Add parallel Print Page Options

Ang Panalangin ni Jonas

Nang magkagayo'y nanalangin si Jonas sa Panginoon niyang Diyos mula sa tiyan ng isda,

at kanyang sinabi,

“Tinawagan ko ang Panginoon mula sa aking pagdadalamhati,
    at siya'y sumagot sa akin;
mula sa tiyan ng Sheol ako'y sumigaw,
    at iyong dininig ang aking tinig.
Sapagkat inihagis mo ako sa kalaliman,
    sa pusod ng dagat,
    at ang tubig ay nasa palibot ko;
ang lahat ng iyong alon at iyong mga daluyong
    ay umaapaw sa akin.
Kaya't aking sinabi, ‘Ako'y inihagis
    mula sa iyong harapan;
gayunma'y muli akong titingin
    sa iyong banal na templo.’
Kinukulong ako ng tubig sa palibot.
    Ang kalaliman ay nasa palibot ko.
Ang mga damong dagat ay bumalot sa aking ulo.
    Ako'y bumaba sa mga ugat ng mga bundok.
    Ang lupain at ang mga halang nito ay nagsara sa akin magpakailanman.
Gayunma'y iniahon mo ang aking buhay mula sa hukay,
    O Panginoon kong Diyos.
Nang ang aking buhay ay nanlulupaypay,
    naalala ko ang Panginoon;
at ang aking dalangin ay umabot sa loob ng iyong banal na templo.
Ang mga nagpapahalaga sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan
    ay nagtatakuwil ng kanilang tunay na katapatan.

Ngunit ako'y mag-aalay sa iyo

    na may tinig ng pasasalamat.
Aking tutuparin ang aking ipinanata.
    Ang pagliligtas ay mula sa Panginoon!”

10 At inutusan ng Panginoon ang isda, at iniluwa nito si Jonas sa tuyong lupa.

Nang magkagayo'y nanalangin si Jonas sa Panginoon niyang Dios mula sa tiyan ng isda.

At kaniyang sinabi, Tinawagan ko ang Panginoon dahil sa aking pagdadalamhati, At siya'y sumagot sa akin; Mula sa tiyan ng Sheol ako'y sumigaw, At iyong dininig ang aking tinig.

Sapagka't inihagis mo ako sa kalaliman, sa gitna ng dagat, At ang tubig ay nasa palibot ko; Ang lahat ng iyong alon at lahat ng iyong malaking alon ay umaapaw sa akin.

At aking sinabi, Ako'y nahagis mula sa harap ng iyong mga mata; Gayon ma'y titingin ako uli sa iyong banal na templo.

Kinukulong ako ng tubig sa palibot hanggang sa kaluluwa; Ang kalaliman ay nasa palibot ko; Ang mga damong dagat ay pumilipit sa aking ulo.

Ako'y bumaba sa mga kaibaibabaan ng mga bundok; Ang lupa sangpu ng kaniyang halang ay tumakip sa akin magpakailan man: Gayon may isinampa mo ang aking buhay mula sa hukay, Oh Panginoon kong Dios.

Nang ang aking kaluluwa ay nanglupaypay sa loob ko; naaalaala ko ang Panginoon; At ang aking dalangin ay umabot sa loob ng iyong banal na templo.

Ang nagsisilingap ng mga walang kabuluhang magdaraya Binabayaan ang kanilang sariling kaawaan.

Nguni't ako'y maghahain sa iyo ng tinig ng pasasalamat; Aking tutuparin yaong aking ipinanata. Kaligtasa'y sa Panginoon.

10 At ang Panginoon ay nagsalita sa isda, at iniluwa si Jonas sa tuyong lupa.

Nanalangin si Jonas

Nanalangin si Jonas sa Panginoon na kanyang Dios sa loob ng tiyan ng isda. Sinabi niya,

    Panginoon, sa paghihirap ng aking kalooban at kalagayan humingi po ako ng tulong sa inyo,
    at sinagot nʼyo ako.
    Sa bingit ng kamatayan,[a] humingi ako ng tulong sa inyo,
    at pinakinggan nʼyo ako.
Inihagis nʼyo ako sa pusod ng dagat.
    Napalibutan ako ng tubig at natabunan ng mga alon na ipinadala ninyo.
Pinalayas nʼyo ako sa inyong presensya,
    pero umaasa pa rin akong makakalapit muli ako sa inyo roon sa inyong banal na templo.
Lumubog po ako sa tubig at halos malunod.
    Natabunan ako ng tubig at ang ulo ko ay napuluputan ng mga halamang-dagat.
Lumubog ako hanggang sa pinakailalim ng dagat,
    at parang ikinulong sa kailaliman ng lupa magpakailanman.
    Pero kinuha nʼyo ako sa kailalimang iyon, O Panginoon kong Dios.
Nang parang mamamatay na ako,[b] tumawag ako sa inyo, Panginoon,
    at pinakinggan nʼyo ang dalangin ko roon sa inyong banal na templo.
Ang mga taong sumasamba sa mga walang kwentang dios-diosan ay hindi na tapat sa inyo.
Pero maghahandog ako sa inyo nang may awit ng pasasalamat.
    Tutuparin ko ang pangako ko na maghahandog sa inyo.
    Kayo po, Panginoon, ang nagliligtas.”

10 Kaya inutusan ng Panginoon ang isda, at iniluwa nito si Jonas sa dalampasigan.

Footnotes

  1. 2:2 bingit ng kamatayan: sa literal, sa kailaliman ng lugar ng mga patay.
  2. 2:7 Nang parang mamamatay na ako: o, Noong pagod na pagod na ako; o, Noong nawalan na ako ng pag-asa.