Add parallel Print Page Options

Paghahanda sa Pananakop

Pagkamatay ni Moises na lingkod ni Yahweh, sinabi ni Yahweh kay Josue na anak ni Nun at lingkod ni Moises, “Patay na ang lingkod kong si Moises. Ngayo'y humanda ka at ang buong Israel, at tumawid kayo sa Ilog Jordan, patungo sa lupaing ibinibigay ko sa kanila. Gaya(A) ng aking sinabi kay Moises, ibinigay ko na sa inyo ang lahat ng lupaing inyong mararating. Ito ang magiging hangganan ninyo: sa hilaga ay ang kabundukan ng Lebanon; sa timog ay ang disyerto; sa silangan, ang malaking Ilog Eufrates; at sa kanluran, mula sa lupain ng mga Heteo hanggang sa Dagat Mediteraneo. Walang(B) makakagapi sa iyo habang ikaw ay nabubuhay. Sasamahan kita gaya ng pagpatnubay ko kay Moises. Hindi kita iiwan ni hindi pababayaan man. Magpakatatag(C) ka at lakasan mo ang iyong loob sapagkat ikaw ang mamumuno sa bayang ito sa pagsakop nila sa lupaing ibibigay ko sa kanila, ayon sa aking pangako sa inyong mga ninuno. Basta't magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Sundin mong mabuti ang buong Kautusang ibinigay sa inyo ni Moises. Huwag kang susuway sa anumang nakasaad doon, at magtatagumpay ka saan ka man magpunta. Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat ng kautusan. Pagbulay-bulayan mo iyon araw at gabi upang matupad mo ang lahat ng nakasaad doon. Sa ganoon, magiging masagana at matagumpay ang iyong pamumuhay. Tandaan mo ang bilin ko: Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matatakot o mawawalan ng pag-asa sapagkat akong si Yahweh, na iyong Diyos, ay kasama mo saan ka man magpunta.”

10 Kaya't ipinag-utos ni Josue sa mga pinuno ng bayan, 11 “Libutin ninyo ang buong kampo at paghandain ng pagkain ang mga tao. Sa ikatlong araw, tatawid tayo ng Ilog Jordan upang sakupin ang lupaing ibinibigay sa atin ni Yahweh na ating Diyos.”

12 Sinabi(D) naman ni Josue sa mga lipi nina Ruben, Gad at sa kalahating lipi ni Manases, 13 “Alalahanin ninyo ang sinabi sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh: ‘Ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos ang lupaing ito upang dito kayo manirahan.’ 14 Ang inyong mga asawa, mga anak at mga kawan ay maiiwan sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises sa silangan ng Jordan. Ngunit ang inyong mga mandirigma ay tatawid at mauuna sa iba pa ninyong mga kapatid upang tumulong sa kanila sa pakikidigma. 15 Kapag nasakop na rin nila ang mga lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh, maaari na kayong bumalik at manirahan dito sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Diyos.”

16 Sumagot sila kay Josue, “Gagawin namin ang lahat ng sinabi mo, at pupunta kami saan mo man kami gustong papuntahin. 17 Kung paanong sinunod namin si Moises, susundin ka rin namin nang gayon. Samahan ka nawa ni Yahweh, tulad ng ginawa niya kay Moises. 18 Ang sinumang tututol o susuway sa utos mo ay dapat patayin. Kaya't magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob.”

Iniuutos ng Diyos kay Josue na Sakupin ang Canaan

Nangyari nga, pagkamatay ni Moises na lingkod ng Panginoon, ang Panginoon ay nagsalita kay Josue na anak ni Nun, na lingkod ni Moises, na sinasabi,

“Si Moises na aking lingkod ay patay na. Tumindig ka at tumawid sa Jordang ito, ikaw at ang buong bayang ito hanggang sa lupain na aking ibinibigay sa kanila, sa mga anak ni Israel.

Bawat(A) dakong tuntungan ng talampakan ng inyong paa ay naibigay ko na sa inyo, gaya ng sinabi ko kay Moises.

Mula sa ilang at sa Lebanon na ito, hanggang sa malaking ilog ng Eufrates, sa buong lupain ng mga Heteo, at hanggang sa Malaking Dagat sa dakong nilulubugan ng araw ay magiging inyong nasasakupan.

Walang(B) sinumang tao ang magtatagumpay laban sa iyo sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; kung paanong ako'y nakasama ni Moises, ako'y makakasama mo rin. Hindi kita iiwan ni pababayaan man.

Magpakalakas(C) ka at magpakatapang na mabuti, sapagkat ipapamana mo sa bayang ito ang lupain na aking ipinangakong ibibigay sa kanilang mga ninuno.

Magpakalakas ka lamang at magpakatapang na mabuti. Gawin mo ang ayon sa lahat ng kautusang iniutos sa iyo ni Moises na aking lingkod. Huwag kang liliko sa kanan o sa kaliwa, upang ikaw ay maging matagumpay saan ka man pumunta.

Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag aalisin sa iyong bibig, kundi ito ay iyong pagbubulay-bulayan araw at gabi, upang iyong masunod ang ayon sa lahat ng nakasulat dito; sapagkat kung magkagayo'y iyong pagiginhawahin ang iyong lakad, at magtatamo ka ng tagumpay.

Hindi ba't inutusan kita? Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manlupaypay; sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay kasama mo saan ka man pumaroon.”

Nag-utos si Josue sa Bayan

10 Nang magkagayo'y nag-utos si Josue sa mga pinuno ng bayan, na sinasabi,

11 “Kayo'y pumasok sa gitna ng kampo at ipag-utos sa mga tao, na sinasabi, ‘Maghanda kayo ng baon sapagkat sa loob ng tatlong araw ay tatawid kayo sa Jordang ito, upang pumasok at angkinin ang lupain na ibinibigay sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos.’”

12 Sinabi(D) ni Josue sa mga Rubenita, sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases,

13 “Alalahanin ninyo ang salita na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, na sinasabi, ‘Binibigyan kayo ng lugar ng kapahingahan ng Panginoon ninyong Diyos, at ibibigay sa inyo ang lupaing ito.’

14 Ang inyong mga asawa, mga bata, at mga hayop ay mananatili sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises sa kabila ng Jordan; ngunit lahat ng mandirigma ay tatawid na may sandata sa harapan ng inyong mga kapatid, at tutulungan sila;

15 hanggang sa mabigyan ng kapahingahan ng Panginoon ang inyong mga kapatid na gaya ninyo, at maangkin nila ang lupaing ibinibigay sa kanila ng Panginoon ninyong Diyos. Kung magkagayo'y babalik kayo sa lupain na inyong pag-aari, at inyong aariin, na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon sa kabila ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw.”

16 At sila'y sumagot kay Josue, na sinasabi, “Lahat ng iyong iniutos sa amin ay aming gagawin, at saan mo man kami suguin ay pupunta kami.

17 Kung paanong pinakinggan namin si Moises sa lahat ng mga bagay, ay gayon ka namin papakinggan. Sumaiyo nawa ang Panginoon mong Diyos na gaya kay Moises.

18 Sinumang maghihimagsik laban sa iyong utos, at hindi makikinig sa iyong mga salita sa lahat ng iyong iniuutos sa kanya ay ipapapatay; magpakalakas ka lamang at magpakatapang na mabuti.”