Josue 1
Ang Biblia, 2001
Iniuutos ng Diyos kay Josue na Sakupin ang Canaan
1 Nangyari nga, pagkamatay ni Moises na lingkod ng Panginoon, ang Panginoon ay nagsalita kay Josue na anak ni Nun, na lingkod ni Moises, na sinasabi,
2 “Si Moises na aking lingkod ay patay na. Tumindig ka at tumawid sa Jordang ito, ikaw at ang buong bayang ito hanggang sa lupain na aking ibinibigay sa kanila, sa mga anak ni Israel.
3 Bawat(A) dakong tuntungan ng talampakan ng inyong paa ay naibigay ko na sa inyo, gaya ng sinabi ko kay Moises.
4 Mula sa ilang at sa Lebanon na ito, hanggang sa malaking ilog ng Eufrates, sa buong lupain ng mga Heteo, at hanggang sa Malaking Dagat sa dakong nilulubugan ng araw ay magiging inyong nasasakupan.
5 Walang(B) sinumang tao ang magtatagumpay laban sa iyo sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; kung paanong ako'y nakasama ni Moises, ako'y makakasama mo rin. Hindi kita iiwan ni pababayaan man.
6 Magpakalakas(C) ka at magpakatapang na mabuti, sapagkat ipapamana mo sa bayang ito ang lupain na aking ipinangakong ibibigay sa kanilang mga ninuno.
7 Magpakalakas ka lamang at magpakatapang na mabuti. Gawin mo ang ayon sa lahat ng kautusang iniutos sa iyo ni Moises na aking lingkod. Huwag kang liliko sa kanan o sa kaliwa, upang ikaw ay maging matagumpay saan ka man pumunta.
8 Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag aalisin sa iyong bibig, kundi ito ay iyong pagbubulay-bulayan araw at gabi, upang iyong masunod ang ayon sa lahat ng nakasulat dito; sapagkat kung magkagayo'y iyong pagiginhawahin ang iyong lakad, at magtatamo ka ng tagumpay.
9 Hindi ba't inutusan kita? Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manlupaypay; sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay kasama mo saan ka man pumaroon.”
Nag-utos si Josue sa Bayan
10 Nang magkagayo'y nag-utos si Josue sa mga pinuno ng bayan, na sinasabi,
11 “Kayo'y pumasok sa gitna ng kampo at ipag-utos sa mga tao, na sinasabi, ‘Maghanda kayo ng baon sapagkat sa loob ng tatlong araw ay tatawid kayo sa Jordang ito, upang pumasok at angkinin ang lupain na ibinibigay sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos.’”
12 Sinabi(D) ni Josue sa mga Rubenita, sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases,
13 “Alalahanin ninyo ang salita na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, na sinasabi, ‘Binibigyan kayo ng lugar ng kapahingahan ng Panginoon ninyong Diyos, at ibibigay sa inyo ang lupaing ito.’
14 Ang inyong mga asawa, mga bata, at mga hayop ay mananatili sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises sa kabila ng Jordan; ngunit lahat ng mandirigma ay tatawid na may sandata sa harapan ng inyong mga kapatid, at tutulungan sila;
15 hanggang sa mabigyan ng kapahingahan ng Panginoon ang inyong mga kapatid na gaya ninyo, at maangkin nila ang lupaing ibinibigay sa kanila ng Panginoon ninyong Diyos. Kung magkagayo'y babalik kayo sa lupain na inyong pag-aari, at inyong aariin, na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon sa kabila ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw.”
16 At sila'y sumagot kay Josue, na sinasabi, “Lahat ng iyong iniutos sa amin ay aming gagawin, at saan mo man kami suguin ay pupunta kami.
17 Kung paanong pinakinggan namin si Moises sa lahat ng mga bagay, ay gayon ka namin papakinggan. Sumaiyo nawa ang Panginoon mong Diyos na gaya kay Moises.
18 Sinumang maghihimagsik laban sa iyong utos, at hindi makikinig sa iyong mga salita sa lahat ng iyong iniuutos sa kanya ay ipapapatay; magpakalakas ka lamang at magpakatapang na mabuti.”
Isaias 60
Ang Biblia, 2001
Ang Magiging Kadakilaan ng Jerusalem
60 Ikaw ay bumangon, magliwanag ka, sapagkat ang iyong liwanag ay dumating,
at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay sumikat sa iyo.
2 Sapagkat narito, tatakpan ang lupa ng kadiliman,
at ng makapal na dilim ang mga bayan.
Ngunit ang Panginoon ay sisikat sa iyo,
at ang kanyang kaluwalhatian ay makikita sa iyo.
3 At ang mga bansa ay paroroon sa iyong liwanag,
at ang mga hari sa ningning ng iyong pagsikat.
4 Imulat mo ang iyong mata sa palibot, at ikaw ay tumingin.
Silang lahat ay nagtitipon, sila'y pumaroon sa iyo,
ang iyong mga anak na lalaki ay magmumula sa malayo,
at ang iyong mga anak na babae ay kakalungin.
5 Kung magkagayon ikaw ay makakakita at maliliwanagan,
at ang iyong puso ay manginginig sa tuwa at magagalak,[a]
sapagkat ang kasaganaan ng dagat ay dadalhin sa iyo,
ang kayamanan ng mga bansa ay darating sa iyo.
6 Tatakpan ka ng napakaraming kamelyo,
ng mga batang kamelyo ng Midian at Efa;
lahat ng mula sa Seba ay darating.
Sila'y magdadala ng ginto at kamanyang,
at maghahayag ng kapurihan ng Panginoon.
7 Lahat ng kawan sa Kedar ay matitipon sa iyo,
ang mga lalaking tupa sa Nebayot ay maglilingkod sa iyo;
sila'y aahon na may pagtanggap sa aking dambana,
at aking luluwalhatiin ang aking maluwalhating bahay.
8 Sino ang mga ito na lumilipad na parang ulap,
at parang mga kalapati sa kanilang mga bintana?
9 Tunay na ang mga pulo ay maghihintay sa akin,
at ang mga sasakyang-dagat ng Tarsis ay siyang mangunguna,
upang dalhin ang iyong mga anak mula sa malayo,
ang kanilang pilak at kanilang ginto na kasama nila,
dahil sa pangalan ng Panginoon mong Diyos,
at dahil sa Banal ng Israel,
sapagkat kanyang niluwalhati ka.
10 Itatayo ng mga dayuhan ang mga kuta mo,
at ang kanilang mga hari ay maglilingkod sa iyo;
sapagkat sa aking poot ay sinaktan kita,
ngunit sa aking biyaya ako sa iyo ay naawa.
11 Magiging(A) laging bukas ang iyong mga pintuan,
hindi isasara sa araw o sa gabi man;
upang ang mga tao ay magdala sa iyo ng kayamanan ng mga bansa,
at ang kanilang mga hari ang nangunguna sa hanay.
12 Sapagkat ang bansa at kaharian
na hindi maglilingkod sa iyo ay mamamatay;
ang mga bansang iyon ay malilipol nang lubusan.
13 Ang kaluwalhatian ng Lebanon ay darating sa iyo,
ang puno ng sipres, ng abeto at ng pino na magkakasama,
upang pagandahin ang dako ng aking santuwaryo;
at aking gagawing maluwalhati ang lugar ng mga paa ko.
14 At(B) ang mga anak nila na umapi sa iyo
ay paroroong nakayuko sa iyo;
at silang lahat na humamak sa iyo
ay yuyukod sa talampakan ng mga paa mo;
at tatawagin ka nilang “Ang Lunsod ng Panginoon,
ang Zion ng Banal ng Israel.”
Ang Maluwalhating Zion
15 Yamang ikaw ay napabayaan at kinamuhian,
na anupa't walang tao na sa iyo ay dumaraan,
gagawin kitang walang hanggang karilagan,
na sa maraming salinlahi ay kagalakan.
16 Ikaw ay iinom ng gatas ng mga bansa,
at sususo sa mga suso ng mga hari;
at iyong malalaman na akong Panginoon ay Tagapagligtas mo
at Manunubos, Makapangyarihan ng Jacob.
17 Sa halip na tanso ay magdadala ako ng ginto,
at sa halip na bakal ay magdadala ako ng pilak,
sa halip na kahoy ay tanso,
sa halip na mga bato ay bakal.
Ang Kapayapaan ay gagawin kong mga tagapangasiwa mo,
at ang Katuwiran bilang iyong tagapamahala.
18 Hindi na maririnig sa iyong lupain ang Karahasan,
ni ang pagkawasak o pagkagiba sa loob ng iyong mga hangganan;
ang iyong mga pader ay tatawagin mong Kaligtasan,
at Papuri ang iyong mga pintuan.
19 Ang(C) araw ay hindi na magiging
iyong liwanag kapag araw;
o ang buwan man
ay magbibigay sa iyo ng liwanag.
Kundi ang Panginoon ang magiging iyong walang hanggang liwanag,
at ang iyong Diyos ay iyong kaluwalhatian.
20 Ang iyong araw ay hindi na lulubog,
o ang iyo mang buwan ay lulubog;
sapagkat ang Panginoon ay magiging iyong walang hanggang liwanag,
at ang mga araw ng iyong pagtangis ay matatapos.
21 Magiging matuwid na lahat ang iyong bayan,
kanilang aangkinin ang lupain magpakailanman,
ang sanga ng aking pananim, ang gawa ng aking mga kamay,
upang ako'y luwalhatiin.
22 Ang pinakamaliit ay magiging isang angkan,
at ang pinakakaunti ay magiging isang makapangyarihang bansa.
Ako ang Panginoon,
ito ay mabilis kong gagawin sa kapanahunan nito.
Footnotes
- Isaias 60:5 Sa Hebreo ay magiging malaki .
Mga Gawa 10:1-23
Ang Biblia, 2001
Si Pedro at si Cornelio
10 Sa Cesarea ay may isang lalaki na ang pangalan ay Cornelio, isang senturion ng tinatawag na pulutong Italiano;
2 isang taong masipag sa kabanalan at may takot sa Diyos kasama ang kanyang buong sambahayan, naglilimos ng marami sa mga tao, at laging nananalangin sa Diyos.
3 Minsan, nang may oras na ikasiyam ng araw,[a] nakita niyang maliwanag sa isang pangitain ang isang anghel ng Diyos na dumarating at sinasabi sa kanya, “Cornelio.”
4 Siya'y tumitig sa kanya na may pagkatakot, at nagsabi, “Ano iyon, Panginoon?” Sinabi sa kanya, “Ang mga panalangin mo at ang iyong mga limos ay umakyat bilang alaala sa harapan ng Diyos.
5 Ngayo'y magsugo ka ng mga tao sa Joppa, at ipatawag mo ang isang Simon na tinatawag na Pedro.
6 Siya'y nanunuluyan kay Simon, isang tagapagluto ng balat, na ang bahay ay nasa tabi ng dagat.”
7 Nang umalis na ang anghel na kumausap sa kanya, tinawag niya ang dalawa sa kanyang mga alila at ang isang tapat na kawal mula sa mga naglilingkod sa kanya.
8 Pagkatapos maisalaysay ang lahat ng mga bagay sa kanila, sila'y isinugo niya sa Joppa.
9 Nang sumunod na araw, nang may oras na ikaanim,[b] samantalang sila'y naglalakbay at malapit na sa lunsod, si Pedro ay umakyat sa itaas ng bahay upang manalangin.
10 Siya'y nagutom at nagnais kumain; subalit samantalang inihahanda nila ito, nawalan siya ng malay
11 at nakita niyang bumukas ang langit, at may isang bagay na bumababa, tulad ng isang malapad na kumot na ibinababa sa lupa na nakabitin sa apat na sulok.
12 Naroroon ang lahat ng uri ng mga hayop na may apat na paa at ang mga gumagapang sa lupa at ang mga ibon sa himpapawid.
13 Dumating sa kanya ang isang tinig, “Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.”
14 Subalit sinabi ni Pedro, “Hindi maaari, Panginoon; sapagkat kailanma'y hindi ako kumain ng anumang bagay na marumi at karumaldumal.”
15 Muling dumating sa kanya ang tinig sa ikalawang pagkakataon, “Ang nilinis ng Diyos ay huwag mong ituring na marumi.”
16 Ito'y nangyari ng tatlong ulit, at ang bagay ay agad binatak pataas sa langit.
17 Samantalang naguguluhan si Pedro sa kanyang sarili, kung ano ang kahulugan ng pangitaing kanyang nakita, biglang dumating ang mga taong sinugo ni Cornelio. Nang maipagtanong ang bahay ni Simon, tumayo sila sa harapan ng pintuan.
18 Tumawag sila upang magtanong kung si Simon, na tinatawag na Pedro, ay nanunuluyan doon.
19 Samantalang iniisip ni Pedro ang tungkol sa pangitain, sinabi sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong taong naghahanap sa iyo.
20 Tumindig ka, bumaba ka at sumama sa kanila na walang pag-aatubili sapagkat sila'y aking sinugo.”
21 Bumaba si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo; ano ang dahilan ng inyong pagparito?”
22 Sinabi nila, “Si Cornelio na isang senturion, isang taong matuwid at may takot sa Diyos, at may mabuting patotoo sa buong bansa ng mga Judio, ay pinagbilinan ng isang banal na anghel na ikaw ay ipatawag sa kanyang bahay upang marinig ang iyong mga salita.”
23 Kaya't sila'y pinatuloy niya at naging kanyang panauhin. Nang sumunod na araw, bumangon siya at umalis na kasama nila, at siya'y sinamahan ng ilang kapatid mula sa Joppa.
Read full chapterFootnotes
- Mga Gawa 10:3 o mag-iikatlo ng hapon sa makabagong pagbilang ng oras .
- Mga Gawa 10:9 o magtatanghaling-tapat sa makabagong pagbilang ng oras .
Mga Awit 7
Ang Biblia, 2001
Sigaion ni David na kanyang inawit sa Panginoon tungkol kay Cus na Benjaminita.
7 O Panginoon kong Diyos, nanganganlong ako sa iyo,
iligtas mo ako sa lahat ng humahabol sa akin, at iligtas mo ako,
2 baka gaya ng leon ay lurayin nila ako,
na kinakaladkad akong papalayo, at walang sumaklolo.
3 O Panginoon kong Diyos, kung ginawa ko ito,
kung may pagkakamali sa mga kamay ko,
4 kung ako'y gumanti ng kasamaan sa aking kaibigan
o nilooban ang aking kaaway na walang dahilan,
5 hayaang habulin ako ng aking kaaway at abutan ako,
at tapakan niya sa lupa ang buhay ko,
at ilagay sa alabok ang kaluwalhatian ko. (Selah)
6 Ikaw ay bumangon, O Panginoon, sa iyong galit,
itaas mo ang iyong sarili laban sa poot ng aking mga kagalit,
at gumising ka dahil sa akin; ikaw ay nagtakda ng pagsusulit.
7 Hayaang ang kapulungan ng mga tao ay pumaligid sa iyo;
at bumalik ka sa itaas sa ibabaw nito.
8 Ang Panginoon ay humahatol sa mga bayan;
hatulan mo ako, O Panginoon, ayon sa aking katuwiran,
at ayon sa taglay kong katapatan.
9 O(A) nawa'y magwakas na ang kasamaan ng masama,
ngunit itatag mo ang matuwid;
sapagkat sinusubok ng matuwid na Diyos
ang mga puso at mga pag-iisip.[a]
10 Ang Diyos ay aking kalasag,
na nagliligtas ng pusong tapat.
11 Ang Diyos ay hukom na matuwid,
at isang Diyos na araw-araw ay may galit.
12 Kung hindi magsisi ang tao, ihahasa ng Diyos ang tabak nito;
kanyang inihanda at iniumang ang kanyang palaso;
13 nakakamatay na mga sandata ang kanyang inihanda,
kanyang pinapagniningas ang kanyang mga pana.
14 Narito, siya'y nagdaramdam ng kasamaan;
at siya'y naglihi ng kasamaan, at nanganak ng kabulaanan.
15 Siya'y gumawa ng hukay at pinalalim pang kusa,
at nahulog sa butas na siya ang may gawa.
16 Bumabalik sa sarili niyang ulo ang gawa niyang masama,
at ang kanyang karahasan sa sarili niyang bumbunan ay bumababa.
17 Ibibigay ko sa Panginoon ang pasasalamat na nararapat sa kanyang katuwiran,
at ako'y aawit ng papuri sa pangalan ng Panginoon, ang Kataas-taasan.
Footnotes
- Mga Awit 7:9 Sa Hebreo ay bató .
Mga Kawikaan 3:1-4
Ang Biblia, 2001
Payo sa mga Kabataang Lalaki
3 Anak ko, ang aral ko'y huwag mong kalimutan,
kundi ang aking mga utos sa iyong puso'y ingatan;
2 sapagkat kahabaan ng araw at mga taon ng buhay,
at kapayapaan, ang sa iyo'y kanilang ibibigay.
3 Huwag mong hayaang iwan ka ng kabaitan at katotohanan;
itali mo ang mga ito sa palibot ng iyong leeg,
isulat mo sa iyong puso.
4 Sa(A) gayo'y makakatagpo ka ng lingap at mabuting pangalan
sa paningin ng Diyos at ng tao.