Add parallel Print Page Options

Nanalangin si Jonas

Nanalangin si Jonas sa Panginoon na kanyang Dios sa loob ng tiyan ng isda. Sinabi niya,

    Panginoon, sa paghihirap ng aking kalooban at kalagayan humingi po ako ng tulong sa inyo,
    at sinagot nʼyo ako.
    Sa bingit ng kamatayan,[a] humingi ako ng tulong sa inyo,
    at pinakinggan nʼyo ako.
Inihagis nʼyo ako sa pusod ng dagat.
    Napalibutan ako ng tubig at natabunan ng mga alon na ipinadala ninyo.
Pinalayas nʼyo ako sa inyong presensya,
    pero umaasa pa rin akong makakalapit muli ako sa inyo roon sa inyong banal na templo.
Lumubog po ako sa tubig at halos malunod.
    Natabunan ako ng tubig at ang ulo ko ay napuluputan ng mga halamang-dagat.
Lumubog ako hanggang sa pinakailalim ng dagat,
    at parang ikinulong sa kailaliman ng lupa magpakailanman.
    Pero kinuha nʼyo ako sa kailalimang iyon, O Panginoon kong Dios.
Nang parang mamamatay na ako,[b] tumawag ako sa inyo, Panginoon,
    at pinakinggan nʼyo ang dalangin ko roon sa inyong banal na templo.
Ang mga taong sumasamba sa mga walang kwentang dios-diosan ay hindi na tapat sa inyo.
Pero maghahandog ako sa inyo nang may awit ng pasasalamat.
    Tutuparin ko ang pangako ko na maghahandog sa inyo.
    Kayo po, Panginoon, ang nagliligtas.”

10 Kaya inutusan ng Panginoon ang isda, at iniluwa nito si Jonas sa dalampasigan.

Read full chapter

Footnotes

  1. 2:2 bingit ng kamatayan: sa literal, sa kailaliman ng lugar ng mga patay.
  2. 2:7 Nang parang mamamatay na ako: o, Noong pagod na pagod na ako; o, Noong nawalan na ako ng pag-asa.