Josue 6
Magandang Balita Biblia
Ang Pagbagsak ng Jerico
6 Isinara ang mga pintuan ng Jerico upang huwag makapasok ang mga Israelita. Ipinagbawal na lumabas o pumasok ang sinuman. 2 Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Pakinggan mo ito! Ibinigay ko na sa iyong mga kamay ang Jerico, upang sakupin ito at gapiin ang kanyang hari at magigiting na kawal. 3 Ikaw at ang iyong mga kawal ay liligid sa palibot ng Jerico minsan isang araw sa loob ng anim na araw. 4 Pauunahin mo sa Kaban ng Tipan ang pitong paring may dalang mga trumpeta na yari sa sungay. Sa ikapitong araw, pitong beses kayong liligid sa lunsod, at hihipan ng mga pari ang dala nilang trumpeta. 5 Pagkarinig ninyo ng isang malakas at mahabang tunog ng tambuli, lahat kayo'y ubod-lakas na sisigaw. Sa sandaling iyon, babagsak ang mga pader ng lunsod at walang sagabal na makakapasok doon ang lahat.”
6 Kaya't tinawag ni Josue ang mga pari ng Israel at sinabi sa kanila, “Dalhin ninyo ang Kaban ng Tipan ni Yahweh; mauuna ang pitong paring may dalang mga trumpeta.” 7 At sinabi naman niya sa mga taong-bayan, “Lumakad na kayo! Lumigid kayo sa lunsod, at paunahin ninyo sa Kaban ng Tipan ni Yahweh ang mga sandatahang lalaki.”
8 Tulad ng sinabi ni Josue, lumakad nga sa unahan ng Kaban ng Tipan ang pitong paring may dalang trumpeta, at habang lumalakad ay hinihipan nila ang mga ito.
9 Nauuna sa mga pari ang unang hanay ng mga kawal. Kasunod naman ng Kaban ng Tipan ang mga kawal na nasa panghuling hanay. Samantala, walang tigil ang tunog ng mga trumpeta. 10 Ngunit sinabi ni Josue sa mga tao, “Huwag kayong sisigaw, o magsasalita man, hanggang hindi ko kayo binibigyan ng hudyat.” 11 Sa utos nga ni Josue, iniligid nilang minsan sa lunsod ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Pagkatapos, bumalik sila sa kampo at doon sila nagpalipas ng gabi.
12 Kinabukasan, maagang bumangon si Josue. Binuhat ng mga pari ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, 13 at muling nauna rito ang pitong pari na walang tigil sa pag-ihip ng dala nilang trumpeta. Muling pumuwesto sa unahan nila ang unang hanay ng mga kawal, samantalang ang mga panghuling hanay ay nasa likuran ng Kaban ng Tipan ni Yahweh. Patuloy ang pag-ihip sa mga trumpeta. 14 Nilibot nga nilang minsan ang lunsod noong ikalawang araw, at pagkatapos ay bumalik silang muli sa kampo. Ganito ang ginawa nila araw-araw sa loob ng anim na araw.
15 Nang ikapitong araw, bumangon sila nang magbukang-liwayway, at lumibot nang pitong beses sa lunsod. Noon lamang nila ito nilibot nang pitong beses. 16 Sa ikapitong libot, hinipan ng mga pari ang mga trumpeta at iniutos ni Josue sa mga tao, “Sumigaw na kayo sapagkat ibinigay na sa inyo ni Yahweh ang lunsod! 17 Ang buong lunsod at ang anumang matatagpuan doon ay wawasakin bilang handog kay Yahweh. Si Rahab lamang at ang kanyang mga kasambahay ang ililigtas sapagkat itinago niya ang ating mga isinugo roon. 18 At huwag na huwag kayong kukuha ng anumang bagay na nakatakdang wasakin. Kapag kumuha kayo ng anuman, kayo ang magiging sanhi ng pagkapahamak ng buong Israel. 19 Ngunit ang lahat ng bagay na yari sa ginto, pilak, tanso, o bakal ay nakalaan para kay Yahweh, at dapat ilagay sa kabang-yaman ni Yahweh.”
20 Kaya't(A) hinipan nga ng mga pari ang mga trumpeta at nagsigawan nang napakalakas ang mga tao nang marinig iyon. Bumagsak ang mga pader ng lunsod at sumalakay sila. Nakapasok sila nang walang sagabal at nasakop nila ang lunsod. 21 Pinatay nila ang lahat ng tao sa lunsod—lalaki't babae, matanda't bata—at pati ang mga asno, baka at tupa.
22 Sinabi ni Josue sa dalawang espiya na isinugo niya noon, “Pumunta kayo sa bahay ng babaing inyong tinuluyan. Ilabas ninyo siya at ang buo niyang angkan, ayon sa inyong pangako sa kanya.” 23 Pumunta nga sila at inilabas si Rahab, ang kanyang ama't ina, mga kapatid at mga alipin. Inilabas din nila pati ang kanyang mga kamag-anak at dinalang lahat sa kampo ng Israel. 24 Pagkatapos ay sinunog nila ang lunsod at tinupok ang lahat ng bagay na naroon, liban sa mga yari sa ginto, pilak, tanso, o bakal. Ang mga ito'y inilagay nila sa kabang-yaman ni Yahweh. 25 Si(B) Rahab na isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw ay iniligtas ni Josue, pati ang buong angkan nito, sapagkat itinago nito ang mga lalaking isinugo upang lihim na magmanman sa Jerico. Ang mga naging anak at sumunod na salinlahi ni Rahab ay nanirahan sa Israel hanggang sa araw na ito.
26 Noon(C) di'y pinanumpa ni Josue ang buong bayan sa pangalan ni Yahweh. Sinabi niya,
“Sumpain ang sinumang magtatayong muli ng lunsod na ito ng Jerico.
Mamamatay ang anak na panganay ng sinumang muling maglalagay ng mga saligan nito.
Mamamatay ang anak na bunso ng magbabangong muli ng kanyang mga pintuan.”
27 Pinatnubayan ni Yahweh si Josue, at naging tanyag ang kanyang pangalan sa lupaing iyon.
Josue 6
Ang Biblia, 2001
Sinakop ang Jerico
6 Ang Jerico nga ay ganap na nakasara dahil sa mga anak ni Israel, walang nakakalabas at walang nakakapasok.
2 At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Tingnan mo, ibinigay ko na sa iyong kamay ang Jerico, ang hari nito at ang mga mandirigma.
3 Lilibutin ninyo ang buong lunsod, lahat ng mga lalaking mandirigma ay liligid na minsan sa lunsod. Gagawin ninyo ito sa loob ng anim na araw.
4 Ang pitong pari ay magdadala ng pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban; at sa ikapitong araw ay inyong paliligiran ng pitong ulit ang bayan at hihipan ng mga pari ang mga tambuli.
5 Kapag hinipan na nila nang matagal ang sungay ng tupa, at kapag inyong narinig ang tunog ng tambuli ay sisigaw nang malakas ang buong bayan. Ang pader ng lunsod ay guguho at ang buong bayan ay tuluy-tuloy na sasalakay.”
6 Kaya't tinawag ni Josue na anak ni Nun ang mga pari at sinabi sa kanila, “Buhatin ninyo ang kaban ng tipan; pitong pari ang magdala ng pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban ng Panginoon.”
7 At kanyang sinabi sa bayan, “Sumulong kayo at lumakad sa palibot ng lunsod; at palakarin ninyo ang mga lalaking may sandata sa unahan ng kaban ng Panginoon.”
8 Nang makapagsalita na si Josue sa bayan, ang pitong pari na may dalang pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa harapan ng Panginoon ay lumakad na pasulong at hinipan ang mga tambuli; at ang kaban ng tipan ng Panginoon ay sumunod sa kanila.
9 Ang mga lalaking may sandata ay nauna sa mga pari na humihihip ng mga tambuli, at ang bantay sa likuran ay sumusunod sa kaban, habang ang mga tambuli ay patuloy na hinihipan.
10 At iniutos ni Josue sa bayan, “Huwag kayong sisigaw, ni maririnig ang inyong tinig, ni magsasalita ng anumang salita hanggang sa araw na aking sabihing kayo'y sumigaw; at saka lamang kayo sisigaw.”
11 Kaya't kanyang inilibot na minsan sa lunsod ang kaban ng Panginoon. Sila'y pumasok sa kampo at nagpalipas ng gabi doon.
12 Kinaumagahan, si Josue ay bumangong maaga, at binuhat ng mga pari ang kaban ng Panginoon.
13 Ang pitong pari na may dalang pitong tambuli na mga sungay ng tupa ay lumakad na pasulong sa unahan ng kaban ng Panginoon, habang patuloy na hinihipan ang mga tambuli. Ang mga lalaking may sandata ay nauna sa kanila; at ang bantay sa likuran ay sumusunod sa kaban ng Panginoon, habang patuloy na hinihipan ang mga tambuli.
14 Sa ikalawang araw ay minsan silang lumakad sa palibot ng lunsod at bumalik sila sa kampo. Gayon ang kanilang ginawa sa loob ng anim na araw.
15 At nangyari, nang ikapitong araw nang mag-uumaga na, sila'y maagang bumangon at pitong ulit silang lumakad sa palibot ng lunsod sa gayunding paraan. Nang araw lamang na iyon sila lumakad ng pitong ulit sa palibot ng lunsod.
16 Sa ikapitong ulit, nang hipan ng mga pari ang mga tambuli ay sinabi ni Josue sa bayan, “Sumigaw kayo; sapagkat ibinigay na ng Panginoon sa inyo ang lunsod.
17 Ang lunsod pati ang lahat na naroroon ay itatalaga sa Panginoon sa pagkawasak. Tanging si Rahab na upahang babae, siya at ang lahat na kasama niya sa bahay ang mananatiling buháy sapagkat kanyang ikinubli ang mga sugo na ating isinugo.
18 Ngunit kayo, layuan ninyo ang mga itinalagang bagay; baka kapag naitalaga na sa inyo ay kumuha kayo ng anuman sa itinalagang bagay. Sa gayo'y susumpain dahil sa inyo ang kampo ng Israel, at magkakaroon ng kaguluhan.
19 Ngunit lahat ng pilak, ginto, mga sisidlang tanso at bakal ay banal sa Panginoon; ang mga ito ay ipapasok sa kabang-yaman ng Panginoon.”
20 Kaya't(A) sumigaw ang bayan, at hinipan ang mga tambuli. Nang marinig ng bayan ang tunog ng tambuli, ang bayan ay sumigaw ng napakalakas. Ang pader ay gumuho, kaya't ang bayan ay lumusob sa lunsod, ang bawat lalaki ay tuluy-tuloy na pumasok at kanilang sinakop ang lunsod.
21 Kanilang lubos na pinuksa ng talim ng tabak ang lahat ng nasa lunsod, maging lalaki at babae, ang bata at matanda, ang baka, tupa, at asno.
22 At sinabi ni Josue sa dalawang lalaking naniktik sa lupain, “Pumasok kayo sa bahay ng upahang babae at ilabas ninyo roon ang babae at ang lahat niyang ari-arian gaya ng inyong ipinangako sa kanya.”
23 Kaya't ang mga binatang espiya ay pumasok at inilabas si Rahab, ang kanyang ama, ina, mga kapatid, at lahat ng kanyang ari-arian. Ang lahat niyang kamag-anak ay kanila ring inilabas at sila ay inilagay sa labas ng kampo ng Israel.
24 At kanilang sinunog ng apoy ang lunsod at ang lahat na naroroon; tanging ang pilak at ginto, mga sisidlang tanso at bakal ang kanilang ipinasok sa kabang-yaman ng bahay ng Panginoon.
25 Ngunit(B) si Rahab na upahang babae, ang sambahayan ng kanyang ama, at ang lahat niyang ari-arian ay iniligtas ni Josue. Siya'y nanirahang kasama ng Israel hanggang sa araw na ito, sapagkat kanyang ikinubli ang mga sugo na ipinadala ni Josue upang maniktik sa Jerico.
26 Sumumpa(C) si Josue ng sumpa sa kanila nang panahong iyon, na sinasabi, “Sumpain sa harapan ng Panginoon ang taong magbabangon at muling magtatayo nitong lunsod ng Jerico. Sa halaga ng kanyang panganay ay ilalagay niya ang saligan nito at sa halaga ng kanyang bunsong lalaki ay itatayo niya ang mga pintuan nito.”
27 Kaya't ang Panginoon ay naging kasama ni Josue; at ang kanyang kabantugan ay lumaganap sa buong lupain.
Josue 6
Ang Biblia (1978)
Ang Jerico ay kinubkob at iginiba.
6 Ang Jerico nga ay lubos na nakukubkob dahil sa mga anak ni Israel: walang nakalalabas, at walang nakapapasok.
2 At sinabi ng Panginoon kay Josue, Tingnan mo, (A)aking ibinigay sa iyong kamay ang Jerico, at ang hari niyaon, at ang mga makapangyarihang lalaking matapang.
3 At iyong liligirin ang bayan, lahat ng mga lalaking pangdigma, na liligid na minsan sa bayan. Ganito mo gagawin na anim na araw.
4 At pitong saserdote sa unahan ng kaban ay magdadala ng pitong (B)pakakak na mga sungay ng tupa: at sa ikapitong araw ay inyong liligiring makapito ang bayan, at ang mga (C)saserdote ay hihipan ang mga pakakak.
5 At mangyayari, na pagka (D)hinipan nila ng matagal ang sungay ng tupa, at pagka inyong narinig ang tunog ng pakakak, ay hihiyaw ng malakas ang buong bayan; at ang kuta ng bayan ay guguho, at ang bayan ay sasampa ang bawa't isa'y tapatan sa harap niya.
6 At tinawag ni Josue na anak ni Nun ang mga saserdote, at sinabi sa kanila, Buhatin ninyo ang kaban ng tipan, at magdala ang pitong saserdote ng pitong pakakak na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban ng Panginoon.
7 At kaniyang sinabi sa bayan, Magpauna kayo, at ligirin ninyo ang bayan, at papagpaunahin ninyo ang mga lalaking may sandata sa unahan ng kaban ng Panginoon.
8 At nangyari, na pagkapagsalita ni Josue sa bayan, ay nagpauna sa Panginoon ang pitong saserdote na may tangang pitong pakakak na mga sungay ng tupa, at humihip ng mga pakakak; at ang kaban ng tipan ng Panginoon ay sumusunod sa kanila.
9 At ang mga lalaking may sandata ay nagpauna sa mga saserdote na humihihip ng mga pakakak, at ang bantay[a] likod ay sumusunod sa kaban, na ang mga saserdote ay humihip ng mga pakakak habang sila'y yumayaon.
10 At iniutos ni Josue sa bayan, na sinasabi, Huwag kayong hihiyaw, ni huwag ninyong iparirinig ang inyong tinig, ni huwag magbubuka ang inyong bibig ng anomang salita, hanggang sa araw na aking sabihing kayo'y humiyaw; kung magkagayo'y hihiyaw kayo.
11 Sa gayo'y kaniyang iniligid sa bayan ang kaban ng Panginoon, na lumigid na minsan: at sila'y nasok sa kampamento, at tumigil sa kampamento.
12 At si Josue ay bumangong maaga sa kinaumagahan, at binuhat (E)ng mga saserdote ang kaban ng Panginoon.
13 At ang pitong saserdote na may tangang pitong pakakak na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban ng Panginoon ay yumaon na patuloy, at humihihip ng mga pakakak: at ang mga lalaking may sandata ay nagpauna sa kanila; at ang bantay likod ay sumusunod sa kaban ng Panginoon, na ang mga saserdote ay humihihip ng mga pakakak habang sila'y yumayaon.
14 At sa ikalawang araw ay kanilang niligid na minsan ang bayan, at nagsibalik sa kampamento: kanilang ginawang gayon na anim na araw.
15 At nangyari nang ikapitong araw, na sila'y bumangong maaga sa pagbubukang liwayway, at niligid ang bayan ng gayon ding paraan na makapito: nang araw lamang na yaon kanilang niligid ang bayan na makapito.
16 At nangyari, sa ikapito, nang humihip ng mga pakakak ang mga saserdote, ay sinabi ni Josue sa bayan, Humiyaw kayo; sapagka't ibinigay na ng Panginoon sa inyo ang bayan.
17 At ang bayan ay (F)matatalaga sa Panginoon, yaon at ang lahat na tumatahan doon: si Rahab na patutot lamang ang mabubuhay, siya at ang lahat na kasama niya sa bahay, sapagka't kaniyang (G)ikinubli ang mga sugo na ating sinugo.
18 At kayo, sa anomang paraan ay magsipagingat sa itinalagang bagay; baka pagka naitalaga na sa inyo ay kumuha kayo sa itinalagang bagay; sa gayo'y inyong ipasusumpa ang kampamento ng Israel, at inyong (H)babagabagin.
19 Nguni't lahat na pilak, at ginto, at mga sisidlang tanso at bakal, ay banal sa Panginoon: pawang ipapasok sa silid ng kayamanan ng Panginoon.
20 Sa gayo'y humiyaw ang bayan, at ang mga saserdote ay humihip ng mga pakakak: at nangyari nang marinig ng bayan ang tunog ng pakakak na ang bayan ay humiyaw ng malakas, at (I)ang kuta ay gumuho, na ano pa't ang bayan ay sumampang nasok sa siyudad, na bawa't isa'y matuwid na nagpatuloy, at kanilang sinakop ang bayan.
21 At kanilang lubos na nilipol ng talim ng tabak ang (J)lahat na nasa bayan, ang lalake at gayon din ang babae, ang binata at gayon din ang matanda, at ang baka, at ang tupa, at ang asno.
Si Rahab ay naligtas.
22 At sinabi ni Josue sa dalawang lalaking tumiktik sa lupain, Pumasok kayo sa bahay ng patutot, at ilabas ninyo roon ang babae, at ang lahat niyang tinatangkilik, na (K)gaya ng inyong isinumpa sa kaniya.
23 At ang mga binata na mga tiktik ay pumasok, at inilabas si (L)Rahab, at ang kaniyang ama, at ang kaniyang ina, at ang kaniyang mga kapatid, at lahat ng kaniyang tinatangkilik; lahat niyang kamaganakan naman ay kanilang inilabas; at kanilang inilagay sila sa labas ng kampamento ng Israel.
24 At kanilang sinunog ng apoy ang bayan, at lahat na (M)nandoon: ang pilak lamang, at ang ginto, at ang mga sisidlang tanso at bakal, ang kanilang ipinasok sa silid ng kayamanan ng bahay ng Panginoon.
25 Nguni't si Rahab na patutot at ang sangbahayan ng kaniyang ama, at ang lahat niyang tinatangkilik, ay iniligtas na buháy ni Josue; at siya'y (N)tumahan sa gitna ng Israel, hanggang sa araw na ito; sapagka't kaniyang ikinubli ang mga sugo na sinugo ni Josue upang tumiktik sa Jerico.
26 At binilinan sila ni Josue sa pamamagitan (O)ng sumpa nang panahong yaon, na sinasabi, (P)Sumpain ang lalake sa harap ng Panginoon, na magbangon at magtayo nitong bayan ng Jerico; kaniyang inilagay ang tatagang-baon niyaon sa kamatayan ng kaniyang panganay, at kaniyang itatayo ang mga pintuang-bayan niyaon sa kamatayan ng kaniyang bunso.
27 (Q)Sa gayo'y ang Panginoon ay sumama kay Josue; at ang kaniyang (R)kabantugan ay lumaganap sa buong lupain.
Footnotes
- Josue 6:9 Blg. 10:25. Is. 52:12; 58:8.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
