Add parallel Print Page Options

41 Job, mabibingwit mo kaya ang dragon na Leviatan? Matatalian mo kaya ang nguso niya ng lubid? Matatalian mo ba ng lubid ang ilong niya o mailalagay mo kaya ang kawil sa kanyang panga? Kapag nagawa mo iyon, makikiusap kaya siyang lagi sa iyo na pakawalan mo siya, o di kayaʼy magmakaawa siya sa iyo? Makikipagkasundo kaya siya sa iyo na magpapaalipin habang buhay? Magagawa mo kaya siyang parang alagang ibon o maibibigay mo ba siya sa iyong mga anak[a] na babae para kanilang laruin? May negosyante kayang bibili sa kanya at hihiwa-hiwain siya para ipagbili? Tatalaban kaya ng matulis na sibat ang kanyang ulo o balat? Kapag hinawakan mo siya, maaalala mo kung gaano ito kahirap hulihin at masasabi mong hinding-hindi ka na uulit. Walang saysay ang mga pagsisikap na hulihin siya, dahil makita mo pa lang siyaʼy maduduwag ka na. 10 Kung sa kanya ngaʼy walang mangangahas gumambala, sino pa kayang mangangahas na lumaban sa akin? 11 Sino ang makapagsasabing may utang na loob ako sa kanya? Ang lahat dito sa mundo ay akin.

12 “Sasabihin ko pa sa iyo ang tungkol sa katawan ng Leviatan at kung gaano siya kalakas at kamakapangyarihan. 13 Sinong makakatuklap ng kanyang balat o makakatusok nito? 14 Sino ang makakapagpabuka ng kanyang bunganga? Ang mga ngipin niyaʼy nakakatakot. 15 Ang likod niyaʼy may makakapal na kaliskis na parang panangga na nakasalansan. 16-17 Sobrang dikit-dikit na ito na kahit ang hangin ay hindi makakalusot at walang makakatuklap nito. 18 Kapag sumisinga siya, may lumalabas na parang kidlat at ang kanyang mga mata ay mapula na parang bukang-liwayway. 19 Bumubuga siya ng apoy, 20 at umuusok ang ilong na ang usok ay parang nagmumula sa kumukulong palayok na may nagliliyab na panggatong. 21 Ang hininga niyaʼy makapagpapabaga ng uling dahil sa apoy na lumalabas sa kanyang bunganga. 22 Nasa leeg ang kanyang lakas, at ang makakita sa kanya ay kinikilabutan. 23 Kahit ang kanyang mga laman ay siksik at matitigas. 24 Matigas din ang puso niya, kasintigas ng gilingang bato. 25 Kapag siyaʼy tumayo, takot na takot pati ang mga makapangyarihang tao. 26 Walang espada, sibat, pana, o palasong makakapanakit sa kanya. 27 Para sa kanya ang bakal ay kasinlambot lang ng dayami at ang tanso ay para lang bulok na kahoy. 28 Hindi niya iniilagan ang mga pana. Ang mga batong tumatama sa kanyaʼy nagiging parang mga ipa lang. 29 Ang mga kahoy na ipinapalo ay parang mga dayami lang sa kanya. At pinagtatawanan lang niya ang mga humahagibis na sibat na isinisibat sa kanya. 30 Ang tiyan niyaʼy may mga kaliskis na matalim, na parang mga basag na bote. Kaya kapag gumagapang siya sa putik, nag-iiwan siya ng mga bakas. 31 Kinakalawkaw niya ang dagat hanggang bumula na parang kumukulong tubig sa palayok o kumukulong langis sa kaldero. 32 Ang tubig na kanyang dinadaanan ay bumubula, parang puting buhok kung tingnan. 33 Wala siyang katulad dito sa mundo. Isa siyang nilalang na walang kinatatakutan. 34 Minamaliit niya ang lahat ng mayayabang na hayop. Siya ang hari ng lahat ng mababangis na hayop sa gubat.”

42 Sinabi ni Job sa Panginoon,

“Alam ko pong magagawa nʼyo ang lahat ng bagay, at walang sinumang makapipigil sa inyo. Ako poʼy tinanong nʼyo kung bakit ako nag-aalinlangan sa inyong karunungan, gayong wala naman akong nalalaman. Totoo pong nagsalita ako ng mga bagay na hindi ko naiintindihan at mga bagay na sa hindi ko lubos maunawaan.

“Nakipag-usap po kayo sa akin at sinabi nʼyong makinig ako sa inyo at sagutin ko ang mga tanong ninyo. Noon ay naririnig ko lang po sa iba ang tungkol sa inyo, pero ngayon ay nakita ko na kayo. Kaya ako ay nahihiya sa lahat ng sinabi ko tungkol sa inyo, ako po ngayon ay nagsisisi sa pamamagitan ng pag-upo sa abo at alikabok.”[b]

Ang Katapusan

Pagkatapos sabihin ng Panginoon kay Job ang mga bagay na ito, sinabi niya kay Elifaz na taga-Teman, “Galit ako sa iyo at sa dalawa mong kaibigan, dahil hindi ninyo sinabi ang katotohanan tungkol sa akin katulad ng ginawa ni Job na aking lingkod. Kaya ngayon, kumuha kayo ng pitong toro at pitong lalaking tupa at dalhin ninyo kay Job, at ialay ninyo sa akin bilang handog na sinusunog para sa inyong sarili. Si Job ay mananalangin para sa inyo at sasagutin ko ang kanyang panalangin, at hindi ko kayo parurusahan nang nararapat sa inyong kamangmangan. Hindi nga ninyo sinabi ang katotohanan tungkol sa akin katulad ng ginawa ni Job na aking lingkod.”

Kaya ginawa nina Elifaz na taga-Teman, Bildad na taga-Shua at Zofar na taga-Naama ang iniutos ng Panginoon sa kanila. At sinagot ng Panginoon ang dalangin ni Job.

10 Pagkatapos maipanalangin ni Job ang kanyang mga kaibigan, muli siyang pinaunlad ng Panginoon at dinoble pa niya ang dating kayamanan ni Job. 11 Lahat ng kapatid niya at mga kaibigan noon ay nagpunta sa kanya at nagsalo-salo sila sa kanyang bahay. Inaliw nila si Job sa kahirapang pinasapit sa kanya ng Panginoon. At bawat isa sa kanilaʼy nagbigay kay Job ng pera at gintong singsing.

12 Sa gayoʼy lalong pinagpala ng Panginoon ang mga huling araw ni Job ng higit pa kaysa sa dati. Binigyan siya ng Panginoon ng 14,000 tupa, 6,000 kamelyo, 1,000 pares ng baka, at 1,000 babaeng asno. 13 Binigyan din siya ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. 14 Ang panganay niyang babae ay si Jemima, ang pangalawa ay si Kezia, at ang pangatlo ay si Keren Hapuc. 15 Walang babaeng mas gaganda pa kaysa sa kanila sa buong lupain.[c] Binigyan sila ni Job ng mana katulad ng kanilang mga kapatid na lalaki.

16 Pagkatapos nitoʼy nabuhay pa si Job ng 140 taon. Nakita pa niya ang kanyang mga apo hanggang sa ikaapat na salinlahi. 17 Matandang-matanda na si Job nang siya ay namatay.

Footnotes

  1. 41:5 mga anak: o, mga alipin.
  2. 42:6 ako po ngayon ay … alikabok: o, pinagsisisihan ko na ang pag-upo sa abo at alikabok.
  3. 42:15 sa buong lupain: o, sa buong mundo.