ang mga Unang Tagasunod ni Jesus
35 Kinabukasan, naroon ulit si Juan kasama ang dalawa sa mga tagasunod niya. 36 Nang makita niya si Jesus na dumaraan, sinabi niya, “Narito na ang Tupa ng Dios!” 37 Nang marinig iyon ng dalawang tagasunod ni Juan, sinundan nila si Jesus. 38 Lumingon si Jesus at nakita silang sumusunod. Kaya tinanong niya sila, “Ano ang kailangan ninyo?” Sumagot sila, “Rabbi, saan po kayo nakatira?” (Ang ibig sabihin ng Rabbi ay “Guro.”) 39 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Halikayo at makikita ninyo.” Kaya sumama ang dalawa at nakita nila ang tinutuluyan niya. Bandang alas kwatro na noon ng hapon, kaya doon na sila nagpalipas ng gabi. 40 Ang isa sa dalawang nakarinig ng sinabi ni Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. 41 Kinaumagahan, hinanap kaagad ni Andres ang kapatid niyang si Simon at sinabi sa kanya, “Natagpuan na namin ang Mesias.” (Ang ibig sabihin ng Mesias ay “Cristo”.) 42 Isinama niya si Simon kay Jesus. At nang makarating sila kay Jesus, tiningnan ni Jesus si Simon at sinabi, “Ikaw si Simon na anak ni Juan, mula ngayon ay tatawagin ka nang Cefas.” (Ang Cefas ay pareho rin ng pangalang Pedro.)[i]
Ang Pagtawag ni Jesus kina Felipe at Natanael
43 Kinabukasan, nagpasya si Jesus na pumunta sa Galilea. Pagdating niya roon, nakita niya si Felipe at sinabi niya rito, “Sumunod ka sa akin.” 44 (Si Felipe ay taga-Betsaida, tulad nina Andres at Pedro.) 45 Hinanap ni Felipe si Natanael at sinabi niya rito, “Natagpuan na namin ang taong tinutukoy ni Moises sa Kautusan, at maging sa mga isinulat ng mga propeta. Siya si Jesus na taga-Nazaret na anak ni Jose.” 46 Tinanong siya ni Natanael, “May mabuti bang nanggagaling sa Nazaret?” Sumagot si Felipe, “Halika at tingnan mo.”
47 Nang makita ni Jesus na papalapit sa kanya si Natanael, sinabi niya, “Narito ang isang tunay na Israelita na hindi nandaraya.”[j] 48 Tinanong siya ni Natanael, “Paano ninyo ako nakilala?” Sumagot si Jesus, “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, nakita na kita habang nasa ilalim ka ng puno ng igos.” 49 Sinabi ni Natanael, “Guro, kayo nga ang Anak ng Dios! Kayo ang hari ng Israel!” 50 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumampalataya ka ba sa akin dahil sinabi kong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Higit pa rito ang masasaksihan mo.” 51 Sinabi pa sa kanya ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, makikita ninyo na bubukas ang langit, at makikita rin ninyo ang mga anghel ng Dios na umaakyat at bumababa sa akin na Anak ng Tao.”
Footnotes
- 1:5 kadiliman: Ang ibig sabihin, kasamaan.
- 1:5 hindi ito nadaig ng kadiliman: o, hindi ito naunawaan ng mga nasa kadiliman.
- 1:16 biyaya: Sa ibang salin ng Biblia, kagandahang-loob.
- 1:18 Bugtong na Anak: o, natatanging Anak.
- 1:18 kapiling ng Ama: o, minamahal ng Ama; o, laging kasama ng Ama; sa literal, nasa dibdib ng Ama.
- 1:23 Isa. 40:3.
- 1:24 o, Ang ilan sa mga inutusang pumunta kay Juan ay mga Pariseo.
- 1:27 Hindi … alipin niya: sa literal, Hindi man lang ako karapat-dapat na magkalag ng tali ng kanyang sandalyas.
- 1:42 Ang ibig sabihin ng Cefas o Pedro ay “Bato.”
- 1:47 hindi nandaraya: o, hindi nagsisinungaling.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®