Add parallel Print Page Options

Ang Lupaing Sasakupin

13 Napakatanda na ni Josue. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Matanda ka na at marami pang lupain ang kailangang sakupin. Ito pa ang mga naiwan: ang lahat ng lupain ng mga Filisteo at Geshureo na bahagi ng teritoryo ng mga Cananeo. Ito ay mula sa ilog ng Shihor sa silangan ng Egipto, hanggang sa hilagang hangganan ng Ekron kasama ang limang bayan ng mga Filisteo: Gaza, Ashdod, Ashkelon, Gat at Ekron, at ang lupain ng mga Aveo sa timog; ang lahat ng lupain ng mga Cananeo mula sa Meara, na dating nasasakupan ng mga Sidoneo, hanggang sa Afek na nasa hangganan ng lupain ng mga Amoreo; ang lupain ng mga Gebaleo, at ang buong Lebanon sa silangan, mula sa Baal Gad sa ibaba ng Bundok ng Hermon hanggang sa Lebo Hamat; at pati ang mga kabundukan mula sa Lebanon hanggang sa Misrefot Maim, na bahagi ng nasasakupan ng mga Sidoneo.

“Sa paglusob ninyo, ako mismo ang magtataboy sa mga nakatira sa mga lugar na ito. Tiyakin mong mahahati-hati ang mga lupaing ito sa mga Israelita bilang mana nila, ayon sa iniutos ko sa iyo. Isama mo ito sa paghahatiang lupain ng siyam na lahi at sa kalahating lahi ni Manase.”

Ang lahi ni Reuben, Gad at ang kalahating lahi ni Manase ay binigyan na ni Moises na lingkod ng Dios ng bahagi nila sa silangan ng Jordan. Ang lupa nila ay mula sa Aroer sa tabi ng Lambak ng Arnon (kasama na ang bayan sa gitna nito) papunta sa buong talampas ng Medeba hanggang sa Dibon. 10 Umabot ito sa lahat ng bayan na pinamahalaan ni Sihon na Amoreo na naghari sa Heshbon, hanggang sa hangganan ng mga Ammonita. 11 Nakasama rin ang Gilead at ang mga lupaing tinirhan ng mga Geshureo at mga Maacateo at ang buong lugar na tinatawag na Bundok ng Hermon, at ang buong Bashan hanggang Saleca. 12 Nakasama rin ang kaharian ni Og na naghari sa Ashtarot at sa Edrei. Si Og ay isa sa mga naiwang Refaimeo. Silaʼy tinalo ni Moises at itinaboy sa kanilang mga lupain. 13 Pero hindi naitaboy[a] ng mga Israelita ang mga Geshureo at mga Maacateo, kaya nakatira pa rin sila kasama ng mga Israelita hanggang ngayon.

14 Hindi binigyan ni Moises ang lahi ni Levi ng lupain bilang mana. Ang matatanggap nila ay ang bahagi ng mga handog sa pamamagitan ng apoy[b] na para sa Panginoon, ang Dios ng Israel, ayon sa sinabi niya kay Moises.

15 Ito ang bahagi ng lupain na ibinigay ni Moises sa lahi ni Reuben, na hinati ayon sa bawat pamilya: 16 Ang nasasakupan nila ay mula sa Aroer na nasa tabi ng Lambak ng Arnon (kasama na ang bayan sa gitna nito) hanggang sa buong talampas ng Medeba. 17 Nakasama rin ang Heshbon at ang lahat ng bayan nito sa talampas: ang Dibon, Bamot Baal, Bet Baal Meon, 18 Jahaz, Kedemot, Mefaat, 19 Kiriataim, Sibma, Zeret Shahar (na nasa burol sa gitna ng lambak), 20 Bet Peor, ang libis ng Pisga, Bet Jeshimot, 21 at ang lahat ng bayan sa buong talampas at ang lahat ng lugar na sakop ng hari ng Amoreo na si Haring Sihon ng Heshbon. Tinalo siya ni Moises pati ang mga pinuno ng Midian na sina Evi, Rekem, Zur, Hur at Reba. Lahat sila ay naghari sa mga lupain nila sa ilalim ng pamamahala ni Haring Sihon. 22 Kasama sa mga pinatay ng mga Israelita si Balaam na manghuhula na anak ni Beor. 23 Ang Ilog ng Jordan ay ang hangganan ng lahi ni Reuben. Ito nga ang mga bayan at baryo na ibinigay sa lahi ni Reuben na hinati sa bawat sambahayan. 24 Ito naman ang bahagi ng lupain na ibinigay ni Moises sa lahi ni Gad, na hinati ayon sa bawat sambahayan: 25 Ang Jazer at ang lahat ng bayan ng Gilead, at ang kalahati ng lupain ng mga Ammonita hanggang sa Aroer malapit sa Rabba. 26 Nakasama rin ang mga lupain mula sa Heshbon hanggang sa Ramat Mizpa at Betomin, at mula sa Mahanaim hanggang sa hangganan ng Lo Debar. 27 Ang lupaing natanggap nila sa Lambak ng Jordan[c] ay ang Bet Haram, Bet Nimra, Sucot, Zafon at ang nalalabi sa kaharian ni Haring Sihon ng Heshbon. Ang hangganan sa kanluran ay ang Ilog ng Jordan hanggang sa Lawa ng Galilea. 28 Ito ang mga bayan at baryo na ibinigay sa lahi ni Gad na hinati ayon sa bawat sambahayan.

29 Ito naman ang bahagi ng lupain na ibinigay ni Moises sa kalahating lahi ni Manase, na hinati ayon sa bawat sambahayan: 30 Mula sa Mahanaim hanggang sa buong Bashan, ang buong kaharian ni Haring Og ng Bashan at ang 60 bayan ng Jair na sakop ng Bashan. 31 Nakasama rin ang kalahati ng Gilead, at ang Ashtarot at Edrei, ang mga lungsod sa Bashan kung saan naghari si Og. Ito ang lupain na ibinigay sa kalahating angkan ni Makir na anak ni Manase, ayon sa bawat pamilya.

32 Ito ang ginawang paghahati-hati ni Moises sa mga lupain sa silangan ng Jerico at Jordan nang nandoon siya sa kapatagan ng Moab. 33 Pero sa lahi ni Levi, hindi niya sila binigyan ng lupain bilang mana dahil ang mamanahin nila ay ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ayon sa ipinangako sa kanila.

Ang Pagkakahati-hati ng Lupain sa Kanluran ng Jordan

14 Ito ang pagkakahati ng iba pang mga lupain ng Canaan sa mga Israelita. Hinati-hati ito nila Eleazar na pari, Josue na anak ni Nun, at ng mga pinuno ng mga sambahayan ng bawat lahi ng Israel. Ayon sa utos ng Panginoon kay Moises, ang mga lupain ng siyam at kalahati na mga lahi ay pinaghahati-hati sa kanila sa pamamagitan ng palabunutan. 3-4 Ibinigay na ni Moises sa dalawaʼt kalahating lahi ang bahagi nila sa silangan ng Jordan. (Ang lahi ni Jose ay hinati sa dalawa, ang lahi ni Manase at ang lahi ni Efraim.) Hindi binigyan ng lupain ang mga Levita, pero binigyan sila ng mga bayan na titirhan nila at mga bukirin para sa mga hayop nila. Ganito ang paghahati ng mga lupain sa mga Israelita ayon sa utos ng Panginoon kay Moises.

Ibinigay kay Caleb ang Hebron

Isang araw pumunta kay Josue sa Gilgal ang ilang mga tao mula sa lahi ni Juda. Ang isa sa kanila ay si Caleb na anak ni Jefune na Kenizeo. Sinabi niya kay Josue, “Naaalala mo pa ba ang sinabi ng Panginoon kay Moises na lingkod ng Dios tungkol sa ating dalawa nang naroon tayo sa Kadesh Barnea? Akoʼy 40 taong gulang pa lang noon nang inutusan ako ni Moises mula sa Kadesh Barnea para mag-espiya sa lupaing iyon, at ipinagtapat ko sa kanya ang lahat ng nalaman ko. Ngunit tinakot ng mga kasama ko ang mga kababayan natin. Pero ako, matapat kong sinunod ang Panginoon kong Dios. Kaya nang araw na iyon, nangako si Moises sa akin. Sinabi niya, ‘Dahil matapat ka sa pagsunod sa Panginoon kong Dios, magiging iyo at sa mga angkan mo ang lupaing pinuntahan mo para mag-espiya.’

10 “Nakalipas na ang 45 taon nang sabihin iyon ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises. Naglalakbay pa noon ang mga Israelita sa ilang. Buhay pa ako hanggang ngayon at 85 taong gulang na ako, 11 pero ang lakas ko ay gaya pa rin noong panahon na inutusan ako ni Moises. Kayang-kaya ko pang makipaglaban gaya nang dati. 12 Kaya ibigay mo na sa akin ang kabundukan na ipinangako sa akin noon ng Panginoon. Ikaw mismo ang nakarinig noon, na nakatira roon ang mga lahi ni Anak at matitibay ang mga lungsod nila na may mga pader. Pero sa tulong ng Panginoon, maitataboy ko sila sa lupaing iyon ayon sa pangako niya sa akin.”

13 Binasbasan ni Josue si Caleb na anak ni Jefune, at ibinigay sa kanya ang Hebron bilang mana niya. 14 Hanggang ngayon, ang Hebron ay pagmamay-ari ng mga angkan ni Caleb na anak ni Jefune na Kenizeo dahil matapat na sinunod ni Caleb ang Panginoon, ang Dios ng Israel. 15 Kiriat Arba ang pangalan noon ng Hebron bilang alaala kay Arba, ang pinakatanyag sa mga lahi ni Anak.

At nahinto na ang labanan sa lupain ng mga Israelita.

Ang mga Lupain na Ibinigay kay Juda

15 Ito ang mga lupaing natanggap ng lahi ni Juda, na hinati ayon sa bawat sambahayan: Ang lupain ay umaabot sa hangganan ng Edom sa timog, sa dulo ng ilang ng Zin. Ang kanilang hangganan sa timog ay nagsisimula sa baybayin ng katimugang bahagi ng Dagat na Patay[d] papunta sa timog ng Daang Paahon ng Akrabim hanggang sa ilang ng Zin papunta sa timog ng Kadesh Barnea, at lumampas sa Hezron paakyat sa Adar at paliko papunta sa Karka, papunta sa Azmon, sa Lambak ng Egipto at sa Dagat ng Mediteraneo. Ito ang hangganan ng Juda sa timog. Ang hangganan sa silangan ay ang Dagat na Patay hanggang sa labasan ng tubig ng Ilog ng Jordan.

Ang hangganan sa hilaga ay nagmula roon sa labasan ng tubig ng Ilog ng Jordan, paakyat sa Bet Hogla, at papunta sa hilaga ng Bet Araba hanggang sa Bato ni Bohan. (Si Bohan ay anak ni Reuben.) Mula rito, papunta sa Lambak ng Acor[e] hanggang sa Debir, at paliko sa hilaga papunta sa Gilgal na nakaharap sa Daang Paahon ng Adumim sa katimugang bahagi ng daluyan ng tubig. At umaabot ito papunta sa mga bukal ng En Shemesh at palabas ng En Rogel. Mula roon papunta sa Lambak ng Ben Hinom hanggang sa katimugang libis ng lungsod ng mga Jebuseo. (Ito ay ang Jerusalem.) Mula roon, paahon sa tuktok ng bundok sa kanluran ng Lambak ng Ben Hinom sa dulo ng hilagang bahagi ng Lambak ng Refaim. At mula roon, papunta sa Bukal ng Neftoa, palabas sa mga bayan na malapit sa Bundok ng Efron. Mula roon, pababa sa Baala (na siyang Kiriat Jearim), 10 lumiko sa bandang kanluran ng Baala papunta sa Bundok ng Seir. Pagkatapos, papunta ito sa hilagang bahagi ng libis ng Bundok ng Jearim (na siyang Kesalon), papunta sa Bet Shemesh at dumadaan sa Timnah. 11 Mula roon, nagpatuloy ito sa hilagang bahagi ng libis ng Ekron at paliko papunta sa Shikeron, at dumaraan sa Bundok ng Baala hanggang sa Jabneel. Ang hangganan nito ay ang Dagat ng Mediteraneo, 12 at ito rin ang hangganan sa kanluran. Iyon ang mga hangganan sa paligid ng lupaing hinati sa mga sambahayan ng lahi ni Juda.

Ang Lupaing Ibinigay kay Caleb(A)

13 Inutos ng Panginoon kay Josue na ibigay niya ang isang bahagi ng lupain ng lahi ni Juda kay Caleb na anak ni Jefune. Ang lupaing ito ay ang Kiriat Arba, na siyang Hebron. (Si Arba ang ama ni Anak.) 14 Pinalayas ni Caleb sa lupaing iyon ang tatlong lahi ni Anak: ang mga sambahayan nina Sheshai, Ahiman at Talmai. 15 Mula roon nilusob niya ang mga nakatira sa Debir (na noon ay tinatawag na Kiriat Sefer). 16 Sinabi ni Caleb, “Ibibigay ko bilang asawa ang anak kong si Acsa sa lalaking makakaagaw ng Kiriat Sefer.” 17 Si Otniel na anak ni Kenaz na kapatid ni Caleb ang nakaagaw ng lungsod. Kaya sa kanya ibinigay ni Caleb ang anak niyang si Acsa para maging asawa. 18 Nang ikinasal na sila, hinikayat ni Acsa ang asawa niya na humingi sila ng dagdag na lupain sa ama nito. Pagkatapos, pumunta si Acsa kay Caleb, at nang makababa na siya sa kanyang asno, tinanong siya ni Caleb kung ano ang kailangan niya. 19 Sumagot si Acsa, “Hihingi po sana ako ng pabor sa inyo, gusto ko po sanang bigyan nʼyo ako ng lupaing may mga bukal dahil ang lupaing ibinigay nʼyo sa akin sa Negev ay walang bukal.” Kaya ibinigay sa kanya ni Caleb ang lugar na may mga bukal sa itaas at sa ibaba ng Negev.

Ang mga Lungsod ng Juda

20 Ito ang mga lungsod na natanggap ng lahi ni Juda na hinati ayon sa bawat sambahayan:

21 Ang mga bayan sa timog, sa pinakadulo ng Negev malapit sa hangganan ng Edom: Kabzeel, Eder, Jagur, 22 Kina, Dimona, Adada, 23 Kedesh, Hazor, Itnan, 24 Zif, Telem, Bealot, 25 Hazor Hadata, Keriot Hezron (na siyang Hazor), 26 Amam, Shema, Molada, 27 Hazar Gada, Heshmon, Bet Pelet, 28 Hazar Shual, Beersheba, Biziotia, 29 Baala, Iim, Ezem, 30 Eltolad, Kesil, Horma, 31 Ziklag, Madmana, Sansana, 32 Lebaot, Shilhim, Ayin at Rimon – 29 na bayan lahat, kasama ang mga bayan at mga baryo sa paligid nito.

33 Ang mga bayan sa kaburulan sa kanluran[f]: Estaol, Zora, Ashna, 34 Zanoa, En Ganim, Tapua, Enam, 35 Jarmut, Adulam, Soco, Azeka, 36 Shaaraim, Aditaim, Gedera (o Gederotaim) – 14 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.

37 Kasama rin ang Zenan, Hadasha, Migdal Gad, 38 Dilean, Mizpa, Jokteel, 39 Lakish, Bozkat, Eglon, 40 Cabon, Lamas, Kitlis, 41 Gederot, Bet Dagon, Naama at Makeda – 16 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.

42 Kasama pa ang Libna, Eter, Ashan, 43 Ifta, Ashna, Nezib, 44 Keila, Aczib at Maresha – 9 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.

45 Ganoon din ang Ekron at ang mga bayan at baryo sa paligid nito, 46 at ang lahat ng bayan at mga baryo na malapit sa Ashdod mula sa Ekron papunta sa Dagat ng Mediteraneo. 47 Ang Ashdod at Gaza, kasama ang mga bayan nito at mga baryo hanggang sa Lambak ng Egipto at sa baybayin ng Dagat ng Mediteraneo.

48 Ang mga bayan sa kabundukan: Shamir, Jatir, Soco, 49 Dana, Kiriat Sana (na siyang Debir), 50 Anab, Estemo, Anim, 51 Goshen, Holon at Gilo – 11 bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.

52 Ganoon din ang Arab, Duma, Eshan, 53 Janim, Bet Tapua, Afek, 54 Humta, Kiriat Arba (na siyang Hebron) at Zior – 9 bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.

55 Kabilang din ang Maon, Carmel, Zif, Juta, 56 Jezreel, Jokdeam, Zanoa 57 Kain, Gibea at Timnah – 10 bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.

58 Ganoon din ang Halhul, Bet Zur at Gedor, 59 Maarat, Bet Anot at Eltekon – 6 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito. 60 Ang Kiriat Baal (na siyang Kiriat Jearim) at ang Rabba – 2 bayan, kasama ang mga baryo sa paligid nito.

61 Ang mga bayan sa ilang: Bet Araba, Midin, Secaca, 62 Nibshan, ang bayan ng Asin at ang En Gedi – 6 na bayan, kasama ang mga baryo sa paligid nito.

63 Pero hindi mapaalis ng lahi ng Juda ang mga Jebuseo na nakatira sa Jerusalem. Kaya hanggang ngayon doon pa sila nakatira kasama ng mga mamamayan ng Juda.

Footnotes

  1. 13:13 hindi naitaboy: o, hindi na ipinagtabuyan.
  2. 13:14 handog … apoy: Tingnan ang footnote sa Bil. 15:3.
  3. 13:27 Lambak ng Jordan: sa Hebreo, Araba.
  4. 15:2 Dagat na Patay: sa Hebreo, napakaalat na dagat.
  5. 15:7 Acor: Ang ibig sabihin, kaguluhan.
  6. 15:33 kaburulan sa kanluran: sa Hebreo, Shefela.