Add parallel Print Page Options

Ang Unang Sagutan(A)

Sinabi ni Elifaz na Temaneo,

“Huwag mo sanang ikasamâ ng loob ang aking sasabihin,
    di ko na kayang manahimik, di na ako makapagpigil.
Marami na ring tao ang iyong naturuan,
    at mahihinang kamay ay iyong natulungan.
Salita mo'y nagpalakas sa nanlulupaypay,
    sa mahina't pagod pangaral mo'y umalalay.
Ngayong ikaw na ang dumaranas ng matinding kahirapan,
    nawawalan ka ng pag-asa at parang nais mong mabuwal?
Di ba't may takot ka sa Diyos at masunurin sa kanya?
    Kaya dapat magtiwala ka at magkaroon ng pag-asa.

“Isipin mong mabuti: mayroon bang walang sala na napahamak ang buhay,
    mayroon bang mabuting tao na dumanas ng kasawian?
Ang alam ko'y ang mga naghahasik ng kasamaan
    ay sila ring nag-aani ng kaguluhan.
Kaya naman ang Diyos sa tindi ng galit sa kanila, parang dinaanan ng bagyo sila'y pinupuksa niya.
10 Mga masasamang tao'y parang leong umuungal,
    ngunit pinatatahimik sila ng Diyos, ngipin nila'y tinatanggal.
11 Para silang leong walang mabiktima, namamatay sa gutom,
    at nagkakawatak-watak ang mga anak nila.

12 “Minsan, ako ay may narinig,
    salitang ibinulong sa aking pandinig.
13 Sa(B) lalim ng hatinggabi parang ako'y nanaginip kung kailan ang tao'y mahimbing na naiidlip.
14     Ako'y sinakmal ng matinding takot,
    ako'y kinilabutan at nangatog ang tuhod.
15 Malamig na hangin, dumampi sa mukha ko,
    sa takot ay nagtayuan ang aking balahibo.
16 May nakita akong doon ay nakatayo,
    ngunit di ko mapagwari ang kanyang anyo.
Maya-maya, narinig ko ang isang tinig:
17 ‘Maaari bang maging matuwid ang isang tao sa paningin ng Diyos?
    Sa harap ng Lumikha, mayroon bang malinis ang loob?
18 Mga lingkod niya sa langit di niya pinagkakatiwalaan,
    sa kanya mismong mga anghel may nakikita siyang kamalian.
19 Paano pa siya magtitiwala sa taong mula sa alabok?
    Tulad ng gamu-gamo, ito ay marupok.
20 Ang tao'y buháy ngayon, ngunit hindi tiyak kung mamaya;
    siya pala ay patay na, di pa alam nitong madla.
21 Ang lahat niyang taglay sa kanya'y mawawala,
    sa kanyang pagkamatay kulang pa rin sa unawa.’

“Sumigaw ka, Job, kung may sasagot sa iyo.
    Mayroon bang anghel na sa iyo'y sasaklolo?
Ang sama ng loob ay pumapatay sa mga taong hangal.
    Ang pagkainggit ay kumikitil sa mga taong mangmang.
Nakakita na ako ng mga hangal na panatag kung titingnan,
    ngunit bigla kong sinusumpa ang kanilang mga tahanan.
Walang matakbuhan ang kanilang mga anak,
    walang sinuman ang sa kanila'y magligtas.
Ang kanilang ani'y kinakain ng mga gutom,
    kahit ang nasa tinikan, inaagaw sa kanila.
    Ninanasa ng mga uhaw ang kayamanan nila.
Ang kahirapa'y hindi sa alabok nagmula,
    at ang kaguluha'y hindi tumutubo sa lupa.
Tiyak na daranas ng kahirapan ang tao,
    kung paanong may tilamsik ng apoy sa apuyan.

“Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Diyos,
    at ang aking kalagayan, sa kanya idudulog.
Mga(C) dakilang gawa niya'y di natin mauunawaan,
    mga kababalaghan niya ay walang katapusan.
10 Ang lupa'y pinadadalhan niya ng ulan,
    mga bukiri'y kanyang pinatutubigan.
11 Ang nagpapakumbaba ay kanyang itinataas,
    ang mga nalulungkot, kanyang inililigtas.
12 Mga pakana ng mga tuso'y kanyang sinisira,
    kaya anumang gawin nila'y wala silang napapala.
13 Ang(D) mga tuso'y inihuhulog niya sa sarili nilang bitag,
    kanilang mga pakana'y kaagad nagwawakas.
14     Di makita ang daan kahit na sa araw, sila'y nangangapa kahit katanghalian.
15 Ngunit inililigtas ng Diyos ang mga ulila,
    iniaahon niya sa kaapihan ang mga dukha.
16 Binibigyan niya ng pag-asa ang mga dukha, pinatatahimik niya ang masasama.

17 “Mapalad(E) ang taong dinidisiplina ng Diyos na Makapangyarihan,
    ang pagtutuwid niya sa iyo'y huwag mong ipagdamdam.
18 Ginagamot(F) niya ang kanyang nasugatan,
    pinapagaling niya ang kanyang nasaktan.
19 Sa tuwi-tuwina, paningin niya'y nasa iyo, upang ikaw ay ingatan, laging handang sumaklolo.
20     Sa panahon ng taggutom, di ka niya pababayaan,
    at kung sa digmaan ay hindi ka niya iiwan.
21 Ililigtas ka niya sa dilang mapanira,
    at di ka matatakot sa kapahamakan.
22 Kaguluhan at taggutom, iyo lamang tatawanan,
    at mababangis na hayop, hindi mo katatakutan.
23 Walang mga bato sa bukid na iyong sasakahin,
    maiilap na hayop, di ka lalapain.
24 Magiging ligtas ang iyong tahanan,
    at ang iyong mga kawan ay hindi mababawasan.
25 Ang lahi mo ay di mapipigil sa paglaki;
    tulad ng damo, ang mga supling mo ay darami.
26 Tatamasahin mo ang mahabang buhay,
    katulad ng bungang nahinog sa panahon ng anihan.
27 Ang mga ito'y aming matagal na pinag-aralan,
    pakinggan mo't alamin pagkat ito'y katotohanan.”

Sinisi ni Job ang mga Kaibigan

Ang sagot ni Job:

“Ang suliranin ko't paghihirap, kung titimbanging lahat,
    magiging mabigat pa kaysa buhangin sa dagat;
    kaya mabibigat kong salita'y huwag ninyong ikagulat.
Ako'y pinana ng Diyos na Makapangyarihan,
    lason ng palaso'y kumalat sa aking katawan,
galit ng Diyos, sa akin ay inihanay.
Walang angal ang asno kung sa damo ay sagana,
    at ang baka ay tahimik kung may dayaming nginunguya.
Ang pagkaing walang asin, may sarap bang idudulot?
    Mayroon bang lasa ang puti ng itlog?
Sa lahat ng iyan ay nawala ang aking gana,
    sapagkat kung kainin ko man, pilit na ring isusuka.

“Ibigay sana ng Diyos ang aking hinihiling,
    sana'y ipagkaloob niya ang aking hangarin.
Higit ko pang nanaisin at aking ikagagalak ang buhay na taglay ko ay bigyan na niya ng wakas.
10 Kapag nangyari ito, ako'y liligaya,
    sa gitna ng pagdurusa, lulundag sa saya.
Alam kong banal ang Diyos,
    kaya di ko sinusuway, kanyang mga utos.
11 Ang lakas ko ay ubos na, di na ako makatagal,
    kung wala rin lang pag-asa ay bakit pa mabubuhay?
12 Ako nama'y hindi bato, at hindi tanso ang katawan ko.
13 Ako'y wala nang lakas upang iligtas ang sarili ko,
    wala na akong matakbuhan upang hingan ng saklolo.

14 “Sa magulong kalagayan, kailangan ko'y kaibigan,
    tumalikod man ako o hindi sa Diyos na Makapangyarihan.
15 Ngunit kayong mga kaibigan ko'y di ko maaasahan,
    para kayong sapang natutuyo kapag walang ulan.
16-17 Kung taglamig, ang ilog ay pawang yelo,
    pagsapit ng tag-araw, nawawalang lahat ito;
    ang ilog ay natutuyo, walang laman kahit ano.
18 Sa paghahanap ng tubig, naliligaw ang mga manlalakbay,
    at sa gitna ng disyerto ay doon na namamatay.
19 Naghanap ang manlalakbay na taga-Tema at ang taga-Seba,
20     ngunit pag-asa nila'y nawala sa tabi ng tuyong sapa.
21 Para kayong mga batis na ang tubig ay natuyo;
    kaya kayo ay nabigla nang makita n'yo ang aking anyo.
22 Sa inyo ba kahit minsan ako ay nagpatulong?
    Kailan ba ako humingi sa inyo ng pansuhol?
23     Ako ba kahit minsa'y napasaklolo sa inyo?
    Hiniling ko bang sa kaaway ay tubusin ninyo ako?

24 “Pagkakamali ko'y sabihin at ako'y turuan,
    ako'y tatahimik upang kayo'y pakinggan.
25 Mga salitang tapat, kay gandang pakinggan,
    ngunit mga sinasabi ninyo'y walang katuturan.
26 Kung ang sinasabi ko ay walang kabuluhan,
    bakit ninyo sinasagot itong aking karaingan?
27 Kahit sa mga ulila kayo'y magpupustahan,
    pati kaibigan ninyo'y inyong pagsusugalan.
28 Tingnan ninyo ako nang harapan, hindi ko kayo pagsisinungalingan,
29 Lumalabis na ang mali ninyong paratang,
    tigilan n'yo na iyan pagkat ako'y nasa katuwiran.
30 Akala ninyo ang sinasabi ko'y hindi tama,
    at hindi ko nakikilala ang mabuti sa masama.

Ipinahayag ni Job ang Kanyang Pagdaramdam

“Ang buhay ng tao'y punung-puno ng pagod,
    tulad ng kawal at manggagawang pilit na pinaglingkod.
    Siya'y tulad ng alipin, na naghahanap ng lilim,
    tulad ng manggagawa, sahod ang ninanasa.
Buhay ko'y wala nang kahulugan sa paglipas ng mga buwan,
    at tuwing sasapit ang gabi ako ay nagdadalamhati.
Ang gabi ay matagal, parang wala nang umaga,
    di mapanatag sa higaan, hanggang umaga'y balisa.
Itong buo kong katawan ay tadtad ng mga sugat,
    inuuod, kumikirot,
    ang nana ay lumalabas.
Mga araw ko'y lumilipas nang walang pag-asa,
    kay bilis umikot parang sa makina.

“Alalahanin ninyong ang buhay ko'y isang hininga lamang,
    hindi na ako muling makakakita nang kabutihan.
Kaunting panahon na lang at ako ay papanaw,
    di na ninyo ako makikita, at di na matatagpuan.
Tulad(G) ng ulap na napapadpad at naglalaho,
    kapag namatay ang tao, di na siya makakabalik sa mundo.
10 Hindi na siya makakauwi kailanman,
    mga kakilala niya, siya'y malilimutan.
11 Kaya ako'y hindi mapipigil na magbuka nitong bibig,
    upang ibulalas ang pait sa loob ng aking dibdib.
12 Bakit ako'y inyong binabantayan?
    Ako ba'y dambuhalang mula sa karagatan?
13 Ako ay nahihiga upang ako'y magpahinga,
    upang kahit sandali sakit ko ay mapawi.
14 Ngunit maging sa pagtulog ako'y iyong tinatakot,
    masasamang panaginip, pangitain at mga bangungot.
15     Kaya, nais ko pang ako ay mabigti,
    kaysa mabuhay sa katawang may pighati.
16 Ako'y hirap na hirap na, ayaw ko nang mabuhay;
iwan mo na ako, buhay ko'y wala rin lang saysay.

17 “Ano(H) ba ang tao upang iyong pahalagahan,
    bakit pinapansin mo ang kanyang mga galaw?
18 Tuwing umaga siya'y iyong sinusuri,
    sinusubok mo siya sa bawat sandali.
19 Kahit saglit, ilayo mo sa akin ang iyong tingin,
    nang ako'y magkapanahon na laway ay lunukin.
20 Kung ako'y nagkasala, ano ba naman iyon sa iyo? Ikaw na tagapagmasid ng mga tao,
    bakit ba ako ang napagbubuntunan mo?
    Ako ba ay isang pabigat sa iyo?
21 Bakit di pa patawarin ang aking kasalanan?
    Bakit di pa kalimutan ang aking pagkukulang,
ako rin lang ay patungo na sa huli kong hantungan?
    Ako'y iyong hahanapin ngunit di matatagpuan.”

Makatarungan ang Diyos

Ito naman ang sagot ni Bildad na Suhita:

“Hanggang kailan ka magsasalita ng ganyan,
    mga salitang parang hangin at walang kabuluhan?
Hindi pinipilipit ng Diyos ang katarungan;
    hindi binabaluktot ng Makapangyarihan ang katuwiran.
Maaaring nagkasala sa Diyos ang iyong mga anak,
    kaya't ibinigay niya sa kanila ang parusang nararapat.
Ngunit kung ikaw ay lalapit at makiusap sa Diyos na Makapangyarihan,
    kung ikaw ay talagang tapat, at malinis ang kalooban,
    tutulungan ka ng Diyos;
    gagantimpalaan at ibabalik niya ang iyong sambahayan.
Maliit na bagay ang mga nawala mong kayamanan,
    kung ihahambing ang sa iyo'y kanyang ibibigay.

“Alamin(I) mo ang mga nagdaang kasaysayan,
    itanong sa matatanda ang kaalamang natuklasan.
Buhay nati'y maikli lang, at kaalaman nati'y kulang;
    parang anino lamang tayong dumaan sa ibabaw ng sanlibutan.
10 Pakaisipin mo ang kanilang mga aral,
    ang kanilang sinasabi ay iyong pakinggan.

11 “Ang halaman sa tubigan ay di mabubuhay,
    kundi sa matubig at malamig na lugar lamang.
12 Ito'y unang nalalanta kapag ito ay natuyuan,
    kahit bagong tubo pa lang at di pa napuputulan.
13 Ganyan ang katulad ng mga taong walang Diyos,
    pag-asa ay mawawala kapag ang Diyos ay nilimot.
14 Ang mga bagay na pinagkakatiwalaan nila'y kasingrupok lamang ng sapot ng gagamba.
15     Kapag ito'y sinandalan, agad itong nalalagot,
    kapag ito'y hinawakan, tiyak itong masisira.

16 “Ang masasamang tao'y parang damong nagsusulputan,
    tulad ng masamang damong kumakalat sa halamanan.
17 Bumabalot sa mga bato ang kanilang mga ugat,
    at sa bawat bato sila'y humahawak.
18 Ngunit kapag sila'y nabunot sa kinatatamnan,
    wala nang nakakaalala sa dati nilang kalagayan.
19 Ganyan ang kasiyahan ng masasamang tao,
    may iba namang lilitaw at kukuha ng kanilang puwesto.

20 “Hindi pababayaan ng Diyos ang mabuting tao,
    ngunit sa masama'y hindi siya sasaklolo.
21 Patatawanin ka niya at pasisigawin sa tuwa,
22     ngunit ang mga kaaway mo'y kanyang ipapahiya,
    at ang tahanan ng masasama ay ganap na mawawala.”

Ang Sagot ni Job

Ito naman ang tugon ni Job:

“Matagal(J) ko nang alam ang mga bagay na iyan,
    ngunit sino bang matuwid sa harap ng Maykapal?
Mayroon bang maaaring makipagtalo sa kanya?
    Sa sanlibo niyang tanong,
    walang makakasagot kahit isa.
Ang Diyos ay matalino at makapangyarihan,
    sinong lumaban na sa kanya at nagtagumpay?
Walang sabi-sabing inuuga niya ang bundok,
    sa tindi ng kanyang galit, ito'y kanyang dinudurog.
Ang buong lupa ay kanyang niyayanig,
    at inuuga niya ang saligan ng daigdig.
Maaari(K) niyang pigilan ang pagsikat ng araw,
    pati ang mga bituin sa kalangitan.
Mag-isa niyang inilatag ang sangkalangitan,
    kanyang tinapakan ang dambuhalang karagatan.
Siya(L) ang gumawa ng mga bituin sa kalawakan, sa ‘Oso,’ sa ‘Orion,’
    sa ‘Pleyades’ at sa mga kumpol ng mga bituin sa katimugan.
10 Makapangyarihan niyang gawa ay hindi maunawaan,
    ang kanyang mga himala ay hindi mabibilang.
11 Siya'y nagdaraan ngunit hindi ko mamasdan, siya'y kumikilos ngunit hindi ko maramdaman.
12 Nakukuha niya ang anumang magustuhan, at sa kanya'y walang makakahadlang,
    walang makakapagtanong, ‘Bakit mo ginawa iyan?’

13 “Ang poot ng Diyos ay hindi maglulubag
    sa mga tumulong sa dambuhalang si Rahab.
14 Paano ko masasagot ang tanong niya sa akin? Maghahanap pa ako ng mga salitang aking bibigkasin.
15 Kahit ako'y walang sala, ang tangi kong magagawa,
    sa harap ng Diyos na hukom ay magmakaawa.
16 Kahit bayaan niyang ako'y magsalita,
    hindi ko rin matiyak kung ako'y papakinggan nga.
17 Malakas na bagyo at mga sugat ang sa aki'y ibinigay,
    kahit wala naman siyang sapat na dahilan.
18 Ang hininga ko ay halos kanya nang lagutin,
    puro kapaitan ang idinulot niya sa akin.
19 Sa lakas niyang taglay hindi siya kayang talunin,
    hindi siya maaaring pilitin at sa hukuman ay dalhin.
20 Ako'y walang kasalanan at tapat na namumuhay,
    ngunit bawat sabihin ko ay laban sa aking katauhan.
21 Wala nga akong sala, ngunit hindi na ito mahalaga,
    wala nang halaga ang aking sarili, pagod na akong mabuhay.
22 Iisa ang pupuntahan ng lahat, ito ang aking nasabi.
    Kapwa wawasakin ng Diyos ang masama at ang mabuti.
23 Kung ang taong matuwid ay biglang namatay,
    tinatawanan ng Diyos ang sinapit ng kawawa.
24 Hinayaan niyang ang daigdig ay pagharian ng masama,
ang paningin ng mga hukom ay tinatakpan niya.
Kung di siya ang may gawa nito, sino pa nga kaya?

25 “Ang aking mga araw ay mabilis lumilipas, walang mabuting nangyayari kaya't nagmamadaling tumatakas.
26 Parang mabilis na bangka ang buhay kong ito,
    kasing bilis ng agila kung dumadagit ng kuneho.
27 Kung kakalimutan ko na lang ang aking pagdurusa,
    at tatawanan ko na lang ang aking problema,
28 nangangamba ako na inyong ipalagay,
    na ang kasawian ko ay bunga ng aking kasalanan.
29 Kung ako'y napatunayan nang nagkasala, anong pagsisikap ang magagawa ko pa?
30     Hindi ako malilinis ng kahit anong sabon, hindi na ako puputi kuskusin man ng apog,
31 matapos mo akong ihagis sa napakaruming balon.
    Ikinahihiya ako maging ng aking sariling damit.
32 Kung ang Diyos ay tao lang, siya'y aking sasagutin,
    kahit umabot sa hukuman ang aming usapin.
33 Ngunit sa aming dalawa'y walang tagapamagitan,
    upang alitan namin ay kanyang mahatulan.
34 Ang pamalo ng Diyos sana'y ilayo na sa akin,
at huwag na sana niya akong takutin.
35 At ihahayag ko ang nais kong sabihin,
    sapagkat ako ang nakakaalam ng sarili kong damdamin.

Idinaing ni Job ang Kanyang Kalagayan

10 “Ako'y nagsasawa na sa buhay kong ito,
    sasabihin ko nang lahat, mapapait kong reklamo.
Aking Diyos, huwag n'yo muna akong hatulan,
    sabihin ninyo sa akin ang inyong paratang.
Tama ba namang iyong pagmalupitan,
    parusahan at itakwil ang likha ng iyong kamay?
    At ang gawain ba ng masamang tao ang iyong magugustuhan?
Ang iyo bang nakikita'y tulad din ng nakikita namin?
    Ang iyo bang buhay ay maikling tulad ng sa amin?
Kung gayo'y bakit mo ako hinahanapan
    ng pagkakasala at kamalian?
Alam(M) mo namang wala akong kasalanan,
    at walang makakapagligtas sa akin mula sa iyong mga kamay.

“Ang mga kamay mo ang sa aki'y lumikha,
    ngayo'y kamay mo rin ang sa aki'y sumisira.
Di ba't mula sa lupa ay ginawa mo ako,
    ngayon ba'y pupulbusin at ibabalik dito?
10 Niloob(N) mong ako'y manggaling sa aking ama,
    inaruga, pinalaki sa tiyan ng aking ina.
11 Nilagyan mo ng buto at litid ang aking katawan,
    saka binalutan ng balat at kalamnan.
12 Ako'y binigyan mo ng buhay at wagas na pagmamahal,
    at ang pagkalinga mo ang sa aki'y bumuhay.
13 Ngunit ngayo'y alam ko na, ang iyong balak,
    matagal nang panahong gusto akong ipahamak.
14 Kapag ako'y nagkasala, ito'y iyong tinatandaan,
    upang ipagkait mo sa akin ang kapatawaran.
15 Kapag ako'y nagkasala, may katapat itong parusa,
    kapag gumawa ako ng mabuti, wala namang gantimpala.
Punung-puno ng kahihiyan, itong aking abang buhay.
16 Kung ako'y magtagumpay,
    parang leon mong tutugisin,
    gumagamit ka pa ng himala upang ako'y kalabanin.
17 Palagi kang may testigo laban sa akin,
    ang galit mo sa aki'y tumitindi bawat oras,
    palagi kang may naiisip na panibagong bitag.

18 “Bakit mo hinayaang ako ay isilang pa?
    Namatay na sana ako bago pa mayroong sa aki'y nakakita.
19 Bago ako isinilang ako sana'y namatay na,
    sa libingan sana nagtuloy mula sa tiyan ng aking ina.
20 Maikli na ang aking buhay kaya't ako'y tigilan mo na
    upang sa aking natitirang araw makadama ng kaunting ginhawa.
21 Ako'y malapit nang pumanaw, at hindi na magbabalik;
    ang pupuntahan ko'y madilim at mapanglaw na daigdig.
22     Isang lupain ng anino at kaguluhan,
    na ang pinakailaw ay ang kadiliman.”

Ang Sagot ni Zofar kay Job

11 Sumagot naman si Zofar na isang Naamita,

“Palalampasin na lang ba ang napakarami mong sinabi?
    Tama ba ang isang tao kapag ito ay maraming salita?
Akala mo ba'y di masasagot ang mga sinabi mo,
    at sa iyong pangungutya, kami'y di na makapagsasalita?
Ipinipilit mong tama ang iyong paniniwala,
    at sa harap ng Diyos ika'y malinis na lubos.
Magsalita sana ang Diyos upang ika'y masagot.
Upang masabi sa iyo ang mga lihim ng karunungan,
    sapagkat napakalalim ng kanyang kaalaman,
parusa nga niya sa iyo'y mas maliit kaysa iyong kasalanan.

“Masusukat mo ba ang kapangyarihan ng Diyos?
    Kanyang kadakilaan, iyo bang maaabot?
Higit itong mataas kaysa kalangitan,
    at mas malalim kaysa daigdig ng mga patay.
Malawak pa iyon kaysa sanlibutan,
    higit na malaki kaysa karagatan.
10 Kung dakpin ka ng Diyos at iharap sa hukuman,
    mayroon bang sa kanya'y makakahadlang?
11 Kilala ng Diyos ang taong walang kabuluhan,
    kitang-kita niya ang kanilang kasamaan.
12 Ang hangal ay maaaring tumalino
    kung ang mailap na asno ay ipinanganak nang maamo.

13 “Ang iyong puso, Job, sa Diyos mo isuko at sa kanya iabot ang mga kamay mo.
14 Alisin mo ang kasalanan sa iyong mga kamay, linisin mo sa kasamaan ang iyong tahanan.
15 At taas noo kang haharap sa sanlibutan, matatag ang loob, walang kinatatakutan.
16 Mga pagdurusa mo ay malilimutan,
    para lamang itong bahang nagdaan.
17 Magliliwanag ang iyong buhay, higit pa sa sikat ng araw,
    ang buhay mong nagdilim ay magbubukang-liwayway.
18 Papanatag ang buhay mo at mapupuno ng pag-asa;
    iingatan ka ng Diyos, at bibigyan ng pahinga.
19 Wala kang kaaway na katatakutan;
    maraming lalapit sa iyo upang humingi ng tulong.
20 Ngunit ang masama, kabiguan ang madarama,
    walang kaligtasan kahit saan sila magpunta,
    at kamatayan lamang ang kanilang pag-asa.”

Inilahad ni Job ang Kapangyarihan at ang Kaalaman ng Diyos

12 Ang sagot ni Job:

“Walang duda na ikaw ang tinig ng bayan;
    kapag ika'y namatay, karunungan ay kasama mong papanaw.
Kung may pang-unawa ka, ako'y mayroon din,
    di mo masasabing higit ka kaysa akin,
    lahat ng sinabi mo'y nalalaman ko rin.
Pinagtatawanan ako ngayon ng aking mga kaibigan,
    kahit ako ay matuwid at walang kasalanan,
    minsan din nama'y sinagot ng Diyos ang aking kahilingan.
Maginhawa ka ngayon, ngunit ako'y iyong kinukutya,
    hinahampas mo ang isang taong babagsak na sa hina.
Ang mga tulisan at masasamang tao'y panatag ang buhay,
    kahit ang dinidiyos nila ay ang lakas nilang taglay.

“Sa mga hayop at mga ibon ika'y may matututunan, magtanong ka sa kanila, at ikaw ay tuturuan.
    Kausapin mo ang lupa at ikaw ay tuturuan, magpapahayag sa iyo ang mga isda sa karagatan.
Silang lahat ay nakakaalam na ang Diyos ang sa kanila'y lumalang.
10 Ang Diyos ang nagpapagalaw sa lahat ng bagay,
    ang buhay ng bawat isa ay nasa kanyang mga kamay.
11 Nalalasahan ng dila ang mga pagkain,
    naririnig ng tainga ang salitang dumarating.

12 “Ang matatanda ay may taglay na karunungan,
    pinalawak ang unawa sa haba ng karanasan.
13 Ngunit likas sa Diyos ang kaalaman at kapangyarihan,
    taglay niya'y karunungan at katalinuhan.
14 Walang makakapagtayo muli ng kanyang giniba,
    sinumang ikulong niya'y walang makakapagpalaya.
15 Nagkakaroon ng tagtuyot kapag pinigilan niya ang ulan,
    dumarating ang baha kapag tubig ay kanyang pinakawalan.

16 “Makapangyarihan siya at laging nagtatagumpay,
    ang mandaraya at dinadaya ay nasa kanyang mga kamay.
17 Inaalis niya sa mga pinuno ang taglay nilang dunong,
    ginagawa niyang hangal ang mga hukom.
18 Inaalis niya sa mga hari ang pamamahala, at sila'y ginagapos niya ng mga tanikala.
19     Maging mga pari'y kanyang hinihiya, mga nasa kapangyarihan kanyang ibinababâ.
20 Mga pinagkakatiwalaang tao'y kanyang pinatatahimik,
    talino ng matatanda'y kanya ring inaalis.
21 Mga pinuno'y inilalagay niya sa kahihiyan,
    mga namamahala'y inaalisan niya ng kalakasan.
22 Pinakamalalim na hiwaga'y kanyang inihahayag,
    maitim na kadilima'y pinapalitan niya ng liwanag.
23 Mga bansa'y pinapalakas niya't pinapalawak,
    ngunit kanya ring ginagapi at tuloy winawasak.
24 Karunungan ng mga hari'y ginagawang kahangalan,
    sa pagpapasya'y nalilito, di alam ang pupuntahan.
25     Sa dilim sila'y nangangapa, sa paglakad ay naliligaw, animo'y mga lasing, sa daan ay sumusuray.

Iginiit ni Job na Wala Siyang Kasalanan

13 “Lahat ng sinabi mo ay narinig ko na rin,
Ang alam mo'y alam ko rin,
    hindi ka higit sa akin.
Hindi kayo ang kausap ko kundi ang Diyos na Makapangyarihan,
    sa kanya ko idudulog itong aking kalagayan.
Ngunit kayo'y mga sinungaling,
    tulad ninyo'y manggagamot, na walang kayang pagalingin.
Tumahimik na lamang sana kayo, baka akalain pa ng iba na kayo'y matalino.
Pakinggan ninyo ngayon ang aking sasabihin, at ang aking panig ay inyong unawain.
    Bakit ba kayo'y nagsasalita ng di katotohanan?
    Makatutulong ba sa Diyos ang inyong kasinungalingan?
Kayo ba ang tatayo at siya ay ipaglalaban?
    Kayo ba ang magtatanggol sa kanyang kalagayan?
Kung siyasatin kayo ng Diyos, ano kaya ang makikita,
    siya ba'y inyong madadayang tulad ng iba?
10 Tiyak na siya'y magagalit, kayo ay pagsasabihan,
    kahit pa lihim na mayroon kayong kinikilingan.
11     Sasakmalin kayo ng takot pagkat siya'y makapangyarihan.
12 Mga kasabihan ninyo'y walang silbi tulad ng abo,
    singhina ng putik ang mga katuwiran ninyo.

13 “Tumahimik na lang kayo at ako'y pasalitain,
    hayaang mangyari ang mangyayari sa akin.
14 Nakahanda akong itaya ang buhay kong angkin.
15 Hindi ako natatakot kung ako man ay patayin,
    maiharap lamang sa kanya itong aking usapin.
16 Maaaring iligtas ako ng aking katapangan,
    sapagkat wala namang masamang tao na makakaharap sa Maykapal.
17 Pakinggan mong mabuti itong aking sasabihin, itong paliwanag ko ay iyong unawain.
18 Nakahanda akong ilahad ang aking panig,
    sapagkat alam ko namang ako ay nasa katuwiran.

19 “O Diyos, lalapit ka ba upang ako'y usigin?
    Kung gayon, handa akong manahimik at mamatay.
20 Mayroon akong dalawang kahilingan,
    at ako'y di magtatago kung iyong papayagan.
21 Itigil mo na itong pagpaparusa sa akin, at sa takot ay huwag mo akong patayin.

22 “Magsalita ka, at aking tutugunin,
    o kaya'y sagutin mo ang aking sasabihin.
23 Saan ba ako nagkamali, ano ba ang aking kasalanan?
    Pagkakasala ko'y maaari ko bang malaman?

24 “Bakit ako'y iyong pinagtataguan?
    Bakit itinuturing mo akong isang kaaway?
25 Para akong isang dahon, huwag mo na akong takutin,
    ang katulad ko'y ipa, na tinatangay ng hangin.
26 Kay pait naman ng iyong mga paratang,
    kasalanan ko noong ako'y bata iyo pang ibinibilang.
27 Itong(O) aking mga paa'y nilagyan pa ng gapos,
    tinitingnan, sinusuri ang aking bawat kilos.
28 Kaya't ako'y parang kahoy na nabubulok,
    parang damit na nasisira, unti-unting nauubos.

Maikli ang Buhay ng Tao

14 “Ang(P) buhay ng tao'y maikli lamang,
    subalit punung-puno ng kahirapan.
Tulad ng bulaklak na namumukadkad, nalalanta at nalalagas,
    parang aninong nagdaraan, naglalaho at napaparam.
Titingnan mo pa ba ang ganitong nilalang?
    Dadalhin mo pa ba siya sa hukuman?
Mayroon bang malinis na magmumula,
    sa taong marumi at masama?
Sa simula pa'y itinakda na ang kanyang araw,
    at bilang na rin ang kanyang mga buwan,
nilagyan mo na siya ng hangganan na hindi niya kayang lampasan.
Lubayan mo na siya at pabayaan,
    nang makatikim naman kahit kaunting kaginhawahan.

“Kahoy na pinutol ay may pag-asa,
    muli itong tutubo at magsasanga.
Kahit pa ang ugat nito ay matanda na,
    at mamatay ang puno sa kinatatamnan niya,
    ngunit ito'y nag-uusbong kapag diniligan, ito'y magsasanga tulad ng batang halaman.
10 Ngunit ang tao kapag namatay, iyon na ang kanyang katapusan,
    pagkalagot ng kanyang hininga, saan naman kaya siya pupunta?

11 “Tulad ng ilog na tumigil sa pag-agos,
    at gaya ng lawa na ang tubig ay naubos.
12 Ngunit ang tao kapag namatay hindi na babangon
    hanggang ang langit ay maparam.
13 Itago mo na sana ako sa daigdig ng mga patay,
    hanggang sa ang poot mo'y mapawi nang lubusan,
    at muli mong maalala ang aking kalagayan.
14 Kung ang tao ay mamatay, siya kaya'y muling mabubuhay?
Ngunit para sa akin, paglaya ko sa hirap ay aking hihintayin.
15 Ikaw ay tatawag at ako'y sasagot,
    sa iyong nilikha, ikaw ay malulugod.
16 Kung magkagayon, bawat hakbang ko'y iyong babantayan,
    di mo na tatandaan ang aking mga kasalanan.
17 Ang mga kasalanan ko'y iyong patatawarin,
    lahat ng kasamaan ko'y iyong papawiin.

18 “Darating ang araw na guguho ang kabundukan,
    malilipat ng lugar mga batong naglalakihan.
19 Sa buhos ng tubig, ang bato ay naaagnas,
    ang lupang matigas sa baha ay natitibag,
    gayon ang pag-asa ng tao, kapag iyong winasak.
20 Nilulupig mo ang tao at tuluyang naglalaho,
    sa sandali ng kamatayan nagbabago ang kanyang anyo.
21 Anak man niya'y parangalan, hindi na niya malalaman,
    hindi na rin mababatid kung bigyan silang kahihiyan.
22 Ang kanya lamang nadarama ay sakit ng sariling katawan,
    ang tanging iniisip ay ang sariling kalungkutan.”