Job 36:26-37:13
Magandang Balita Biblia
26 Di masusukat ng tao ang kanyang kadakilaan,
at ang kanyang mga taon ay hindi rin mabibilang.
27 “Ang tubig sa lupa'y itinataas ng Diyos,
upang gawing ulan at sa daigdig ay ibuhos.
28 Ang mga ulap ay ginagawa niyang ulan,
at masaganang ibinubuhos sa sangkatauhan.
29 Sa galaw ng mga ulap ay walang nakakaalam,
at kung paano kumukulog sa kalangitan.
30 Pinagliliwanag niya ang kalawakan sa pagguhit ng kidlat,
ngunit nananatiling madilim ang kailaliman ng dagat.
31 Pinapamahalaan niya ang tao sa ganitong paraan,
at masaganang pagkain, tayo'y hindi pinagkaitan.
32 Ang kidlat ay kanyang hinahawakan,
at pinababagsak sa nais niyang matamaan.
33 Ipinapahayag ng kidlat ang kanyang kalooban,
at ang kanyang galit laban sa kasamaan.
37 Kinakabahan ako kapag bumabagyo,
at hindi ko malaman ang gagawin ko.
2 Pakinggan ninyo ang tinig ng Diyos
mula sa bibig niya'y nanggagaling ang kulog.
3 Ang kidlat ay kanyang pinaguguhit sa kalangitan,
mula sa isang panig ng daigdig hanggang sa kasuluk-sulukan.
4 Tinig niya'y umuugong, parang dagundong ng kulog,
ang pagguhit ng kidlat ay hindi malagut-lagot.
5 Sa isang salita niya'y may nangyayaring kababalaghan,
kahanga-hangang bagay na di natin mauunawaan.
6 Pinauulan niya ng yelo sa ibabaw ng daigdig,
ibinubuhos niya sa lupa ang ulang walang patid.
7 Pinahihinto niya ang tao sa kanilang gawain,
upang malaman nila kung ano'ng kaya niyang gawin.
8 Ang maiilap na hayop ay nasa kanilang mga taguan.
9 Ang malalakas na hangi'y sa timog nagmumula,
at ang malamig na simoy ay galing sa hilaga.
10 Sa hininga ng Diyos nabubuo itong tubig,
nagiging yelong matigas at napakalamig.
11 Pinabibigat niya itong mga ulap, mula rito'y pinaguguhit ang mga kidlat.
12 Ito'y bilang pagsunod sa utos ng ating Diyos,
sumusunod kahit saang panig nitong sansinukob.
13 Ang ulang ibinubuhos ng dakilang Diyos,
maaaring parusa o kagandahang-loob.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.