Add parallel Print Page Options

42 Sinabi ni Job sa Panginoon,

“Alam ko pong magagawa nʼyo ang lahat ng bagay, at walang sinumang makapipigil sa inyo. Ako poʼy tinanong nʼyo kung bakit ako nag-aalinlangan sa inyong karunungan, gayong wala naman akong nalalaman. Totoo pong nagsalita ako ng mga bagay na hindi ko naiintindihan at mga bagay na sa hindi ko lubos maunawaan.

“Nakipag-usap po kayo sa akin at sinabi nʼyong makinig ako sa inyo at sagutin ko ang mga tanong ninyo. Noon ay naririnig ko lang po sa iba ang tungkol sa inyo, pero ngayon ay nakita ko na kayo. Kaya ako ay nahihiya sa lahat ng sinabi ko tungkol sa inyo, ako po ngayon ay nagsisisi sa pamamagitan ng pag-upo sa abo at alikabok.”[a]

Ang Katapusan

Pagkatapos sabihin ng Panginoon kay Job ang mga bagay na ito, sinabi niya kay Elifaz na taga-Teman, “Galit ako sa iyo at sa dalawa mong kaibigan, dahil hindi ninyo sinabi ang katotohanan tungkol sa akin katulad ng ginawa ni Job na aking lingkod. Kaya ngayon, kumuha kayo ng pitong toro at pitong lalaking tupa at dalhin ninyo kay Job, at ialay ninyo sa akin bilang handog na sinusunog para sa inyong sarili. Si Job ay mananalangin para sa inyo at sasagutin ko ang kanyang panalangin, at hindi ko kayo parurusahan nang nararapat sa inyong kamangmangan. Hindi nga ninyo sinabi ang katotohanan tungkol sa akin katulad ng ginawa ni Job na aking lingkod.”

Kaya ginawa nina Elifaz na taga-Teman, Bildad na taga-Shua at Zofar na taga-Naama ang iniutos ng Panginoon sa kanila. At sinagot ng Panginoon ang dalangin ni Job.

Read full chapter

Footnotes

  1. 42:6 ako po ngayon ay … alikabok: o, pinagsisisihan ko na ang pag-upo sa abo at alikabok.