Add parallel Print Page Options

Ang Tunay na Pastol

10 “Tandaan ninyo ito: ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, kundi umaakyat sa di dapat pagdaanan ay magnanakaw at tulisan. Ngunit ang nagdaraan sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. Pinapapasok siya ng bantay, at pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. Kapag nailabas na, siya'y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga ito sapagkat kilala nila ang kanyang tinig. Hindi sila susunod sa iba, kundi tatakbong palayo, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng iba.”

Sinabi ni Jesus ang paglalarawang ito ngunit hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.

Si Jesus ang Mabuting Pastol

Kaya't muling sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko'y maliligtas. Papasok siya't lalabas, at makakatagpo ng pastulan. 10 Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, buhay na masaganang lubos.

11 “Ako(A) ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. 12 Ang upahan ay tumatakas kapag may dumarating na asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa'y hindi siya pastol at hindi kanya ang mga ito. Kaya't sinusunggaban ng asong-gubat ang mga ito at binubulabog. 13 Tumatakas siya, palibhasa'y upahan lamang at walang malasakit sa mga tupa. 14-15 Ako(B) nga ang mabuting pastol. Kung paanong kilala ako ng Ama at siya'y kilala ko, gayundin naman, kilala ko ang aking mga tupa at ako nama'y kilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa aking mga tupa. 16 Mayroon akong iba pang mga tupa na wala pa sa kulungang ito. Kinakailangang sila'y ipasok ko rin, at papakinggan nila ang aking tinig. Sa gayon, magkakaroon ng isang kawan na may isang pastol.

17 “Dahil dito'y minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay upang ito'y kunin kong muli. 18 Walang makakakuha ng aking buhay; kusa ko itong ibinibigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at mayroon akong kapangyarihang kunin itong muli. Ang utos na ito'y tinanggap ko mula sa aking Ama.”

19 Dahil sa mga pananalitang ito, nagkabaha-bahagi muli ang mga Judio. 20 Marami sa kanila ang nagsabi, “Sinasapian siya ng demonyo! Nababaliw siya! Bakit kayo nakikinig sa kanya?” 21 Sinabi naman ng iba, “Hindi makakapagsalita nang ganoon ang isang sinasapian ng demonyo! Nakakapagpagaling ba ng bulag ang demonyo?”

Itinakwil ng mga Judio si Jesus

22 Taglamig(C) na noon at kasalukuyang ipinagdiriwang sa Jerusalem ang Pista ng Pagtatalaga ng Templo. 23 Habang naglalakad si Jesus sa Templo, sa Portiko ni Solomon, 24 pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami paghihintayin? Kung ikaw nga ang Cristo, sabihin mo na nang maliwanag.”

25 Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong maniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatotoo tungkol sa akin. 26 Ngunit ayaw ninyong maniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. 27 Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma'y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman. 29 Ang(D) aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin ay lalong dakila sa lahat,[a] at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa.”

31 Muling dumampot ng bato ang mga Judio upang batuhin si Jesus. 32 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Marami akong ipinakita sa inyo na mabubuting gawa mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan at ako'y inyong babatuhin?”

33 Sumagot(E) ang mga Judio, “Hindi dahil sa mabubuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos! Sapagkat ipinapantay mo ang iyong sarili sa Diyos, gayong tao ka lamang.”

34 Tumugon(F) si Jesus, “Hindi ba nasusulat sa inyong Kautusan, ‘Sinabi ko, mga diyos kayo’? 35 Tinawag na diyos ang mga pinagkatiwalaan ng salita ng Diyos, at hindi maaaring ipawalang-bisa ang sinasabi ng kasulatan. 36 Ako'y pinili at isinugo ng Ama; paano ninyo ngayon masasabing nilalapastangan ko ang Diyos dahil sa sinabi kong ako ang Anak ng Diyos? 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinapagawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. 38 Ngunit kung ginagawa ko ang mga ito, paniwalaan ninyo ang aking mga gawa kung ayaw man ninyong maniwala sa akin. Sa gayon, matitiyak ninyong nasa akin ang Ama at ako'y nasa Ama.”

39 Kaya't tinangka na naman nilang dakpin si Jesus, ngunit natakasan niya sila.

40 Muling(G) pumunta si Jesus sa ibayo ng Jordan, sa pook na dating pinagbabautismuhan ni Juan. Nanatili siya roon 41 at maraming lumapit sa kanya. Sinabi nila, “Walang ginawang himala si Juan ngunit totoo ang lahat ng sinabi niya tungkol sa taong ito.”

42 At doo'y maraming sumampalataya kay Jesus.

Ang Pagkamatay ni Lazaro

11 May(H) isang taong nagngangalang Lazaro na nagkasakit. Nakatira siya sa Bethania kasama ang mga kapatid niyang sina Maria at Martha. Si(I) Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan iyon ng kanyang buhok. Dahil may sakit si Lazaro, nagpasabi kay Jesus ang magkapatid, “Panginoon, ang minamahal ninyong kaibigan ay may sakit.”

Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, “Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos.”

Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Martha, Maria at Lazaro. Gayunman, nagpalipas pa siya doon ng dalawang araw mula nang mabalitaang may sakit si Lazaro. Pagkatapos nito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.”

Sumagot ang mga alagad, “Rabi, hindi po ba't kamakailan lamang ay pinagtangkaan kayong batuhin ng mga tao? Bakit pupunta na naman kayo doon?”

Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't may labindalawang oras sa maghapon? Hindi matitisod ang lumalakad kung umaga sapagkat nakikita niya ang nagbibigay-liwanag sa daigdig na ito. 10 Subalit natitisod ang lumalakad kung gabi sapagkat wala na siyang liwanag.” 11 Idinugtong pa ni Jesus, “Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Pupunta ako upang gisingin siya.”

12 “Panginoon, kung natutulog lang po siya ay gagaling siya,” sagot ng mga alagad.

13 Ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na si Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay talagang natutulog lamang ito. 14 Dahil dito'y tuwirang sinabi ni Jesus, “Patay na si Lazaro; 15 ngunit dahil sa inyo, ako'y nagagalak na wala ako roon, nang sa gayon ay sumampalataya kayo sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.”

16 Sinabi ni Tomas, na tinatawag na Kambal, sa kanyang mga kasama, “Sumama tayo sa kanya, nang mamatay tayong kasama niya.”

Si Jesus ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay

17 Pagdating ni Jesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. 18 May tatlong kilometro lamang ang layo ng Jerusalem sa Bethania, 19 at maraming Judio ang dumalaw kina Martha at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid.

20 Nang mabalitaan ni Martha na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito, ngunit si Maria nama'y naiwan sa bahay. 21 Sinabi ni Martha, “Panginoon, kung narito po kayo, hindi sana namatay ang kapatid ko. 22 Subalit alam kong kahit ngayo'y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.”

23 “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” sabi ni Jesus.

24 Sumagot(J) si Martha, “Alam ko pong siya'y mabubuhay muli sa huling araw.”

25 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; 26 at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?”

27 Sumagot siya, “Opo, Panginoon! Naniniwala po akong kayo ang Cristo, ang Anak ng Diyos na inaasahang darating sa sanlibutan.”

Tumangis si Jesus

28 Pagkasabi nito, umuwi si Martha. Tinawag niya si Maria at binulungan, “Naririto na ang Guro at ipinapatawag ka.”

29 Pagkarinig nito'y nagmadaling tumayo si Maria upang salubungin si Jesus. 30 Wala pa si Jesus sa nayon; naroon pa lamang siya sa lugar kung saan siya sinalubong ni Martha. 31 Nang makitang si Maria'y nagmamadaling tumayo at lumabas, sinundan siya ng mga Judiong nakikiramay sa kanila. Akala nila'y pupunta siya sa libingan upang umiyak.

32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito at nagsabi, “Panginoon, kung narito po lamang kayo, hindi sana namatay ang aking kapatid.”

33 Nahabag si Jesus at nabagbag ang kanyang kalooban nang makita niyang umiiyak si Maria, pati ang mga Judiong kasama nito. 34 “Saan ninyo siya inilibing?” tanong ni Jesus.

Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.”

35 Tumangis si Jesus. 36 Kaya't sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo, talagang mahal na mahal niya si Lazaro!” 37 Sinabi naman ng ilan, “Napagaling niya ang bulag, bakit hindi niya napigilang mamatay si Lazaro?”

Muling Binuhay si Lazaro

38 Muling nabagbag ang kalooban ni Jesus pagdating sa libingan. Ang pinaglibingan kay Lazaro ay isang yungib na natatakpan ng malaking bato. 39 “Alisin ninyo ang bato,” utos ni Jesus.

Ngunit si Martha na kapatid ng namatay ay sumagot, “Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay.”

40 Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” 41 Kaya't inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat dininig mo ako, 42 at alam kong lagi mo akong dinirinig. Ngunit sinasabi ko ito dahil sa mga taong naririto, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.” 43 Pagkasabi nito ay sumigaw siya, “Lazaro, lumabas ka!” 44 Lumabas nga si Lazaro na nababalot ng telang panlibing ang mga kamay at paa; may nakabalot ding tela sa mukha niya. Inutos ni Jesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya at nang makalakad siya.”

Ang Balak Laban kay Jesus(K)

45 Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang nakakita sa ginawa ni Jesus, at sumampalataya sila sa kanya. 46 Ngunit may ilan sa kanila na pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Jesus. 47 Kaya't tinipon ng mga punong pari at mga Pariseo ang mga kagawad ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. Kanilang sinabi, “Ano ang gagawin natin? Gumagawa ng maraming himala ang taong ito. 48 Kung siya'y pababayaan nating magpatuloy sa kanyang mga ginagawa, maniniwala sa kanya ang lahat. Paparito ang mga Romano at wawasakin ang ating Templo at ang ating bansa.”

49 Ngunit ang isa sa kanila, si Caifas na siyang Pinakapunong Pari nang taóng iyon, ay nagsabing, “Wala kayong alam! 50 Hindi ba ninyo naiisip na mas mabuti sa inyo na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa?” 51 Hindi mula sa kanyang sarili ang sinabi niyang ito. Bilang Pinakapunong Pari nang taóng iyon, nagpahayag siya ng propesiya na dapat mamatay si Jesus alang-alang sa bansa 52 at hindi lamang para sa bansa kundi upang tipunin ang mga anak ng Diyos na nasa iba't ibang dako. 53 Mula noon, pinagplanuhan na nila kung paano maipapapatay si Jesus. 54 Dahil dito, si Jesus ay hindi na hayagang naglakad sa Judea. Sa halip, siya'y nagpunta sa Efraim, isang bayang malapit sa ilang, at doon muna tumigil kasama ng kanyang mga alagad.

55 Nalalapit na ang Pista ng Paskwa. Maraming taga-lalawigan ang pumunta sa Jerusalem bago sumapit ang kapistahan upang isagawa ang seremonya ng paglilinis. 56 Hinanap nila si Jesus, at habang sila'y nag-uusap-usap sa Templo, sila'y nagtanungan, “Ano sa palagay ninyo? Paparito kaya siya sa pista?” 57 Ipinag-utos ng mga punong pari at ng mga Pariseo na ipagbigay-alam sa kanila ng mga tao kapag nalaman nila kung nasaan si Jesus upang ito'y maipadakip nila.

Binuhusan ng Pabango ang mga Paa ni Jesus(L)

12 Anim na araw bago sumapit ang Pista ng Paskwa, si Jesus ay nagpunta sa Bethania, kung saan nakatira si Lazaro na kanyang muling binuhay. Isang hapunan ang inihanda roon para sa kanya. Si Lazaro ay isa sa mga kasalo ni Jesus samantalang si Martha naman ay tumutulong sa paglilingkod sa kanila. Kumuha(M) naman si Maria ng isang bote ng mamahaling pabangong galing sa katas ng dalisay na nardo, at ibinuhos sa mga paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok. At napuno ang buong bahay ng halimuyak ng pabango. Ito'y pinuna ni Judas Iscariote, ang alagad na magkakanulo sa kanya. Sinabi niya, “Bakit hindi na lamang ipinagbili ang pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan? Maaaring umabot sa tatlong daang salaping pilak ang halaga ng pabangong iyan!” Sinabi iyon ni Judas, hindi dahil sa siya'y may malasakit sa mga dukha, kundi dahil sa siya'y magnanakaw. Siya ang tagapagdala ng kanilang salapi, at madalas niyang kinukupitan ito.

Ngunit sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo siya! Hayaan ninyong ilaan niya ito para sa araw ng aking libing. Habang(N) panaho'y kasama ninyo ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon.”

Ang Balak Laban kay Lazaro

Nabalitaan ng maraming Judio na si Jesus ay nasa Bethania kaya't nagpunta sila roon upang makita siya at si Lazaro, na kanyang muling binuhay. 10 Kaya't binalak ng mga punong pari na ipapatay din si Lazaro, 11 sapagkat dahil sa kanya'y maraming Judio ang humihiwalay na sa kanila at sumasampalataya kay Jesus.

Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(O)

12 Kinabukasan, nabalitaan ng maraming taong dumalo sa pista na si Jesus ay papunta sa Jerusalem. 13 Kumuha(P) sila ng mga palapa ng palmera, at lumabas sila sa lungsod upang siya'y salubungin. Sila'y sumisigaw, “Purihin ang Diyos.[b] Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Hari ng Israel!”

14 Nakakita si Jesus ng isang batang asno at sinakyan niya ito, gaya ng nasusulat,

15 “Huwag(Q) kang matakot, lungsod ng Zion!
Masdan mo, dumarating ang iyong hari,
    nakasakay sa isang batang asno!”

16 Hindi ito naunawaan noon ng kanyang mga alagad. Ngunit matapos na si Jesus ay maluwalhating nabuhay muli, naalala nilang ganoon nga ang sinasabi sa kasulatan tungkol sa kanya, kaya't gayon nga ang nangyari.

17 Ang mga taong kasama ni Jesus noong tawagin niya si Lazaro mula sa libingan at muli niya itong binuhay ay nagpatotoo tungkol sa nangyari. 18 At ito ang dahilan kaya siya sinalubong ng napakaraming tao—nabalitaan nila ang himalang ginawa niya.

19 Kaya't nasabi ng mga Pariseo, “Nakikita ninyong walang nangyayari sa mga ginagawa natin. Tingnan ninyo, sumusunod sa kanya ang buong mundo!”

Hinanap ng Ilang Griego si Jesus

20 May ilang Griegong dumalo sa pista upang sumamba. 21 Lumapit sila kay Felipe na taga-Bethsaida sa Galilea, at nakiusap, “Ginoo, nais po naming makita si Jesus.”

22 Ito'y sinabi ni Felipe kay Andres, at magkasama silang nagsabi nito kay Jesus. 23 Sumagot si Jesus, “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao. 24 Pakatandaan ninyo: hangga't hindi nahuhulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, mamumunga ito nang sagana. 25 Ang(R) taong nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang taong hindi nagpapahalaga sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 26 Ang naghahangad na maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroroon din siya. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.”

Ipinahiwatig ni Jesus ang Kanyang Pagkamatay

27 “Ako'y nababagabag ngayon. Sasabihin ko bang, ‘Ama, huwag mong hayaang sumapit sa akin ang oras na ito ng paghihirap’? Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito—upang danasin ang oras na ito. 28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.”

Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Niluwalhati ko na ito, at muli kong luluwalhatiin.”

29 Narinig iyon ng mga taong naroon kaya't sinabi nila, “Kumulog!” Sabi naman ng iba, “Nagsalita sa kanya ang isang anghel!”

30 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang tinig na iyon ay ipinarinig para sa inyo at hindi para sa akin. 31 Panahon na upang hatulan ang mundong ito. Panahon na rin upang hatulan ang pinuno ng mundong ito. 32 At kung ako'y maitaas na, ilalapit ko sa aking sarili ang lahat ng tao.” 33 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay.

34 Sinagot(S) siya ng mga tao, “Sinasabi sa amin ng Kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Bakit mo sinasabing dapat maitaas ang Anak ng Tao? Sino ba ang Anak ng Taong ito?”

35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kaunting panahon na lamang ninyong makakasama ang ilaw. Lumakad kayo habang kasama pa ninyo ang ilaw upang hindi kayo abutan ng dilim. Hindi alam ng lumalakad sa dilim kung saan siya pupunta. 36 Sumampalataya kayo sa ilaw habang kasama pa ninyo ang ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng liwanag.”

Hindi Sumampalataya kay Jesus ang mga Judio

Pagkasabi nito, si Jesus ay umalis doon at hindi na muling nagpakita sa kanila. 37 Kahit na nasaksihan nila ang maraming himalang ginawa niya, hindi pa rin sila naniwala sa kanya. 38 Nangyari(T) ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias,

“Panginoon, sino ang naniwala sa aming ibinalita?
    Kanino ipinakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan?”

39 Hindi nga sila makapaniwala sapagkat tulad ng sinabi ni Isaias,

40 “Binulag(U) ng Diyos ang kanilang mga mata
    at pinatigas ang kanilang mga puso,
upang sila'y hindi makakita,
    ni makaunawa ang kanilang mga isip,
    baka pa sila'y manumbalik sa akin
    at sila'y pagalingin ko.”

41 Sinabi ito ni Isaias sapagkat nakita niya ang kaluwalhatian ni Jesus, at nagpahayag siya tungkol kay Jesus.[c]

42 Gayunman, marami ring pinuno ng mga Judio ang naniwala sa kanya. Subalit hindi nila maipahayag ito dahil sa takot sa mga Pariseo, na baka sila'y itiwalag sa sinagoga. 43 Mas ginusto nilang parangalan sila ng tao kaysa parangalan ng Diyos.

Ang Salita ni Jesus ang Hahatol

44 Malakas na sinabi ni Jesus, “Ang nananalig sa akin ay hindi lamang sa akin nananalig, kundi pati sa nagsugo sa akin. 45 At ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa nagsugo sa akin. 46 Ako'y naparito bilang ilaw ng sanlibutan, upang ang manalig sa akin ay huwag manatili sa kadiliman. 47 Hindi ako ang humahatol sa taong dumirinig ng aking salita, ngunit ayaw namang sumunod dito. Sapagkat hindi ako naparito upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. 48 May ibang hahatol sa mga ayaw tumanggap sa akin at sa aking mga salita. Ang salitang ipinahayag ko ang hahatol sa kanila sa huling araw. 49 Sapagkat hindi ako nagsalita nang mula sa sarili ko lamang; ang Ama na nagsugo sa akin ang siyang nag-utos kung ano ang aking sasabihin at ipahahayag. 50 At alam kong ang kanyang utos ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya't ang ipinapasabi ng Ama ang siya kong ipinapahayag.”

Footnotes

  1. Juan 10:29 Ang aking Ama…dakila sa lahat: Sa ibang manuskrito'y Ang ibinigay sa akin ng Ama ay higit sa lahat .
  2. Juan 12:13 PURIHIN ANG DIYOS: o kaya'y Hosanna, na nangangahulugan ding “Iligtas mo kami” ngunit mas madalas itong ginagamit bilang isang sigaw ng pagpupuri.
  3. Juan 12:41 nakita niya…kay Jesus: o kaya'y nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at nagpahayag siya tungkol kay Jesus .