Add parallel Print Page Options

39 Ang panganganak ng mga kambing, alam mo ba kung kailan,
    o ang panahon na ang usa ay magsisilang?
Bilang mo ba ang araw ng anak niya habang nasa tiyan?
    Alam mo ba kung kailan ito iluluwal?
Namasdan mo ba habang sila ay gumagapang
    sa pagbubukas ng sinapupunan upang ang anak ay isilang?
Ang kanilang mga anak doon lumalaki sa parang
    at kapag malaki na ay tuluyang lumilisan.

“Sino ba ang nagbibigay laya sa mga asno?
    Sa asnong maiilap, ang nagpalaya ay sino?
Tirahang ibinigay ko ay ang kaparangan,
    at doon sa maalat na kapatagan.
Sila'y lumalayo sa lunsod na maingay,
    walang makapagpaamo at hindi mautusan.
Ang pastulan nila'y ang kaburulan,
    hinahanap nila'y sariwang damuhan.

“Ang mailap na toro iyo kayang mapagtrabaho?
    Maitali mo kaya siya isang gabi sa iyong kuwadra?
10 Matatalian mo kaya siya ng lubid upang sa pag-aararo ay magamit,
    at sa paghila ng suyod sa iyong mga bukid?
11 Iyo bang maaasahan ang lakas na taglay niya?
    Mabibigat mong gawai'y maipagkakatiwala ba sa kanya?
12 Umaasa ka ba na siya ay magbabalik
    upang sa ani mo ay siya ang gumiik?

13 “Ang pakpak ng ostrits buong gandang kumakampay,
    nagbabadya kaya iyon kahit bahagyang pagmamahal?
14 Ang kanyang mga itlog sa lupa ay iniiwan,
    ito'y hinahayaang sa lupa ay mainitan.
15 Di niya iniisip na baka ito'y matapakan,
    o baka madurog ng mailap na nilalang.
16 Sa mga inakay niya siya ay malupit,
    hindi niya alintanang hirap niya'y di masulit,
17 sapagkat pang-unawa ay di ko siya binigyan,
    di ko hinatian ng kahit kaunting katalinuhan.
18 Ngunit napakabilis kapag siya'y tumatakbo,
    pinagtatawanan lang niya kahit ang kabayo.

19 “Ikaw ba ang nagbigay ng lakas sa kabayo?
    Ikaw ba ang naglagay ng magandang buhok nito?
20 Ikaw ba ang nagpapalukso dito na parang balang,
    at kapag humalinghing ay kinatatakutan?
21 Nagpapakitang-gilas sa pagkamot niya sa lupa,
    at napakabilis tumakbo upang makidigma.
22 Siya ay nagtatawa sa gitna ng panganib,
    sa tabak na nakaumang, hindi siya nanginginig.
23 Ang mga sandata ng sa kanya'y nakasakay,
    sa sikat ng araw kumakalampag at kumikinang.
24 Sa bilis ng kanyang takbo, lupa'y parang nilululon,
    hindi siya mapakali kapag trumpeta ay umugong.
25 Sa tunog ng trumpeta'y halinghing ang sagot niya.
    Ang ingay ng digmaan, dinig nito kahit malayo pa;
    maging ang utos ng kapitan sa mga kasama.

26 “Ikaw ba ang nagturo sa lawin upang ito'y makalipad,
    kapag ikinakampay ang pakpak tungo sa timog ang tahak?
27 Naghihintay ba ng iyong utos ang agila,
    upang sa mataas na bundok gumawa ng pugad niya?
28 Matataas na bato ang kanyang tirahan,
    mga pagitan ng bato ang pinagkukutaan.
29 Ang kanyang biktima'y doon niya pinagmamasdan,
    kahit malayo pa ay kanya nang natatanaw.
30 Sa(A) kanyang mga inakay, dugo ang ibinubuhay,
    at tiyak na naroon siya kung saan mayroong bangkay.”