Add parallel Print Page Options

Nagtayo ang mga Israelita ng Monumento

Nang makatawid na ang lahat ng mamamayan ng Israel sa Ilog ng Jordan, sinabi ng Panginoon kay Josue, “Pumili ka ng 12 lalaki, isa sa bawat lahi, at utusan ang bawat isa sa kanila na kumuha ng isang bato sa gitna ng ilog, doon sa kinatatayuan ng mga pari. Pagkatapos, dadalhin nila ito sa lugar na tutuluyan nʼyo ngayong gabi.”

Kaya tinawag ni Josue ang 12 lalaki na pinili niya mula sa bawat lahi ng Israel at sinabi, “Pumunta kayo sa gitna ng ilog, sa harap ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na inyong Dios. Ang bawat isa sa inyoʼy kumuha ng isang malaking bato para sa bawat lahi ng Israel at pasanin ito. Gawin nʼyo agad itong monumento bilang alaala sa ginawa ng Panginoon. Sa darating na panahon, kapag nagtanong ang mga anak nʼyo kung ano ang ibig sabihin ng mga batong ito, sabihin nʼyo sa kanila na huminto sa pagdaloy ang Ilog ng Jordan nang itinawid dito ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. Ang mga batong ito ay isang alaala para sa mga mamamayan ng Israel magpakailanman.”

Sinunod ng 12 Israelita ang iniutos sa kanila ni Josue, ayon sa sinabi ng Panginoon. Kumuha sila ng 12 bato sa gitna ng ilog, isang bato para sa bawat lahi ng Israel. Dinala nila ang mga bato sa kampo nila at inilagay doon. Naglagay din si Josue ng 12 bato sa gitna ng ilog, sa lugar na kinatatayuan mismo ng mga paring buhat ang Kahon ng Kasunduan. Hanggang ngayon nandoon pa ang mga batong iyon. 10 Nanatiling nakatayo sa gitna ng ilog ang mga pari hanggang sa matapos ng mga tao ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Josue, na ayon din sa iniutos ni Moises kay Josue.

11 Nang makatawid na silang lahat, itinawid din ang Kahon ng Kasunduan. At nauna ulit ang mga pari sa mga tao. 12 Tumawid din at nauna sa mga tao ang mga lalaking armado mula sa lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase, ayon sa iniutos ni Moises sa kanila. 13 Ang 40,000 armadong lalaki ay dumaan sa presensya ng Panginoon[a] at pumunta sa Kapatagan ng Jerico para makipaglaban.

14 Nang araw na iyon, pinarangalan ng Panginoon si Josue sa harap ng mga Israelita. At iginalang si Josue ng mga tao sa buong buhay niya gaya ng ginawa ng mga tao kay Moises.

15 Pagkatawid noon ng mga Israelita sa Ilog ng Jordan, sinabi ng Panginoon kay Josue, 16 “Utusan mo ang mga paring may buhat ng Kahon ng Kasunduan, na umahon na sila sa Ilog ng Jordan.” 17 At sinunod iyon ni Josue. 18 Kaya umahon ang mga pari na dala ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. At pagtapak nila sa pampang, dumaloy ulit ang tubig at umapaw gaya ng dati.

19 Ang pagtawid ng mga Israelita sa Ilog ng Jordan ay nangyari nang ikasampung araw ng unang buwan. Pagkatapos, nagkampo ang mga Israelita sa Gilgal, sa gawing silangan ng Jerico. 20 Doon ipinalagay ni Josue ang 12 bato na ipinakuha niya sa Ilog ng Jordan. 21 Sinabi ni Josue sa mga Israelita, “Sa darating na panahon, kapag nagtanong sa inyo ang mga anak nʼyo kung anong ibig sabihin ng mga batong ito, 22 sabihin nʼyo na lumakad sa tuyong lupa ang mga Israelita nang tumawid sila sa Ilog ng Jordan. 23 Sabihin nʼyo sa kanila na pinatuyo ng Panginoon na inyong Dios ang Ilog ng Jordan hanggang sa makatawid kayo, gaya ng ginawa niya sa Dagat na Pula hanggang sa makatawid tayo. 24 Ginawa niya ito para kilalanin ng lahat ng mga tao sa mundo na makapangyarihan ang Panginoon at upang lagi kayong magkaroon ng takot sa Panginoon na inyong Dios.”

Ang Pagtutuli

Nabalitaan ng lahat ng hari na Amoreo sa kanluran ng Jordan at ng lahat ng haring Cananeo sa baybayin ng Dagat ng Mediteraneo kung paanong pinatuyo ng Panginoon ang Ilog ng Jordan nang tumawid ang mga Israelita. Kaya natakot sila at naduwag sa pakikipaglaban sa mga Israelita.

Nang panahong iyon, sinabi ng Panginoon kay Josue, “Gumawa ka ng mga patalim na gawa sa bato, at tuliin ang mga Israelita.” (Ito ang ikalawang pagkakataon na tutuliin ang mga Israelitang hindi pa tuli.) Kaya gumawa si Josue ng mga patalim, at tinuli ang mga lalaking Israelita roon sa lugar na tinawag na Bundok ng Pinagtulian.

4-6 Ito ang dahilan kung bakit tinuli ni Josue ang mga lalaki: Nang umalis ang mga Israelita sa Egipto, ang lahat ng lalaki ay natuli na. Pero ang mga isinilang sa loob ng 40 taon na paglalakbay nila sa ilang ay hindi pa natutuli. Nang panahong iyon, ang mga lalaking nasa tamang edad na para makipaglaban ay nangamatay dahil hindi sila sumunod sa Panginoon. Sinabi sa kanila ng Panginoon na hindi nila makikita ang maganda at masaganang lupain[b] na ipinangako niya sa mga ninuno nila. Ang mga anak nilang lalaki na pumalit sa kanila ang tinuli ni Josue, dahil hindi pa sila tuli nang panahong naglalakbay sila. Matapos silang matuli, nanatili sila sa mga kampo nila hanggang sa gumaling ang mga sugat nila.

At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito, inalis ko sa inyo ang kahihiyan ng pagiging alipin nʼyo sa Egipto.” Kaya ang lugar na iyon ay tinawag na Gilgal[c] hanggang ngayon.

10 Noong gabi nang ika-14 na araw ng unang buwan, habang nagkakampo pa ang mga Israelita sa Gilgal, sa Kapatagan ng Jerico, ipinagdiwang nila ang Pista ng Paglampas ng Anghel. 11 Kinaumagahan, kumain sila ng mga produkto ng lupaing iyon: binusang trigo at tinapay na walang pampaalsa. 12 Mula nang araw na iyon, tumigil na ang pagbagsak ng “manna”, at wala ng “manna” ang mga Israelita. Ang pagkain nila ay galing na sa inani sa lupain ng Canaan.

13 Nang malapit na si Josue sa Jerico, bigla niyang nakita ang isang lalaking nakatayo sa harap niya na may hawak na espada. Tinanong siya ni Josue, “Kakampi ka ba namin o kalaban?” 14 “Hindi,” sagot ng lalaki. “Naparito ako bilang pinuno ng mga sundalo ng Panginoon.” Nagpatirapa si Josue bilang paggalang sa kanya at nagtanong, “Ginoo, ano po ang gusto nʼyong ipagawa sa akin na inyong lingkod?” 15 Sumagot ang kumander ng mga sundalo ng Panginoon, “Hubarin mo ang sandalyas mo, dahil banal na lugar ang kinatatayuan mo.” At sinunod ni Josue ang iniutos sa kanya.

Footnotes

  1. 4:13 presensya ng Panginoon: Maaring ang ibig sabihin, Kahon ng Kasunduan.
  2. 5:4-6 masaganang lupain: sa literal, lupain na dumadaloy ang gatas at pulot.
  3. 5:9 Gilgal: Maaaring ang ibig sabihin, inalis.