Add parallel Print Page Options

Nalupig ang mga Amoreo

10 Nabalitaan ni Adonizedec, hari ng Jerusalem, na sinakop at tinupok ni Josue ang lunsod ng Ai. Nabalitaan din niya ang ginawa ni Josue sa hari at mga mamamayan ng Ai, at ang ginawa niya sa hari ng Jerico at sa mga tagaroon. Nalaman din niya na ang mga taga-Gibeon ay nakipagkasundo at naninirahang kasama ng mga Israelita. Labis itong ikinabahala ng mga taga-Jerusalem, sapagkat ang Gibeon ay kasinlaki ng mga lunsod na may sariling hari, higit na malaki kaysa Ai, at magigiting ang mga mandirigma nito. Kaya nagpadala ng mensahe si Adonizedec kay Hoham, hari ng Hebron; kay Piream, hari ng Jarmut; kay Jafia, hari ng Laquis; at kay Debir, hari ng Eglon. Ganito ang kanyang ipinasabi: “Kailangan namin ang inyong tulong. Kailangang salakayin natin ang Gibeon sapagkat ang mga tagaroon ay nakipagkasundo kay Josue at sa mga Israelita.” Nagkaisa nga ang limang haring Amoreo; ang mga hari ng Jerusalem, ng Hebron, ng Jarmut, ng Laquis at ng Eglon, at pinaligiran nila at sinalakay ang Gibeon.

Tinulungan ni Josue ang mga Taga-Gilgal

Nagpasabi naman kay Josue sa kampo ng Gilgal ang mga taga-Gibeon, “Huwag po ninyong pabayaan itong inyong mga abang alipin! Pumarito po kayong madali upang kami'y saklolohan. Iligtas ninyo kami! Pinagtutulung-tulungan po kami ng lahat ng mga haring Amoreong naninirahan sa kaburulan.”

Kaya nga't dumating si Josue buhat sa Gilgal, kasama ang kanyang buong hukbo pati ang magigiting niyang mandirigma. Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Ibinigay ko na sila sa iyong mga kamay. Wala ni isa man sa kanilang makakatalo sa inyo.” Magdamag na naglakbay si Josue at ang kanyang hukbo buhat sa Gilgal at bigla nilang sinalakay ang mga Amoreo. 10 Niloob ni Yahweh na magulo ang mga ito dahil sa takot nang makita ang hukbo ng Israel. Nilipol sila ng mga Israelita sa Gibeon; hinabol sila sa paglusong ng Beth-horon hanggang sa Azeka at sa Makeda. 11 Samantalang tumatakas sila sa paghabol ng mga Israelita, pinaulanan sila ni Yahweh ng malalaking tipak ng yelo buhat sa langit; umabot ito hanggang sa Azeka at napakaraming namatay. Mas marami pa ang namatay sa pagbagsak ng yelo kaysa tabak ng mga Israelita.

Tumigil ang Araw at ang Buwan

12 Noong araw na ang mga Israelita'y pinagtagumpay ni Yahweh laban sa mga Amoreo, nakipag-usap si Josue kay Yahweh. Ito ang sinabi niya na naririnig ng buong bayan:

“Huminto ka, Araw, sa tapat ng Gibeon,
at ikaw rin, Buwan, sa Libis ng Ayalon.”

13 Tumigil(A) nga ang araw at hindi gumalaw ang buwan hanggang sa matalo ng mga Israelita ang kanilang mga kaaway. Hindi ba't nasusulat ito sa Aklat ni Jasher? Tumigil ang araw sa gitna ng langit at hindi lumubog sa buong maghapon. 14 Kailanma'y hindi pa nangyari at hindi na muling mangyayari na si Yahweh ay sumunod sa isang tao at nakipaglaban sa panig ng Israel.

Pinuksa ang mga Amoreo

15 Pagkatapos nito, si Josue at ang mga tauhan niya ay bumalik sa Gilgal.

16 Nakatakas ang limang hari at nagtago sa yungib ng Makeda. 17 Ngunit may nakaalam na doon sila nagtago, at ito'y ipinasabi kay Josue. 18 Kaya't iniutos ni Josue, “Takpan ninyo ng malalaking bato ang bunganga ng yungib at inyong pabantayan iyon. 19 Ngunit huwag kayong titigil doon. Habulin ninyo ang kaaway, unahan sila at harangin upang huwag makapasok sa kani-kanilang lunsod. Inilagay na sila ni Yahweh sa inyong kapangyarihan.” 20 At sila nga'y pinuksa ni Josue at ng kanyang mga kawal kahit may ilang nakatakbo at nakapasok sa mga napapaderang lunsod. 21 At bumalik na sa kampo sa Makeda ang lahat ng mga kawal ni Josue.

Buhat noon, wala nang nangahas magsalita laban sa mga Israelita.

22 Iniutos ni Josue sa kanyang mga tauhan, “Alisin ninyo ang nakatakip na bato sa bunganga ng yungib, ilabas ninyo ang limang haring iyon at iharap sa akin.” 23 Ganoon nga ang ginawa nila. Inilabas sa yungib ang mga hari ng Jerusalem, ng Hebron, ng Jarmut, ng Laquis at ng Eglon. 24 Nang nasa harapan na ni Josue ang limang hari, tinipon niya ang kanyang mga mandirigma at iniutos sa mga pinuno, “Halikayo! Tapakan ninyo sa leeg ang mga haring ito.” At ganoon nga ang ginawa nila. 25 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong matatakot o panghihinaan ng loob. Ganito ang gagawin ni Yahweh sa lahat ng inyong mga kaaway.” 26 Ang limang hari ay ipinapatay ni Josue at maghapong ibinitin sa limang punongkahoy. 27 Nang palubog na ang araw, iniutos ni Josue na ibaba sila sa pagkakabitin at ipinatapon sa yungib na pinagtaguan nila. Ang bunganga ng yungib ay pinatakpan ng malalaking bato na naroroon pa magpahanggang ngayon.

Sinakop ni Josue ang Buong Bayan ng mga Amoreo

28 Nang araw ding iyon, nasakop ni Josue ang Makeda at pinatay ang hari roon. Nilipol din niya ang buong bayan at wala siyang itinirang buháy isa man. Ginawa niya sa hari ng Makeda ang ginawa niya sa hari ng Jerico.

29 Buhat sa Makeda, sinalakay naman ni Josue at ng mga Israelita ang Libna. 30 Ibinigay rin ni Yahweh sa kanilang kapangyarihan ang hari at ang lahat ng mamamayan doon. Pinatay nilang lahat ang mga tagaroon, at walang itinira isa man. Ginawa ni Josue sa hari ng Libna ang ginawa niya sa hari ng Jerico.

31 Pagkatapos nito, kinubkob naman at sinalakay ni Josue at ng mga Israelita ang Laquis. 32 Sa ikalawang araw ng labanan, muli silang pinagtagumpay ni Yahweh. Nilipol din nila ang lahat ng tagaroon tulad ng ginawa nila sa Libna. 33 Si Horam, na hari ng Gezer, ay sumaklolo sa mga taga-Laquis. Ngunit tinalo rin sila ni Josue at walang itinirang buháy sa kanyang mga tauhan.

34 Buhat sa Laquis, kinubkob at sinalakay ni Josue at ng mga Israelita ang Eglon. 35 Sa araw ring iyon, nasakop nila ang Eglon at pinatay ang lahat ng tagaroon, tulad ng ginawa nila sa Laquis.

36 Pagkatapos nito, si Josue at ang buong hukbo ng Israel ay umakyat sa mga bulubundukin at sinalakay nila ang Hebron. 37 Nasakop nila ang lunsod at pinatay ang lahat ng tagaroon, buhat sa hari hanggang sa kahuli-hulihang mamamayan. Gayundin ang ginawa nila sa mga karatig-bayan ng Hebron. Sinunog nila ang lunsod at walang iniwang buháy, gaya nang ginawa nila sa Eglon.

38 Hinarap naman ni Josue at ng buong hukbo ng Israel ang Debir. 39 Sinakop nila ang lunsod at ang mga karatig-bayan nito. Pinatay nila ang hari at nilipol ang lahat ng mamamayan. Ginawa rin nila sa Debir ang ginawa nila sa Hebron, sa Libna, at sa kanilang mga hari.

40 Sinakop nga ni Josue ang buong lupain: ang kaburulan sa silangan, ang mga nasa paanan ng mga bundok sa kanluran, pati ang mga lupain sa katimugan. Natalo nila ang mga hari sa mga lugar na ito at nilipol ang lahat ng naninirahan doon, at walang itinirang buháy ayon sa ipinag-utos ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 41 Sinakop ni Josue ang lahat ng lupain buhat sa Kades-barnea hanggang sa Gaza, pati ang nasasakupan ng Goshen hanggang sa Gibeon sa dakong hilaga. 42 Sinakop niya ang lahat ng mga lupain at mga kahariang ito sa loob lamang ng isang tuluy-tuloy na pananalakay sapagkat si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay kasama ng mga Israelita sa kanilang pakikipaglaban. 43 Pagkatapos, bumalik si Josue at ang buong hukbo ng Israel sa kampo ng Gilgal.

Ang Gabaon ay sinalakay ng limang kaharian.

10 Nangyari nga, nang mabalitaan ni Adoni-sedec na hari sa Jerusalem na kung paanong nasakop ni Josue ang Hari at nagibang lubos (na kung paanong kaniyang ginawa (A)sa Jerico at sa hari niyaon, gayon ang kaniyang ginawa sa (B)Hai at sa hari niyaon), at kung paanong nakipagpayapaan sa kanila ang mga (C)taga Gabaon, at nangasa gitna nila;

Ay (D)natakot silang mainam, sapagka't ang Gabaon ay malaking bayan na gaya ng isa sa mga bayan ng hari, at sapagka't lalong malaki kay sa Hai, at ang lahat na lalake roon ay mga makapangyarihan.

Kaya't si Adoni-sedec na hari sa Jerusalem ay nagsugo kay Oham na hari sa (E)Hebron, at kay Phiream na hari sa Jarmuth, at kay Japhia, na hari sa (F)Lachis, at kay Debir na hari sa Eglon na ipinasasabi,

Sampahin ninyo ako at inyong tulungan ako, at saktan natin ang Gabaon: sapagka't nakipagpayapaan kay Josue at sa mga anak ni Israel.

Kaya't ang limang hari ng mga Amorrheo, ang hari sa Jerusalem, ang hari sa Hebron, ang hari sa Jarmuth, ang hari sa Lachis, ang hari sa Eglon, ay nagpipisan at sumampa, sila at ang lahat nilang hukbo, at humantong laban sa Gabaon, at nakipagdigma laban doon.

At ang mga tao sa Gabaon ay nagsugo kay Josue (G)sa kampamento sa Gilgal, na sinasabi, Huwag mong papanlambutin ang iyong kamay sa iyong mga lingkod; sampahin mo kaming madali, at iligtas mo kami, at tulungan mo kami: sapagka't ang lahat ng mga hari ng mga Amorrheo na nangananahan sa lupaing maburol ay nagpipisan laban sa amin.

Sa gayo'y sumampa si Josue mula sa Gilgal, siya at ang buong bayang pangdigma na kasama niya, at ang lahat ng mga makapangyarihang lalake na matatapang.

At sinabi ng Panginoon kay Josue, (H)Huwag mo silang katakutan: sapagka't aking ibinigay sila sa iyong mga kamay; (I)walang lalake roon sa kanila na tatayo sa harap mo.

Si Josue nga ay naparoong bigla sa kanila; siya'y sumampa mula sa Gilgal buong gabi.

10 At (J)nilito sila ng Panginoon sa harap ng Israel, at kaniyang pinatay sila ng malaking pagpatay sa Gabaon, at hinabol niya sila sa daan na sampahan sa (K)Beth-horon, at sinaktan niya sila hanggang sa (L)Azeca, at sa (M)Maceda.

11 At nangyari, na habang tumatakas sa harap ng Israel samantalang sila'y nasa babaan sa Beth-horon, na binagsakan sila ng (N)Panginoon sa Azeca ng mga malaking bato na mula sa langit, at sila'y namatay: sila'y higit na namatayan sa pamamagitan ng mga batong granizo kay sa pinatay ng mga anak ni Israel sa pamamagitan ng tabak.

12 Nang magkagayo'y nagsalita si Josue sa Panginoon nang araw na ibinigay ng Panginoon ang mga Amorrheo sa harap ng mga anak ni Israel; at kaniyang sinabi sa paningin ng Israel,

(O)Araw, tumigil ka sa Gabaon;
At ikaw, Buwan, sa libis ng
(P)Ajalon.
13 At ang araw ay tumigil, at ang
buwan ay huminto,
Hanggang sa ang bansa ay nakapanghiganti sa kaniyang mga kaaway.

(Q)Hindi ba ito nakasulat sa aklat ni Jasher? At ang araw ay tumigil sa gitna ng langit, at hindi nagmadaling lumubog sa isang buong araw.

14 At hindi nagkaroon ng araw na gaya niyaon bago nangyari yaon o pagkatapos niyaon, na ang Panginoon ay nakinig sa tinig ng tao: sapagka't ipinakipaglaban (R)ng Panginoon ang Israel.

15 At si Josue ay bumalik at ang buong Israel na kasama niya, sa kampamento sa Gilgal.

Ang limang hari ay natutop at pinatay.

16 At ang limang haring ito ay tumakas at nagsipagkubli sa yungib sa (S)Maceda.

17 At nasaysay kay Josue, na sinasabi, Ang limang hari ay nasumpungan, na nakatago sa yungib sa Maceda.

18 At sinabi ni Josue, Maggulong kayo ng mga malaking bato sa bunganga ng yungib, at maglagay kayo ng mga lalake roon upang magbantay sa kanila:

19 Nguni't huwag kayong magsitigil; inyong habulin ang inyong mga kaaway, at inyong sasaktan ang kahulihulihan sa kanila; huwag ninyong tiising pumasok, sa kanilang mga bayan: sapagka't ibinigay sila ng Panginoon ninyong Dios sa inyong kamay.

20 At nangyari, nang makatapos si Josue at ang mga anak ni Israel ng pagpatay ng malaking pagpatay sa kanila, (T)hanggang sa nangalipol at ang labi na natira sa kanila ay pumasok sa mga nakukutaang bayan,

21 Na ang buong bayan ay bumalik sa kampamento kay Josue sa Maceda na tiwasay: walang (U)maggalaw ng kaniyang dila laban sa kaninoman sa mga anak ni Israel.

22 Nang magkagayo'y sinabi ni Josue, Inyong buksan ang bunganga ng yungib, at inyong ilabas sa akin ang limang haring iyan sa yungib.

23 At kanilang ginawang gayon, at inilabas ang limang haring yaon mula sa yungib, ang hari sa Jerusalem, ang hari sa Hebron, ang hari sa Jarmuth, ang hari sa Lachis, ang hari sa Eglon.

24 At nangyari, nang kanilang ilabas ang mga haring yaon kay Josue na ipinatawag ni Josue ang lahat na lalake sa Israel, at sinabi sa mga pinuno ng mga lalaking mangdidigma na sumama sa kaniya, Lumapit kayo, ilagay ninyo ang inyong mga paa sa mga leeg ng mga haring ito. At sila'y lumapit at inilagay ang kanilang mga paa sa mga leeg ng mga yaon.

25 At sinabi ni Josue sa kanila, (V)Huwag kayong matakot, ni manglupaypay; kayo'y magpakalakas at magpakatapang na maigi: (W)sapagka't ganito ang gagawin ng Panginoon sa lahat ninyong mga kaaway na inyong kinakalaban.

26 At pagkatapos ay sinaktan sila ni Josue, at ipinapatay sila, at ibinitin sila sa limang puno ng kahoy; at sila'y (X)nangabitin sa mga puno ng kahoy hanggang sa kinahapunan.

27 At nangyari sa paglubog ng araw, na si Josue ay nagutos at kanilang ibinaba sa mga punong kahoy, at kanilang inihagis sa yungib na kanilang pinagtaguan, at kanilang nilagyan ng mga (Y)malaking bato ang bunganga ng yungib hanggang sa araw na ito.

Ang iba pang tagumpay ni Josue.

28 At sinakop ni Josue ang Maceda nang araw na yaon, at sinugatan ng talim ng tabak, at ang hari niyaon; kaniyang lubos silang nilipol at ang lahat na tao na nandoon, wala siyang iniwang nalabi: at kaniyang ginawa sa hari sa Maceda ang (Z)gaya ng kaniyang ginawa sa hari ng Jerico.

29 At si Josue ay dumaan mula sa Maceda, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang (AA)sa Libna, at lumaban sa Libna:

30 At ibinigay rin ng Panginoon, sangpu ng hari niyaon, sa kamay ng Israel; at kaniyang sinugatan ng talim ng tabak, at ang lahat na tao na nandoon; wala siyang iniwan doon; at kaniyang ginawa sa hari niyaon ang gaya ng kaniyang ginawa sa hari sa Jerico.

31 At dumaan si Josue mula sa Libna, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Lachis, at humantong laban doon, at lumaban doon.

32 At ibinigay ng Panginoon ang Lachis sa kamay ng Israel at kaniyang sinakop sa ikalawang araw, at sinugatan ng talim ng tabak, at ang lahat na tao na nandoon, ayon sa lahat na ginawa niya sa Libna.

33 Nang magkagayo'y sumampa si Horam na hari sa (AB)Gezer upang tulungan ang Lachis; at sinaktan ni Josue siya at ang kaniyang bayan, hanggang sa walang iniwan siya.

34 At dumaan si Josue mula sa Lachis, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Eglon; at sila'y humantong laban doon, at nakipaglaban doon;

35 At kanilang sinakop nang araw na yaon, at sinugatan ng talim ng tabak, at ang lahat na tao na nandoon ay kaniyang lubos na nilipol nang araw na yaon, ayon sa lahat niyang ginawa sa Lachis.

36 At sumampa si Josue mula sa Eglon, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Hebron; at sila'y nakipaglaban doon:

37 At kanilang sinakop, at sinugatan ng talim ng tabak, at ang hari niyaon, at ang lahat ng mga bayan niyaon, at ang lahat na tao na nandoon; wala siyang iniwang nalabi, ayon sa lahat niyang ginawa sa Eglon; kundi kaniyang lubos na nilipol, at ang lahat na tao na nandoon.

38 At si Josue at ang buong Israel na kasama niya ay bumalik sa (AC)Debir; at nakipaglaban doon:

39 At kaniyang sinakop at ang hari niyaon, at ang lahat ng mga bayan niyaon; at kanilang sinugatan ng talim ng tabak at lubos na nilipol ang lahat na tao na nandoon: wala siyang iniwang nalabi: kung paano ang kaniyang ginawa sa Hebron, ay gayon ang kaniyang ginawa sa Debir, at sa hari niyaon; gaya ng kaniyang ginawa sa Libna at sa hari niyaon.

40 Ganito sinaktan ni Josue ang buong lupain, ang lupaing maburol, at ang Timugan, at ang mababang lupain, at ang mga (AD)tagudtod, at ang lahat ng hari niyaon; wala siyang iniwang nalabi: kundi kaniyang lubos na nilipol ang lahat na humihinga, gaya ng iniutos ng (AE)Panginoon ng Dios ng Israel.

41 At sinaktan sila ni Josue mula sa (AF)Cades-barnea hanggang sa (AG)Gaza, at (AH)ang buong lupain ng Gosen, hanggang sa Gabaon.

42 At ang lahat ng mga haring ito at ang kanilang lupain ay sinakop ni Josue na paminsan, sapagka't ipinakipaglaban ng Panginoon, ng Dios ng Israel.

43 At si Josue at ang buong Israel na kasama niya ay bumalik sa kampamento sa Gilgal.